Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Mabuting Balita Buhat sa Norway
MARAMING magagandang karanasan ang mahigit na 9,500 tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian sa Norway. Nakikilala ng tapat-pusong mga tao ang mensahe ng Bibliya na inihahayag ng mga Saksi ni Jehova bilang katotohanan at kasagutan sa kanilang mga panalangin, gaya ng mapapansin sa sumusunod na mga karanasan.
◻ Isang kabataang mag-asawa ang nanalangin sa Diyos na tulungan sila na makasumpong ng layunin sa buhay. Makalipas ang isang linggo dumalaw ang mga Saksi ni Jehova, at sila’y inanyayahang tumuloy ng asawang babae. Ang asawang lalaki ay inabisuhan na pala laban sa mga Saksi, kaya siya’y lumabas ng bahay upang hugasan ang kaniyang kotse. Ang asawang babae ay doon isinilang sa Lebanon at may suliranin sa wika, kaya ipinakita sa kaniya ng mga Saksi ang pangalan ni Jehova sa kaniyang Bibliyang Arabico. Makalipas ang dalawang linggo bumalik ang mga Saksi, at ang asawang lalaki ay minsan pang lumabas upang hugasan ang kaniyang kotse. Tinanong ng mga Saksi sa asawang babae kung inaakala baga niyang ang kaniyang asawa’y hindi aalis sa susunod na pagdalaw nila upang siya ang maging tagapagsalin, at ang babae ay nangako naman na hihilingin niya iyon sa kaniyang asawa.
Sa ikatlong pagdalaw, ang kotse ay lubhang malinis kung kaya’t naisip ng lalaki na hindi magagamit iyon bilang isang pagdadahilan upang umalis, kaya hindi na nga siya umalis at marami ang kaniyang itinanong upang malaman ang kaibahan ng mga Saksi at ng simbahan ng Estado. Ang pagdalaw ay tumagal ng tatlong oras, at isang brosyur ang naipasakamay sa mag-asawa. Nang umalis ang mga Saksi ang asawang babae ay natulog na ngunit ang lalaki ay nagsimulang magbasa ng brosyur, habang hinahanap niya ang lahat ng teksto. Sa kalaliman ng gabi kaniyang ginising ang kaniyang maybahay at sinabi niya: “Kailangang basahin mo ito.” Ang babae’y bumangon, at sila’y nagbasang magkasama hanggang ikalima ng umaga. Sa pagkatanto na kanilang nasumpungan ang katotohanan, sila’y napaiyak sa kagalakan at nanalangin kay Jehova, na ginagamit ang kaniyang pangalan. Isang regular na pag-aaral ang sinimulan sa kanila, at sila’y nagsimula na ng pagdalo sa mga pulong. Ang lalaki’y nagbitiw sa kaniyang trabaho sa militar, at sila’y nagbitiw sa simbahan at huminto ng paninigarilyo. Sila ngayon ay bautismado na at maligayang naglilingkod kay Jehova kasama ang kanilang mga kapatid sa buong daigdig.
◻ Dalawang magkapatid na babae ang nagbabahay-bahay sa Norway at nakatagpo ng isang babaing nagpakita ng interes. Ito’y nag-anyaya sa kanila na bumalik at itinanong kung maaari siyang mag-anyaya ng iba pang mga babae. Nang sumunod na pagdalaw, apat pang babae ang naroroon. Isa sa kanila ang totoong aktibo sa simbahan. Sinabi niya na sapol nang siya’y bata, ibig niyang sumunod sa utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad. Ito ang umakay sa kaniya sa Aprika kasama ng kaniyang asawang lalaki sa isang proyekto ng pagtulong sa ibang bansa. Lahat ng babae ay nagharap ng maraming tanong, at isinaayos na dumalaw sa kanila tuwing dalawang linggo ang mga kapatid na babae. Nag-anyaya ng mga bagong kapitbahay, at ang iba’y nagpatuloy ng pagdalo samantalang ang iba naman ay huminto na ng pagdalo, ngunit ang babaing aktibong miyembro ng simbahan ay nakaunawa na ang pinag-aaralan niya’y katotohanan. Isang araw, nang ang ministro ng kaniyang simbahan ay magsabing ito’y susuporta sa digmaan at naniniwala sa doktrina ng Trinidad, ang babae ay nagbitiw sa simbahan. Siya’y nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at hindi nagtagal ay nagsimula na ng pakikibahagi sa pangangaral. Hindi naman nagtagal at siya ay nabautismuhan. Sa wakas ngayon, pagkaraan ng 30 taon, kaniyang ikagagalak na talagang sinusunod niya ang utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad.—Mateo 28:19.
Pinagpapala ni Jehova ang mga kapatid sa Norway sa kanilang banal na paglilingkod pati na rin yaong nakikinig sa mabuting balita!