Lahat ba ng Mabubuting Tao ay Pumupunta sa Langit?
“Ang libing ay tapos na ngunit hindi ang malamig na pagkasindak. . . . Tila di kapani-paniwala na mga ilang linggo lamang na ang aking maliit na anak ay nagsisimula pa lamang lumakad, sa kaniyang maliit na mukha ay sumisilay ang ngiti ng ganap na tagumpay. Ngunit ngayon patay na si Andrew! . . .
“Nanatili akong nakatayo sa may bintana, nakatingin sa labas sa gabi, sinisiyasat ang mga langit. ‘Nasaan na kaya ang bata ngayon?’ ang tanong ko. ‘Siya ba’y nasa langit at isa sa mga bituin?’”
ANG pagkamatay ng isang anak ay malamang na pinakamasakit na karanasang maaaring madama ng mga magulang. ‘Nasaan na ang aming anak ngayon?’ ang tanong nila. ‘Nasa langit ba o nasa ibang dako pa roon?’ Ang karamihan sa relihiyon ay nagtuturo na ang mga sanggol na namamatay ay pumupunta sa langit. Sa Johannesburg, Timog Aprika, ang nakasulat sa isang lapida ay ito: “Nais ng Diyos ng isang bumubukang bulaklak, ang kaniyang anghel ay kumuha ng isa sa atin.” Ngunit ang isa ay maaaring magtanong: ‘Bakit pa nanaisin ng Diyos ang “isang bumubukang bulaklak?” gayong, ayon sa tanyag na paniniwala, siya ay marami na nito?’ At ang di mabilang na mga tao ay nagtataka . . .
‘Ano ang Katulad ng Langit?’
Karamihan sa mga tao ay mayroon lamang malabong ideya tungkol sa langit. Ang ilan ay natutuwang sabihing ang mamatay ay isang mabuting kalagayan ngunit mahirap abutin. Ngunit ano ang sinasabi ng Bibliya? Ang kauna-unahang bersikulo nito ay nagsasabi: “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Ito’y tumutukoy sa pisikal na mga langit, ang maningning na hanay ng mga bituin at ng galaksi. (Deuteronomio 4:19) Ngunit mayroon ding espirituwal na mga langit. Kaya nga, ang Bibliya ay nagsasabi tungkol sa “napakatayog na tahanan ng kabanalan at kagandahan” ni Jehova—Isaias 63:15.
Sino ang unang umakyat sa ‘napakatayog na tahanang’ ito ng ating makalangit na Ama? Ang kaniyang sinisintang Anak, si Jesu-Kristo. Sinabi niya: “Walang umakyat sa langit kundi siya na nanaog sa langit, ang Anak ng tao.” (Juan 3:13) Ito’y maliwanag na nagpapakita na walang taong nilalang ang nakarating sa langit. Ngunit si Jesus ay nangako na ang ilang mga tao ay makapupunta roon. Bago pa lamang siya umakyat sa langit, sinabi niya sa kaniyang tapat na mga alagad: “Ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan . . . at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroon kayo naman ay dumoon.”—Juan 14:2, 3.
Maliwanag, kung gayon, na ang ilang mabubuting tao ay pupunta sa langit. Ngunit ang lahat ba ng mabubuting tao ay pupunta sa langit? Wawasakin ba ito ng digmaang nuklear upang maging isang sunóg na abo na lumulutang sa kalawakan? Tiyak na hindi. Sinasabi ng Bibliya: “Isang salinlahi ay yumayaon, at ibang salinlahi ay dumarating; ngunit ang lupa ay nananatili magpakailanman.” (Eclesiastes 1:4) At bakit naman susunugin ng Maylikha ang magandang lupang ito, kahit na ang ibang bahagi nito ay pinarumi ng sakim na mga tao? Nangangako ang salita ng Diyos: “Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailanman.”—Awit 37:29.
Malinaw, kung gayon, na ang lupa ay may kaakit-akit na hinaharap. Sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok, humula si Jesus: “Mapapalad ang maaamo sapagkat mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Bukod doon, ang huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, ay nagpapakita na ang lupa ay magiging paraiso. Tungkol sa masunuring sangkatauhan, nagsasabi ito: “Ang Diyos mismo ay sasa-kanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan man o ng hirap pa man.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Mula sa nabanggit, makikita na ang ilang mabubuting tao ay pumupunta sa langit, samantalang ang iba ay masisiyahan sa buhay sa lupa. Ito’y nangangahulugan na may nasasangkot na dalawang grupo ng tao. Paano naging posible iyon? Gayundin, tulad ng ina ni Andrew, ang marami ay nababahala tungkol sa kung ano ang nangyayari sa kanilang mga sanggol na namamatay nang di nabibinyagan. Ang mga Katolikong Romano ay tinuruan na sila’y pumupunta sa isang lugar na tinatawag na Limbo. Mayroon bang ganitong dako? Pumupunta ba roon ang mga sanggol? Ang nakasisiya at nakagiginhawang kasagutan ay ibinigay sa susunod na artikulo.