Ang Kahulugan ng mga Balita
Hindi Pagpapalabis ang Baha
Ang ulat ng Bibliya tungkol sa isang pangglobong baha ay malaon nang pinupuna na batay lamang sa katha kaysa sa katotohanan. Ang New Catholic Encyclopedia ay nagpapahayag: “Karaniwan nang napagkasunduan na ang pangyayari kay Noe at sa arka ay hindi isang bahagi ng pangkasaysayang pag-uulat kundi isang kathang isip lamang.” Ang ilang mga mapag-alinlangan ay nangangatuwiran na ang halumigmig sa atmospera ay makalilikha lamang ng iilang pulgada ng pangglobong ulan.
Ngunit ayon sa ulat ng Genesis, ang pinagmulan ng tubig-baha ay hindi lamang sa halumigmig sa atmospera. Sa Genesis 1:6 tayo’y sinabihan na ang maylikha ay nag-utos: “Magkaroon ng [atmosperikong] kalawakan sa gitna ng mga tubig at mahiwalay ang mga tubig [ng mga dagat] sa mga tubig [sa itaas ng kalawakan].” Ang mga tubig na nakabitin sa kalawakan ay maliwanag na nanatili roon hanggang sa dumating ang Baha. Sang-ayon kay apostol Pedro, ang atmosperikong “mga langit” at ang mga tubig sa itaas at sa ibaba ng mga ito ang mga dahilan kung kaya’t “ang daigdig ng panahon [ni Noe] ay dumanas ng pagkapuksa nang ito’y bahain ng tubig.”—2 Pedro 3:5, 6; Genesis 1:7.
Ang mapangwasak na mga epekto ng baha ay nadama kamakailan sa Timog Aprika nang ito’y humampas sa lalawigan ng Natal at pumuti ng mahigit na 300 mga buhay. Bilang pagpapahayag sa sakuna, ang tagapag-ingat sa likas-yamang si K. H. Cooper ay pumansin: “Ako’y madalas na nag-iisip kung ano kaya ang mangyayari sa araw at panahong ito kung sakali at uulan ng 40 araw at 40 gabi nang walang tigil. . . . Ang ulan bang iyon ay makapapawi ng halos lahat ng buhay sa lupa? Sa pagkakita kamakailan sa nangyari pagkaraan lamang ng apat na araw na pag-ulan sa Natal,” si Cooper ay nagpatuloy, “ako’y kumbinsido na sa pagiging tunay ng kasaysayan ng Matandang Tipan.”
Malasakit sa Mahihirap?
Paanong ang agwat na naghihiwalay ng mahirap sa mayaman ay matutulayan? Ito ang isyu na isinaalang-alang ni Papa John Paul II sa kaniyang sulat kamakailan na pinamagatang Sollicitudo rei socialis (Ang Pagmamalasakit sa Lipunan). Ang papa ay nagpalagay na ang simbahan ay dapat na makadama ng pananagutan na lunasan ang paghihirap ng mga nagdurusa. Paano? “Kung mapaharap sa kaso ng pangangailangan, ang isa ay hindi maaaring magwalang-bahala roon at sa halip ay higit na pahalagahan ang labis na palamuti at mamahaling mga kagamitan ng simbahan para sa banal na pagsamba; sa kabaligtaran ito’y ubligado na ipagbili ang mga ari-ariang ito upang paglaanan ng pagkain, inumin, damit at tirahan ang mga nagkukulang sa mga bagay na ito.”
Gayumpaman, sa pagbibigay ng kuru-kuro sa sulat ng papa, ang ekspertong Vaticanong si Domenico Del Rio ay pumansin ayon sa La Republica: “Maliwanag na ang mga tao ay maghihintay ngayon na makita ang . . . papa mismo, at silang nakapalibot sa kaniya, ang magbibigay ng halimbawa. Ang basilica ng Vaticano at ang mga basilica ng Roma ay punô ng mga ‘mamahaling kagamitan,’ marahil gayundin ng ‘labis na palamuti ng simbahan.’” Gayunman, ayon sa magasing Fortune, “Ang mga Vaticanong opisyal ay nangingilabot na mag-alis nang gayon na lamang tulad ng Gresyanong urna para makaipon ng pera.”
Nang tagubilinan ni Jesus ang isang pinunong mayaman na ‘ipagbili ang lahat ng kaniyang ari-arian at ipamigay ang salapi sa mga mahihirap,’ ang taong iyon ay hindi pumayag. Siya’y “yumaong namamanglaw sapagkat siya’y may maraming mga pag-aari.” Makatuwiran, si Jesus ay nagbabala: “Kung nasaan ang inyong kayamanan, doroon din ang inyong puso.”—Marcos 10:21, 22; Mateo 6:21.