Pagpaparangal sa Diyos ng Pag-asa
“Sinasabi ni Jehova . . . ‘Yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalan, at yaong mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.’ ”—1 SAMUEL 2:30.
1. Anong dahilan mayroon tayo na magnais parangalan si Jehova? (1 Timoteo 1:17; Apocalipsis 4:11)
DAHIL sa mga pagkakataon na maaari nating kamtin, salig sa Bibliya, lubusang nababagay at makatuwiran na parangalan natin “ang Diyos ng pag-asa,” “ang Diyos na nagbibigay ng pag-asa.” (Roma 15:13, King James Version; New World Translation) Bakit nga ganiyan? Paano tayo, na pagkaliit-liit, na mga taong hindi sakdal, ay makapagpaparangal sa Dakilang Maylikha ng buong uniberso? At tayo ba naman ay pararangalan din niya?
2. Ano ang nadama ni Jesus tungkol sa pagpaparangal sa Diyos?
2 Mapag-aalaman natin iyan buhat sa nangyari kay Jesus. Walang sinuman sa atin ang makapagtatatuwa na sa tuwina’y nais ni Jesus na ang kaniyang Ama ay parangalan, luwalhatiin. (Juan 5:23; 12:28; 15:8) Ang totoo, tinuligsa ni Jesus ang mga eskriba at mga Fariseo na ‘nagpaparangal sa Diyos ng kanilang mga labi ngunit ang mga puso’y malayung-malayo sa kaniya.’ Pakipansinin, ang hindi nila pagpaparangal sa Diyos ay kaugnay ng di-nararapat na mga motibo at mga pagkilos. (Mateo 15:7-9) Subalit, masasabi ba natin na sa pagpaparangal ni Kristo sa Diyos ay kasangkot ang kaniyang pag-asa? At paano naman tumugon si Jehova sa gayong pagpaparangal sa kaniya?
3. Paano natin nalalaman na si Jesus ay umasa kay Jehova?
3 Isinapuso ni Jesus ang mga salita ni David sa Awit 16:10: “Ang aking kaluluwa’y hindi mo iiwan sa Sheol. Ang iyong banal ay hindi mo papayagang mapasa-hukay.” Dahilan sa taglay ni Jesu-Kristo ang pag-asang ito na siya’y bubuhaying-muli, kaya naman nasabi niya ang nagpapaalab-damdaming mga salita sa isang manlalabag-batas na nakabayubay sa tabi niya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:39-43) Ang manlalabag-batas na iyon ay namatay naman agad, kaya pagkatapos ng tatlong araw ay hindi niya nasaksihan ang katuparan ng pag-asa ni Jesus na pagkabuhay-muli. Subalit isang nakasaksi ang nag-ulat: “Ang Jesus na ito’y binuhay-muli ng Diyos, at tungkol sa katotohanang ito’y mga saksi kaming lahat.” (Gawa 2:31, 32) Iyon ay isang katotohanan.
4. Sa anong karangalan naging karapat-dapat si Jesus at anong karangalan ang tinanggap niya? (Apocalipsis 5:12)
4 Marami sa karaniwang mga tao na pinaglingkuran ni Jesus ang nakakaalam na siya’y karapat-dapat sa karangalan o paggalang. (Lucas 4:15; 19:36-38; 2 Pedro 1:17, 18) At nangyari na siya’y namatay na mistulang isang salarin. Iyan ba ay bumago sa mga bagay-bagay? Hindi, sapagkat taglay ni Jesus ang pagsang-ayon ng Diyos na pinaglagakan niya ng pag-asa. Kaya naman, siya’y binuhay-muli ni Jehova. Ang bagay na binuhay-muli ng “Diyos ng pag-asa” ang kaniyang Anak at binihisan siya ng kawalang-kamatayan sa dako ng mga espiritu ay nagpapatunay na patuloy na pinararangalan ng Ama ang kaniyang Anak. Sinabi ni Pablo: “Namalas natin si Jesus . . . na pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan dahil sa pagdaranas ng kamatayan, upang siya sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos ay tumikim ng kamatayan para sa bawat tao.”—Hebreo 2:7, 9; Filipos 2:9-11.
5. Sa anong pantanging paraan pinarangalan si Jesus, na ang resulta’y anong karagdagang karangalan sa Diyos?
5 Si Jesus, na nagparangal kay Jehova, ay bumanggit ng isang pantanging paraan na sinunod niya sa pagpaparangal sa Ama. Nang siya’y magpakita sa kaniyang tapat na mga apostol, sinabi niya: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa. Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu . . . Narito! Ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:18-20) Kaya binigyan ng Ama ng karagdagang karangalan ang Anak sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kaniya ng natatanging kapamahalaan. Ito’y inilaang gamitin alang-alang sa mga tao na gagawa ng isang gawaing magdadala ng karangalan sa Isa na pinararangalan ni Jesus. Kung gayon, ito ba’y nangangahulugan na tayong di sakdal na mga tao ay maaaring sa isang paraan magparangal sa Ama at tayo naman ay parangalan niya?
Ang mga Tao ay Nagpaparangal sa Diyos
6. Angkop ba na maghangad na tayo’y parangalan, subalit ano ang panganib nito? (Lucas 14:10)
6 Karamihan ng mga tao ay malayong mag-isip na ang Diyos muna ang parangalan, sapagkat sila’y lalong higit na interesado sa pagkakamit sa karangalan para sa kanilang sarili. Mayroon pa ngang nagsasabi na normal lamang para sa atin na magnais na tayo’y parangalan. Mayroong bahagyang katotohanan ito, yamang normal na magnasa ng isang mabuting pangalan, na may taglay na karangalan. (1 Timoteo 3:2, 13; 5:17; Gawa 28:10) Gayunman, ang paghahangad ng karangalan buhat sa mga tao ay maaaring sumobra. Ito’y makikita sa marami na nagsisikap mapabantog sa pamamagitan ng anumang kaparaanan o kanilang gagawin ang anupaman upang makaligtas lamang sa kahihiyan.
7. Bakit napakaliit lamang ang mapapakinabang buhat sa pagpaparangal ng mga tao?
7 Kung pag-iisipan nga naman, kahit na ang pinakamalaking karangalan buhat sa mga tao ay pumapanaw, sapagkat lahat sa malao’t madali ay nangamamatay. Oo, ang alaala ng mga ilang bayani ay marahil pinararangalan sandali, subalit karamihan ng mga nangamatay ay nakakalimutan na. Ilan bagang mga tao ang nakakaalam ng mga pangalan ng kanilang kanunununuan o nakakaalam kaya kung sino ang mga lider ng kanilang bansa mga isang daang taon na ngayon ang nakalipas? Ang totoo, nabuhay man o hindi man nabuhay ang isang tao ang gayon ay hindi bumabago ng mga bagay-bagay. Siya ay isa lamang pagkaliit-liit na butil ng alabok sa timbangan ng panahon, isang pagkaliit-liit na patak sa ilog ng buhay. At kahit na kung siya man ay parangalan nang sandali pagkamatay niya, hindi na naman niya nalalaman iyon. (Job 14:21; 2 Cronica 32:33; Eclesiastes 9:5; Awit 49:12, 20) Ang tanging mahalaga ay kung mayroon ka ng pag-asang ibinibigay ng Diyos, pinararangalan siya, at ikaw naman ay pinararangalan niya. Makikita natin ito sa buhay ng dalawang taong magkasabay na nabuhay sa sinaunang Israel.
8. Si Eli ay nahulog sa anong silo tungkol sa pagpaparangal?
8 Si Eli ay isa rito. Siya’y naglingkod sa Diyos sa pantanging puwesto bilang mataas na saserdote nang may 40 taon at nagkapribilehiyo rin siya na maging hukom sa Israel. (1 Samuel 1:3, 9; 4:18) Gayumpaman, nang sumapit ang panahon ay nagpakita siya ng kahinaan may kaugnayan sa kaniyang mga anak na si Hophni at Pinehas. Bagama’t sila’y saserdote, sila’y nag-abuso ng kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagnanakaw ng mga bahagi ng mga hain at ng pagkahulog sa imoralidad. Nang walang gaanong ginawa ang kanilang ama kundi bahagyang pintasan ang kanilang ginawa, sinabi ng Diyos na si Eli ay ‘nagparangal sa kaniyang mga anak higit kaysa akin.’ Ipinangako ni Jehova na ipagpapatuloy niya ang pagkasaserdoteng Aaroniko, ngunit kaniyang ihihiwalay ang sambahayan ni Eli sa tungkulin na pagkamataas na saserdote. Bakit? Ipinaliwanag ng Diyos: “Yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalan, at yaong mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.”—1 Samuel 2:12-17, 29-36; 3:12-14.
9. Paanong si Samuel ay binigyan ng pagkakataon na magparangal kay Jehova?
9 Kabaligtaran nito si Samuel. Malamang na alam mo na sa kabataan pa lamang ay dinala siya ng kaniyang mga magulang sa tabernakulo sa Shiloh upang maglingkod doon. Isang gabi si Jehova ay nagsalita sa bata. Marahil ay nawiwili kang basahin ang paglalahad na ito sa 1 Samuel 3:1-14, ginuguniguni na ang batang ito’y ginising, hindi ng isang dumadagundong na ingay, kundi ng isang mababang tinig na ipinagkamali niya na tinig ng matanda nang si Eli. Pagkatapos ay isipin mo kung gaano ang kakilabutan ng batang si Samuel dahil sa kailangang sabihin niya sa matanda nang mataas na saserdote ang determinasyon ng Diyos na parusahan ang sambahayan ni Eli, Gayunman ay ginawa iyon ni Samuel; kaniyang pinarangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagtalima.—1 Samuel 3:18, 19.
10. Dahil sa pagpaparangal ni Samuel sa Diyos, paano naman siya pinarangalan ng Diyos?
10 Pinarangalan ni Samuel si Jehova sa loob ng maraming taon bilang isang propeta, at pinarangalan naman siya ng Diyos. Pansinin ito sa 1 Samuel 7:7-13. Si Jehova ay dagling tumugon sa panalangin ni Samuel na tulungan siyang magapi ang mga Filisteo. Hindi mo ba madaramang ikaw ay pinararangalan sa gayong pagtugon sa iyo ng Diyos? Nang ang mga anak ni Samuel ay hindi sumunod sa kaniyang pangunguna, siya’y hindi tinanggihan ng Diyos gaya ng pagkatanggi kay Eli. Maliwanag na ito’y dahil sa ginawa ni Samuel ang lahat ng kaniyang magagawa upang parangalan ang Diyos. Upang higit pang ipakita ito, hindi sumang-ayon si Samuel sa kahilingan ng bayan na bigyan sila ng isang haring tao. (1 Samuel 8:6, 7) Ginamit ng Diyos si Samuel upang pahiran ng langis kapuwa si Saul at si David. Nang mamatay si Samuel, siya’y pinarangalan ng Israel sa pamamagitan ng pamimighati sa kaniya. Subalit, ang lalong mahalaga ay pinarangalan siya ng Diyos sa pamamagitan ng pagbanggit sa kaniya sa Bibliya kabilang ng mga taong may pananampalataya na pagpapalain sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kanila at pagkakaloob ng mabubuting bagay na inilaan sa kanila ng Diyos. (Awit 99:6; Jeremias 15:1; Hebreo 11:6, 16, 32, 39, 40) Hindi baga ito nagpapakita na ang pagpaparangal sa “Diyos ng pag-asa” ay totoong mahalaga?
Pararangalan Mo ba “ang Diyos ng Pag-asa”?
11, 12. Ano ang kailangan natin upang maisaalang-alang ang pagpaparangal kay Jehova, at ano ang isang paraan upang magawa natin iyan?
11 Ang mga kaso ni Jesus at ni Samuel, bilang dalawa lamang halimbawa sa Bibliya, ang nagpapatunay na ang pagpaparangal ng mga tao sa kanilang “Diyos ng pag-asa” ay maaaring unahin nila sa buhay. At ang dalawang kasong iyan ay nagpapakita na sa pamamagitan ng paggawa natin nito ay angkop na tayo’y makahahanap at makatatanggap ng karangalan buhat sa Diyos. Subalit paano mo magagawa ito na may makatuwirang kasiguruhan sa makalulugod ka sa Diyos, ikaw ay pararangalan niya, at makakamit mo ang katuparan ng iyong salig-sa-Bibliyang pag-asa?
12 Ang pagkakaroon ng isang tunay, magalang na pagkatakot na hindi ka makalugod sa Diyos ang isang paraan. (Malakias 1:6) Malamang na agad sasang-ayon tayo sa pangungusap na iyan. Gayunman, alalahanin ang mga anak ni Eli. Kung iyong tinanong sila kung ibig nilang magparangal sa Diyos sa pamamagitan ng magalang na pagkatakot sa kaniya, malamang na sasagot sila ng oo. Ang problema ay naroon sa paglalakip ng mga gawa sa ating pagnanasang magparangal sa Diyos sa pamamagitan ng pagkatakot sa kaniya sa araw-araw nating pamumuhay.
13. Magbigay ng halimbawa kung paanong ang pagnanasang magparangal sa pamamagitan ng pagkatakot sa kaniya ay makatutulong sa atin.
13 Kung tayo’y napapaharap sa isang tukso na magnakaw o gumawa ng anumang seksuwal na imoralidad nang hindi nalalaman ng iba, ang atin bagang pagnanasang magparangal sa Diyos ay makakaapekto sa ating mga kilos? Dapat nating pagyamanin ang damdaming, ‘Kahit na kung walang makaalam ng ginawang pagkakasala, ang aking pagbibigay-daan sa gayong kasalanan ay isang kasiraan sa “Diyos ng pag-asa” na ang pangala’y dinadala ko.’ At ang katotohanan ay na mabubulgar din balang araw ang kamaliang iyon, gaya ng kung paano napabulgar ang mga bagay na ginawa ng mga anak ni Eli. Ito’y pinatutunayan ng mga salita ni Pablo tungkol sa “matuwid na paghuhukom ng Diyos”: “Kaniyang bibigyan ang bawat isa ayon sa kaniyang mga gawa: buhay na walang-hanggan sa nagtitiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at kapurihan at di pagkasira sa pamamagitan ng pagtitiis sa gawain na mabuti; subalit, para sa mga palaaway at hindi masunurin sa katotohanan kundi bagkus sumusunod sa kalikuan ang sasa-kanila ay galit at kapootan.”—Roma 2:5-8.
14. Ano ang isa pang paraan na sa pamamagitan niyaon ay ating mapararangalan ang Diyos, at ano ang maaaring itanong natin sa ating sarili?
14 Sa kabilang panig, binanggit ni Pablo ang pakikibahagi “sa gawain na mabuti,” na nagpaparangal sa Diyos at ang resulta’y “kaluwalhatian at karangalan” para sa kaniya. Ang isang mahalagang gawain na may ganitong uri ngayon ay yaong binanggit ni Jesus sa Mateo 28:19, 20: ‘Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, bautismuhan sila at turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.’ Sa buong lupa, angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova ang aktibo sa nagpaparangal sa Diyos na gawaing ito ng pangangaral at pagtuturo. Marami ang pumapasok pa nga sa buong panahong ministeryo bilang mga payunir, nang permanente o dili kaya’y kung nagbabakasyon buhat sa sekular na trabaho o sa paaralan. Taglay ito sa isip, bawat isa sa atin ay kapaki-pakinabang na makapagsasaalang-alang kung paano siya nakatayo kung tungkol sa gawaing ito. Halimbawa, maitatanong mo, ‘Ako ba’y nagpaparangal sa “Diyos ng pag-asa” sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang lubos na bahagi sa gawaing pangangaral?’
15. Ano ba ang nangyari sa mga ilang Kristiyano kung tungkol sa pagpaparangal kay Jehova sa pamamagitan ng pangmadlang ministeryo?
15 Ang ilang mga Kristiyano na kung mga ilang taon nang aktibong mga mangangaral ay unti-unting bumagal. Kanilang nakaugalian na ang pagkakaroon ng maliit o paminsan-minsan na pakikibahagi sa importanteng gawaing paggawa ng mga alagad. Hindi ang tinutukoy namin ay yaong indibiduwal na may mga kapansanan sa pangangatawan at naging mabagal na ngayon dahilan sa mga epekto ng katandaan. Bukod sa kanila, may mga Saksi na mayroong sarisaring edad ang makikita na naging mabagal. Kapansin-pansin, ang tinutukoy ni Pablo ay hindi isang grupo na may ganito’t ganoong edad nang siya’y magbabala sa mga Kristiyano laban sa ‘panghihimagod.’ Kundi, anuman ang edad ng isang tao, ang pinaka-diwa ng bagay na iyan ay na kailangan ang pagpapagal kung ibig ng isa na regular na makibahagi sa ministeryo. Gaya ng malinaw na nangyari noong kaarawan ni Pablo, ang mga iba sa ngayon ay nangangatuwiran, ‘Nagawa ko na ang aking bahagi sa lumipas na mga taon, kaya ngayon ang mga baguhang Kristiyano naman ang maaaring magpagal.’—Galacia 6:9; Hebreo 12:3.
16. Bakit maaari tayong makinabang buhat sa pagsusuri sa sarili sa bagay na ito?
16 Yaong mga taong naapektuhan sa ganitong paraan ay tunay na nasa minoridad, subalit maaaring itanong mo, ‘Prangkahan bang nakikita kong mayroon akong ganiyang hilig? Paano ngang ang aking bahagi sa ministeryo ay maihahambing sa nagawa ko noong nakaraan?’ Sa bumagal man tayo o hindi, isaisip nating lahat na ang ating “Diyos ng pag-asa” ay nangangako na magbibigay ng “kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan para sa bawat taong gumagawa ng mabuti.” (Roma 2:10) Ang ginamit ni Pablo ay isang salitang Griego na nangangahulugang “gumawa ng isang bagay, makagawa, makaganap.” Anong halaga nga na iwasan natin ang gaya ng ginawa ng mga Fariseo at eskriba, na sa labi lamang nagparangal sa Diyos! (Marcos 7:6; Apocalipsis 2:10) Sa kabaligtaran, kung bukal sa ating puso ang aktibong pakikibahagi natin sa pangmadlang ministeryo, pinatutunayan natin sa ating sarili at sa mga iba na tayo’y may tunay na pag-asa. Ating pinararangalan ang ating Maylikha at Tagapagbigay-Buhay. Tayo’y napapalagay sa hanay ng mga pararangalan niya, ngayon at sa walang-hanggan.—Lucas 10:1, 2, 17-20.
Ng Ating Ari-arian
17, 18. Ano ang isa pang paraan upang maparangalan natin ang Diyos, at bakit ang hindi paggawa niyaon ay hindi matuwid?
17 Tungkol sa isa pang paraan na sa pamamagitan niyao’y mapararangalan natin ang ating “Diyos ng pag-asa,” ang Kawikaan 3:9 ay nagsasabi: “Parangalan mo si Jehova ng iyong ari-arian at ng mga unang bunga ng lahat mong ani.” Ganito ang pagkasabi ni Spurrell sa talatang ito: “Luwalhatiin mo si Jehova ng iyong kayamanan, at ng pinakamagaling sa lahat mong inaani.”—A Translation of the Old Testament from the Original Hebrew.
18 Palibhasa’y iba’t ibang mga klerigo ang napabantog dahil sa kanilang sobrang kasakiman at maluhong pamumuhay, marami na ang tumatangging magbigay sa mga simbahan at mga organisasyon ng relihiyon na ang layon ay maliwanag na waring ang pagpapayaman lamang. (Apocalipsis 18:4-8) Subalit, ang gayong mga pag-aabuso ay hindi bumabago ng katotohanan na sinasabi ng Kawikaan 3:9. Kasuwato ng kinasihang payo na iyan, paano nga natin magagamit ang ating “ari-arian” upang ‘parangalan si Jehova,’ ang ating “Diyos ng pag-asa”?
19. Magbigay ng halimbawa kung paano ikinapit ng iba ang Kawikaan 3:9.
19 Nakikita ng mga Saksi ni Jehova na dahil sa dumaraming mga tao na tumutugon sa balita ng Kaharian ay kailangan ang pagpapalawak ng mga Kingdom Hall o ang pagtatayo ng panibago. Narito, kung gayon, ang isang paraan upang ‘luwalhatiin si Jehova ng iyong kayamanan.’ Ang mga kabataan at pati matatanda na ay nakibahagi sa paggawa nito, tulad halimbawa sa pamamagitan ng personal na pagpapasiyang mag-abuloy sa mga pondo para sa pagtatayo. Upang maitaguyod ang gayong lihim na pagpapasiya kailangan marahil ang personal na disiplina o kaya’y ang pagsasakripisyo, lalung-lalo na kung ang pagpaplano at pagpapatapos ng isang proyekto sa pagtatayo ay nangangailangan ng mahabang panahon. (2 Corinto 9:6, 7) Gayunman, ang paggamit ng salapi sa ganitong paraan ay tunay na nagpaparangal kay Jehova, sapagkat ang mga Kingdom Hall ay mga dako na kung saan sumasamba sa kaniya ang mga Kristiyano at kung saan sila at ang kanilang mga kasama ay nagkakamit ng kaalaman sa Diyos. Ang salita ni Jesus sa Mateo 6:3, 4 ay nagbibigay sa atin ng mabuting dahilan na magtiwala na pararangalan ng Diyos yaong mga nagpaparangal sa kaniya.
20. (a) Bakit dapat ang pagsusuri sa sarili sa pagkakapit ng Kawikaan 3:9? (b) Anong mga tanong ang maaari nating itanong sa ating sarili?
20 Gayunman, narito ang isang paalaala: Ang mga Fariseo at mga eskriba, na sang-ayon kay Jesus ay hindi ang pagpaparangal sa Diyos ang inuuna noon, ay sumiguro na sila ang mga unang-unang makikinabang sa kanilang kayamanan. Kaya ang payo sa Mateo 15:4-8 ay nagsasabi na ating suriin ang ating sarili kung tungkol sa ‘pagpaparangal kay Jehova ng ating ari-arian.’ (Jeremias 17:9, 10) Halimbawa, ang isang Kristiyano na medyo yumaman dahil sa kaniyang negosyo ay baka mangatuwiran na kailangang magpatuloy siya ng pagtatrabaho nang buong panahon upang kumita pa ng higit. Baka ganito ang kaniyang ikatuwiran, ‘Ang mga iba’y pumapasok sa pagpapayunir o lumilipat sa ibang lugar upang maglingkod kung saan lalong higit na kailangan ang mga mangangaral, subalit ang aking natatanging paraan ng paglilingkod sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagkita ng higit pa at pagkatapos ay pagkakaroon ng maraming pera na iaabuloy.’ Ang kaniyang mga abuloy ay marahil malaki ang magagawa. Subalit makabubuting itanong niya sa kaniyang sarili, ‘Sa akin bang personal na istilo ng pamumuhay ay mababanaag na ang paggamit sa salapi sa pagpaparangal sa Diyos ang aking pangunahing motibo sa pagkita ng higit at higit pang salapi?’ (Lucas 12:16-19; ihambing ang Marcos 12:41-44.) At, ‘Maisasaayos ko kaya ang aking pamumuhay upang ako’y magkaroon ng lalong malaking bahagi sa pinakamahalagang gawain para sa kaarawan natin—ang pangangaral ng mabuting balita?’ Ang totoo, anuman ang kalagayan natin sa buhay, maaari nating suriin ang ating mga motibo at mga kilos at magtanong sa aking sarili, ‘Paano ko kaya lalo pang mapararangalan ang aking Tagapagbigay-Buhay at “Diyos ng pag-asa”?’
21. Anong magandang pagkakataon mayroon tayo kung ating pararangalan si Jehova ngayon?
21 Hindi tayo bibiguin ni Jehova. Anong gandang pagkakataon ngayon at patuloy pa sa hinaharap, pagka sinabi niya sa atin ang gaya ng sinabi niya sa tapat na Israel: “Yamang ikaw ay naging mahalaga sa aking paningin, ikaw ay itinuring na kagalang-galang at aking inibig ka”! (Isaias 43:4) Ang Isa ring iyan ang nangangako na magkakaloob ng “buhay na walang-hanggan sa mga humahanap ng kaluwalhatian at karangalan.” Ang pangakong ito ay kaniyang inihahatid sa mga taong nagtitiis “sa gawang mabuti.” Anong kahanga-hangang “Diyos ng pag-asa”!
Paano Mo Sasagutin?
◻ Tungkol sa pagpaparangal ng mga tao kay Jehova, ano ba ang matututuhan natin buhat sa halimbawa ni Jesus?
◻ Paano nagkakaiba si Eli at si Samuel tungkol sa pagpaparangal sa Diyos?
◻ Ano ang ilan sa mga paraan na sa pamamagitan niyaon ay mapalalawak mo pa ang karangalan na idinudulot mo sa Diyos, at anong tugon ang maaaring tanggapin mo?
◻ Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga taong ang inuuna’y ang pagpaparangal sa ating “Diyos ng pag-asa”?
[Kahon sa pahina 20]
MGA LIHAM TUNGKOL SA MGA ABULOY
Narito ang mga ilang bahagi ng mga liham na tinanggap ng opisina ng Watch Tower Society sa Brooklyn, New York:
“Ang pangalan ko po ay Abijah. Ako’y siyam na taóng gulang. Nais ko pong mag-abuloy sa inyo ng $4 para sa mga kapatid na gumagawa sa mga Kingdom Hall. Puwede nilang ibili ito ng tabla o ng kendi, sang-ayon po ako.”—Oregon.
‘Kalakip po nito ang aking personal na tseke. Ako’y mahigit nang 96 anyos at halos hindi makarinig, ngunit talagang natutuwa po akong magtabi ng halaga para rito. Opo, batid ko, ang sasakyan ko’y isang segunda manong kotse, at hindi ako rito sa Florida o California nagpapalipas ng taglamig. Nakagagawa po ako ng bahagya upang makapangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa pamamagitan ng pagtuktok sa mga pinto. Pero sa pagtatabi ng pera at pagpapadala nito sa inyo, nadarama ko na mayroon pa rin akong bahagi rito.’—Ohio.
‘Salamat po sa lahat ng ginawa ninyo para sa Kingdom Hall. Ang perang ito [$5] ay upang magsilbing tulong sa inyo kapalit ng mga aklat at ng The Watchtower na inilaan ninyong basahin namin. Ang pera ay galing sa aking alkansiya. Salamat po sa School brosyur na nagsasabi sa amin ng tungkol sa mga bawal na gamot.’
“Kalakip po nito ay isang tseke. Ang dalawang daang dolyar nito ay para sa Kingdom Hall Building Fund. Ang natitira naman ay gagamitin sa anumang paraan na minamabuti ninyo upang maitaguyod ang gawaing pangangaral.”—Missouri.