Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 1/15 p. 24-30
  • Isang Kombensiyon na Nagpalaki ng Ating Pagtitiwala kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Kombensiyon na Nagpalaki ng Ating Pagtitiwala kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Magtiwala Kayo kay Jehova, Kayong mga Tao”
  • “Magtiwala kay Jehova at Gumawa ng Mabuti”
  • “Magtiwala Ka kay Jehova Nang Buong Puso Mo”
  • Mahalaga ang Pagtitiwala Para sa Isang Maligayang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Mapagkakatiwalaan Mo ang mga Kapatid
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Isang Pagtitiwala na Kailanma’y Hindi Maipagkakanulo
    Gumising!—1988
  • Patibayin ang Iyong Pagtitiwala kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 1/15 p. 24-30

Isang Kombensiyon na Nagpalaki ng Ating Pagtitiwala kay Jehova

ANG ating makalangit na Ama, si Jehovang Diyos, ang nakakaalam kung anong talaga ang kailangan natin. At inilalagay niya sa mga isip ng kaniyang nag-alay na mga lingkod na nagdidirekta sa kaniyang gawain sa lupa na sapatan ang pangangailangang iyan. Ang ganito’y tunay na masasabi tungkol sa “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong mga Kombensiyon, na ginanap sa lahat ng panig ng mundo mula Hunyo 1987 patuloy. Talaga namang nagpalakas ito sa mga Kristiyano upang madaig ang kawalang pananampalataya, pag-aalinlangan, at di-pagtitiwala na laganap sa daigdig.

Ang temang “Magtiwala kay Jehova” ay buong husay na inilakip sa programa. Ito’y itinampok ng mga pangungusap na mabibisa at diretso sa punto, na prangkahan at tahasan. Lahat na ito ay lalong nagpatibay sa pagtitiwala kay Jehova ng mga tagapakinig. Sila’y uuwi na ang temang napakinggan nila ay nakatanim na nang malalim sa kanilang mga puso at isip, disidido na sa pamamagitan ng kanilang mga pagkilos at ng kanilang mga pananalita ay kanilang ihahayag sa lahat na sila’y lubusang nagtitiwala kay Jehova.

“Magtiwala Kayo kay Jehova, Kayong mga Tao”

Ang mga salitang iyan na nasa Isaias 26:4 ang naghahayag ng tema para sa unang araw. Angkop na angkop naman, ang programa ay nagsimula sa pahayag na “Ihilig ang Iyong Pakinig sa Salita ng Diyos.” Ipinakita ng tagapagpahayag na ang pangungusap na ito, na lumilitaw nang maraming beses sa Salita ng Diyos, ay nangangahulugan ng pagbibigay ng lubos na atensiyon ng kapuwa isip at puso sa bagay na sinasabi, taglay ang intensiyon na ikapit ang napakinggan. Iyan ay nangangahulugan ng pagpipigil sa sarili at pagpapako ng isip sa bagay na sinasabi, hindi hinahayaang gumala-gala ang isip. Sa pamamagitan lamang ng gayong paghihilig ng ating pakinig titibay ang ating pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng ating napapakinggan at kung magkagayo’y magaganyak tayo na gawin ang napakinggan natin. At hindi ba ito ang dapat na maging saloobin natin kailanma’t napapakinggan natin ang pagpapahayag buhat sa Salita ng Diyos, tulad sa ating mga pulong ng kongregasyon?

Ipinahayag ng chairman ng kombensiyon ang susunod na paksa, “Ang Nagtitiwala kay Jehova ay Maliligaya na Naririto.” Binanggit niya na mientras malaki ang ating pagtitiwala kay Jehova, lalo namang malaki ang ating kaligayahan. Ang ibig sabihin ng pagtitiwala kay Jehova ay ang lubusan at buong katatagan na sumandig sa kaniya. Mientras malaki ang ating kaalaman kay Jehova at ang ating pag-ibig sa kaniya, lalong titibay ang ating pagtitiwala sa kaniya. Ang tema ng kombensiyon ay hindi lamang isang salawikain. Ating ipinakikita ang ating pagtitiwala kay Jehova sa maraming paraan, huwag nang sabihin pa ang pagpapakita ng konsiderasyon sa iba. Sa ikinatuwa ng lahat ng naroroon, sa katapusan ng kaniyang pagpapahayag, iniharap ng chairman ang unang-unang kailangang ilabas​—isang makulay na praktikal na gamit sa pagpapatotoo. Iyon ay ang tract na Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya.

Pagkatapos na talakayin ang bantog na halimbawa ni David nang humarap siya sa higanteng si Goliat, ang kasunod na tagapagpahayag ay tumalakay sa paksang “Kung Paanong ang Iba’y Nagtiwala kay Jehova” sa modernong panahon. Halimbawa, nariyan ang isang sister na ang di-sumasampalatayang asawa, hawak ang baril sa kamay, ay nagbantang papatayin siya kung patuloy na dadalo siya sa mga pulong. Ang iba’y nagpakita ng kanilang pagtitiwala kay Jehova nang pagsabihan sila na ang kanilang buhay ay maililigtas tanging kung magpapasalin sila ng dugo. Ang mga kabataan ay nagpatunay ng kanilang pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng paglaban sa mga panggigipit na hahantong sa pagkalulong sa sports o sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo pagkatapos ng high school.

Ang programa noong Biyernes ng umaga ay nagtapos sa pahayag na “Isang Bayan na Ibinukod sa Sanlibutan.” Ipinakikita natin na tayo’y nagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng walang kapintasang pakikitungo sa mga hindi natin kasekso, pagsunod sa mga simulaing Kristiyano pagka tayo’y naglilibang, at pag-iwas sa lahat ng uri ng pananamit at pag-aayos na magpapalabo sa pagkakaiba sa pagitan ng mga sekso. Sa gayong pagiging nakabukod sa sanlibutan, ulit at ulit na nakapagbibigay tayo ng isang mabisang patotoo, at sa pamamagitan nito’y napapapunta sa katotohanan ang iba.

Noong Biyernes ng hapon, ang programa ay nagsimula sa pahayag na “Pinabibilis ng Pagpapayunir ang Espirituwal na Pagsulong.” At anong pagkatotoo nga niyan! Sa pamamagitan ng Salita ni Jehova, ng kaniyang banal na espiritu, at ng kaniyang organisasyon, ang Diyos ay naglalaan ng kinakailangan natin upang tayo’y sumulong tungo sa “isang taong may ganap na paglaki,” subalit ang pagpapayunir ay naglalagay sa atin sa isang katayuan upang magamit nang lalong mainam at lalong lubusan ang lahat ng mga espirituwal na paglalaang ito. (Efeso 4:13) Sa pamamagitan ng mga panayam, inilahad ng mga payunir kung paanong ang buong-panahong ministeryo ay tumulong sa kanila na linangin nang lalong higit ang mga bunga ng espiritu ng Diyos, na magpahayag ng higit na pag-ibig ukol sa mga tao, maging lalong mahuhusay na mga ministro, at magtiwala nang lalong higit kay Jehova, at sa gayo’y magtatag ng lalong malapitang kaugnayan sa kaniya. Lahat na ito ay nagpabilis ng kanilang espirituwal na paglaki.

Sumunod naman dito ang pahayag na pinaka-paksa, “Isang Bayan na Nagtitiwalang Lagi kay Jehova.” Ang nakapupukaw na pahayag na ito ay nagpakita na tayo’y naiiba buhat sa sanlibutan dahil sa lubusang nagtitiwala tayo kay Jehova. Batay sa iba’t ibang teksto buhat sa aklat ng Isaias, ipinakita ng tagapagpahayag kung paanong ating nakita na natupad ang mga hulang ito na totoong nakapagpapatibay-loob sa mga Saksi ni Jehova dahil sa tayo’y nagtitiwala sa Diyos. Taglay ang pananalig, inaasam-asam natin ang panahon sa malapit na hinaharap na ibubuhos ni Jehova ang kaniyang galit sa lahat ng bansa at pagkatapos ay bibigyan-daan ang Paraiso.

Ang mga kombensiyunista ay hinimok na “Ihayag ang Mabuting Balita sa Bawat Pagkakataon.” Pagkatapos na idiin ang kahalagahan ng paggawa ng gayon, nagkaroon ng mga ilang pagtatanghal ng kung paanong ang bagong tract na Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya ay magagamit nang epektibo sa kapuwa pormal at impormal na pagpapatotoo. Tunay, sa tuwina’y ibig nating mayroon tayong dalang mga tract na ito sapagkat ang pangangaral ng mabuting balita sa bawat pagkakataon ang dapat na maging katangian ng bawat Saksi ni Jehova at isa itong paraan upang ipakita na tayo’y nagtitiwala sa Kaniya.

Pinahahalagahang mainam ang pahayag na “Mga Magulang​—Abutín ang Puso ng Inyong Anak Mula sa Pagkasanggol.” Upang ang isang bata ay lumaki na nagtitiwala kay Jehova, ang pagsasanay sa kaniya ay kailangang magsimula sa pagkasanggol at kailangang unahin sa anupaman. Sa ganito lamang masasangga ang lahat ng masasamang impluwensiya ng telebisyon, ng paaralan, at ng kalye. ‘Bayaan mong makita sa iyo ng anak mo ang ibig mong kalabasan ng iyong anak,’ ang payo sa mga magulang. Oo, ang pagpapakita ng mainam na halimbawa ang pinakamagaling na paraan upang maabot ang puso ng isang bata. Lahat ng pitak ng banal na paglilingkod ay kailangang harapin sa natural na paraan at magdudulot ng kaligayahan kung nais din lamang na ang kapaligiran ng tahanan ay maging tunay na espirituwal. Hindi natin pinanghihinayangan ang panahon at pagod na gugugulin diyan. Patuloy na abutin ang puso ng bata sa pamamagitan pa rin ng mabuting komunikasyon. Gumamit ng kahigpitan na may kalakip na pag-ibig, at maging makatuwiran sa paglalapat ng disiplina. Magbigay ng papuri at gantimpala kung nararapat, subalit huwag susuhulan ang inyong anak.

Isang masinsinang pakikipagpunyagi sa isang seryosong problema ng mga kabataang Saksi ang pahayag na “Mga Kabataan​—Mag-ingat Laban sa Pagsunod sa Dalawang Pamantayan sa Buhay.” Bakit ang iba’y mayroong dalawang pamantayan sa buhay? Sapagkat ibig nilang kamtin ang pagsang-ayon ng kanilang mga magulang at ng kongregasyon ngunit natatakot sila na libakin ng kanilang makasanlibutang mga kababata. O inaakala nilang lugi sila sa mga ilang kalayawan kung hindi sila naninigarilyo, gumagamit ng mga droga, o nakikibahagi sa bawal na sekso. Subalit talagang hindi maiiwasan ang katotohanan na lahat ng gayong sumusunod sa dalawang pamantayan ay nagdadala ng upasala kay Jehova, ng dalamhati sa mga magulang, at ng kaabahan sa sarili. Sinumang naghahasik ukol sa laman ay umaani ng kabulukan, samantalang ang pananatili sa isang mabuting kaugnayan kay Jehova, na lubusang nagtitiwala sa kaniya, ay naglalayo sa isa sa pamumuhay na may dalawang pamantayan.​—Galacia 6:8.

Ang drama na kasunod nito ang mabisang nagdiin sa lahat ng simulaing ito. Pinamagatang Tapat na Pagpapasakop kay Jehova at sa Kaniyang Organisasyon, taglay nito ang maraming bagay na dapat pag-isipan yamang inilarawan nito kung paanong ang isang matanda ay napilitang magbitiw ng katungkulan dahil sa ang kaniyang anak na babae ay nahayag bilang isang may doble-karang pamumuhay. Ang drama ay umani ng maraming masiglang kapahayagan ng pagpapahalaga.

“Magtiwala kay Jehova at Gumawa ng Mabuti”

Batay sa Awit 37:3, ito ang tema ng ikalawang araw ng kombensiyon. Pagkatapos na isaalang-alang ang teksto para sa araw na iyon, na kasali na roon ang pagpapatibay-loob na gawin ito araw-araw, ang programa ay may tatlong-bahaging symposium na pinamagatang “Pagpapakita ng Ating Pagtitiwala kay Jehova.” Ipinakita ng unang nagpahayag na kailangang gawin ito “Sa Masipag na Pag-aaral ng Salita ng Diyos.” Ito’y kailangang gawin natin upang maiwasan ang silo ng pagkakampante at ang mga patibong ng materyalismo, seksuwal na imoralidad, at apostasya. Ang Samahan ay naglaan din ng saganang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, tulad baga ng bagong Watch Tower Publications Index 1930-1985. Sa pamamagitan lamang ng lubusang pagsasamantala sa mga paglalaang ito maaari tayong magkaroon ng isang mabuti, may pagtitiwalang kaugnayan sa ating makalangit na Ama at maging epektibong mga saksi niya.

Ang sumusunod na tagapagpahayag ay nagdiin sa bagay na ang pagtitiwala kay Jehova ay maipapakita “Sa Pagkakapit ng mga Bagay na Natutuhan.” Oo, ibig nating maging mga tagagawa ng Salita, laging nag-iisip ng pagsulong. Sa anong mga pitak? Aba, sa ating relasyon sa iba, sa ating pananamit at pag-aayos, sa paghanap muna sa Kaharian ng Diyos, at sa pagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng ating mga kapatid! Upang maiwasan ang kasalanan na kapangahasan, pakaingat tayo na manatili sa ating dako sa pamilya at sa kongregasyon. Kung sa ganoo’y ikakapit natin ang mga bagay na ating natutuhan, iyon ay mahahalata ng lahat na tayo’y nagtitiwala kay Jehova.

Ang symposium ay nagtapos sa pagtalakay sa paksang “Pagpapakita ng Ating Pagtitiwala kay Jehova​—sa Pagkamasigasig sa Larangan.” Sa paggawa nito, ating ipinakikita ang pag-ibig natin sa Diyos at sa ating kapuwa at naiingatan natin ang ating sarili. Baka tayo’y nasisiyahan na sa malahininga, bahagyang paglilingkod, subalit nasisiyahan din kaya si Jehova? Hindi baga ang kaniyang Anak ang nagpayo sa atin na tayo’y puspusang magsumigasig? (Lucas 13:24) Ang mga pagdami na patuloy na nakikita natin tungkol sa mga mamamahayag, payunir, at katamtamang oras na ginugol sa ministeryo sa larangan ang dapat magpasigla sa atin na magkaroon ng higit pang personal na bahagi. Hindi nga ba gayon? Sa pamamagitan ng ganiyang masigasig na aktibidad, tayo’y magpapakita ng isang magandang halimbawa, ipakikita natin ang ating pagtitiwala kay Jehova, at kakamtin natin ang kaniyang ngiti ng pagsang-ayon.

Sumunod ay inantig naman ang ating budhi sa pahayag na “Ugaliin ang Pagbibigay Nang Lubusan.” Anong saganang pinaglalaanan tayo ni Jehova ng espirituwal at materyal na mga pangangailangan! Ating ipinakikita ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniya kapuwa sa pamamagitan ng pagpapatotoo at ng pag-aabuloy ng pera para sa gawaing pangangaral. Maari bang bawas-bawasan natin ang ating magagastos na kalayawan upang tayo’y makapag-abuloy ng lalong malaki?

Ang pahayag sa bautismo na, “Naaaninaw sa Iyong Pag-aalay at Bautismo ang Pagtitiwala kay Jehova,” ay nagpakita kung bakit tayo’y tumitiwala sa Diyos at hindi sa mga tao. Ang bautismo sa tubig ay sumasagisag sa pagkamatay natin sa ating dating pamumuhay at pagbabangon sa atin sa isang paraan ng pamumuhay na kasuwato ng kalooban ng Diyos. Pagkatapos nito, tayo’y kailangang magpatuloy na ‘gumawa nang may katarungan, umibig sa kabaitan, at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng ating Diyos.’ (Mikas 6:8) Kabilang sa mga nabautismuhan ang isang 8-anyos na bata na nagdaraos ng dalawang pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang mga kamag-aral, isang 79-anyos na lalaki, at isang 44-anyos na lumpo.

Ang programa noong Sabado ng hapon ay nagsimula sa pahayag na “Paggawa ng ‘Kinakailangang mga Bagay’ Upang Makalugod sa Diyos.” Batay sa Gawa 15:28, 29, ipinakita nito ang pangangailangan na patiunang ipaalam sa ating mga doktor ang ating paninindigan tungkol sa dugo bago dumating ang suliranin tungkol dito at nagbigay ng maiinam na mungkahi tungkol sa kung paano gagawin ito.

Ang isang pahayag na umani ng maraming kaaya-ayang komento ay “May Pananagutang Pag-aanak sa Panahong Ito ng Kawakasan.” Nagharap ito ng isang timbang na pangmalas, na nagpapakita na bagaman ang pag-aanak ay maaaring magdala ng maraming kagalakan, ito’y nagdadala rin naman ng maraming pananagutan at kadalasan nagbubunga ng mga kadalamhatian, gaya halimbawa kung napapasamâ ang mga anak. Ang mga ina ang lalung-lalo nang malamang na magkaroon ng suliranin sa kanilang espirituwalidad dahilan sa mga kahirapan ng pag-aanak.

Pagkatapos ay nariyan ang pahayag na “Mga Matatanda​—Ingatan ang Ipinagkatiwala sa Inyo.” Ang ipinagkatiwalang ito ay ang pagpapastol sa kawan ng Diyos​—pangunguna, pagpapakain, at pagbibigay dito ng proteksiyon, bilang katuparan ng Isaias 32:1, 2. Ang pagganap ng mga obligasyon sa pamilya samantalang nag-aasikaso ng mga gawain sa kongregasyon ay isang tunay na hamon. Para sa matatanda ang pag-iingat ng ipinagkatiwala sa kanila ay nangangahulugan din ng pag-iwas sa mga silo ng materyalismo, sa labis-labis na paglilibang, at sa di-nararapat na mga libangan. Kabilang sa mga kinapanayam sa pandistritong kombensiyon sa Dortmund sa Pederal na Republika ng Alemanya ay isang matanda na may 60 taon nang nag-iingat sa ipinagkatiwala sa kaniya.

May katuwiran namang isunod dito ang pahayag na “Maging Masunurin sa mga Nangunguna.” Ang pag-ibig ay tutulong sa atin na maging mapagpasakop at masunurin sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon at maiiwasan natin ang pagiging di-matiisin sapagkat sila’y hindi naman sakdal, gaya rin natin. (Hebreo 13:17) Sa pamamagitan ng paggalang sa matatanda sa mga bagay-bagay na malalaki at maliliit, tinutulungan natin sila na magpasan ng kanilang mga pasanin sa halip na pabigatan pa sila.

Ang programa noong Sabado ay natapos sa tatlong-bahaging symposium na “Ang Salita ng Diyos ay Buháy,” batay sa Hebreo 4:12. Ipinakita ng unang nagpahayag na ito’y buháy dahilan sa “Ito’y May Mabisang Lakas na Bumago.” Sa ngayon, gaya rin noong mga sinaunang panahon sa Bibliya, mayroon tayong mga halimbawa na nagpapakita kung paanong ang pagtitiwala sa Salita ng Diyos ay nagpangyari na gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay at nagbigay sa kanila ng lakas na mangaral nang walang takot.

Ipinakita ng ikalawang bahagi ng symposium na ito na ang Salita ng Diyos “Ay Matalas Kaysa Dalawang-Talim na Tabak.” Sa pamamagitan nito ay natatagpas natin ang maka-Babilonyang mga kasinungalingang turo upang magkaluray-luray. Ito’y tumutulong din sa atin na ‘gumawa ng paghahati sa pagitan ng kaluluwa at espiritu’ sa bagay na tinutulungan nito tayo na makita ang pagkakaiba ng ating mga pagkilos sa ating mga tunay na motibo. Sa pamamagitan ng paggamit sa “tabak” sa ganitong paraan, tayo ay magiging lalong kalugud-lugod kay Jehovang Diyos at magkakaroon ng higit na pakikipagpayapaan sa iba at sa ating sarili.

Ipinakita ng katapusang bahagi na ang Salita ng Diyos ay Buháy sapagkat “Ito’y Nagpapatibay at Nag-uudyok ng Motibo ng Puso.” Sa Bibliya, ang salitang “puso” ay karaniwan nang ginagamit sa paraang makasagisag at tumutukoy sa panloob na tao na makikita sa mga katangian ng ating isip at damdamin. Ang Salita ng Diyos ay nagpapatibay sa ating puso sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa atin ng kaniyang mga kamangha-manghang katangian sa pamamagitan sa kaniyang pagtuturo sa sangkatauhan. Ang walang imbot na pag-ibig sa Diyos ay nagpapakilos sa atin na tularan siya. Sa kaniyang pantapos na mga ipinahayag, nirepaso ng tagapagpahayag ang rekord ng Watch Tower Society sa paglalathala ng mga Bibliya at sadyang pinagalak niya ang mga tagapakinig sa pamamagitan ng paglalabas ng isang magandang deluxe na edisyong pambulsa ng New World Translation.

“Magtiwala Ka kay Jehova Nang Buong Puso Mo”

Ang temang ito para sa Linggo, na kinuha sa Kawikaan 3:5, ay tinalakay ng isang matanda na siyang nagpasimula ng programa at tumalakay ng teksto para sa araw na iyon. Pagkatapos ay isinunod ang nananaliksik-kaluluwang pahayag na “Ipinagwawalang-bahala Mo ba ang mga Bagay na Banal?” Inaakala ng sanlibutan na siya’y walang anumang utang sa Diyos, subalit tayo bilang mga Saksi ni Jehova, batid natin na upang kamtin natin ang kaniyang pagsang-ayon, kailangang tularan natin ang tapat na mga tao noong una sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga bagay na banal. Tinalakay ng tagapagpahayag ang 13 sa mga ito, at kabilang na rito ang pangalan ni Jehova, ang kaniyang Salita, ang kaniyang banal na espiritu, ang kaniyang mga batas, ang kaniyang nakikitang organisasyon, ang ating relasyon sa Diyos, ang ating mga pulong, at ang ating mga pribilehiyo sa paglilingkod. Kung tunay ngang pinahahalagahan natin ang mga banal na bagay na ito, ito ang uunahin natin sa ating buhay, tayo’y lubusang magtitiwala kay Jehova, at gagantimpalaan naman niya tayo.

Ang kasunod nito ay ang matinding pahayag na “Lubos na Kasuklaman Ninyo ang Kahiya-hiyang Lakad ng Sanlibutan.” Dahilan sa pagkatahasan nito, ang sabi ng iba’y, “Ito nga ang kailangan natin!” Yamang ang kasamaan ay naging palasak na palasak na, kailangang mapakaingat ang mga Kristiyano laban sa pagkikibit-balikat sa imoralidad at karahasan. (2 Timoteo 3:1-5) Samakatuwid, tayo ay hindi dapat manood o makinig sa gayong mga bagay na napapanood sa TV o naririnig sa radyo o nababasa kaya sa mga peryodiko. Oo, hindi man lamang natin nais na isipin ang tungkol sa mga iyan. ‘Ang tunay na mga Kristiyano na ibig manatili sa mabuting relasyon kay Jehova ay talagang hindi dapat magkaroon ng anumang kinalaman sa pornograpya,’ hindi, kahit na bahagya!

Noong Linggo ang programa sa umaga ay natapos sa kapana-panabik na drama sa Bibliya na Inililigtas ni Jehova ang Nagsisitawag sa Kaniyang Pangalan. Ito’y tungkol sa maraming pangyayari sa buhay ni Josue. Buháy na buháy na inilarawan nito kung paano nga marahil minalas ng mga taga-Jericho ang pagmamartsa ng mga mandirigma ng Israel sa palibot ng lunsod araw-araw. Itinampok din ang malaking pananampalataya ni Rahab, na nagbunga ng pagkaligtas niya at ng kaniyang sambahayan. Bilang pagtatapos, lahat ay tinanong, ‘Kayo ba ay may matatag na pananampalataya at pagtitiwala na katulad ng kay Josue at ng kaniyang magigiting na mga kasama? Kung gayon, tayo’y makaaasang makabahagi sa pangkatapusang tagumpay ni Jehova sa kaniyang mga kaaway.’

Ang pangmadlang bahagi ng “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong Kombensiyon ay yaong pahayag na pinamagatang “Sa Ating Kakila-kilabot na Panahon, Sino Talaga ang Mapagtitiwalaan Mo?” Ginawa nitong napakaliwanag ang katotohanan na talagang kailangan ng sangkatauhan ang isang mapagtitiwalaan! Malinaw, ipinakita nito ang kamangmangan ng pagtitiwala sa mga tao. Kaya naman, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo sa atin na magtiwala kay Jehova at nagbibigay sa atin ng matitibay na dahilan sa paggawa ng gayon. Tayo’y dapat tumiwala sa kaniya dahilan sa kaniyang mga katangian at sa kaniyang rekord sa pagliligtas sa mga nagsitiwala sa kaniya, na ang isang litaw na halimbawa ay si Haring Ezekias. Malapit nang isang katulad na pagliligtas ang mararanasan ng mga nagpapakitang ang kanilang pamumuhay ay nagpapatunay ng pagtitiwala kay Jehova.

“Patuloy na ‘Mamuhay Nang Mapayapa’” ang tema ng pahayag na kasunod na kasunod. Ang pamumuhay nang mapayapa ay nangangahulugan ng aktibong pagtataguyod ng kapayapaan. Nangangahulugan din ito ng pagkakaroon ng kapayapaan sa ating sarili dahilan sa pagtataglay ng isang mabuting budhi. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga bunga ng espiritu ng Diyos, lalo na ng pag-ibig at pagpipigil sa sarili, tayo’y makapamumuhay nang may pakikipagpayapaan sa atin-ating sariling pamilya at sa mga kapatid sa kongregasyon.

Walang anumang alinlangan sa bagay na sinangkapan tayong lahat ng kombensiyong ito na “Pagharap sa Kinabukasan na Taglay ang Lubos na Pagtitiwala kay Jehova,” ang paksa ng katapusang pahayag. Anong inam na ibinigay nito ang kabuuan ng programa! Idiniin ng tagapagpahayag na sa araw-araw ay kailangang tumiwala tayo kay Jehova ng ating buong puso, bigyang pansin siya sa lahat ng ating lakad, at hayaang siya ang magturo sa atin ng landas na lalakaran natin. (Kawikaan 3:5, 6) Ganiyan na lang ang kagalakan ng mga kombensiyunista nang marinig nila ang patalastas tungkol sa 16 na mga bagong pahayag pangmadla, ng mga cassette ng The Watchtower, at ng muling pag-iimprenta ng isang artikulo tungkol sa dugo na napalathala sa Gumising! at maaari tayong magkaroon nito upang maibigay sa ating mga doktor. Oo, at tayo ay galak na galak ang tungkol sa paglalabas ng isa pang drama sa Bibliya sa cassette, ang muling pag-iimprenta ng mga pinabalatang tomo ng Watchtower (1960-79), at ang publikasyon ng tatlo pang mga tract!

Lahat ng dumalo sa “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong Kombensiyon ay napatibay nang husto sa espirituwal. Sila ngayon ay handa na humarap sa kinabukasan na taglay ang lubos na pagtitiwala sa kanilang makalangit na Ama. At lahat ay napatibay nang husto ng katapusang payo: “Samantalang tayo’y nakaharap sa kinabukasan, harinawang may pagkakaisang patunayan nating lahat sa pamamagitan ng ating paraan ng pamumuhay na tayo’y ‘nagtitiwala kay Jehova.’”

[Chart sa pahina 26]

Iba’t ibang Pandistritong Kombensiyon na “Magtiwala kay Jehova”

Dumalo Nabautismuhan

Austria 24,686 360

Brazil 442,731 7,626

British Isles 156,417 1,225

Colombia 82,321 1,852

Denmark 23,029 200

Federal Republic

Germany 159,361 1,455

Finland 26,144 284

France 138,683 2,705

Hong Kong 2,661 49

Ireland 4,326 61

Italy 221,227 5,496

Jamaica 18,540 184

Japan 232,904 3,416

Korea 82,296 2,013

Malaysia 1,154 15

Norway 12,703 218

Portugal 55,057 1,074

Puerto Rico 49,953 377

Spain 105,591 2,394

Sweden 30,099 312

Switzerland 19,459 261

Trinidad 10,649 132

United States 1,288,313 13,562

Venezuela 100,777 1,664

Zimbabwe 45,544 580

[Mga larawan sa pahina 25]

Pumupukaw-ng-kaisipang mga drama ang nagtampok sa pangangailangan na tumiwala kay Jehova

Si F. W. Franz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay nagpapahayag sa isang kombensiyon na ang mga naroroon ay matamang nakikinig

[Larawan sa pahina 26]

Marami ang nagpakita ng pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo upang sagisagan ang kanilang pag-aalay sa kaniya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share