Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 1/15 p. 5-7
  • Ikaw ba’y Tumatanggap ng mga Bagong Ideya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ikaw ba’y Tumatanggap ng mga Bagong Ideya?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Halimbawa ng mga taga-Berea
  • Maging Pihikan!
  • Bakit Dapat Tumanggap ng mga Bagong Ideya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Ano ang Sanhi ng Problema?
    Gumising!—1987
  • Isang Di-inaasahang Regalo Para sa Japan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Bakit Mag-aaral ng Bibliya?
    Gumising!—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 1/15 p. 5-7

Ikaw ba’y Tumatanggap ng mga Bagong Ideya?

MAY mga taong ayaw tumanggap sa kanilang isip ng anumang bagong ideya. Baka kanilang tinatanggihan iyon dahil sa naiiba iyon sa kanilang punto-de-vista. Halimbawa, may isang babae sa Denmark na sumulat sa lingguhang magasing Hjemmet at nagsabi: “Kami’y patuloy na dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova sa aming bahay. Kami’y yamut na yamut na, ngunit hindi ko mapagwari kung paano ko sila itataboy. . . . Ang kanila kayang pambubuwisit ay hindi maipagbabawal ng batas?”

Sa mga Hapones noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang pagkatok sa kanilang pintuan ng taga-Kanluran ay itinuturing din na “pambubuwisit.” Sa paningin ng marami sa kanila, lahat ng may kinalaman sa mga nanghihimasok ay walang kabuluhan o nakapipinsala pa nga. Gaya ng sinasabi ng isang Silanganing kawikaan, “Ang paghihinala ay lumilikha ng mga halimaw sa dilim.” Ang kaisipan ng maraming Hapones ay mahihiwatigan sa kanilang mga drowing na may kaugnayan kay Commodore Perry. Sa humigit-kumulang na 50 natitira pa ngayon, mayroon lamang 2 o 3 naglalarawan sa kaniya bilang isang ordinaryong opisyal ng hukbong-dagat ng E.U. At ang iba naman ay naglalarawan sa kaniya bilang isang mahaba-ilong na duwende o isang putlaing halimaw, gaya ng makikita rito.

Datapuwat, nang buksan na ang kanilang bansa, natalos ng bukas-isip na mga Hapones na ang mga banyaga ay hindi naman pala mga barbaro. Sa kaso ng mga ilan na kasama sa unang misyong Hapones sa Estados Unidos, ang nangyari ay parang may nahulog na mga kaliskis sa kanilang mga mata nang kanilang matunghayan nang tuwiran ang kultura ng Kanluran. Ang matataas na opisyales ay patuloy na nagreklamo tungkol sa kung gaanong kawalang-galang ang mga Amerikano kung sa pangmalas ng mga Hapones. Subalit ang nakababatang salinlahi ay mayroong lalong timbang na pangmalas sa bagong kultura.

Isang 19-anyos na attendant ng isang mataas na opisyal ang sumulat noong bandang huli: “Karamihan sa 70 mga Hapones na delegado na nasa misyong ito ay nagdamdam o napoot [sa mga Amerikano]. Gayunman, nang masaksihan ang tunay na mga kalagayan, nakilala ng isa’t isa sa amin na kami pala’y nagkamali at ikinalungkot namin ang pagkikimkim ng gayong mga damdamin. Ang pag-iisip na ang mga banyaga ay mistulang mga aso o mga kabayo at ang pang-iinsulto sa kanila ay magtatanim lamang sa kanilang kaisipan na kami’y talagang walang awa at di-makatarungan.” Ikaw ba ay may sapat na pagkabukas-ang-isip upang magmasid sa mga bagong kaisipan nang walang patiunang maling paghatol na katulad ng taglay ng kabataang attendant na ito?

Ang Halimbawa ng mga taga-Berea

Noong unang siglo C.E., maraming mga Judio ang nagkimkim ng walang katuwirang patiunang maling akala laban sa mga turong Kristiyano. Sa ilang paraan, ito’y nahahawig sa maling akala ng mapaghatol na mga Hapones laban sa daigdig sa labas. “Saanmang dako [ang Kristiyanismo] ay pinagwiwikaan,” ayon sa pag-aangkin ng mga Judio sa sinaunang Roma. (Gawa 28:22) Tungkol sa mga ibang Kristiyano sa siyudad ng Tesalonica, ang may itinatanging mga Judio ay nagsigawan: “Ang mga lalaking ito na nagtiwarik ng tinatahanang lupa ay naririto rin naman.”​—Gawa 17:6.

Subalit, may mga taong pumapayag na isa-isang-tabi ang kanilang mga maling akala. Halimbawa, paanong ang mga taga-Berea ay tumugon sa mabuting balita na ipinangaral ni apostol Pablo at ng kaniyang kasamang si Silas? Tungkol sa mga taga-Berea, ang manunulat ng Bibliya na si Lucas ay nagsabi: “Lalong mararangal ang mga ito kaysa mga taga-Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita nang buong pagsisikap, at maingat na sinisiyasat sa araw-araw ang Kasulatan upang patunayan kung tunay nga ang mga bagay na ito.” (Gawa 17:11) Ikaw ba ay “marangal” tulad ng mga taga-Berea?

Pakisuyong pag-isipan ang kaso ni Masaji. Dati, siya ay may matinding pag-ayaw sa pagka-Kristiyano. Siya’y nakakatulad ng mga mapagbukod na ayaw na ang Hapón ay mabuksan. Nang ang kaniyang maybahay, si Sachiko, ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya, siya’y naging isang mahigpit na mananalansang. Naisip pa niya na patayin ang kaniyang pamilya at pagkatapos siya mismo ay magpatiwakal. Dahilan sa kaniyang karahasan, ang kaniyang pamilya ay tumakas at doon nanuluyan sa tahanan ng matandang kapatid na lalaki ni Sachiko sa hilagang Hapon.

Sa wakas, ipinasiya ni Masaji na buksan nang bahagya ang kaniyang isip at suriin ang relihiyon ng kaniyang maybahay. Pagkatapos bumasa ng mga ilang literatura sa Bibliya, kaniyang nakita na kailangang gumawa ng mga pagbabago. Habang siya’y nag-aaral ng Kasulatan, nagbago ang kaniyang marahas na kalooban at ang nakita sa kaniya’y ang bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Si Masaji ay nag-atubili ng pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sapagkat siya’y nangangamba na baka maghiganti ang mga Saksi dahilan sa ipinakita niyang karahasan sa kanila. Subalit nang sa wakas ay dumalaw siya sa isang Kingdom Hall, siya’y tinanggap nang buong init na anupa’t siya’y napaluha.

Oo, ang pananaig sa maling akala at pagsusuri ng mga bagong ideya ay maaaring magpalawak ng ating abut-tanaw at maaaring mapakinabangan natin sa mga ibang paraan. Gayunman, ibig bang sabihin na kailangang tanggapin natin ang bawat bagong ideya na napapaharap sa atin?

Maging Pihikan!

Sa pagtatapos ng pagbubukod ng Hapón, mga bagong ideya ang dumagsa sa bansa. Ang iba sa mga ito ay nakabuti sa mga Hapones, subalit sila’y naging lalong mainam sana kung wala ang mga iba. “Labag sa mga intensiyon ni Commodore Perry,” ang sabi ng heneral na si Douglas MacArthur ng E.U. pagkatapos na tanggapin niya ang pagsuko ng Hapon nang matapos na ang Digmaang Pandaigdig II, “ang kaalaman tungkol sa Kanluran ay ginamit ng Hapón upang maging instrumento ng paniniil at pang-aalipin.” Sa pagtulad sa kaniyang mga tagapayong taga-Kanluran, ang Hapón ay naglunsad ng isang kilusan na humantong sa pagkasangkot niya sa sunud-sunod na mga digmaan. Ito’y umabot sa sukdulan sa Digmaang Pandaigdig II, at sa katapusan nito ay dalawang bomba atomika ang inihulog sa teritoryo ng mga Hapones.

Ano ang maaari nating matutuhan dito? Na tayo’y dapat maging pihikan tungkol sa pagtanggap ng mga bagong ideya. Makabubuting tularan natin ang mga taga-Berea sa pamamagitan ng ‘maingat na pagsisiyasat sa Kasulatan araw-araw upang alamin kung tunay nga ba ang mga bagay na ito [na itinuro ni Pablo].’ (Gawa 17:11) Ang salitang Griego rito na isinaling “pagsisiyasat” ay nangangahulugan ng “paggawa ng maingat at eksaktong pagsasaliksik gaya sa sistema ng hukuman.” (Word Pictures in the New Testament, ni A. T. Robertson) Imbis na may kabulagang tanggapin ang bawat bagong ideya na iniharap sa atin, tayo’y kailangang magpakaingat na gumawa ng pananaliksik, gaya ng isang hukom kung dumidinig ng isang usapin.

Kung tayo’y pihikan, hindi tayo maiimpluwensiyahan ng bawat dumaraang kausuhan o ng mga bagong ideya na talagang nakapipinsala. Halimbawa, ang tinatawag na bagong moralidad noong mga taon ng 1960’s ay waring sa iba’y isang kaakit-akit na bagong ideya. Subalit ang maingat na pagsusuri ay magsisiwalat na iyon ay isang nakapipinsalang dati nang imoralidad na may bagong pangalan. Gayundin, sa Alemanya na nagsasalat sa kabuhayan noong mga taon ng 1920’s tiyak na marami ang may paniwala na isang kahindik-hindik na bagong ideya ang Nazismo, subalit anong laking kadalamhatian ang likha nito!

Nakatutuwa naman, ang Diyos ay naglaan ng isang panukat na maaaring gamitin upang subukin ang mga bagong ideya. Ito ay ang kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya. Ang pagkakapit ng mga alituntuning ito sa buhay pampamilya at sa mga relasyon ng tao ay tutulong sa atin na masuri sa liwanag nito ang marami sa mga bagong ideya na napakikinggan sa ngayon buhat sa mga sosyologo, mga sikologo, at mga iba pa na nag-aangking mga dalubhasa sa mga larangang ito. (Efeso 5:21–6:4; Colosas 3:5-14) Ang payo ng Bibliya tungkol sa ating relasyon sa Diyos at sa kapuwa ay tumutulong sa atin na masuri ang marami sa mga bagong ideya na ngayo’y pinalalaganap may kinalaman sa relihiyon. (Marcos 12:28-31) Ang tumpak na kaalaman sa Bibliya ay magsasangkap sa atin na tiyakin kung ang isang bagong ideya ay tunay na mahalaga o hindi. Kung magkagayo’y ating ‘matitiyak ang lahat ng bagay at makapanghahawakan tayo sa mabuti.’​—1 Tesalonica 5:21.

Ang mga Saksi ni Jehova ay dumadalaw sa kanilang kapuwa upang himukin sila na mag-aral ng Bibliya at sa gayo’y makapagpasiya sila tungkol sa mga bagong ideya. Itinatawag-pansin din ng mga Saksi ang mga turo ng Bibliya na bago sa marami. Kabilang na rito ang katotohanan tungkol sa panahon na ating kinabubuhayan at sa talagang pag-asang kakamtin sa hinaharap ng sangkatauhan. (Mateo 24:3-44; 2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 21:3, 4) Kaya’t huwag kang sumunod sa isang saloobing mapagbukod pagka ang mga Saksi ay dumalaw sa iyong tahanan. Bagkus, bakit hindi mo buksan ang iyong pinto at makinig sa anumang sasabihin nila? Huwag mong sarhan ang iyong isip sa mga ideya na maaaring pakinabangan mo magpakailanman.

[Picture Credit Line sa pahina 5]

Library of Congress photo LC-USC62-7258

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share