Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 10/15 p. 30-31
  • Pagsagip sa Codex Sinaiticus

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsagip sa Codex Sinaiticus
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KASIYA-SIYANG MGA NATUKLASAN
  • Natuklasan ang Isang Kayamanan ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Codex Sinaiticus
    Glosari
  • “Kaliwanagan” Tungkol sa Bibliya Mula sa Pinakamatandang Aklatan sa Russia
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Codex Sinaiticus—Ang Katapusan ng Ebanghelyo ni Marcos
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 10/15 p. 30-31

Pagsagip sa Codex Sinaiticus

ANG Codex Sinaiticus ay itinuturing na “ang pinakamahalaga, kahanga-hanga, at isang natatanging aklat na umiiral.” Hindi lamang dahil sa ito’y humigit-kumulang sa 1,600 taon na ang edad kundi dahil sa ito’y isang mahalagang pangkatnig sa ating katalogo ng mga manuskrito ng Bibliya. Ang muling pagkatuklas nito, ni Tischendorf isang daan taon lamang ngayon ang nakalipas, ay isang kawili-wiling kasaysayan.

Si Konstantin von Tischendorf ay isinilang sa Saxony, hilagang Europa, noong taóng 1815 at nag-aral sa Griego sa Pamantasan ng Leipzig. Sa panahon ng kaniyang pag-aaral, siya’y nabahala dahilan sa mataas na pamumuna sa Bibliya, na ginawa ng tanyag na mga teologong Aleman sa pagsisikap na patunayan na hindi tunay ang Kasulatang Griegong Kristiyano. Gayunman, nakumbinsi si Tischendorf na ang pag-aaral sa mga sinaunang manuskrito ay magpapatunay ng kadalisayan ng teksto ng Bibliya. Kaya, ipinasiya niya na magsaliksik para sa kaniyang sarili ng lahat ng kilalang manuskrito, at umasa siyang makatutuklas pa siya ng mga iba pa habang siya’y naglalakbay.

Pagkatapos ng apat na taóng ginugol sa pananaliksik sa pinakamagagaling na aklatan sa Europa, noong Mayo 1844 ay nakarating si Tischendorf sa Monastery of St. Catherine, na 1,400 metro sa gawing itaas ng Pulang Dagat sa Sinai. Upang marating ang tulad-kutang kumbento ng mga monghe kailangang lumulan ka sa isang basket na nakabitin sa isang lubid na dumaraan sa isang munting butas sa pader.

KASIYA-SIYANG MGA NATUKLASAN

Mga ilang araw na siya’y pinayagang manaliksik sa kanilang tatlong aklatan, ngunit nabigo siya. Pagkatapos, nang siya’y aalis na lamang, kaniyang nasulyapan ang kaniyang malaon nang hinahanap​—sinaunang mga pergamino! Puno nito ang isang malaking basket na naroon sa bulwagan ng malaking aklatan. Sinabi sa kaniya ng tagapangalaga ng aklatan na ang mga ito ay susunugin, gaya ng ginawa sa dalawang basket na punô nito. Sa mga pergaminong ito, nagtaka si Tischendorf nang makakuha siya ng 129 na pahina buhat sa pinakamatandang manuskrito na ngayon lamang niya nakita, isang saling Griego ng mga bahagi ng Kasulatang Hebreo. Siya’y binigyan ng 43 pahina, subalit ang natitirang iba pa ay ipinagkait sa kaniya.

Muling dinalaw ni Tischendorf ang monasteryo noong 1853 upang matuklasan ang isang maliit lamang na bahagi ng Genesis mula sa manuskrito ring iyon ng ikaapat na siglo. Siya’y kumbinsido “na taglay ng orihinal na manuskrito ang buong Matandang Tipan, ngunit na ang lalong malaking bahagi ay matagal nang nasira.” Ang kumpletong manuskrito ay binubuo marahil ng 730 pahina. Iyon ay nasulat sa Griegong malalaki (capital) na mga titik sa vellum, pinong mga balat ng tupa at kambing.

Makalipas ang anim na taon si Tischendorf ay gumawa ng kaniyang pangatlong pagdalaw sa mga monghe sa Sinai. Noong bisperas ng kaniyang pag-alis ay ipinakita sa kaniya nang di-sinasadya hindi lamang ang mga pahina na kaniyang nailigtas sa apoy 15 taon na ang nakalipas kundi marami pang mga iba. Iyon ay binubuo ng buong Kasulatang Griegong Kristiyano at may kasama pang bahagi ng Griegong salin ng Kasulatang Hebreo.

Si Tischendorf ay pinayagan na dalhin ang manuskrito doon sa Cairo, Ehipto, upang kopyahin iyon, at balang araw dalhin iyon sa czar ng Russia bilang isang regalo na galing sa mga monghe. Sa ngayon ay naroroon iyon sa British Museum, nakaeksibit katabi ng Codex Alexandrinus. Ang mas maagang 43 pahina ay nasa University Library of Leipzig, sa German Democratic Republic.

Tayo’y dapat magpasalamat kay Tischendorf sa kaniyang pagtatalaga ng kaniyang buhay at mga karunungan sa pagsasaliksik sa mga sinaunang manuskrito ng Bibliya at lalung-lalo na sa pagsagip sa dakilang Codex Sinaiticus buhat sa pagkawasak. Subalit ang ating pinakadakilang pasasalamat ay nauukol sa Diyos na Jehova, na nagpangyaring ang kaniyang Salita ay maingatan nang hustung-husto para sa kapakinabangan natin.

[Kahon sa pahina 30]

Paggamit sa Codex

Ang simbolo para sa Codex Sinaiticus ay ang titik Hebreo א. Ang codex na ito ang nagpapatunay sa kawastuan ng higit na kamakailan lamang na mga manuskritong papiro ng Bibliya. Tinutulungan din nito ang modernong scholarship ng Bibliya sa pamamagitan ng wastong pagtuturo sa di-madaling makitang mga kamalian na sumingit sa mga kopya nito nang bandang huli.

Halimbawa, sa Juan 1:18 ay mababasa: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman; tanging ang bugtong na diyos na nasa sinapupunan ng Ama ang siyang nagpakilala sa kaniya.” Ang talababa ng “New World Translation Reference Bible” ay nagsisiwalat na “ang bugtong na diyos,” sa halip na ang pagkasaling “ang bugtong na Anak,” ang sinusuportahan ng Codex Sinaiticus at iba pang matatandang manuskrito. Ang talababang reperensiya na אc ay nagbibigay ng pahiwatig tungkol sa isang gumawa ng pagtutuwid ng codex na ito upang patunayan ang pagsasauli ng tiyakang pantukoy sa “ang bugtong na diyos.” Ang posisyon ni Jesu-Kristo ay natatangi, gaya ng pinatutunayan ng kasulatang ito.

[Mga larawan sa pahina 31]

St. Catherine’s Monastery sa paanan ng tradisyonal na Bundok Sinai. [Nakalarawan] Kasalukuyang aklatan

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Sa kagandahang-loob ng British Museum, London

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share