Isang Pagtitiwala na Kailanma’y Hindi Maipagkakanulo
“MAGTIWALA ka lamang sa iyong sarili, at hindi ka ipagkakanulo ng iba.” Bagaman ang mapang-uyam na obserbasyong ito ay ginawa 250 taon na ang nakalipas, marami ngayon ang nagpapahayag ng kahawig na mga damdamin. Isang espiritu ng kawalang-tiwala ang lumalaganap sa lipunan.
Iginigiit ni Leo, na nagpaplanong muling mag-asawa, na bago ang kasal ang kaniyang nobya ay lumagda ng isang kasunduan na bumabalangkas sa mga pakinabang na sustento sakaling magkaroon ng diborsiyo sa hinaharap. Ang pag-aasawa ay hindi na itinuturing nang may pagtitiwala.
Si Larry, na karaniwan sa maraming kabataang walang trabaho, ay nagrireklamo: “Isasaisang tabi ka ng lipunan, at basta ka na lang pababayaan nito, iyan ang ginagawa nila.” Nawalan siya ng tiwala sa lipunan sa pangkalahatan.
Pagkatapos ng isang iskandalo kamakailan na kinasangkutan ng isang kilalang ebanghelista sa telebisyon, si Juanita, isang dating nag-aabuloy ng pera, ay nanangis: “Ito’y isang pandaraya, ang lahat ng bagay na iyon.” Kahit na ang mga lider ng relihiyon ay hindi na laging mapagkakatiwalaan.
May katalinuhan, ang Bibliya ay nagbababala laban sa walang muwang na pagtitiwala sa mga tao at sa mga institusyon ng tao. Ang salmista ay sumulat: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao.” Ang awit ding iyon, gayunman, ay nagpapayo sa atin na magtiwala sa isa, sa isa na kailanman ay hindi nagkakanulo ng pagtitiwala, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat.—Awit 146:3, 5.
Totoo, ang mga lider ng bansa, pati na ang lahat ng mga bansa, ay madalas na nagsasabing naglalagak ng tiwala sa Diyos. Sa katunayan, maraming mga perang papel at barya sa Estados Unidos sa nakalipas ng mga dantaon ay may sawikaing: “IN GOD WE TRUST” (Sa Diyos Kami Nagtitiwala). Subalit ipinakikita ng kasaysayan na sa halip na magtiwala sa Diyos, ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay naglalagak ng tiwala sa kabuhayan, militar, at pulitikal na lakas.
May masusumpungan bang mga taong talagang naglalagak ng tiwala sa Diyos ngayon? Sulit kaya para sa kanila na gawin iyon? Paano sila nakikinabang dito?
Noong tag-araw ng 1987, sa daan-daang mga lunsod sa buong hilagaang hating-globo, angaw-angaw ang nagkatipon upang muling-pagtibayin ang kanilang pagtitiwala sa Diyos. Ang tema ng kanilang mga kombensiyon, na isinaayos ng mga Saksi ni Jehova, ay: “Magtiwala kay Jehova.” Gaya ng napansin ng isang pahayagan sa Norwich, Inglatera, ang tema ng kombensiyon sa taóng ito ay nagpapabanaag sa umiiral na kawalang-tiwala sa daigdig. Subalit sa halip na magdalamhati sa kabiguan ng mga institusyon ng tao, ang mga Saksi ay nagkatipon upang isaalang-alang ang mga paraan kung saan maaari nilang patibayin ang kanilang pagtitiwala kay Jehova at repasuhin ang mga pakinabang na dulot ng gayong landasin.
Ano ang nagtipun-tipon sa mga taóng ito? Ang kanilang pagtitiwala sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ipinaliwanag ng isang artikulo sa pahayagan sa Granada, Espanya, ang kanilang motibo sa pagdalo sa kombensiyon: “Ang buong mga pamilya ay naglakbay patungo sa Granada, mga bata, mga magulang at mga nuno, upang makinig sa salita ni Jehova, sapagkat iyon ang ipinapayo ng Bibliya. Binubuklod nito ang mga pamilya at pinalalakas ang mga buklod ng pagkakaibigan.”
Pagtitiwala sa Diyos ay Ipinakita Niyaong mga Dumalo
Para sa marami, ang basta pagiging naroroon sa kombensiyon ay isang katibayan ng kanilang pagtitiwala kay Jehova. Totoo ito sa kaso ni Simone Grijmonprez, na nasa kombensiyon sa Kortrijk, Belgium, araw-araw sa kabila ng isang grabeng karamdaman na nangangailangan na siya ay naka-oksiheno sa loob ng anim na oras araw-araw.
Nasa kombensiyon sa El Ferrol Espanya, si Roberto González na isang quadriplegic (lumpo ang mga kamay at paa) at isa ring buong-panahong ministro. Sa kabila ng siya ay hindi makaalis sa kaniyang silyang de gulong at nararatay sa banig sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan sa bawat taon, siya ay gumugugol ng katamtamang 90 oras buwan-buwan na nangangaral sa mga lansangan sa mga kaibigan at mga kapitbahay tungkol sa kahalagahan ng pagtitiwala sa Diyos. Nakapagsasalita siya mula sa karanasan sapagkat ang kaniya mismong pagtitiwala kay Jehova ang nagpangyari sa kaniya na mapagtagumpayan niya ang kaniyang pagkasugapa sa droga, isang bisyo na nag-iwan sa kaniya ng isang rekord sa pulisya na pitong mga pag-aresto at isang hindi gumagaling na pagkalumpo sa gulang na 18. Natulungan na niya ang pito sa dati niyang mga kasama na magtiwala sa Diyos sa halip na sa mga narkotiko upang gawing makabuluhan ang buhay.
Ang iba ay kailangang gumawa ng mga pagsasakripisyo sa kabuhayan upang makadalo. Totoo ito sa maraming Saksi sa kapuluan ng Azores na naglakbay sa ibang isla upang dumalo sa kombensiyon sa Angra do Heroísmo. Isang pamilya ang gumugol ng ilang buwan upang patabain ang dalawang baka na kanilang ipinagbili upang ibayad sa kanilang pamasahe.
Ang Pagtitiwala sa Diyos ay Nangangahulugan ng Pagtitiwala sa Kaniyang mga Pamantayan
“Tumiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti,” sabi ng salmistang si David. (Awit 37:3) Sa gayon, ang mga Saksi ay naniniwala na ang taimtim na pagtitiwala sa Diyos ay dapat na makita sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali. Kaya, ang paglilingkod sa isang mapagkakatiwalaang Diyos ay nag-udyok sa kanila na maging mapagkakatiwalaang mga tao. Ito ay isang bagay na pinahahalagahan ng maraming tagamasid.
Sa kombensiyon sa Le Havre sa Pransiya, isang inhinyero sa telepono ang nagkakabit ng isang kable ng telepono sa mga pasilidad ng istadyum at nagpahayag siya ng pagkabahala tungkol sa pag-iiwan ng kaniyang gamit nang walang nagbabantay. Isang opisyal ng bayan ang tumiyak sa kaniya: “Hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa bagay na iyan sa mga Saksi. Ang pinakamasamang maaaring mangyari ay masumpungan mo ang higit na gamit pagkatapos kaysa taglay mo.”
Sa isa sa mga kombensiyon sa Sweden, iniwan ng may-ari ng isang motel ang lahat ng susi sa kaniyang motel sa mga Saksi na nagsasaayos ng kombensiyon. Pinahintulutan niya sila na pangasiwaan ang kaniyang motel nang wala isa man sa kaniyang tauhan. “Hindi namin ginagawa ito noon,” sabi ng may-ari, “subalit nagtitiwala kami sa inyo.” Pagkatapos ng kombensiyon, siya ay nagpahayag ng kaniyang kasiyahan sa paraan ng pangangalaga ng mga Saksi sa motel at sa paligid.
Pagpapahalagang Ipinahayag sa Paggawi ng mga Saksi
Ang pagtitiwala sa Diyos ay nagpapakilos din sa mga tao na ikapit ang kaniyang mga pamantayan sa kalinisan at pagiging maayos. Inuudyukan sila nito na ihandog ang kanilang mga paglilingkod bilang mga boluntaryo at tumutulong sa kanila na gumawang magkakasama sa pagkakaisa. Ang aspektong ito ng mga kombensiyon ay tiyak na napansin.
Ipinadala ng alkalde ng Terni, Italya ang sumusunod na telegrama sa mga delegado sa kombensiyon na nagkatipon sa lunsod na iyon: “Nais kong ipabatid ang damdamin ng paggalang at pagpapahalaga ng buong lunsod sa mataas na diwang sibiko na ipinakita ninyo sa paggamit at paghahanda ng mga pasilidad na inilaan sa inyo. Masayang pagbati sa mga nakikibahagi sa kombensiyon.”
Isang katiwala ng Ice Hall sa Mikkeli, Finland, namamasdan ang espiritu ng mga Saksing nagboluntaryo upang isaayos ang kombensiyon, ay nagsabi: “Wala akong nasumpungang anumang negatibong bagay dito, positibo lamang! Kahanga-hanga ang espiritu ng boluntaryong mga manggagawa. Isang kagalakang makita ang masasayang tao na nasisiyahan sa kanilang gawain.”
Isang tsuper ng bus na naroon sa kombensiyon sa Nancy, Pransiya, ay nagsabi: “Hindi ako pamilyar sa mga Saksi ni Jehova, ngunit mas kilala ko sila ngayon. Dati’y pawang nagatibong mga pangungusap lamang ang naririnig ko tungkol sa kanila. Subalit ngayon kakaibang mga bagay ang nakikita ko. Mahirap para sa akin na ilarawan ang matinding diwa ng kagalingan dito. Walang nagtutulakan, walang nayayamot, at lahat ng bagay ay tumatakbo nang maayos.”
Sa Pergusa, Italya, inilathala ng isang pahayagan ang isang liham na isinulat ng isang pangkat ng lokal na mga residente na nagpapasalamat sa mga Saksi dahil sa kanilang mahusay na pag-uugali, lalo na ang kanilang kalinisan, at ang paraan ng pangangalaga nila sa mga pasilidad ng istadyum. “Ang lahat ay dapat na gumawi na gaya nila,” sabi ng liham, “ngunit sa kasamaang palad ang mga bagay ay kakaiba kapag ibang uri ng mga pagtitipon ang ginaganap.”
Idiniin ng ilang pahayag sa mga kombensiyon ang pangangailangan na tularan ang mga katangian ng Diyos. Iyan nga ang sinisikap na gawin ng mga Saksi ni Jehova. Ang ilan ay lubhang napatibay sa pagsulong na kanilang nagawa na sa bagay na ito.
Isang nagtitinda ng pahayagan, na ang tindahan ay malapit sa dako ng kombensiyon sa Edinburgh, Scotland, ay nagsabi: “Sa tuwina’y ikinalulugod ko nang labis kapag ang mga Saksi ay dumarating sa Murrayfield! Sila ay madaling pakitunguhan at magalang kapag sila’y nagpupunta sa tindahan—walang tulakan, walang nagmamaktol, walang nag-aagawan upang mapaglingkuran. Isang kasiyahan na sila’y naririto, at inaasam-asam ko ang pagkakita sa kanila taun-taon.”
Isang peryudista sa Belgium ang nagsabi: “Saanman ay wala kaming nakitang anumang gaya nito.” Isa pang peryudista ay nagkomento: “Sa ating kaarawan, hindi mo ito maiisip, mula sa pangmalas ng tao, na ang gayon kalaking mga pagtitipon ay maaari pa ring isaayos sa gayong kapaligiran na tulad sa mga magkakapatid.”
Si Tomas Bresky, isang taga-Sweden na tagapanayam sa telebisyon, ay naroroon sa kombensiyon sa Lulea, Sweden. Binuod niya ang kaniyang mga impresyon sa ganitong paraan: “Nagkakaroon ka ng damdamin ng pagkabighani . . . pagkatapos makisama sa mga taong ito sa loob ng ilang araw. Napakatatag sa kanilang paniniwala, hindi nagkukompromiso, napakalakas sa kanilang pagtitiwala sa Bibliya. Sino ang hindi maaakit sa isang organisasyong gumagana? Kapag nagsisilbi ng pagkain sa 10,000, para bang ito ay pag-aabot lamang ng ilang putol ng tinapay at mga isda. Sino ang aayaw na magkaroon ng gayon katahimik at katiyagang mga anak? Masusumpungan mo rito ang tunay na disiplina at kaayusan.”
Ang mga Kandidato sa Bautismo ay Nagpapakita ng Pagtitiwala kay Jehova
Sa bawat kombensiyon, ang pagkakataon ay inilalaan para sa mga delegado na sagisagan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nilinaw ng pahayag bago ang seremonyang ito na ang gayong pasiya ay nagpapabanaag ng pagtitiwala kay Jehova. Naranasan na ng marami na iniharap ang kanilang mga sarili para sa bautismo ang mga pakinabang ng gayong pagtitiwala.
Sa kombensiyon sa Navan, Ireland, si Noel Donaghue ay nabautismuhan. Hindi pa natatagalan bago nito, siya ay dukhang-dukha, naninirahan sa isang pinabayaang bahay sa Liverpool, Inglatera, at hindi man lamang pinangangalagaan nang wasto ang kaniyang sarili dahil sa panlulumo at matinding pagkasiphayo tungkol sa mga kalagayan sa daigdig. Ang kaniyang kalusugan ay humina, at nais na lamang niyang magpakamatay. Sa wakas, noong Pebrero 1984 ang kaniyang mga paa ay kinailangang putulin dahilan sa frostbite.
Nang bandang huli ng taóng iyon siya ay nagbalik sa kaniyang tahanan sa Ireland at siya’y natagpuan ng mga Saksi. Di-nagtagal siya ay dumadalo na ng mga pulong, at ang kaniyang kawalang-pag-asa ay nahalinhan ng isang tunay na pag-asa sa hinaharap. “Terible ang unang kalahati ng taóng iyon,” sabi niya, “ngunit ang ikalawang hati nito ay kamangha-mangha.” Ngayon mayroon na siyang optimistikong pangmalas, ipinababanaag ng kaniyang sagot nang siya’y tanungin kung paano niya nagagawang mangaral sa bahay-bahay sa kaniyang artipisyal na mga paa. “Bueno,” sabi niya, “sa paanuman hindi na ako napoproblema ng malamig na paa sa taglamig!”
Kabilang sa mga kandidato sa bautismo ay ang matatanda na na natuto ring magtiwala sa Diyos. Sa pandistritong kombensiyong ginanap sa Istadyum ng Colombes malapit sa Paris, si Claudine Adolphe, isang babaing 91 anyos, ay nabautismuhan. Ang kaniyang anak na babae ay naging isang Saksi mga ilang taon na mas maaga, at napansin ni Claudine, sa kabila ng kaniyang katandaan, ang pananampalataya at paraan ng pamumuhay ng mga Saksi ni Jehova. Dahilan sa ang ilang membro ng kaniyang pamilya ay namatay, siya ay lubhang naaliw ng pag-asa ng Bibliya na pagkabuhay-muli na ipinaliwanag sa kaniya. Siya ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya at nakilala niya si Jehova at nagtiwala sa kaniya, ang Diyos na nangangakong bubuhaying-muli ang mga patay.
Si José Benito, na nabautismuhan sa El Ferrol, Espanya, ay makapagpapatotoo rin sa kahalagahan ng pagtitiwala kay Jehova. Sa loob ng apat na taon siya ay nakipagbaka upang mapagtagumpayan ang kaniyang pagkasugapa sa droga subalit nang walang tagumpay. Pagkatapos siya’y nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at ang tumpak na kaalaman ng Salita ng Diyos, pati na ang lakas na ibinibigay ng Diyos, ay nagpangyari sa kaniya na makaalpas sa bisyong ito. Sa tuwina siya ay mayroon pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, at samantalang nasa impluwensiya ng droga, dati’y ipinangangaral niya sa mga bar at sa mga kanto sa lansangan ang kaniyang partikular na doktrina tungkol kay Jesus at sa pangangailangan para sa kapayapaan. Siya ay may panunuyang binansagan ng mga tao sa kaniyang bayan na “ang apostol.” Ngayon iniayon na niya ang kaniyang buhay na kasuwato ng mga kahilingan ng Diyos at natutuhan niyang mangaral sa marangal, makatuwirang paraan.
Pagpapahalaga sa Programa at mga Inilabas na mga Publikasyon sa Kombensiyon
Ang mga Saksi, na dumadalo mula sa maraming lupain, ay tuwang-tuwa sa nakapagtuturong programa at sa tinamasang pakikisama sa kapuwa mga kapananampalataya. Isang buong-panahong mangangaral, na naglingkod ng 43 taon bilang isang madreng Katoliko, ay nagsabi: “Ito’y isang ekselenteng pambuong-daigdig na pagkakaisa na patuloy na ikinamamangha ko. Gaano kadalas na sinasabi ko sa aking sarili: ‘Tanging si Jehova lamang ang Tagapagsaayos ng gayong mga pangyayari, pambihira sa isang daigdig na lubhang nababahagi sa lahat ng pitak ng buhay!’”
Isang ama ng tatlong mga anak mula sa Stoke sa Trent, Inglatera, ay sumulat: “Ang bawat pahayag ay para bang may isang punto na sinadya para sa amin. Tuwing gabi pagdating namin sa bahay, pinasasalamatan namin si Jehova sa paggawa ng gayong paglalaan para sa amin.”
Sa mga kombensiyon na nagsasalita ng Kastila, tuwang-tuwang tinanggap ng mga tagapakinig ang aklat na Aid to Bible Understanding sa Kastila. Isang kapatid na lalaki sa Granada, Espanya, ang kumuha ng isang kopya at binubuklat ang mga pahina nito samantalang naghihintay sa isang istasyon ng gasolina sa ibayo lamang ng pinagdarausan ng kombensiyon. Napansin ng isa sa mga nagtatrabaho sa gasolinahan ang pamagat ng aklat at ang sabi: “Iyan nga ang kailangan ko, isang bagay na tutulong sa mga tao na maunawaan ang Bibliya. Talagang hindi ko ito maintindihan.” Ang kapatid na lalaki ay nag-alok na tulungan siya, at isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan sa lalaking ito isang linggo pagkatapos ng kombensiyon.
Higit sa lahat, idiniin ng programa sa kombensiyon ang pangangailangan na magtiwala sa Diyos at sa kaniyang Kaharian sa halip na sa mga institusyon ng tao. Sa Italya, napansin ng isang kilalang peryudista ang pambihirang aspektong ito ng pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag niya sa isang pambuong bansang brodkast sa telebisyon: “Matatag silang naniniwala sa mensaheng ito . . . tungkol sa matagumpay na pagbabalik ni Kristo, na talagang nasa mga kasulatan sa Bagong Tipan. Masasabi ko na ang mga temang ito ay isinasaisang tabi hindi lamang ng Iglesya Katolika kundi ng lahat ng malalaking relihiyong Kristiyano. Inalis nila ito sa gitna niyaong orihinal na pananampalatayang Kristiyano, at ito’y natuklasang-muli ng mga kilusang ito [ang mga Saksi]. Sa ganitong diwa ito ay isang totoong pagkakasauli, isang tamang pagkakasauli.”
Ang “pagkakasauli” na ito ng mahahalagang doktrinang Kristiyano ay nagpangyari sa mga Saksi na halinhan ang pag-aalinlangan ng pananampalataya, ang kawalang-pag-asa ng pag-asa, at ang kawalang-tiwala ng pagtitiwala. Batid nila na hinding-hindi ipagkakanulo ng Diyos ang kanilang pagtitiwala sa kaniya. Ang mga seryeng ito mismo ng mga kombensiyon ay nagpapakita na kapaki-pakinabang na magtiwala sa Diyos at mamuhay na kasuwato ng paniniwalang iyan. Sa pagtatapos ng programa, ang mga delegado ay nagbalik sa kani-kanilang mga tahanan na determinado higit kailanman na ‘magtiwala kay Jehova nang kanilang buong puso.’—Kawikaan 3:5.
[Chart sa pahina 21]
MGA REPORT SA 1987 KOMBENSIYON HANGGANG SA NGAYON
Bilang ng mga Pinakamataas na Bilang ng
Bansa Kombensiyon Bilang ng Dumalo Nabautismuhan
Austria 5 24,686 360
Belgium 7 31,121 319
Britain 15 155,743 1,212
Denmark 5 23,029 200
Finland 6 26,144 284
France 19 138,683 2,705
Germany 24 159,361 1,455
Greece 5 28,811 418
Ireland 2 4,326 61
Italy 34 221,227 5,496
Luxembourg 1 1,458 8
Malta 1 674 13
Netherlands 9 43,510 231
Norway 4 12,703 218
Portugal 12 55,057 1,102
Spain 15 105,591 2,394
Sweden 10 30,099 312
Switzerland 5 19,459 261
18 mga bansa sa Europa 179 1,081,682 17,049
23 Iba pang mga bansa 223 1,866,875 23,270
KABUUANG 41 BANSA 412 2,948,557 40,319
[Larawan sa pahina 17]
Ang drama tungkol kay Rahab
[Larawan sa pahina 17]
Si Roberto González, ng Espanya
[Mga larawan sa pahina 18]
Itaas: Si Claudine Adolphe, ng Pransiya
Gitna: Crystal Palace National Sports Centre, Inglatera
Ang bautismo na sumasagisag sa pag-aalay