Nasaan na ang Ating Namatay na mga Mahal sa Buhay?
“NASAAN na ang maliit na bata ngayon?” Ang nahahapis na ina (na nabanggit sa nakaraang artikulo) ay patuloy na nagtatanong kung saan na pumunta ang kaniyang namatay na anak. Nasa langit ba siya o nasa ibang dako pa roon?
Ang nanay ni Andrew ay madaling nabigyan ng kasagutan. Nang marinig ang sakuna, ang kaniyang pinakamatandang anak, isa ring Katolikong Romano, ay sumagot: “Nasa Limbo si Andrew.” Ngunit naroon nga ba siya?
Nasaan o Ano ang Limbo?
Ang The Concise Oxford Dictionary ay nagsasabi na ang Limbo ay isang “lugar na nasa hangganan ng impiyerno, ipinalalagay na tahanan ng bago-ang-panahong-Kristiyanong mga matuwid na tao at ng di pa nabibinyagang mga sanggol; . . . kalagayang pinabayaan at kinalimutan.” Tungkol sa Limbo, ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Sa ngayon ginagamit ng mga teologo ang katawagan upang ituro ang kalagayan at lugar alinman doon sa mga kaluluwang di nararapat sa impiyerno at sa walang-hanggang kaparusahan nito ngunit hindi naman makapasok sa langit bago ang Katubusan (ang Limbo ng ama) o doon sa mga kaluluwang inalis magpakailanman mula sa beatipikong pangitain dahil lamang sa orihinal na kasalanan (ang Limbo ng mga anak).”
Gayunman, ang ensayklopedia ring ito ay nagsasabi pa: “Ang kapalaran ng mga sanggol na namamatay na walang Binyag ay tunay na isang masalimuot na problema. . . Nananatiling isa sa mga hindi pa nalulutas na tanong sa teolohiya ang suliranin ng Limbo. Ang opisyal na pagpapatibay ng simbahan sa pag-iral ng Limbo ay di matagpuan.” Bilang pagpapatunay rito, ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsabi: “Sa dahilang hindi pa opisyal na pinagtitibay ng Simbahang Romano Katoliko ang doktrina ng Limbo bilang isang umiiral na kalagayan o dako, ang ideya ng limbo ay nananatiling tanong na walang katiyakan.”
Sa kabila nito, marami pa ring mga debotong Katoliko ang tumatanggap ng ideya ng Limbo. Ngunit pakisuyong isaalang-alang na mabuti ang puntong ito: Bakit kailangang sumpain ang mga sanggol na manatili nang walang-hanggan sa isang misteryoso, di maunawaang dako dahil lamang sa siya’y hindi nabinyagan?
Binabanggit ba ng Bibliya ang Limbo? Hindi, ang Salita ng Diyos ay hindi kailanman bumanggit dito. Kaya ito’y nagbabangon ng isang mahalagang tanong: Saan pumupunta ang mga tao, kabilang na ang mga sanggol, kapag sila’y namamatay?
Saan Pumupunta ang mga Tao Pagkamatay?
Ang isang popular na pangmalas sa gitna ng mga palasimbang Sangkakristiyanuhan ay na sa kamatayan ang mga tao ay pumupunta alinman sa langit o impiyerno. Ngunit ano naman ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito? Sinasabi nito: “Sapagkat nalalaman ng mga buhay na sila’y mangamamatay; ngunit hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay.” (Eclesiastes 9:5, The Holy Scriptures, According to the Masoretic Text) Kaya nga ang mga patay ay walang nalalaman. Sila’y hindi nabubuhay kung saan kundi literal at lubusang patay. Sila’y walang nalalamang anuman.
Ang katotohanang ito ay pinatunayan ng mga pangungusap na ito sa aklat ng mga Awit sa Bibliya: “Ang mga patay mismo ay hindi pumupuri kay Jah, ni sinumang nabababa sa katahimikan.” (Awit 115:17) “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.”—Awit 146:3, 4.
Ngunit kumusta naman ang kaluluwa? Ito ba’y walang kamatayan? Hindi. Taliwas sa paniniwala ng karamihan ng mga tao, ang kaluluwa ay namamatay. Ang katotohanang ito ay maliwanag na inilahad sa Bibliya, na nagsasabi: “Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4, 20) Ang karagdagang patunay nito ay natagpuan sa Mga Gawa 3:23, na nagsasabi: “Oo, sinumang kaluluwa na hindi nakikinig sa Propetang iyon [si Jesus] ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan.”
Ang Kamatayan ba ay Katapusan ng Lahat?
Ang kamatayan ay hindi naman kailangang maging katapusan ng lahat. Ang pagkabuhay ng mga patay ay maliwanag na itinuro ng Kasulatan. Sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, ang mga namihasa sa paggawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:28, 29) Bukod doon, aktuwal na bumuhay si Jesus sa ilang mga tao sa panahon ng kaniyang pagmiministeryo sa lupa. Ang pinakakahanga-hangang kaso ay ang sa kaibigan ni Jesus na si Lazaro. Siya’y apat na araw nang namamatay. Ngunit nang sumigaw si Jesus: “Lazaro, lumabas ka!” ang patay na lalaki ay tumugon, na lumalabas sa kaniyang libingan. Anong panggigilalas para sa mga nanonood na mga tao! At anong nakagagalak na pangyayari para kina Maria at Marta, ang mga kapatid ni Lazaro!—Juan 11:38-45.
Nasaan si Lazaro noong apat na araw na yaon? Nasa langit? Nasa Limbo? Hindi. Ang Bibliya ay hindi nagsasabi nito o nagpapakita nito. Kung si Lazaro ay may malay saanman, tiyak na sasabihin niya sa iba ang tungkol dito. Ngunit gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay.”—Eclesiastes 9:5, The Jerusalem Bible.
Isa pang nakapupukaw-pusong pangyayari ang naganap sa siyudad ng Nain. Habang lumalapit si Jesus sa pintuan ng siyudad, nasalubong niya ang isang libing. Ang namatay ay “ang kaisa-isang anak na lalaki ng kaniyang ina,” na isang biyuda. Natural, siya’y umiiyak nang gayon na lamang. Ito’y nakabagbag sa mabait at maibiging puso ni Jesus. Lumapit siya, pinahinto ang hanay ng mga tao at sinabi: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka!” At gayon nga ang ginawa ng patay na lalaki! Nakikinikinita mo ba ang lubos na kagalakan ng ina at ang panggigilalas ng mga nanonood?—Lucas 7:11-17.
May nasabi ba ang binatang ito tungkol sa pagiging nasa langit o Limbo? Wala. Paano niya masasabi iyon? “Hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay.” Itinulad din ng Bibliya ang kamatayan sa isang mahimbing na pagtulog. Sinabi ni David: “Sagutin mo ako, Oh Jehovang aking Diyos. Liwanagan mo ang aking mata, upang huwag akong makatulog sa kamatayan.” (Awit 13:3) Bukod doon, bago niya buhayin si Lazaro, itinulad ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog.—Juan 11:11-14.
Sa bahaging ito, iba pang tanong ang lumilitaw.
Sa Langit ba Pumupunta ang Sinumang Mabuting Tao?
Oo, ang ilang mabubuting tao ay pumupunta sa langit. Isang pinakainteresanteng katotohanan tungkol sa mabubuting tao, o tunay na mga Kristiyano, na lingid sa kaalaman ng halos lahat ng mga palasimba ay na mayroong dalawang grupo. Isang maliit na bilang ay pumupunta sa langit upang magharing kasama ni Jesu-Kristo, samantalang ang nakararami ay magtatamasa ng walang-hanggang buhay sa lupa. Marahil nakagugulat ito sa iyo. Kaya naman, ating isaalang-alang kung ano ang masasabi ng Bibliya sa interesanteng paksang ito.
Ano ang orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao? Nang lalangin niya sina Adan at Eva, binalak ba niya na kaluguran nila ang buhay sa ilang panahon sa hardin ng Eden at pagkatapos ay mamatay at pumunta sa langit? Hindi. Binigyan sila ng Diyos ng isang espesyal na atas may kinalaman sa lupa, na nagsasabi: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawat nabubuhay na nilikha na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) At hindi binabago ni Jehova ang kaniyang itinakdang layunin. Ipinahahayag niya sa Awit 89:34: “Hindi ko babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.” Kaya ang Edenikong Paraiso ay dapat na isauli at tamasahin ng mga tapat na lingkod ni Jehova—ang nakararaming grupo na binanggit sa itaas.
Binigyan ng isang napakaespesyal na pribilehiyo ang maliit na grupo, ang magharing kasama ni Jesus sa langit. Sa ibang mga salita, sila’y makikibahagi kay Jesus sa pamamahala doon sa mga mabubuhay sa lupa. Ito ang pang-Kahariang pamamahala na ipinananalangin ng mga Kristiyano sa panalangin ng Panginoon. Nakawiwili, sa panalangin ding iyon, sinasabi natin: “Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Ibinubunyag ba ng Bibliya kung ilan ang magtatamasa ng napakadakilang pribilehiyo ng paghaharing kasama ni Kristo sa langit? Oo. Sinasabi ng Apocalipsis kabanata 14, talatang 1: “Nakita ko, at, narito! ang Kordero na nakatayo sa Bundok Sion, at kasama niya ang isang daan at apatnapu’t apat na libo na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo.” Tandaan na ang Apocalipsis ay gumagamit ng mga simbolo, o “mga tanda,” tulad ng ipinahayag sa simula ng talata, Apocalipsis 1:1. “Ang Kordero” ay si Jesu-Kristo. (Ihambing ang Juan 1:29.) At ang Bundok Sion ay tumutukoy hindi sa makapulitikang kabisera ng Israel kundi sa “makalangit na Jerusalem.”—Hebreo 12:22.
Nagbibigay ng impormasyon ang Apocalipsis kabanata 7 tungkol sa kapuwa sa makalangit na grupo at makalupang grupo na nabanggit natin. Ang mga Apoc 7 talatang 4-8 ay bumabanggit ng 144,000 “na tinatakan mula sa bawat tribo ng mga anak ng Israel.” Ito ay isa pang kaso ng pagsasagisag na nangangahulugang espirituwal na Israel, o “ang Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Ang Roma 2:29 ay nagsasabi: “Siya’y Judio sa loob, at ang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu.” Ang Apocalipsis 7:9 ay sumunod na naglalarawan sa makalupang grupo, sa pagsasabing: “Narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.”
Mabubuhay sa Lupa ang Mabubuting Tao
Mabubuhay sa paraisong lupa ang bilyun-bilyong mabubuting tao. (Lucas 23:43) Gusto mo bang maging isa sa kanila? Siyempre gusto mo. Tunay na magiging isang pribilehiyo na mabuhay sa isang nilinis na lupa, na malaya mula sa polusyon, gutom, krimen, sakit, pagdurusa, at sa nakatatakot na tanawin ng labanang nuklear! Tunay bang patiunang sinasabi ng Bibliya ang ganitong bagay? Oo, Totoo. Sinasabi nito: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong nagsisipaghintay kay Jehova ang magmamana ng lupa. . . . Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:9, 11, 29; ihambing ang Mateo 5:5.
Ano, ngayon, kung tungkol sa mga batang nangamatay? Sila rin ba ay magiging naroroon sa Paraisong lupa? Sila’y hindi pumupunta sa Limbo, na hindi umiiral. Ngunit ang mga bata na nasa alaala ng Diyos ay muling magbabalik sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay—isa sa kamangha-manghang pangako ng Salita ng Diyos, tulad ng ating nalaman na. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Marahil nawalan na kayo ng mga mahal sa buhay sa kamatayan at madalas na nagtatanong kung nasaan na kaya sila ngayon. Mula sa Kasulatan maliwanag na sila’y natutulog, naghihintay sa pagkabuhay na muli. Gusto mo bang magkaroon pa ng higit na impormasyon tungkol sa kahangá-hangang pag-asang buhay sa paraisong lupa? Kung gayon, bakit hindi ipakipag-usap ang mga bagay na ito sa mga Saksi ni Jehova kung sila’y dadalaw sa inyong tahanan?
[Blurb sa pahina 6]
Pumupunta sa langit ang ilang mabubuting tao. Sino sila?
[Larawan sa pahina 5]
Nasaan si Lazaro habang siya ay patay?
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Kuha ang larawan sa Brooklyn Botanic Garden