Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Dahil sa Tiyaga ng Asawang Lalaki ay Nagkaisa ang Pamilya
ANO ba ang gagawin mo kung tinanggap mo ang katotohanan at pagkatapos ikaw ay mahigpit na sinalungat ng iyong asawang babae at ginawa niya ang lahat ng magagawa niya upang sirain ang iyong katapatan? Ikaw kaya ay mapalakas ng mga salita ni Pablo sa 2 Timoteo 3:12, na kung saan kaniyang sinasabi: “Lahat ng ibig mamuhay na may maka-Diyos na kabanalan kaisa ni Kristo Jesus ay pag-uusigin din”? Ikaw ba ay magtitiis o ikaw ba ay hihinto na? Isang lalaking Kristiyano sa Italya ang napaharap sa ganiyang hamon. Hindi siya huminto, at siya’y pinagpala ni Jehova dahil doon.
Ang taong binanggit na iyan ay dating isang masugid na komunista, ngunit siya ay isa ring masigasig na Katoliko. Siya’y naniniwala sa pagiging pantay-pantay ng mga tao, at inaakala niyang ang dalawang kilusang iyan ay nangangaral ng mithiing ito. Isa sa kaniyang mga kamanggagawa ang nagsalita sa kaniya tungkol sa Kaharian ng Diyos, at kaagad namang nakilala niya iyon na itong talaga ang tanging paraan na sa pamamagitan nito’y makakamit ang pagkakapantay-pantay. Ang pagtanggap niya sa katotohanan ay katulad din ng sigasig niya sa komunismo at Katolisismo at siya’y nabautismuhan noong 1972. Kumusta naman ang kaniyang maybahay? Ito’y mahigpit na sumalansang sa kaniya. Ganito ang paglalahad ng asawang babaing ito:
“Noong 1970 unang nakilala ng aking asawa ang mga Saksi ni Jehova sa kaniyang dakong pinagtatrabahuhan. Unti-unti, habang siya’y nag-aaral ng Bibliya, natanto ko na iyon ay isang bagong relihiyon at mayroong mga punto na hindi ako kasang-ayon. Agad na sinimulan kong usigin siya at pati na rin ang ibang miyembro ng pamilya ay gayon na rin ang ginawa.”
Siya’y nagpatuloy: “Ang aking asawa’y ginulo ng kaniyang mga magulang at ginamitan ng lahat ng posibleng paraan para pahintuin siya. Habang ang aking asawa ay sumusulong ng kaalaman sa Bibliya, nakita niya na kailangang alisin sa aming tahanan ang mga idolo. Sinabi ko sa kaniya na kung gagawin niya iyon, ay may mangyayaring masama sa amin. Kaniyang winasak ang isang larawang relihiyoso, kung kaya inaway ko siya nang husto sa pamamagitan ng berbalan at pisikal na pag-atake sa kaniya at pinagpunit-punit ko ang marami sa kaniyang mga magasin. Samantalang binubulyawan ko siya, ang aking mga biyanan ay dumating na bigla at siya’y inaway rin, ngunit hindi siya gumanti.
“Nagpatuloy ang ganoong gulo hanggang tuluyang iniwan ko siya nang kaniyang salungatin ang pag-aaral ng katesismo sa simbahan ng aming anak na babae. Sinabi sa akin ng aking asawa na kung hindi ako magbabalik sa tahanan, siya’y gagawa ng isang pormalang paratang na ako’y kusang umalis. Pagkaraan ng isang linggo ipinasiya kong bumalik.
“Sa isa pang pagtatangka na pahintuin siya, lumapit ako sa isang espiritung medium at hiniling na ilagay siya sa ilalim ng engkanto. Ako’y inusisa ng medium, at ipinaliwanag ko ang situwasyon. Pagkatapos na malaman ito, sinabi niya sa akin na walang engkanto na may epekto sa isa mang Saksi ni Jehova.
“Naisip namin na kumunsulta sa pari sa aming lugar. Kami’y pinayuhan ng pari na pumaroon sa isang abogado. Sa laki ng aking pagtataka ako’y pinayuhan ng abogado na dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova kasama ng aking asawa. Ang aking biyanang lalaki, na kasama ko, ay tumutol, at sinabing ang kaniyang pamilya’y totoong deboto kay San Rocco, ‘Ang Tagapagligtas’ ng aming bayan. Subalit, ipinaliwanag ng abogado na ang ‘santo’ na ito, tulad ng lahat ng iba pang mga idolo, ay hindi tunay. Pagkatapos ay ipinakilala niya ang kaniyang sarili bilang tagapangulo ng Aksiyong Katoliko at sinabi sa amin na hindi siya nakikisali sa mga kapistahan ng relihiyon sapagkat, palibhasa’y nabasa niya ang Bibliya, Alam niyang lahat na ito’y pawang hindi tunay. Bilang pagtatapos, sinabi niya: “Sumama ka na sa iyong asawa at harinawang sumainyo ang kapayapaan. Makinig ka sa kaniya, at ikaw man ay magsimula nang mag-aral ng Bibliya.’
“Pagkatapos ng ganitong pampatibay-loob, binulay-bulay ko ang ugali, mga pagbabago, at tiyaga ng aking asawa, at nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova kasama niya. Palibhasa’y humanga ako sa pag-ibig na nasaksihan ko roon, ako’y nag-aral, nagpatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at nagsimula nang maglingkod sa larangan. Sa wakas, aking sinagisagan ang aking pag-aalay noong 1977 at ako’y maligaya ngayon na nasa katotohanan, salamat kay Jehova na tumulong sa aking asawa na magtiyaga at pagkaisahin ang buong pamilya sa pagsamba sa Kaniya.”