Sumusulong Patungo sa Kanilang Wakas ang mga Dakilang Kapangyarihan ng Daigdig sa Kasaysayan ng Bibliya!
MAGUGUNIGUNI mo ba ang kasaysayan na isinulat nang patiuna? ‘Imposible,’ ang sasabihin mo? Subalit, may isang aklat na talagang patiunang naglalahad ng kasaysayan—daan-daan, kung minsa’y libu-libo pa ngang mga taon bago naganap ang mga pangyayari! Ang aklat na iyon ay ang Bibliya.
Ang Bibliya’y hindi lamang nag-ulat ng sinaunang mga pangyayari nang may kawastuan kundi sa isang totoong kamangha-manghang paraan ay inihula pa mandin nito ang pinakapangunahing balangkas ng kasaysayan ng daigdig ayon sa magiging epekto nito sa bayan ng Diyos, mula sa panahon ng sinaunang Babilonya, mahigit na 2,500 taon na ngayon, hanggang sa ating kasalukuyang kaarawan at lampas pa nga rito.
Si Daniel, isang propeta na nabuhay noong ikaanim na siglo bago ng ating Karaniwang Panahon, ay binigyan ng apat na hiwa-hiwalay na mga pagsisiwalat tungkol sa kinabukasan ng kasaysayan ng daigdig. Saan niya kinuha ang kaniyang impormasyon? Ang sabi ni Daniel: “Mayroong isang Diyos sa langit na Tagapagsiwalat ng mga lihim.” (Daniel 2:28) Ang mga arkeologo, na nakatuklas ng mga labí na naiwan ng sinaunang mga kapangyarihan ng daigdig, ay nakasumpong ng kagila-gilalas na patotoo ng pagiging katotohanan kapuwa ng kasaysayan at ng hula na masusumpungan sa Bibliya.
Dalawa sa dakilang mga kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya, ang Ehipto at Asiria, ang umiiral na malaon pa bago noong panahon ni Daniel. Ang Babilonya ay nagpupuno na noong kaarawan ni Daniel, at ang mga pangalan ng sumunod na dalawang kapangyarihan ng daigdig ay isiniwalat sa propeta. (Daniel 2:47, 48; 8:20, 21) Dalawang mga iba pa ang kasunod ng mga ito, at dinadala tayo nito hanggang sa kasalukuyang panahon.
Ilan?
Sang-ayon sa Bibliya, ilan ba ang gayong mga kapangyarihan sa daigdig? Ang sagot ay ibinigay sa matanda nang si apostol Juan at nagpapakita kung saan na tayo naroroon sa agos ng panahon. Isang anghel ang nagsabi kay Juan: “Mayroong pitong hari: lima ang nabuwal na, isa ang nakatindig pa, ang isa ay hindi pa dumarating.”—Apocalipsis 17:10.
Anong limang kapangyarihan ng daigdig ang dumating na at wala na noong kaarawan ni Juan? Ang Ehipto, Asiria, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya. Alin ang umiiral pa? Ang Roma. At aling kapangyarihan ang “hindi pa dumarating”? Ang Anglo-Amerikanong Kapangyarihan ng Daigdig sa kaarawan natin. Ito ang mga kapangyarihan sa daigdig na pangunahing kinasangkutan ng bayan ng Diyos, noong una at ngayon.
Ang isang lalo nang mahalagang katotohanan ay ito: Magkakaroon ng sunud-sunod na pito lamang kapangyarihan sa daigdig! Isang kasabay na ikawalong kapangyarihan, na dito’y kasali ang mga labí ng pito, ang inihula na iiral nang sandaling panahon sa mga araw ng ikapito. (Apocalipsis 17:10, 11) Ito’y nangangahulugan na tayo ay nabubuhay sa panahon ng hulí sa dakilang mga kapangyarihan ng daigdig na pinaghaharian ng tao. Hindi na magkakaroon ng higit pa riyan!
Sa hindi na magtatagal ngayon, matatapos na ang kaarawan ng mga kapangyarihan ng daigdig. Inihula ni Daniel na ang mga sistemang ito ng tao ay dudurugin at ‘tatangayin ng hangin.’ (Daniel 2:35) Ano ang hahalili sa mga ito? Isang bagay na makapupupong mas mabuti! Si Daniel ay nag-uulat: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin at wawakasan niyon ang lahat ng kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman,” walang-hanggan. (Daniel 2:44) Kaya wala kundi ang Kaharian ng Diyos ang hahalili sa mga pandaigdig na kapangyarihang ito ng tao. Anong marilag na kaunlaran sa pamamahala ng daigdig!
Walang alinlangan na may alam ka tungkol sa mga kapangyarihan ng daigdig. Subalit ang higit bang kaalaman sa kanilang mga kaugalian, sa kanilang relihiyon, at sa kanilang kaugnayan sa bayan ng Diyos at sa hula sa Bibliya ay tutulong sa iyo na maunawaan nang higit pa ang tungkol sa kasaysayan ng sangkatauhan sa liwanag ng Kasulatan?
Oo, tama iyan. Kaya kami ay nalulugod na maglathala, pasimula sa labas na ito, ng sunud-sunod na walong artikulo tungkol sa mga kapangyarihan ng daigdig. Ang mga artikulong ito ay dapat tumulong upang kumbinsihin ka na ang kasaysayan na inilalahad sa Bibliya ay maaasahan at mapagkakatiwalaan. Dapat ding magpalakas ito sa iyong pananampalataya sa bagay na ang mga hula sa Bibliya ay tapat at totoo!