Mga Tradisyon sa Relihiyon—Pagsamba ba sa Diyos sa Katotohanan?
“SALGA, salga, salga” (“Lumabas ka, lumabas ka, lumabas ka”). Ang ganiyang malungkot na pananawagan ay nanggagaling sa isang madilim na libingan sa isla ng Janitzio sa Look ng Pátzcuaro, Mexico. Doon isang debotong Tarascanong Indiyan ang nananalangin sa kaniyang namatay na kamag-anak sa tulong ng isang nasusulat na dasal. “Hayaang ang mga tanikala na gumagapos sa iyo ay lagutin ng Santo Rosaryo,” ang kaniyang pagsusumamo.
Noon ay Araw ng mga Patay. Maaga pa, ang mga babae at mga bata ay naggagayak na ng talulot ng mga bulaklak at ng ginayakang mga kuwadrong kahoy sa libingan ng mga miyembro ng kanilang pamilya na namayapa na. Sila’y naglagay ng handog na mga prutas at mga kakanin sa harap ng mga puntod. At ngayon ay sinasagasa nila ang kaginawan ng gabi upang mag-orasyon o maglamay sa pagbabantay sa malamlam na liwanag ng libu-libong aandap-andap na mga kandila na sinindihan alang-alang sa mga patay.
Ang waring kakatuwa o nakalalagim pa nga sa isang tagalabas na nagmamasid ay para sa mga taong ito isang tradisyong relihiyoso na kinaugalian na: ang selebrasyong Katoliko ng Todos Los Santos. Sa maraming mga bansa sa Latin Amerika, dahil sa tradisyon libu-libong mga mananampalataya ang nagsisihugos sa mga libingan at naghahandog ng nasusulat na mga dasal at mga regalo sa kanilang mga patay.
Ang Latin Amerika ay mayroon ding maraming tradisyon tungkol sa mga imahen sa relihiyon. Mga imahen ni Kristo at ni Maria ay makikita kung saan-saan, at panggayak sa karamihan ng tahanan at mga pamilihan. Sumakay ka sa bus at ang makikita mo’y panay na maliliit na larawan ni Maria na nakalagay sa ibabaw ng upuan ng tsuper. Mga rebulto ni Maria, na ginayakan ng kumikislap na mga ilaw na de-kolor sa halip na mga kandila, ay inilalagay pa man din nang nakaharap sa pasilyo sa gitna ng bus.
Sa Colombia pagkalalaking rebulto ni Kristo at ni Maria ang nakatitig sa ibaba mula sa kanilang kinalalagyang matatayog na mga bundok sa ibabaw ng maraming siyudad. Nasa taluktok ng tanyag na Monserrate ang isang simbahan na punung-punô ng mga imahing lubhang pinipintuho. Kung panahon ng natatanging mga santa semana, libu-libong mamamayan ng Bogotá ang nagsisiakyat sa mabatong taluktok na ito, ang iba ay gumagapang nang paluhod sa kanilang sugat-sugat at nagdurugong mga tuhod.
Mga imahen, krusipiho, mga kapistahan—ito’y bahagi na ng relihiyosong mga tradisyon na naging isang tatag na paraan ng pamumuhay para sa mga tao sa buong daigdig. Ang mga tradisyong ito ay salin at salin sa hali-haliling salinlahi, at ang mga ito’y itinuturing na banal ng mga tao.
Pagsamba ba Ayon sa Katotohanan?
Samantalang marahil karamihan ay kontento na sumunod sa mga tradisyon nang walang anumang mga pag-aalinlangan, para sa maraming nag-aangking Kristiyano ang mga tradisyong ito ay naglalagay sa kanila sa nakagagambalang kalagayang alanganin. Tutal, si Jesu-Kristo mismo ang nagsabi: “Ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:23) Datapuwat, maraming tradisyon sa relihiyon ang maliwanag na kuha lamang, o kung di man ay kataka-taka ang pagkakahawig sa, di-Kristiyanong mga rituwal sa relihiyon. Halimbawa, ang Araw ng mga Patay ay halos kahawig na kahawig ng kapistahan ng “Ullambana” ng mga Budista, isang araw na itinakda para sa “pagpapakita ng relihiyosong pagmamahal sa namatay na mga ninuno at paglaya ng mga espiritu buhat sa pagkaalipin sa sanlibutang ito.” (The New Encyclopædia Britannica, edisyon ng 1976, Micropædia, Tomo 1, pahina 260) Ang mga tagasunod ba ng gayong mga tradisyon ay talagang sumasamba ayon sa katotohanan?
Nangangatuwiran ang iba na kahit na lamang ang pagtanggap ng mga tradisyon upang maging bahagi ng simbahan ay nagbibigay-matuwid sa mga ito. Ganito ang sabi ng Ikalawang Konsilyo ng Vaticano noong 1965: “Hindi lamang sa banal na Kasulatan kumukuha ang Simbahan ng kaniyang patotoo tungkol sa lahat ng bagay na naisiwalat na. Samakatuwid kapuwa ang banal na tradisyon at ang banal na Kasulatan ay dapat na tanggapin at sundin taglay ang gayunding pagkadama ng debosyon at pagsamba.”
Subalit kumusta naman kung mayroong mahigpit na pagkakasalungatan ang gawang-taong tradisyon at ang kinasihan-ng-Diyos na Kasulatan? Bilang kasagutan, matamang pagmasdan natin ang mga tradisyon sa liwanag ng payo ng Bibliya.