“Ang mga Pising Panukat ay Nangahulog Para sa Akin sa Maliligayang Dako”
Inilahad ni D. H. MacLean
NAROON ako at nakaupo, lumilipas ang bawat oras, at sa tabi ko ay may nakabantay na isa sa mga Royal Canadian Mounted Police. Ako’y kaniyang preso. Kami’y patungo sa kampo ng mga preso sa Chalk River, Ontario, Canada, at waring ang 2,400-kilometro na biyahe sa tren ay hindi na matatapos.
Noon ay 1944, at ang Digmaang Pandaigdig II ay nasa kainitan. Subalit ano nga ba ang ginagawa ko rito samantalang patungo ako roon sa bilangguan? Bueno, ang dahilan sa kalakhang bahagi ay yaong itinuro sa akin ni Itay mula pa sa aking pagkabata patuloy. Karaniwan nang tinatapos niya ang anumang seryosong pakikipag-usap sa akin sa pamamagitan ng pagkakapit sa kaniyang sariling buhay ng mga salita ng salmista: “Ang mga pising panukat ay nangahulog para sa akin sa maliligayang dako.” Pagkatapos ay hihimukin niya ako na magsumikap na magkaroon ng ganoon ding karanasan.—Awit 16:6.
Espirituwal na Pagpapalaki
Ang mga bagay na nasaksihan ni Itay samantalang naglilingkod ng apat na taon bilang isang sarhento noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, lalo na ang nakita niyang pagpapaimbabaw ng klero ay nag-alis ng kaniyang pagtitiwala. Kaya naman, noong 1920, nang isang masiglang Bible Student ang magpaliwanag ng lunas ng Diyos sa mga problema ng daigdig, ang mga katotohanan ng Bibliya ay nakapukaw sa puso ni Itay. Si Inay ay nagkaroon din ng interes at naging isang debotadong lingkod ni Jehova. Sa gayon, ang aking kapatid na babaing si Kay at ako ay nagkaroon ng bentaha ng paglaki sa isang espirituwal na kapaligiran.
Nang sumapit ang panahon, ipinagbili ni Itay ang kaniyang negosyo, at siya at si Inay ay nagsimulang naglakbay sa bayan-bayan samantalang nasa gawaing pangangaral nang buong-panahon. Sa gayon, noong 1928 na taon ng pag-aaral, nang ako’y anim na taon at si Kay naman ay walo, kami’y nag-aral sa walong iba’t ibang mga paaralan! Kami’y nagpatuloy sa ganitong palipat-lipat na pamumuhay sa loob ng sumunod na 18 buwan. Subalit nang patuloy na naging mahirap na bigyan ng hustong atensiyon ang aming edukasyon, ang aking mga magulang ay bumili ng isang istasyon ng gasolina at garahe at idinugtong ito sa isang munting tindahan ng mga kendi. Gayumpaman, ang 18 mga buwan ng pagpapayunir ay nag-iwan ng isang namamalaging impresyon sa aming magkapatid.
Ang aming tahanan malapit sa Halifax, Nova Scotia, ay laging bukás para sa mga payunir at naglalakbay na mga tagapangasiwa. Si Itay ay may magandang-loob at matulungin sa mga nangangailangan ng pagkumpuni ng kanilang kotse o ng mga piyesa nito, samantalang si Inay naman ay nag-aasikaso ng mga pangangailangan ng aming maraming mga bisita sa tahanan namin. Hindi ko malilimot ang nagpapatibay-pananampalatayang mga karanasan na inilahad niyaong buong-panahong mga manggagawa. Natatandaan ko pa rin ang panahon na ako’y 18 anyos at isa sa naglalakbay na mga kapatid ay nag-anyaya sa akin na sumama sa kaniya nang tatlong linggo sa kaniyang pagdalaw sa karatig na mga kongregasyon. Ang di-inaasahang pribilehiyong iyon ay nananatiling nakaukit sa aking isip.
Pananabik sa Panahon ng Pagbabawal
Noong 1940, nang ako’y 17 anyos lamang, ang mga awtoridad sa Canada ay nagdeklarang ilegal ang “Organisasyon ng mga Saksi ni Jehova,” at ang gawaing pag-eebanghelyo ng mga Saksi ay ipinagbawal. Ang magasing The Watchtower ay nilimbag nang lihim sa aming bahay, at mula roon ay ipinamahagi ito sa buong probinsiya ng Nova Scotia. Natatandaan ko ang nag-uumapaw na pananabik pagka ang isang mensahero ay darating samantalang nasa kalaliman ng gabi na dala ang mga stencil at mga suplay ng papel at tinta.
Noong nagsisimula ang pagbabawal, kami ay nakibahagi bilang isang pamilya sa pambuong-bansang pamamahagi kung hatinggabi ng isang pantanging pulyeto na pinamagatang End of Nazism. Subalit ipagtatapat ko na ang aking puso ay malakas ang pintig samantalang bumababa ako sa kotse sa kadiliman ng malamig na gabing iyon. Si Itay ay nagbigay ng mabilisan, ngunit malinaw na mga tagubilin. Pagkatapos ay naghihiwa-hiwalay kami at bawat isa ay nagkani-kaniya na.
Maguguniguni ninyo ang aming pagkabahala nang si Kay ay hindi bumalik sa kotse sa pinagkasunduang oras. Pagkatapos na maghintay ng mahigit na isang oras, wala kaming nagawa kundi umuwi na. Kami’y nakahinga nang maluwag, nang datnan na namin siya roon, na may kasabikang naghihintay sa amin. Siya pala ay dinampot ng pulis ngunit hindi dahil sa pamamahagi ng ilegal na literatura. Natanaw siya ng isang pulis at ito’y nagtaka kung bakit ang isang kaakit-akit na dalagita ay naglalakad na mag-isa sa mga kalye ng Halifax sa maagang mga oras ng isang malamig na umaga sa panahon ng taglamig. Kaya’t nang ito’y mag-alok ng tulong na ihahatid sa kanilang tahanan, tinanggap naman iyon ni Kay—yamang lahat ng mga pulyeto niya ay naipamahagi na. Ang kampaniya ay isang malaking tagumpay at napatanyag sa buong Canada.
Kung Paano Ako Naging Isang Preso
Pagkatapos ko ng high school noong 1941, ako’y naghanapbuhay sa loob ng halos dalawang taon. Nang magkagayo’y nakadalo ako sa isang pandistritong kombensiyon sa Estados Unidos, na kung saan nakilala ko si Milton Bartlett, isang masigasig na payunir na kasing-edad ko. Ang kaniyang pagiging mabunga sa katotohanan at hayag na kagalakan sa pagpapayunir ang nakatulong nang malaki upang ako’y magpasiya na huminto na sa sekular na trabaho at pumasok sa buong-panahong ministeryo noong Marso 1943.
Yamang ang pagbabawal na ito ay umiiral pa, ang pangangaral ng Bibliya sa bahay-bahay ay halos isang laro ng pakikipagtaguan sa pulisya. Sa isang bagong atas sa Charlottetown, Prince Edward Island, ako’y sabik na sabik na lumabas sa paglilingkod sa ministeryo upang makita ko ang reaksiyon ng mga tao kung kaya’t nakalimutan kong kunin ang direksiyon ng aking tuluyan.
Mga ilang tahanan pa lamang ang nadadalaw ko nang ako’y lapitan ng pulis, na humalughog sa aking bag at ako’y inaresto. Yamang hindi ko maibigay ang direksiyon ng aking tirahan, ako’y ipiniit, na kung saan ako’y nakakulong na mag-isa nang apat na araw. Sa kabutihang palad naman, ang anak na babae ng isang Saksi sa kongregasyon ay nakaulinig ng sinasabi ng hepe ng pulisya tungkol sa isang kabataang Saksi na kanilang ikinulong, at dahil dito ay napiyansahan nga ako ng mga kapatid at ako’y nakalabas.
Ang paglilitis sa akin ay ipinagpaliban ng maraming buwan, kaya’t nagpatuloy ako sa ministeryo ng pagbabahay-bahay. Pagkatapos ay binigyan ako ng ibang atas, sa Glace Bay, Nova Scotia. Mga ilang buwan ang nakalipas, ako’y tumanggap ng pahiwatig na ako’y humarap sa hukuman para litisin sa Charlottetown. Ako’y naghanda nang buong sikap para sa paglilitis sa akin, umaasa akong makapaghaharap ng matibay na patotoo ng aking ministeryo.
Nasiyahan naman ang hukom dahil sa natugunan ko ang lahat ng hinihinging kuwalipikasyon sa isang ministro ng relihiyon. Gayunman, kaniyang isinusog na kaugalian na ang ipadala ang mga Saksi ni Jehova sa mga piitang kampo kasuwato ng mga regulasyon sa pambansang serbisyo. Ito nga ang dahilan kung bakit ako naroroon sa tren na nagbibiyaheng patungo sa kampong piitan sa Chalk River, Ontario. Noong sumunod na dalawang taon, ako’y ipinadala sa tatlong iba’t ibang mga kampo.
Kalayaan—Subalit Higit Pang mga Pakikipagbaka
Ako’y pinalaya noong 1946 at muli kong ipinagpatuloy ang pagpapayunir sa Glace Bay. Ngayong inalis na ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova, kami ay malaya na naman na gumawa sa Canada ng gawaing may proteksiyon ng batas. Ang kaisa-isang kataliwasan ay ang may wikang-Pranses na Katolikong probinsiya ng Quebec, na kung saan matindi ang relihiyosong pag-uusig. Sa ganoo’y nagsimula ang tinatawag na Labanan ng Quebec.
Noong Linggo, Nobyembre 3, 1946, isang natatanging pulong ang isinaayos sa Montreal, na dinaluhan ng presidente ng Samahang Watch Tower at ng mga iba pa buhat sa punung-tanggapan sa Brooklyn. Ang nag-aapoy na tract na Quebec’s Burning Hate for God and Christ and Freedom Is the Shame of All Canada ay inilabas, at isang programa para sa pambuong-bansang pamamahagi ang binalangkas. Ang mga payunir ay inanyayahan na umaplay para sa susunod na klase ng Gilead upang tumanggap ng pagsasanay para sangkapan sila na sumubaybay sa natatanging kampaniyang ito sa Quebec. Ako’y nag-aplay at sa loob ng mga ilang buwan ay tumanggap ako ng isang paanyaya sa ikasiyam na klase ng Gilead.
Buhay sa Isang Bagong Lupain
Yamang ang akala ko’y sa Quebec ako madidestino, isang lubusang sorpresa sa akin, nang pagkatapos ng graduwasyon, ako’y inatasan bilang tagapangasiwa ng sirkito sa Ontario, Canada, upang dumalaw sa mga kongregasyon doon na Ingles ang wika. Gayunman ay bale wala ito kung ihahambing sa kabiglaanan na naranasan anim na buwan ang nakalipas nang ako’y abutan ng isang liham na galing sa Samahan at nagsasabi na ako’y ididestino sa Australia.
Doon sa bagong lupaing iyon, ang unang atas sa akin ay maglingkod sa isang sirkito na sumasaklaw sa buong estado ng Kanlurang Australia, isang napakalawak na lugar na 2,528,000 kilometro kuwadrado! Ang isa pang mga unang sirkito na pinaglingkuran ko sa gitnang bahagi ng Australia ay sumasaklaw sa isang malayong himpilan na tinatawag na William Creek. Ang kaisa-isang Saksi roon ay opereytor ng kaisa-isang tindahang sarisari sa hintuan ng tren. Isang araw ako ay namangha sa pagkakita ng isang hanay ng sunud-sunod na mga kamelyo na kinasasakyan ng Australyanong mga Katutubo na dahan-dahang palapit sa tindahan. Sila pala’y nagpunta roon upang bumili ng mga panustos na gamit. Ganito ang kanilang pag-uusap:
Mamimili: Gusto ko ng mga bota.
Maytindahan: Malaki po ba o maliit?
Mamimili: Malaki.
Diyan, nagtapos ang bilihan, at ang mamimili ay lumabas na sa tindahan upang ang kaniyang bagong bota ay ilulan sa kaniyang kamelyo. Isa pa ang pumasok.
Mamimili: Nais ko ng bestida para sa lubra (Katutubong salita na ang ibig sabihin ay asawang babae).
Maytindahan: Mataba po ba o payat?
Mamimili: Payat.
Ang bestida ay inilabas, binayaran, at isiniksik sa isang bag upang mailulan sa naghihintay na kamelyo.
Nakapag-asawa Ako
Tatlong taon pagkatapos na dumating ako sa Australia, ako’y nag-asawa ng isang magandang dalagang taga-Brisbane, na nagngangalang June Dobson. Pagkatapos na kami’y makasal, kami’y nagpayunir nang may isang taon bago naanyayahan na bumalik sa pagiging naglalakbay na tagapangasiwa, una muna sa gawaing pansirkito at nang dakong huli ay sa gawaing pandistrito.
Nang ako’y binata, naglingkod ako sa maraming lugar sa outback sakay ng isang motorsiklo. Gayunman, kami ng aking maybahay ngayon ay nagbibiyaheng sakay ng kotse. Ang daan na tumatawid sa baku-bakong Nullarbor Plain, na kung saan ang temperatura ay karaniwan nang umaabot sa mahigit na 46 na grado Celsius, ay hindi aspaltado sa distansiyang mga 1,200 kilometro at napakamaalikabok na pinung-pino. Ito’y sumasaboy sa buong paligid, kung kaya’t ang kotse ay mistulang isang speedboat na sumasayad sa tubig. Lahat ng pinto at bintana ay maingat na nilagyan namin ng masking tape ang mga siwang para huwag pasukin ng nakapipinsalang alikabok. Dahil dito ang temperatura sa loob ng kotse ay biglang tumaas, subalit nakatulong naman ito upang kami’y makaiwas sa dumi at alikabok.
Noong mga taon ng aming paglilingkod sa gawaing pandistrito, kami’y ulit at ulit na nagparoo’t parito sa kontinente ng Australia, dinadalaw namin ang maraming mga bayan at mga siyudad at naglilingkod kami sa mga asambleang pansirkito sa bawat posibleng kapaligiran. Nang kami’y magpasimula sa gawaing pandistrito noong 1953, mayroong iisang distrito sa Australia. Ngayon ay mayroong lima.
Noong 1960 isang di-inaasahang imbitasyon ang tinanggap namin—na kami’y maglingkod sa Bethel sa Sydney sa Strathfield. Ang kaibahan nito sa gawaing paglalakbay ay malaki, subalit habang nagtatagal ay nasanay na rin ako sa gawang pang-opisina. Gayunman, hindi nagtagal at isa pang sorpresa ang dumating. Pagkatapos na maglingkod sa Bethel nang may 18 buwan, kami ni June ay tumanggap ng imbitasyon na mag-aral ng bagong 10-buwang kurso sa Gilead School.
Naiiba sa aking unang pag-aaral sa Gilead sa South Lansing, New York, ngayon ay naroon kami mismo sa Brooklyn, ang pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Nang kami’y magtapos, idinestino kami at pinabalik sa Australia, minsan pa kami’y inilagay sa gawaing paglalakbay. Kami’y naglingkod sa gayong gawain hanggang noong 1981, nang kami’y anyayahan na bumalik sa Sydney Bethel. Doon ay nakabahagi kami sa malaking gawain na paglilipat ng buong tanggapang sangay, pabrika, at pamilyang Bethel mula sa Strathfield tungo sa bagong katatayong mga pasilidad sa Ingleburn, mga 48 kilometro ang layo sa sentro ng Sydney.
“Sa Maliligayang Dako”
Dito ang aking trabaho sa service desk ay isang araw-araw na kaluguran. Yamang personal na nakikilala ko ang napakaraming mga kapatid na kung tagasaan sa buong kontinente dahilan sa matagal kong paglilingkod bilang tagapangasiwa ng distrito, nadarama ko na ako’y mistulang kasa-kasama ng mga tagapangasiwa ng sirkito samantalang dumarating bawat linggo ang kanilang mga report. Dahilan sa tinatanggap kong mga report ng mga tagapangasiwa ng distrito nadarama kong ako’y parang naroroon sa awditoryum at mga Assembly Hall na kung saan may kapaligiran ng isang pansirkitong asamblea. Kami’y bahagi ng isang pamilyang Bethel na binubuo ng mahigit na 110, naroroon sa isang lugar na kalahati’y kabukiran at malayo sa ingay at polusyon ng siyudad, nadarama naming mag-asawa na ang buhay sa Bethel ang tugatog ng “maliligayang dako.”
Isang dapit-hapon sa panahon ng taglagas noong Mayo 1984, marahang sinabihan ako ng Branch Committee Coordinator, si H. V. Mouritz, na ako’y tumanggap ng isang paghirang buhat sa Lupong Tagapamahala upang maglingkod bilang isang miyembro ng Branch Committee sa Australia. Nang hapong iyon ay nadama ko ang katulad ng nadama ko noong 1947 nang mabasa ko ang liham na nag-aatas sa akin na maglingkod sa kalugud-lugod na lupaing ito na nasa ilalim.
Ang pagbabalik-tanaw sa aking 65 taon ng buhay sa organisasyon ni Jehova ay pagkadama ng isang personal na katuparan ng Awit 16:6. Tunay, na ang “pising panukat” ay nangahulog para sa akin sa totoong “maliligayang dako.” Kung sakaling isasaplano kong muli ang aking buhay, walang atubili na pipiliin ko ang mismong buhay na pinagdaanan ko na. Wala nang hihigit pa rito na kalugud-lugod na kahihinatnan—wala nang hihigit pa ritong nakagagalak na karanasan.