Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 11/15 p. 30-31
  • Patotoo ng Pag-iingat ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patotoo ng Pag-iingat ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Gaanong Mapanghahawakan ang Isang Teksto?
  • Isang Mahalagang Piraso ng Ebanghelyo ni Juan
  • Sinaunang Hiyas na Nailigtas sa Basurahan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Manuskrito ng Bibliya, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Tumpak ba ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Buhay ni Jesus?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Nais Ko Mismong Makita Ito
    Gumising!—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 11/15 p. 30-31

Patotoo ng Pag-iingat ng Diyos

ANG kinasihang Salita ng Diyos ay naihatid sa atin nang walang anumang kamalian, at dahil sa ganiyang kamangha-manghang pag-iingat ay kailangang unang-unang pasalamatan natin ang autor ng Bibliya. Mayroon marahil na 6,000 manuskrito ang buong Kasulatang Hebreo o ang mga bahagi nito at mga 5,000 naman ang Kasulatang Griegong Kristiyano.

“Ang salita ni Jehova ay nananatili magpakailanman.” (1 Pedro 1:25) Subalit ano ba ang pinatutunayan ng modernong-panahong pananaliksik tungkol sa pag-iingat sa kaniyang Sagradong Salita?

Gaanong Mapanghahawakan ang Isang Teksto?

Gaanong mapanghahawakan ang teksto ng Kasulatang Griegong Kristiyano? Labis-labis na mapanghahawakan nga, kung ihahambing sa mga ibang kasulatan na nakatawid mula pa noong sinaunang panahon. Ang bagay na ito ay itinampok sa aklat na Auf den Spuren Jesu (Sa mga Yapak ni Jesus), na sinulat ni Gerhard Kroll. Halimbawa, ipinakita ng autor na anim lamang na papiro ang naingatan sa mga sinulat ng pilosopong Griegong si Aristotle (ikaapat na siglo B.C.E.), na karamihan nito’y mula pa noong ikasampung siglo C.E. o pagkatapos. Ang mga sinulat ni Plato (ikaapat na siglo B.C.E.) ay mabuti-buti. Mayroon pang sampung manuskrito ng kaniyang mga sinulat na noon pang bago sumapit ang ika-13 siglo. Tungkol naman kay Herodotus (ikalimang siglo B.C.E.), mayroong humigit-kumulang 20 pirasong papiro mula pa noong unang siglo C.E. at pagkatapos. Ang unang kumpletong mga manuskrito na kaniyang isinulat ay mula noong ikasampung siglo. At ang pinakamaagang manuskrito na mga isinulat ni Josephus ay mula lamang noong ika-11 siglo.

Malaki ang ipinagkakaiba rito ng teksto ng Kasulatang Griegong Kristiyano (natapos noong unang siglo C.E.) anupat ito’y pinatutunayan ng mga piraso mula pa noong ikalawang siglo at ng kumpletong mga kopya mula noong ikaapat na siglo. Sang-ayon kay Kroll, mayroong 81 papiro mula noong ika-2 hanggang ika-7 siglo, 266 na mga manuskritong uncial mula noong ika-4 hanggang ika-10 siglo, at 2,754 na mga manuskritong hawig sa sulat-kamay mula noong ika-9 hanggang ika-15 siglo, pati 2,135 lectionaries. Lahat na ito ay tumutulong sa atin na matiyak ang pagiging tunay ng teksto ng Kasulatang Griegong Kristiyano. Oo, ito’y tunay na maraming patotoo.

Isang Mahalagang Piraso ng Ebanghelyo ni Juan

Sino ang aasang makatatagpo ng bahagi ng isang mahalagang manuskrito ng Bibliya sa isang tambak na basura? Subalit, doon natagpuan ang mahalagang piraso ng Juan kabanata 18 ng Ebanghelyo ni Juan. Ngayo’y kilala ito bilang ang John Rylands Papyrus 457 (P52), at ito’y naingatan at nakalagak sa Manchester, Inglatera. Paano ito natuklasan, at bakit ito totoong mahalaga?

Sa may pasimula ng siglo, ang mga arkeologo ay nakahukay ng isang bunton ng mga piraso ng papiro, kasali na ang mga liham, mga resibo, petisyon, at mga dokumento ng sensus, kasali ang maraming mga iba pang teksto, sa labas ng bayan ng Oxyrhynchus sa distrito ng El Faiyûm, Ehipto. Karamihan ay nasulat sa Griego, at lahat ay naingatan sa loob ng daan-daang taon sa tuyong buhanginan.

Noong taong 1920, isang koleksiyon ng mga papirong ito ang naging pag-aari ng John Rylands Library of Manchester. Pagkalipas ng 14 na taon, sa pag-aayos ng ilang mga piraso, ang eskolar na si C. H. Roberts, ay nakabasa ng mga ilang salita na waring hindi bago sa kaniya. Gunigunihin lamang ang kaniyang katuwaan nang matalos niya na ang mga iyon ay galing sa Juan kabanata 18, at ang mga bahagi ng mga Juan 18 talatang 31 hanggang 33 at nasa isang panig ng piraso at ang mga bahagi naman ng mga Juan 18 talatang 37 at 38 ay nasa kabilang panig (ang verso). Ang pirasong ito ng papiro ay napatunayan na siyang pinakamaagang kilalang bahagi ng anumang manuskrito ng Kasulatang Griegong Kristiyano na natuklasan magpahanggang noon. Ito’y nakasulat sa mga letrang kapital sa Griego na tinatawag na uncials, at ito’y mula pa noong kakalahatian ng ikalawang siglo ng ating Karaniwang Panahon.

Ang sukat ng pirasong ito ay mayroon lamang 8.9 por 6.4 na sentimetro. Paano nga nangyari na matiyak ang petsa nitong pirasong ito ng papiro? Unang-una, sa pamamagitan ng pagsusuri sa estilo ng sulat, isang pag-aaral na tinatawag na paleography. Lahat ng sulat-kamay ay unti-unting nagbabago sa paglakad ng mga taon, at ang mga pagbabagong ito ang nagpapakita ng edad ng isang manuskrito, bagaman may pataan na mga ilang taon dahilan sa posibleng pagkakamali. Ang kumpletong manuskrito na isang napakaliit na bahagi ang pirasong tinukoy ay samakatuwid kinopya ng pagkalapit-lapit sa panahon ng pagkasulat ng orihinal na ulat ng Ebanghelyo na isinulat ni Juan mismo. Malamang, ang agwat ay sing-ikli ng 30 o 40 taon. Matitiyak din natin na ang orihinal na ulat ni Juan ay hindi binago kung bagaman ng nahuling eskriba, sapagkat ang teksto ng pirasong iyon ay kasuwato ng halos eksaktung-eksakto na makikita sa lalong huling mga manuskrito.

Bago natuklasan ito, iginigiit ng mga kritiko na ang Ebanghelyo ni Juan ay hindi tunay na isinulat ng apostol ni Jesus kundi isinulat noong may dakong huli na, nang magtatapos na ang ikalawang siglo. Bagkus, malinaw na ngayon buhat sa pirasong ito na ang ebanghelyo ni Juan ay umiral sa Ehipto noong unang kalahati ng ikalawang siglo C.E., hindi bilang isang balumbon, kundi sa anyong aklat bilang isang codex. Kamangha-manghang tunay na ang ganiyang waring walang kabuluhang piraso ng papiro ay makapagpapatahimik nang husto sa mga kritiko!

[Kahon sa pahina 31]

PAPIRO

ANG papiro ay isang halaman na tumutubo sa katubigan na mababaw at di-umaagos o mga latian at sa mga pampang ng mabagal ang agos na mga ilog, tulad halimbawa ng Nilo. (Job 8:11) Marahil ay papel na papiro ang ginagamit bilang sulatán mula pa nang panahon ni Abraham. Nang magtagal, ang paggawa nito ay isa sa pangunahing industriya ng sinaunang mga Ehipsiyo. Sa paggawa nito ay isang simpleng paraan ang kanilang ginagamit. Ang panloob na ubod nito ay hinihiwa nang maninipis at inaayos nang tabi-tabi, pagkatapos ay isa pang sapin nito ang idinidikit na pahalang. Pagkatapos ay didiinan ito at lululunin upang maging isang pilyego, tinutuyo sa araw, at pagkatapos ay pinakikintab sa pamamagitan ng pumice, kabibe, o garing. Ang mga pilyego ay maaaring pagdugtung-dugtungin upang bumuo ng isang balumbon, ang katamtamang haba ay nasa pagitan ng 4 at 6 na metro, bagaman mayroong isa nito na naingatan na may habang 41 metro. Salit-salit, ang mga dahon ay maaaring itiklop upang makabuo ng isang tulad-aklat na codex, ang anyo ng manuskrito na popular na popular sa mga sinaunang Kristiyano.

[Kahon sa pahina 31]

ANG PERGAMINO at “VELLUM”

ANG Alexandrine Codex ng ikalimang-siglo, na nang unang-una’y kinapapalooban ng buong Bibliya, ay nasulat sa vellum. Ano ba ang materyales na ito, at paano ito naiiba sa pergamino?

Noong sinaunang panahon, ang pergamino ay ginagawa buhat sa balat ng tupa, balat ng kambing, o balat ng baka. Sa paghahanda nito ay inaahit ang balahibo sa hinugasang balat, na pagkatapos ay ikinakabit sa mga bastidor upang matuyo. (Ihambing ang 2 Timoteo 4:13.) Nang sumapit ang ikatlo at ikaapat na siglo ng ating Karaniwang Panahon, tinanggap nang may pagkakaiba-iba ang grado ng materyales, ang lalong magaspang ay patuloy na nakilala sa tawag na pergamino, ang mas pino ay vellum. Sa vellum, ang tanging ginagamit ay ang maselang na balat ng baka o mga guya o mga patay na kung ipanganak na mga guya o mga kordero. Ang resulta ay isang manipis, madulas, halos maputing susulatang materyales na ginagamit sa paggawa ng mahahalagang aklat hanggang sa naimbento ang pag-iimprenta, na kung saan ang paggamit ng papel ay mas mura at lalong mahusay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share