Bakit Dapat Maging Interesado sa Relihiyon?
SA BAWAT bansa sa balat ng lupa, may interes sa relihiyon. Sa kabilang panig, marami rin ang tahasang nagsasabing sila’y walang interes sa relihiyon. Subalit ganoon ba sa tuwina ang nadarama nila?
Ang kalikasan ng tao ay nagpapakita na ang isang tao ay hindi talagang kontento sa materyal na mga bagay lamang. Ang mga tao ay nangangailangan ng espirituwalidad. Ang araw-araw na pamumuhay na nakasentro lamang sa pagtatamo ng pisikal na mga pangangailangan, na may manaka-nakang panahon ng paglilibang, ay hindi lubusang makasasapat sa pinakapanloob na mga pangangailangan ng isang tao. Di-tulad ng mga hayop, ibig ng mga tao na malaman, ‘Ano ba ang layunin ng buhay?’ ‘Ganito na lamang ba ang maikling buhay na ito, na punô ng kagandahan ngunit lipos din ng mapapangit na bagay?’ Hindi ka ba nagtatanong ng gaya ng mga ito?
Gayunman, angaw-angaw na tao na nabubuhay ngayon ang lumaki sa mga kapaligiran na sumisira sa anumang makabuluhang interes sa relihiyon. Ang impluwensiyang iyan ay maaaring nanggaling sa kanilang mga magulang, mga guro, mga kaedad, o maging sa pamahalaan.
Si Skalabrino, isang kabataang lalaki na taga-Albania, ay nagpaliwanag na sa ilalim ng pamamahalang Komunista ang mga tao ay tinuruan na walang Diyos. Isa pa, mapanganib para sa kanila na makipag-usap tungkol sa relihiyon; ang paggawa ng gayon ay maaaring humantong sa pagkabilanggo. Gayunman, noong 1991, nang nasa Switzerland bilang isang takas, siya’y binigyan ng pagkakataon na mag-aral ng Bibliya. Kaniyang tinanggap iyon. Bakit?
Buweno, sa Albania ay nabalitaan niya na may gayong aklat na gaya ng Bibliya, ngunit wala siyang talagang alam tungkol doon. Sa gayon, sa pasimula maaaring hindi ang hangaring maunawaan ang Bibliya ang pangunahin nang nag-udyok sa kaniya. Bagaman siya’y sinabihan na pag-aaralan niya ang tungkol sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa, nakita rin niya iyon bilang isang pagkakataon upang mapasulong ang kaniyang paggamit ng lokal na wika. Subalit, agad niyang nasumpungan na ang natututuhan niya ay nakasapat sa isang matinding panloob na espirituwal na pagnanasa sa ganang kaniya. Naantig ang kaniyang puso dahil sa pangako ng Diyos na isang bagong sanlibutan na may kapayapaan, isang sanlibutan na kung saan ang mga tao ay maaaring mabuhay magpakailanman at magtamasa ng kasaganaan sa lahat ng bagay na kailangan para mabuhay. Sumidhi ang kaniyang interes nang mapag-alaman niya na siya at ang kaniyang pamilya ay maaaring maging bahagi ng bagong sanlibutang ito. Palibhasa’y hindi niya maatim na sarilinin ang mabuting balita, siya’y tumilepono sa kaniyang pamilya sa Albania upang ibalita iyon sa kanila.
Si Aleksei, na naninirahan sa Russia, ay nagtaka rin sa maaaring maging epekto ng tumpak na kaalaman sa Bibliya sa buhay ng isang tao. Palibhasa’y nadaraig ng mga problema at hindi makakita ng kasiya-siyang paliwanag tungkol sa layunin ng buhay, siya’y nagbalak na magpatiwakal. Subalit, naparoon muna siya sa Pinlandya upang dumalaw sa isang kaibigan. Samantalang sakay ng tren patungo roon, binanggit niya sa ilang kapuwa pasahero ang tungkol sa kaniyang problema. Isa sa kanila ay Saksi ni Jehova, na humimok sa kaniya na mag-aral ng Bibliya dahil nagbibigay iyon ng solusyon sa gayong mga problema. Siya ay may-alinlangan. Nang naglalakbay pauwi, nagkaroon siya ng nakakatulad na karanasan. Ngayon ay isa pang Saksi ang nagsalita at sinabi sa kaniya na siya’y dumanas din ng gayong uri ng mga problema subalit nakatulong sa kaniya ang Bibliya upang mapagtagumpayan ang mga ito. Kaniyang hinimok din si Aleksei na mag-aral ng Bibliya. Nang siya’y makauwi na, tumunog ang telepono. Iyon pala ay isa pang kaibigan, na nakikipag-aral sa mga Saksi at maligayang-maligaya. Ang lalaki ay nagsimulang mag-isip na marahil ang Bibliya ay talagang makapagbibigay ng kaniyang kinakailangan, ngunit batid niya na kung hindi siya tutulungan ay hindi niya mauunawaan iyon. Pumayag siya na regular na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at siya’y nagsimulang dumalo sa kanilang mga pulong. Hindi nagtagal at naunawaan niya kung bakit yaong mga hinuhubog ang kanilang buhay ayon sa itinuturo ng Bibliya ay napakaliligaya, kahit na sila ay nakaharap din sa mga problema na karaniwan sa tao.
Taglay ang matalinong unawa sa kalikasan ng tao, sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang tao ay hindi mabubuhay kung sa tinapay lamang.” (Mateo 4:4, The New English Bible) Sinabi rin niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Sila’y maligaya sapagkat sila’y totoong palaisip sa kanilang pangangailangan, gumagawa ng wastong hakbang upang iyon ay masapatan, at nararanasan nila ang pagpapala ng Diyos. Gayunman, ang ating espirituwal na pangangailangan ay hindi nasasapatan sa pamamagitan ng pagiging miyembro lamang ng isang iglesya o ng pagdalo sa ilang serbisyong relihiyoso. Ang relihiyon na mga ritwal ang kalakhang bahagi ay maaaring makapukaw ng damdamin, subalit naglalaan ba iyon ng makatotohanang mga solusyon sa mga suliranin sa buhay? Kahit na ang relihiyon ay nagtataguyod ng ilang saligang alituntunin na mabuti, kung hindi nagbibigay ng tunay na kaunawaan tungkol sa tunay na layunin sa buhay, masasapatan kaya nito ang iyong espirituwal na pangangailangan? Higit na dapat ikabahala, ang pagsasagawa ba ng gayong relihiyon ay aakay tungo sa isang mabuting kaugnayan sa Diyos? Kung wala iyan, ang isa’y hindi magkakaroon ng tunay na kaligayahan.
Sa bagay na ito maraming tao ang naghahanap ng isang bagay na hindi pa nila nasusumpungan.
[Larawan sa pahina 3]
Talaga bang masasapatan ang iyong espirituwal na mga pangangailangan sa pamamagitan ng pagiging miyembro ng isang iglesya?
[Larawan sa pahina 4]
Nasumpungan ng marami na kapag naunawaan na nila ang Bibliya, nagkakaroon ng bagong kahulugan ang buhay