Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 1/15 p. 3-6
  • Talaga Bang Nakakausap Nila ang mga Patay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Talaga Bang Nakakausap Nila ang mga Patay?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Nangyari Kung Tungkol kay Saul?
  • Talaga Kayang Posible Iyan?
  • Subalit Ano ang Pinanggagalingan?
  • Kailangan Pa bang Makipag-usap sa mga Patay?
  • Matutulungan ba ng Patay ang Buháy?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Espiritismo
    Gumising!—2014
  • Matutulungan ba ng Patay ang Buháy?
    Gumising!—2012
  • Ang Masasamang Espiritu ay Makapangyarihan
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 1/15 p. 3-6

Talaga Bang Nakakausap Nila ang mga Patay?

ANG mga koponan ng soccer sa Brazil ay kung minsan humihingi ng tulong sa pamamagitan ng mga espiritistang medyum. Bakit? Upang sila’y mapayuhan dahilan sa pangamba na baka manalo ang kalaban nilang koponan. Sang-ayon sa isang pahayagan, ang “oportunidad na makipagtalastasang tuwiran sa mga bagay na mahiwaga dahil sa paghahanap ng kalutasan sa lahat ng uring mga problema ay totoong nakakaimpluwensiya sa angaw-angaw na mga tao.” Sa mga ilang bansa, matataas na tungkuling mga pulitiko, mga artista, at mga negosyante ang palagiang kumukunsulta sa mga espiritu. Sa pagsisikap na humanap ng lunas o malutas ang isang suliranin sa pananalapi, marami ang sumusubok na kumunsulta sa mga patay, na pinaniniwalaan na lalong higit na marurunong.

Subalit wasto ba na subukang makipag-usap sa mga patay? Talaga bang posible na makipag-usap sa kanila? At mayroon bang mga panganib na kasangkot? Marahil ay magtataka ka na malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya.

Ano ang Nangyari Kung Tungkol kay Saul?

Isaalang-alang ang karanasang ito sa tunay na buhay na nasusulat sa Bibliya: Dahil sa takot sa mga kaaway na Filisteo, si Haring Saul ng sinaunang Israel ay humanap ng isang espiritistang medyum sa En-dor. Kaniyang hiniling sa babaing iyon na kausapin ang namatay na propetang si Samuel. Nang marinig niya ang paglalarawan ng babae tungkol sa isang matandang lalaking nakasuot ng isang kasuotang walang manggas, inakala ni Saul na ang nakita niyang ito’y si Samuel. At ano ba ang mensahe? Ang Israel ay ibibigay sa mga kamay ng mga Filisteo, at kinabukasan si Saul at ang kaniyang mga anak ay makakapiling ni “Samuel,” na nagpapakita na sila’y mamamatay samantalang nakikipagbaka sa mga Filisteo. (1 Samuel 28:4-19) Ganoon nga ba ang nangyari?

Hindi eksaktong ganoon. Si Saul ay malubhang nasugatan sa pakikipagbaka sa mga Filisteo, subalit siya’y namatay dahil sa pagpapatiwakal. (1 Samuel 31:1-4) At kaiba sa inihula na nagpapahiwatig na lahat ng mga anak ni Saul ay mamamatay na kasama niya, ang kaniyang anak na si Ish-bosheth ay natirang buháy.

Subalit wasto ba na unang-una’y sumangguni sa mga patay? Hindi, hindi nga. Ang Kasulatan ay nagsasabi sa atin: “Si Saul ay namatay dahil sa kaniyang pagsalansang . . . at dahil naman sa siya’y nakipagsanggunian sa isang espiritistang medyum.” (1 Cronica 10:13) Mayroon ba tayong matututuhan buhat dito? Oo. Si Saul ay namatay dahilan sa paglapit sa isang espiritistang medyum upang ito’y sumangguni sa mga patay. Bakit? Sapagkat sa paggawa nito, kaniyang sinuway ang malinaw na kautusan ng Diyos: “Huwag makakasumpong sa iyo . . . ng sinuman na sumasangguni sa isang espiritistang medyum o isang propesyonal na manghuhula ng mga mangyayari o sinuman na sumasangguni sa mga patay. Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumal-dumal kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Bakit ang pagsangguni sa mga patay ay kasuklam-suklam sa Diyos? Bago sagutin ang tanong na iyan, maaaring itanong natin:

Talaga Kayang Posible Iyan?

Kung ang sinuman ay makikipag-usap sa namatay, ito’y kailangang aktuwal na buháy nga. Sila’y kailangang may mga kaluluwang walang kamatayan. Subalit ang Bibliya ay nagsasabi: “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Samakatuwid, ang tao mismo ay isang kaluluwa. Siya’y walang isang kaluluwang walang kamatayan na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Ang totoo, ang Kasulatan ay nagsasabi: “Ang kaluluwa na nagkakasala​—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Isa pa, ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol,” ang karaniwang libingan ng sangkatauhan.​—Eclesiastes 9:5, 10.

Malayo sa pagiging lalong marunong, kung gayon, ang patay ay walang malay. Kaya imposible na sila’y makausap. Ang pagkilos na kasuwato ng kautusan ng Diyos laban sa pagsangguni sa mga patay ay isang proteksiyon samakatuwid upang tayo’y huwag madaya. Gayunman, posible na magkaroon ng mga mensaheng nanggagaling sa dako ng mga espiritu, gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Haring Saul.

Subalit Ano ang Pinanggagalingan?

Unang-una, ang mga panlilinlang ay karaniwan sa mga nag-aangking nakakausap nila ang mga patay. Ang The World Book Encyclopedia ay nagbibigay sa atin ng ganitong impormasyon: “Ipinakikita na nililinlang ng mga medyum ang mga tao na nagmamasid sa mga sesyon ng espiritismo upang maniwala na ang mga espiritu ay maaaring makipag-usap sa mga nabubuhay. Ang mga siyentipiko ang nagpapaliwanag tungkol sa karamihan ng mga nagaganap sa mga sesyon ng espiritista. Halimbawa, may mga medyum na bentrilokwo. Ang mga iba ay gumagamit ng mga katulong at sarisaring uri ng mga kagamitan sa panlilinlang. Ang iba naman ay gumagamit ng hipnotismo. Maraming mga tao na nagmamasid sa mga sesyon ng espiritista ang may matinding hangarin na makipag-usap sa isang namatay nang mahal sa buhay. Dahil sa hangaring ito ay baka sila maniwala na ang anumang mensaheng sinasalita ng medyum ay nanggagaling sa daigdig ng mga espiritu.”

Subalit dapat ba tayong mag-isip batay sa mga ganiyan lamang? Hindi, sapagkat ang pagsunod sa kautusan ng Diyos laban sa pagsangguni sa mga patay ay nagbibigay din sa atin ng proteksiyon sa isang paraan na lalong mahalaga. Ang mga mensahe ay nanggagaling nga sa dako ng mga espiritu, subalit ito’y nanggagaling sa makapangyarihang mga nilikha na naghahangad na iligaw ang sangkatauhan. Sila’y ipinakikilala ng Bibliya bilang “mga hukbo ng balakyot na mga espiritu”​—si Satanas na Diyablo at masuwaying mga anghel na tinatawag na mga demonyo. (Efeso 6:12) Nang dalawin ni Haring Saul ang espiritistang medyum sa En-dor, isang demonyo nga ang nagbalatkayo at nakitulad sa patay nang si propeta Samuel.

Gaya ng ipinaghahalimbawa sa pangyayari kay Saul, ang mga demonyo ay walang anumang kapaki-pakinabang na maibibigay, at pansandalian lamang ang kanilang ipinalalagay na tulong. Tulad ng kanilang pinuno, ang Diyablo, sila’y mga sinungaling. (Marcos 3:22; Juan 8:44) Tungkol sa bagay na ito, ang yumaong Britanong mananaliksik tungkol sa espiritismo na si Sir Arthur Conan Doyle ay sumulat: “Isang kasamaang palad na kami’y kailangang makitungo sa lubusan at tahasang pagsisinungaling ng balakyot o pilyong mga intelihenteng nilalang. Sinuman na nagsiyasat sa bagay na iyan ay, sa palagay ko, napaharap sa mga halimbawa ng sadyang pandaraya na manaka-naka ay kahalo ng mabuti at tunay na komunikasyon.” (The New Revelation, pahina 72) Mangyari pa, hindi mo ibig na ikaw ay madaya, di ba?

Bueno, pag-isipan ito: Ang kasaysayan ay may sinasabi sa atin tungkol sa kalakalan ng alipin at ng mga kahirapang kaugnay nito. Sinuman kaya ay nanaisin ang gayong kahirapan at kaabahan? Siyempre hindi. Kung gayon ay bakit natin papayagan na tayo’y maging alipin ng masasamang espiritu? Sila’y hindi lamang nagsisinungaling kundi ninanakawan din ang mga tao ng kanilang kalayaan at maaaring akayin pa sila sa karahasan at sa pagpatay. Halimbawa, ang 29-anyos na si José na taga-Pernambuco, Brazil, ay nagsabi na ‘isang espiritu ang pumasok sa kaniya, at pinuwersa siya na patayin ang kaniyang isang-taóng-gulang na anak na babae.’ Oo, ang pagkasangkot sa masasamang espiritu ay maaaring humantong sa gayong pagkaalipin. Bueno, kung paanong ang nagdadalamhating mga alipin noong nakaraan ay naghahangad ng kalayaan, gayundin naman yaong mga alipin ng mga demonyo sa ngayon ay dapat maghangad na makalaya. Ang isang paraan upang makamit ang kalayaang ito ay ang huwag sumangguni sa mga espiritistang medyum at huwag magtangkang makipag-usap sa mga patay. Kung gayon, . . .

Kailangan Pa bang Makipag-usap sa mga Patay?

Hindi, sapagkat mayroon namang tutulong sa atin. Gaya ng mga anak na nagtitiwala sa kanilang ama, tayo’y malayang makahihingi ng tulong buhat sa makalangit na Ama, na nalulugod na tumulong sa mga taong tapat-puso. (Lucas 11:9-13) Ang propeta ng Diyos na si Isaias ay sumulat: “Pagka kanilang sasabihin sa inyo bayan: ‘Lumapit kayo sa mga espiritistang nakikipagsanggunian sa masasamang espiritu o sa mga may espiritu ng panghuhula na nagsisihuni at nagsisibulong,’ hindi ba sa kanilang Diyos dapat sumangguni ang anumang bayan? Dapat bagang alang-alang sa mga taong buháy ay sumangguni sa mga taong nangamatay na? Sa kautusan at sa patotoo!”​—Isaias 8:19, 20.

Oo, tayo’y may matibay na saligan para sa pagtitiwala sa Diyos na Jehova kung ating ginagawa ang kaniyang kalooban at tumatanggi tayong makipag-ugnayan sa masasamang espiritu. Ang Kristiyanong alagad na si Santiago ay sumulat: “Ipasakop ninyo ang inyong sarili, samakatuwid, sa Diyos; ngunit salansangin ang Diyablo, at tatakas siya sa inyo.” (Santiago 4:7) Pagkatapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, isang lalaki na nagsagawa ng espiritismo nang may 28 taon ang nagsabi: “Huwag matakot sa maaaring gawin ng Diyablo sa mga taong humihinto sa gawaing espiritismo, kundi, magtiwala sa Diyos na Jehova.”

Kung pupunuin natin ang ating isip ng katotohanan buhat sa Salita ng Diyos at kikilos tayo ayon doon ating ‘maibibihis ang buong kagayakan [espirituwal] na baluti buhat sa Diyos’ upang tayo’y “makatayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo” at huwag tayong maalipin ng mga hukbo ng masasamang espiritu. (Efeso 6:11) Gayundin, ang palagiang pananalangin kay Jehova ay magbibigay ng malakas na pananggalang laban sa panliligalig ng mga demonyo.​—Kawikaan 18:10.

Anong laking kaaliwan na maalaman ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay! Ang kamatayan ay katulad lamang ng isang mahimbing na pagkakatulog. (Juan 11:11) At si Jesu-Kristo ay nagbigay ng katiyakan na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga patay.​—Juan 5:28, 29.

Kasama na ang kaniyang maybahay at mga anak, isang lalaking naging espiritista ang nakaalam buhat sa Kasulatan na sinuman ay hindi dapat sumubok na makipag-usap sa mga patay o sa mga sinuman na nag-aanyo na sila iyon. Tulad ng pamilyang ito at ng marami pang iba sa buong daigdig, ikaw man ay maaaring magtamasa ng espirituwal na kalayaan. (Juan 8:32) Alamin ang katotohanan tungkol sa mga patay at ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Kung magkagayo’y maaari mong asam-asamin ang buhay sa bagong sistema ni Jehova, na kung saan ikaw ay maaaring makipag-usap sa binuhay-muling mga mahal mo sa buhay at makapagtatamasa ka ng buhay na walang-hanggan sa gitna ng mapayapang mga kalagayan.​—Isaias 25:8.

[Larawan sa pahina 4]

Sino bang talaga ang nagsalita nang si Haring Saul ay humingi ng isang pasabi buhat sa namatay nang si propetang Samuel?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share