Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 11/15 p. 4-7
  • Masasapatan ba ng Relihiyon ang Ating Pangangailangan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Masasapatan ba ng Relihiyon ang Ating Pangangailangan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sinasapatan ang Ating Materyal na Pangangailangan
  • Bakit Dapat Maging Interesado sa Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Hanapin ang Kaharian, Hindi ang Materyal na mga Bagay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Nasapatan ba ng Relihiyon ang Ating Pangangailangan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Maging Masaya sa Trabaho Mo
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 11/15 p. 4-7

Masasapatan ba ng Relihiyon ang Ating Pangangailangan?

ANO ba ang ating kakainin? Ano ba ang ating iinumin? Ano ba ang ating daramtin? Lubhang kailangang masagot ang mga tanong na ito, lalo na kung mahirap na makuha ang pangunahing pangangailangan sa buhay. Gayunman, pansinin ang sinabi ni Jesu-Kristo: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o ano ang inyong iinumin, o kung tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong daramtin.” (Mateo 6:25) Kakatwa ba iyan kung pakikinggan? Kung sa bagay, kung sinuman ay nagkukulang ng pagkain, damit, at tahanan, ang kailangan ay ang pagkilos upang tulungan siya, hindi ang marahil inaakala ng iba na isang bukambibig ng isang taong relihiyoso.

Si Jesus ay hindi kulang ng simpatiya sa iba, ni ibig man niyang iwasan ang suliraning iyon. Damang-dama niya ang pangangailangan ng mga tao. Gayunman, batid din niya ang isang tunay na tunay na panganib. Kung tungkol sa pagtustos sa ating mga pangangailangan, napakadali na isentro ang ating buhay sa materyal na mga bagay at madama na ang Diyos ay hindi mahalaga. Kailangan na tayo ay may tamang pangmalas sa kung ano ang mga dapat unahin.

Mababatid natin kung ano ang mga dapat nating unahin kung susundin natin ang payo ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang [sa Diyos] na katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Kung susundin natin ang payong ito, ang relihiyon​—ang tunay na relihiyon na nakasalig sa katotohanan ng Bibliya​—ay maaaring makasapat sa ating pangangailangan.

Gayunman, hindi impraktikal ang sinabi ni Jesus, na anupa’t ang pagiging isa lamang sa kaniyang alagad at pagsunod sa kaniyang relihiyosong mga turo ay agad-agad lulutas sa lahat ng ating mga problema; hindi rin naman niya ipinangangahulugan na ang kaniyang mga alagad ay dapat na umupo na lamang at maghintay na ang Diyos ay maghimala upang bigyan sila ng kanilang mga pangangailangan. Aba, baka lahat ay maging Kristiyano na kung nangangahulugan iyan na sa isang iglap ay makalalaya buhat sa mga kahirapan sa buhay! Ang ibig sabihin ni Jesus ay na ang kaniyang Ama, si Jehovang Diyos, ang nagbibigay ng lahat ng kinakailangan upang matustusan ang lahat ng ating pangangailangan. Kaya naman sinabi rin ni Jesus: “Batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.”​—Mateo 6:32.

Sinasapatan din ni Jehova ang lahat ng ating mahalagang espirituwal na pangangailangan. Sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, tayo’y binigyan niya ng kinasihang patnubay na gagabay sa ating buhay sa pinakamagaling na paraan na maaari. (Isaias 48:17) Ang Diyos ay nagtatag ng isang samahan ng mga mananamba na nagbibigay ng tulong kung kinakailangan. (Gawa 4:34) Siya ay nakikialam din upang tulungan ang kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. (Lucas 11:13; Galacia 5:22-25) Gayundin, ang Diyos ay gumawa ng mga paglalaan upang ipanumbalik ang Paraiso sa lupa.​—Lucas 23:43; Apocalipsis 21:1-4.

Sinasapatan ang Ating Materyal na Pangangailangan

Isaalang-alang ngayon ang mga ilang simulain sa Bibliya na tumulong sa mga tao na masapatan ang kanilang materyal na pangangailangan. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat:

“Magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu.” (2 Corinto 7:1)

Isip-isipin ang lahat ng mga problema na maiiwasan natin kung iiwas tayo sa karumihan na maaaring idulot ng tabako, ilegal na mga droga, at iba pang mga bagay na nagpaparumi ng katawan. At anong lalong kabutihan ang idudulot sa atin kung hindi natin inaaksaya ang ating salapi, panahon, at pag-iisip sa imoral na mga babasahin at libangan na maaaring magparumi sa taglay nating espiritu!

Ang Kasulatan ay nagsasabi rin:

“Huwag kang sasama sa mga mapaglasing sa alak, sa mga matatakaw na mangangain ng karne. Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa karalitaan, at ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi.” (Kawikaan 23:20, 21)

Pansinin ang magiging resulta sa wakas ng paglalasing at katakawan​—karalitaan at pamumulubi. Marami sa ngayon​—kahit yaong mga taong lubhang relihiyoso​—ang nasa karalitaan dahil sa sila’y nagmamalabis sa pag-inom ng alak o sila’y sugapa na sa mga bagay na nagpaparumi ng katawan. Ang pag-iwas sa gayong mga bagay upang makasunod sa mga pamantayan ng Bibliya ay malaki ang magagawa upang tulungan tayo na masapatan ang ating pangangailangan sa pagkain, pananamit, at tahanan.

Ang isa pang simulain na tumulong sa mga Kristiyano upang sapatan ang kanilang pangangailangan ay makikita sa mga salita ni apostol Pablo:

“Kami’y may tiwala na malinis ang aming budhi, yamang kami’y naghahangad na maging mapagtapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18)

Dahil sa pagiging mapagtapat sa lahat ng kanilang pakikitungo maraming Kristiyano ang nakapaglalaang mainam para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya. Ito’y nakapagdulot sa kanila ng isang mabuting pangalan, at ang mga iba kung gayon ay lalong higit na nakikitungo sa kanila. Ang isang taong mapagtapat ay maaaring hindi laging mayaman sa materyal na mga bagay, subalit karaniwan nang taglay niya ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay at naiingatan niya ang kaniyang respeto sa sarili.

May malapit na kaugnayan dito ang payo:

“Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi bagkus magpagal, na iginagawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay.” (Efeso 4:28)

Ang pagkakapit ng simulaing ito ay tumulong sa marami upang makakuha ng trabaho at manatili roon dahil sa sila’y mapagkakatiwalaan. Kaya naman, kanilang natutustusan ang kanilang sarili at ang kanilang mga pamilya. Imbis na mahawahan sila ng espiritu ng sanlibutang ito, na nagkukunwaring bulag sa maraming mga gawang pandaraya, ang mga Kristiyano ay mapagtapat, at ito’y nagbubunga ng kabutihan.

Bilang halimbawa: Isa sa mga Saksi ni Jehova sa Hapón ay gustong magtrabaho ng iilan lang mga oras linggu-linggo upang magkaroon ng higit na panahon para sa espirituwal na mga aktibidad. Datapuwat, nang iharap niya ang ganitong kahilingan siya’y pinaalis sa trabaho ng kaniyang amo. Ang nangyari, ang ina ng kaniyang amo ay nagtanong: “Sinisante mo ba ang taong pinakamapagkakatiwalaan?” Ang mga bagay-bagay ay lalong sumamâ para sa Saksi nang mapinsala ang kaniyang likod sa paggawa ng ibang trabaho. Hindi nagtagal pagkatapos, nasalubong niya ang kaniyang dating amo, na nagkaproblema dahilan sa napag-alaman niya na isa sa kaniyang mga empleyado ay nagnanakaw ng ginto, platinum, at mga sing-sing sa kaniyang kompanya ng alahas. Kaagad hiniling ng among ito na ang Saksi’y bumalik sa kaniyang trabaho, at sa pagkakataong ito ay sariling mga kondisyon niya ang masusunod. Ibig ng taong iyon ang isang manggagawa na hindi nagdaraya.

Sang-ayon kay apostol Pablo, ang isang Kristiyano ay dapat “magpagal” hindi lamang upang matustusan ang kaniyang sarili kundi ‘upang may maibigay siya sa nangangailangan.’ (Efeso 4:28) Sa mga oras ng pangangailangan, ang mga tunay na Kristiyano ay handang tumulong sa iba. Isang pamilya sa Fiji ang nakaranas nito nang ang kanilang tahanan ay masalanta nang husto ng buhawi nang sila’y nasa isang kombensiyong Kristiyano. Nang sila’y umuwi na, ang nadatnan nila’y kagibaan sa magkabi-kabila. Subalit natagpuan din naman nila ang mga kapananampalataya nila na malugod na ginamit ang kanilang mga ari-arian upang mabigyan ang pamilyang iyon ng tirahan at ng tulong upang muling maitayo ang kanilang tahanan. “Isang kaaliwan,” ang sabi ng ama, “kung batid mo na mayroong mga Kristiyano na talagang nagmamalasakit sa iyo.”

Si Jesu-Kristo ay nakadama ng malaking simpatiya sa mga nangangailangan. Sa maraming okasyon, siya mismo ay tumulong sa mga nasa kahirapan. Mangyari pa, batid ni Jesus na habang ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay pinapayagang umiral, mananatili ang karalitaan at ang iba pang mga suliranin ng lipunan. (Juan 12:8) Kaya naman, bagaman malaki ang nagawa niya upang tulungan sa materyal na paraan ang mga tao, ang talagang tunguhin ng kaniyang ministeryo ay sapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan.

Nang isang lubhang karamihan ng nabusog na mga tao ang sumunod kay Jesus sa Capernaum, binigkas niya ang ganitong makahulugang pananalita: “Ako’y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo’y nagsikain ng tinapay at kayo’y nangabusog. Magsigawa kayo, hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang-hanggan, na ibinibigay sa inyo ng Anak ng tao.” (Juan 6:26, 27) Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus?

Ang ibig sabihin ni Jesus ay na may panganib na ang mga taong nakikisalamuha sa kaniya at sa kaniyang mga alagad ay dahilan lamang sa materyal na kapakinabangan. Subalit batid niya na ito’y hindi magdadala ng walang-hanggang kapakinabangan. Kaya’t sinabi niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay sa kanila. Maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila’y bubusugin.”​—Mateo 5:3, 6.

Bukod sa gutom sa materyal na pagkain, mayroong gutom sa katotohanan at sa espirituwal na mga bagay. Ang tunay na kaligayahan ay nakakamit pagka ang espirituwal na gutom na ito ay nasapatan. Ang Sangkakristiyanuhan ay nakalikha ng isang lipunan na materyalistiko ang kaisipan. Sa espirituwal na kadiliman naman iniwan ng mga relihiyon sa Silangan ang mga tao. Subalit ang tunay na pagsamba​—ang relihiyon ni Jesu-Kristo​—ang nagtakip sa espirituwal na pangangailangan ng mga tao. Ganoon din ang magagawa nito para sa iyo. Ang mga paglalaang ito ay magiging iyo kung kukuha ka nito.

Halimbawa, buhat sa isang Kristiyanong nagpapatotoo sa lansangan, isang binata sa Mauritius ang tumanggap ng mga sipi ng Ang Bantayan at ang kasamahang lathalain nito na Gumising! Nang sumunod na linggo, siya’y bumalik upang kumuha ng higit pang mga magasin. Kaniyang sinabi na siya’y nagbabalak na magpatiwakal dahilan sa kaniyang mga suliranin sa pananalapi, ngunit ang mga magasin ang tumulong sa kaniya na makilala na mayroong isang Diyos na nagmamalasakit sa atin. Noon ay nagsimula nang masapatan ang espirituwal na gutom ng binatang iyon.

Makikita ba natin ang panahon na lahat ng ating pangangailangan ay lubusang masasapatan? Ang Bibliya ay nangangako na magkakagayon nga. Totoo, ang mga tao ay sawâ na ng pagkarinig sa sunud-sunod na pangako ng lalong mabubuting bagay na darating. Malimit na sila’y dumaranas ng kabiguan lamang. Subalit tayo’y makapagtitiwala sa mga pangako ng Bibliya. Ang Awtor nito, si Jehovang Diyos, ang tumutupad ng bawat pangakong kaniyang ginagawa. Ito’y ipinahayag ni Josue nang kaniyang ipaala-ala sa kaniyang mga kapuwa Israelita: “Inyong talastas ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita na nagkulang sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos. Lahat ay natupad para sa inyo. Wala kahit na isang salita na hindi natupad.”​—Josue 23:14.

Ang talagang kalutasan ng lahat ng mga problema ay naroon sa katuparan ng kahanga-hangang mga pangako ng Diyos na linisin ang buong lupa. (Apocalipsis 11:18) Lahat ng ating mga pangangailangan ay masasapatan pagka isinauli na ng Kaharian ang Paraiso sa lupa, na tinutupad ang kaniyang orihinal na layunin para sa sangkatauhan. (Mateo 6:9, 10) At kung magkagayon ay hindi natin maririnig ‘ang hagulgol ng iyak o ang tinig ng pagdaing’ ng mga taong ang pangangailangan ay hindi masapatan. Sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto at pagkakapit ng mga simulain ng katuwiran, sila’y magtatamasa ng isang ganap at kasiya-siyang buhay.​—Isaias 65:17-25.

Si Maria, ang dating madreng Katoliko na binanggit sa may bandang unahan, ay nagtamo ng ganitong pagtitiwala. Natalos niya na siya’y namuhay sa espirituwal na kadiliman nang maraming taon, na pinangingibabawan ng takot tungkol sa hinaharap at hindi niya makita ang tunay na kahulugan ng buhay. Subalit pagkatapos makaalam ng katotohanan ng Bibliya lahat na iyan ay nabago. “Ako’y nanggaling sa dilim tungo sa ilaw na paliwanag nang paliwanag,” ang sabi niya. (Awit 43:3; Kawikaan 4:18) Ito’y hindi lamang tumulong sa kaniya na masapatan ang kaniyang materyal na mga pangangailangan kundi rin naman nakasapat sa kaniyang espirituwal na gutom at pagkauhaw. Oo, ang relihiyon​—ang tunay na relihiyon​—ang makasasapat sa ating pangangailangan.

[Larawan sa pahina 7]

Sasapatan ng tunay na relihiyon ang lahat ng ating pangangailangan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share