Bakit Dapat Tumanggap ng mga Bagong Ideya?
SAMANTALANG unti-unting nahahawi ang tabing, ang Amerikanong commodore na si Matthew C. Perry ay tumanaw sa Bundok Fuji mula sa kobyerta ng kaniyang capitana, ang Susquehanna. Siya’y nasasabik na makita ang Hapón at sa wakas ay narating niya ito noong Hulyo 8, 1853, pagkatapos ng mahigit na pitong buwan ng paglalayag. Pinag-aralan ng commodore ang bawat nakukuhang ulat tungkol sa bansang iyon. Bakit? Sapagkat siya’y umaasang magbubukas ng kaniyang pintuan sa daigdig ang “nagbukod-ng-sariling kaharian” na ito.
Nagsarili nga! Mahigit na 200 taon ang aga, pinutol ng Hapón ang kaniyang pakikipagkalakalan at kultural na kaugnayan sa lahat ng bansa maliban sa Tsina, Korea, at Olanda. At pagkatapos ay naging kampante na ang bansa sa pananahimik. Sa kalagayang iyan, ito’y nahahawig sa maraming indibiduwal na sumasalungat sa mga bagong ideya at ayaw na makinig sa mga opinyon na naiiba sa kanilang sariling opinyon. Sa mga ilang paraan, ito’y maaaring nakapagbibigay ng kaginhawahan, sapagkat ang mga bagong ideya ay maaaring hindi matatatag, at nakapangangamba pa nga. Subalit ang ganiyan kayang paninindigan ay matalino? Bueno, pag-isipan ang resulta ng patakaran ng Hapón na bumukod.
Ano ba ang Sanhi ng Pagbubukod ng Hapón?
Hindi sa walang dahilan nagbukod ng kaniyang sarili ang Hapón. Noong 1549, ang misyonerong Jesuitang si Francis Xavier ay dumating sa Hapón upang magpalaganap ng kaniyang relihiyon. Sa loob ng isang maikling panahon, ang relihiyong Romano Katoliko ay napatanyag sa bansa. Ang mga pinuno ng panahong iyon ay nakaranas ng paghihimagsik sa relihiyon ng isang sektang Budhista at nakita nila na mayroong binhi ng ganoon ding paghihimagsik sa gitna ng mga Katoliko. Kaya naman, ang Katolisismo ay ibinawal, bagaman ang pagbabawal na iyon ay hindi mahigpitang ipinatupad.
Sa pag-aangkin na ang Hapón “ang banal na bansa,” ang mga pinuno ay walang intensiyon noon na payagang ang isang relihiyong “Kristiyano” ay magbanta sa kanilang sistema. Kung gayon, bakit hindi nila lalong higit na hinigpitan ang pagpapatupad ng pagbabawal sa Katolisismo? Sapagkat ang mga misyonerong Katoliko ay nagsirating na sakay ng mga barkong Portuges sa pangangalakal, at hinangad ng gobyerno ang tubò na dulot ng mga barkong iyon para sa kanila. Gayumpaman, ang pangamba na ang mga Katoliko’y iimpluwensiya sa mga Hapones ay unti-unting nangibabaw sa hangarin ng mga pinuno na mangalakal. Kaya naman, sila’y nagpalabas ng mga utos na naghihigpit ng pagpigil sa pakikipagkalakalan sa mga banyaga, sa imigrasyon, at sa mga “Kristiyano.”
Nang ang pinag-uusig at ginigipit na mga “Kristiyano” ay naghimagsik laban sa isang lokal na may-ari ng malawak na lupain, iyon na ang ultimo. Palibhasa’y ang tingin sa paghihimagsik na iyon ay isang tuwirang resulta ng propagandang Katoliko, ang sentral na gobyernong Shogunate ang nagpatalsik sa mga Portuges at binawalan ang mga Hapones na mangibang bayan. Sa pagpapalabas ng utos na ito noong 1639, ang pagbubukod ng Hapón ay naging isang katunayan.
Ang tanging taga-Kanluran na pinayagang magpatuloy ng pakikipagkalakalan sa Hapón ay ang mga Olandes, na siniksik sa Dejima, noon ay isang munting isla sa daungan ng Nagasaki. Sa loob ng 200 taon, ang kultura ng Kanluran ay nakarating sa Hapon sa pamamagitan lamang ng ngayo’y Dejima na resulta ng reklamasyon. Sa taun-taon, ang direktor sa pangangalakal sa isla ay nagharap ng “Dutch Report,” na nagpapatalastas sa gobyerno kung ano ang nagaganap sa daigdig sa labas. Subalit ang regimen ng Shogunate ay naniniguro na wala nang iba pang nakakakita ng mga pag-uulat na ito. Kaya’t ang mga Hapones ay namumuhay nang nakabukod hanggang sa nang kalampagin ni Commodore Perry ang kanilang pintuan noong 1853.
Ang Wakas ng Pagbubukod
Habang ang malalaking kulay itim na mga barko ni Perry ay naglalayag sa Edo Bay, ang mga ito’y nagbubuga ng usok anupa’t natutulala ang lokal na mga mamamalakaya roon na ang akala’y ang mga ito ay gumagalaw na mga bulkan. Ang mga mamamayan ng Edo (ngayo’y Tokyo) ay walang malamang gawin, at marami ang tumakas buhat sa lunsod na iyon dala ang kanilang mga muwebles. Napakarami ang nagsilikas kung kaya’t ang gobyerno ay nagpalabas ng isang opisyal na patalastas upang pakalmahin ang mga tao.
Hindi lamang ang mga barko na nasa ilalim ng kapamahalaan ni Commodore Perry kundi pati rin ang mga regalong dala niya ay nakabighani sa bayang nagbubukod ng sarili. Sila’y nanggilalas sa pagkakita nila ng mga mensahe na sa pamamagitan ng telegrapo’y inililipat sa gusali at gusali. Ang Narrative of the Expedition of an American Squadron to the China Seas and Japan, na tinipon sa ilalim ng pamamanihala ni Perry, ay naglalahad ng tungkol sa mga opisyales na Hapones na hindi makapigil ng paglundag sa isang lokomotibang Lilliputian na “halos hindi makapagsakay ng isang batang anim na taóng gulang.” Kahit na ang “isang marangal na mandarin” ay nagkukunyapit sa bubong niyaon “samantalang ang kaniyang maluwag na mga kasuotan ay inililipad ng hangin.”
Ang pintuan ng Hapón ay sa wakas lubusang nabuksan sa ikalawang pagdalaw ni Perry noong sumunod na taon. Palibhasa’y napahinuhod na sa pamimilit, ang bansa ay binuksan na ng gobyerno. Ang mga matitigas na tagapagtaguyod ng pagbubukod na ang nais ay manatili ang pagbubukod ng Hapón ay gumamit ng terorismo, kanilang pinaslang ang punong ministro ng gobyerno at inatake nila ang mga banyaga. Ang mga iba naman sa gayung mga pinuno ay namaril sa mga bapor de giyera ng banyaga. Gayunman, ang kanilang mga pag-atake ay huminto rin sa wakas, at ang gobyerno ay binawi ng emperador sa Tokugawa Shogunate.
Noong panahon na buksan ni Perry ang pinto sa Hapón, ang mga bansang Kanluranin ay dumaan na sa Industrial Revolution. Dahilan sa pagbubukod ng Hapón, siya ay napag-iwanan. Ang industriyalisadong mga bansa ay gumagamit na ng steam power o singaw. Noong mga taon ng 1830, ang mga steam engine at mga makinang steam power ay palasak na ginagamit na. Dahilan sa patakaran ng Hapón sa pagbubukod, siya’y napag-iwanang lubha sa larangan ng industriya. Ito ay damang-dama ng unang delegasyong Hapones sa Europa. Sa isang eksibisyon na ginanap sa London noong 1862, ang mga eksibit ng mga Hapones ay papel at kahoy “tulad ng nakadispley sa isang antigong tindahan,” ayon sa isang napahiyang delegado.
Ang mga delegadong Hapones sa Europa at sa Estados Unidos ay nakadama ng mahigpit na pangangailangang paunlarin ang industriya ng kanilang bansa at sila’y masiglang nagpalabas ng modernong mga imbensiyon at mga ideya. Animnapu’t apat na taon pagkatapos ng unang pagdalaw ni Perry, ang huling nabubuhay na miyembro ng kaniyang tripulante ay dumalaw sa Hapón at nagsabi: “Ako’y nagulat sa progreso ng Hapón sa loob lamang ng mahigit na animnapung taon.”
Samakatuwid, ang patakaran ng Hapon na magbukod ng sarili ang lubhang nakapigil sa kaniyang pag-unlad. Ang pagbubukas ng kaniyang pinto upang tumanggap ng mga bagong ideya ay naging kapaki-pakinabang sa bansa sa maraming paraan. Gayunman, sa ngayon may mga ilan sa Hapón na tumutukoy sa “pagbubukod ng isip” ng mga indibiduwal at inihaharap ito bilang isang problema na dapat lutasin. Oo, ang pananaig sa hilig na tanggihan ang mga bagong ideya ay isang hamon hindi lamang sa modernong Hapones kundi sa lahat ng tao. Kumusta ka naman at ang tungkol sa “pagbubukod ng isip”? Ikaw kaya ay makinabang sa pagbubukas ng iyong isip upang tumanggap ng mga bagong ideya gaya ng ginawa ng Hapón noong mga taon ng 1850’s?