Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang mga Tupa ni Jesus ay Nakikinig sa Kaniyang Tinig
SAMANTALANG ang pangangaral ay lumalawak hanggang sa lahat ng bahagi ng mundo, sa pamamagitan ng kaniyang mga anghel ay inaakay ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa mga taong tulad tupa. Kanilang naririnig ang tinig ni Jesus at sila’y natututong maglingkod sa kaniya taglay ang inaasahang buhay na walang-hanggan. Sinabi ni Jesus sa Juan 10:27, 28: “Nakikinig ang aking mga tupa sa aking tinig, at sila’y nakikilala ko, at sila’y sumusunod sa akin. At sila’y binibigyan ko ng buhay na walang-hanggan.” Pansinin kung papaano ang mga tapat-puso sa Madagascar ay nakinig sa tinig ni Jesus.
Isa sa mga Saksi ni Jehova ay nagbigay ng mga kopya ng mga aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa at Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito sa doktor na naparoon sa kanila upang tingnan ang kalagayan ng kaniyang amang may sakit.
Ang doktor ay Protestante at salungat na salungat sa mga Saksi, subalit binasa niya ang aklat at tiningnan ang mga teksto sa kaniyang sariling Bibliya. Ang kaniyang maybahay, na isang Katoliko at isa ring doktor, ay binasa ang aklat na Kabataan nang ilang beses sapagkat iyon daw ay parang isinulat lalo na para sa kaniya. Ang salig-Bibliyang paliwanag ng Samahan sa kahulugan ng 1914 ay hinangaan nila. Kinausap ng asawang lalaki ang Saksi na nagbigay sa kaniya ng mga aklat. Binigyan naman siya ng Saksi ng Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? at nakipag-ayos na dadalawin siya at ang kaniyang asawang babae upang sagutin ang kanilang mga tanong. Nang kaniyang dalawin sila, siya’y nakapagsimula ng isang palagiang pag-aaral sa Bibliya sa mag-asawa at sa kanilang tatlong anak. Mabilis ang pagsulong sa kaunawaan sa Bibliya.
Pagkatapos ng unang pag-aaral, ang buong pamilya ay nagsimulang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall at hindi nagtagal ay nagpatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ang paggawi ng mga anak ay sumulong nang malaki. Buhat sa kanilang pag-aaral ng Bibliya, kanilang napag-alaman na ang pagdiriwang ng kapanganakan at ang iba pang relihiyosong mga kapistahan ay hindi Kristiyano; kaya, huminto sila ng pagdiriwang ng mga iyon. Ang asawang lalaki ay tumangging magbigay ng kaniyang dugo sa isang kamag-anak, kahit na ang paksang iyon ay hindi pa tinatalakay sa pag-aaral sa Bibliya. Hindi nagtagal at ang kaniyang uniporme sa pagkakarate ay nawala sa kaniyang aparador; kaniya palang ipinadala iyon sa sastre upang gawin iyon na mga kasuutan para sa kaniyang mga anak. Kaniyang sinunog ang lahat ng kaniyang mga magasin at mga aklat tungkol sa horoskopyo. Tatlong buwan lamang pagkatapos na sila’y magsimulang mag-aral, kapuwa ang lalaki at ang kaniyang asawa ay nagbitiw na sa kanilang pagkamiyembro sa kani-kanilang simbahan at ipinabatid ang kanilang pagnanais na makibahagi sa pangangaral. Sila ay bautismado na ngayon.
◻ Isang babae sa Thailand ang naghahanap ng katotohanan. Bagaman siya’y isang Buddhista, hindi siya naging masigasig sa kaniyang relihiyon dahilan sa napakaraming pagpapaimbabaw at kasakiman ang kaniyang nasaksihan. Bukod dito, may sari-saring kaugalian doon na naging kainis-inis sa kaniya. Suya na siya sa lahat ng iyon.
Pagkatapos, isang kapitbahay ang nagrekomenda na subukin niya ang mga Kristiyano at dinala siya sa isang simbahang Pentecostal. Gayunman, samantalang ginaganap ang serbisyo ay tumindi ang naisin ng babae na umalis at umuwi dahilan sa ingay, sapagkat lahat ng naroroon ay nagdarasal nang malakas. Iyon ang huling pagdalo niya sa simbahang iyon.
Nang malaunan, sinubok naman niya ang isang simbahang Romano Katoliko. Gayunman, pagkatapos dumalo nang ilang beses, muli na namang napansin niya ang pagpapaimbabaw at kasakiman, at gayundin ang maluhong istilo ng pamumuhay ng pari. Siya’y nasuya at hindi na nagpunta roon. Sabik malaman ng pari kung bakit siya umalis. Pagkatapos malaman ang dahilan, patuyang sinabi niya: “Kung ang gusto mong makasama’y mga taong talagang istrikto, pumunta ka sa mga Saksi ni Jehova.” Siya’y nagtanong: “Nasaan sila?” Tumugon ang pari: “Sila’y malapit sa isang ahensiya na nangangasiwa sa suplay ng tubig.” Kinabukasan ay hinanap niya sila ngunit hindi na nakita. Bagaman nabigo, gayunman ay palaging nasa isip niya ang mga Saksi ni Jehova.
Isang araw ay naulinigan niya ang isa sa kaniyang mga kapitbahay na patuyang nagsasabi sa kausap: “Hindi magtatagal at ikaw ay magiging isa sa mga Saksi ni Jehova!” Nang marinig iyan, ang babae ay sumugod sa kapitbahay at nagtanong: “Mayroon bang mga Saksi ni Jehova rito?” “Oo,” ang sagot. “May pupunta rito upang mangaral sa bahay-bahay. Makikilala mo sila sa kanilang malinis at maayos na paraan ng pagdaramit.” Nang marinig iyan siya ay nagtatakbong palabas upang hanapin sila. Sa simula ay hindi niya natagpuan sila, subalit nang pabalik na sa kaniyang bahay, napansin niya ang dalawang babaing maayos ang kasuutan na may kausap. Siya’y lumapit at nagtanong kung sila ay mga Saksi ni Jehova. Nang kanilang sabihin na sila nga iyon, siya’y nakiusap: “Pakisuyong pumaroon kayo sa aking bahay. Ibig ko kayong makausap.”
Sinimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at sa kabila ng pananalansang at pangungutya buhat sa mga miyembro ng pamilya, ang babaing ito ay nagsimulang dumalo sa mga pulong at magpatotoo sa kaniyang mga kamag-anak.
Talagang nakikilala ni Jesus ang kaniyang mga tupa at tinitipon sila sa kaniyang organisasyon upang makaligtas tungo sa kaniyang bagong sanlibutan ng katuwiran.