Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pagpipilit na Isagawa ang Ibinigay ng Diyos na Atas sa Kanila
TOTOONG dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova ang banal na atas sa kanila na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 9:16; Gawa 20:26, 27) Isang mag-asawa sa Pransiya ang nakadama ng lakas ng atas na ito upang madalhan ang bawat isa ng mabuting balita. Sa kanilang teritoryo ay mayroong isang otel na tinutuluyan ng pulitikal na mga takas at mga kabataang mga manggagawang banyaga. Ganito ang sabi ng mag-asawa: “Pinag-isipan namin kung paano kami makakapasok sa loob kung hindi iniimbitahan ng sinuman na nakatira roon. Kaya’t minabuti namin na makipag-usap sa mga tao sa labas at marahil maanyayahan na dalawin sila sa loob. Isang kabataang lalaki ang masiglang tumanggap ng mga magasin at hiniling niya na dalawin siya.
“Aming dinalaw ang kabataang lalaking ito, at isang pag-aaral ang kaagad napasimulan. Tuwing mag-aaral ay isang kaibigan niya ang naroroon, ngunit ang kaibigan ay hindi kailanman nagsasalita gaputok man. Nang, sa pagtatapos ng ikalawang pag-aaral, aming itinanong kung siya man ay gustong matuto pa nang higit tungkol sa Salita ng Diyos, siya’y tumugon: ‘Bakit hindi?’ Kaya nagsimula ang ikalawang pag-aaral. Sa pasimula pa lamang ay aming inanyayahan sila sa mga pulong, at magmula na noon ay wala silang nakakaligtaan isa man. Ang kanilang pagsulong ay halatang-halata, lalo na roon sa otel, na kung saan agad nagsimula sila na ipakipag-usap ang mga bagay na kanilang natututuhan, at ito’y nagbunga ng ikatlong pag-aaral na pinasimulan sa isang mag-asawa. Isang araw ang buong grupo ay naroon sa may pasukan, handang magtungo na sa pulong, nang isang kaibigan ang nagpasiya na sumama na rin. Ang babaing ito ay totoong masigla at ibig niyang ang kaniyang nobyo ay matuto rin ng lahat ng iyon. Kapuwa sila nagsimulang makipag-aral.
“Hanggang sa puntong iyon limang pag-aaral ang idinaraos. Bawat isa ay mistulang isang pagpupulong! Bawat isa ay dumadalo sa pag-aaral ng bawat isa, at may mga baguhan na nakikisali rin. Silang lahat ay nagsasalita tungkol sa katotohanan, kaya naman ang resulta, ang ikaanim na pag-aaral ay pinasimulan sa isa pang lalaki, na nagsimula rin ng pagdalo sa mga pulong at nagpatotoo sa kaniyang nobya.
“Mangyari pa, lahat ng ito ay isang kahanga-hangang pagpapatotoo sa otel. Hindi madali para sa mga kabataang ito na magbihis ng bagong personalidad. Kinailangan na daigin nila ang bisyong paninigarilyo, paglalasing, karahasan, kalibugan, at masasamang kasama. Pinapangyari ni Satanas na ang kanilang dating mga kaibigan ay magsikap na hadlangan ang kanilang pagsulong, anupa’t inakit sila na manigarilyo o magkaroon ng maiingay na mga parti. Isa sa mga lalaking interesado ang katipan ng isang babae na miyembro ng isang kulto. Sinikap ng babaing ito na ilayo ang lalaking iyon sa katotohanan. Gayumpaman, ang babae ay sa wakas nagsimulang makipag-aral at sapol noon ay nagkaroon ng mahusay na pagsulong.
“Sang-ayon sa pinakahuling balita,” ang sabi ng mag-asawa, “isa sa mga kabataang lalaki ang nabilanggo dahil sa kaniyang paninindigan tungkol sa neutralidad. Sa loob ng wala pang isang taon, anim na mga iba pa ang nabautismuhan, lima sa kanila ang agad pumasok sa paglilingkod bilang auxiliary payunir. Buhat sa buong grupong iyan, anim ang ngayo’y mga regular payunir, at ang tunguhin nila ay maging mga espesyal payunir.”
Anong saganang kagantihan ang nakamit ng mag-asawang ito dahilan sa pagpipilit nila na magampanan ang banal na atas sa kanila na hanapin ang tulad-tupang mga tao! Tunay na pinagpala ni Jehova ang kanilang tapat na pagsusumikap. Bagama’t marahil wala tayo ng gayong pambihirang mga karanasan, sa tuwina’y ibig natin na gampanan nang may katapatan ang banal na atas sa atin na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 24:14.
[Larawan sa pahina 21]
Ang mag-asawa sa Pransiya kasama ang anim na mga regular payunir