Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 1/08 p. 11-14
  • Nayon ng mga Mangingisda Noon Malaking Lunsod Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nayon ng mga Mangingisda Noon Malaking Lunsod Ngayon
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naging Lunsod ng Shogun ang Nayon ng mga Mangingisda
  • Napalitan ng Abakus ang Tabak
  • Naging Tokyo ang Edo
  • Bumangon ang Tokyo
  • Nakatulong ang Saloobin ng mga Taga-Tokyo
  • Bakit Dapat Tumanggap ng mga Bagong Ideya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Ang Lungsod na Punô ng mga Tao”
    Gumising!—1994
  • Pagpasyal sa Maiinit na Bukal ng Hapon
    Gumising!—2004
  • Mula sa Pagsamba sa Emperador Tungo sa Tunay na Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Gumising!—2008
g 1/08 p. 11-14

Nayon ng mga Mangingisda Noon Malaking Lunsod Ngayon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON

ISANG maaliwalas na araw ng tag-init noong Agosto 1590, si Ieyasu Tokugawa (kanan), na nang maglaon ay naging unang Tokugawa shogun,a ay dumating sa Edo, isang nayon ng mga mangingisda sa silangang Hapon. Nang panahong iyon, “mayroon lamang ilang daang barung-barong ng mga magsasaka at mangingisda sa Edo,” ang sabi ng aklat na The Shogun’s City​—A History of Tokyo. Makikita rin dito ang napabayaang kuta na itinayo mahigit isang siglo na ang nakalilipas.

Ang nayong ito na di-kilala sa loob ng mga siglo ay hindi lamang magiging Tokyo, ang kabisera ng Hapon, kundi magiging isang maunlad at napakalaking lunsod din​—mahigit 12 milyon na ngayon ang naninirahan sa malaking distrito ng Tokyo. Ang Tokyo ay mangunguna sa daigdig sa larangan ng teknolohiya, komunikasyon, transportasyon, at komersiyo, at magiging sentro ng kilalang mga pinansiyal na institusyon. Paano mangyayari ang kahanga-hangang pagbabagong ito?

Naging Lunsod ng Shogun ang Nayon ng mga Mangingisda

Isang siglo pagkalipas ng 1467, ang Hapon ay hinati-hati sa mga teritoryo ng naglalabanang mga may-ari ng lupa. Sa wakas, bahagyang nagkaisa ang bansa sa pangunguna ni Hideyoshi Toyotomi, anak ng magsasaka at naging may-ari ng lupa. Kaya, naging kinatawan siya ng emperador noong 1585. Sa simula, nilabanan ni Ieyasu ang makapangyarihang si Hideyoshi, pero nang maglaon umanib din siya sa kaniya. Magkasama nilang kinubkob at inangkin ang kastilyo ng Odawara, ang balwarte ng malakas na angkan ng Hōjō, kung kaya nalupig nila ang rehiyon ng Kanto sa silangang Hapon.

Ibinigay ni Hideyoshi kay Ieyasu ang malaking teritoryo ng walong probinsiya ng Kanto, na karamihan ay dating sakop ng Hōjō. Dahil dito, mapupunta si Ieyasu sa gawing silangan mula sa dati niyang teritoryo. Lumilitaw na ginawa ito para ilayo si Ieyasu sa Kyoto, kung saan nakatira ang emperador​—ang kinikilalang lider sa Hapon. Gayunpaman, sumang-ayon si Ieyasu, at dumating siya sa Edo gaya ng inilalarawan sa pasimula. Inumpisahan niyang baguhin ang abang nayon ng mga mangingisda upang maging sentro ng kaniyang nasasakupan.

Pagkamatay ni Hideyoshi, pinangunahan ni Ieyasu ang isang koalisyon ng mga hukbo, na karamihan ay nagmula sa silangang Hapon, laban sa mga puwersa sa kanluran, at noong 1600, sa loob ng isang araw, tinalo niya ang mga ito. Noong 1603, hinirang na shogun si Ieyasu, kaya siya ang tumayong pinuno ng bansa. Ang Edo na ang naging bagong sentro ng pamamahala sa Hapon.

Ipinag-utos ni Ieyasu sa mga may-ari ng lupa na magpadala ng mga kagamitan at tauhan para sa pagtatayo ng isang malaking kastilyo. Sa isang pagkakataon, gumamit ng mga 3,000 barko para ilulan ang malalaking tipak ng granito na kinuha sa mga bangin sa Izu Peninsula, mga 100 kilometro sa timog. Hinakot ng isang pangkat ng isandaang lalaki o mahigit pa ang mga tipak ng granito mula sa daungan patungo sa pagtatayuan.

Pagkalipas ng 50 taon sa panahon ng pamumuno ng ikatlong shogun, natapos ang kastilyong ito, ang pinakamalaki sa Hapon at isang maringal na simbolo ng namamayagpag na pamamahala ng mga Tokugawa. Ang mga samurai, o mga mandirigma, na naglilingkod sa shogun ay nanirahan sa palibot ng kastilyo. Ipinag-utos ng shogun na magkaroon ng mga mansiyon sa Edo ang mga may-ari ng lupa bukod pa sa mga kastilyo sa kanilang nasasakupan.

Para matugunan ang pangangailangan ng malaking populasyon ng mga samurai, nagdatingan ang mga negosyante at bihasang mga manggagawa mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Pagsapit ng 1695​—mga isang siglo mula nang dumating si Ieyasu​—umabot na sa isang milyon ang populasyon ng Edo! Ang lunsod na ito ang may pinakamalaking populasyon sa daigdig noon.

Napalitan ng Abakus ang Tabak

Gayon na lamang kahusay ang pamamahala ng shogun anupat namayani ang kapayapaan kaya halos wala nang ginagawa ang mga mandirigma. Siyempre pa, ipinagmamalaki pa rin ng mga samurai ang kanilang posisyon, pero unti-unting napalitan ang tabak ng abakus, ang kagamitan para sa manu-manong pagkukuwenta na popular sa Silangan. Namayani ang kapayapaan sa loob ng mahigit 250 taon. Sa pangkalahatan, ang mga sibilyan, lalo na ang mga negosyante, ay yumaman at nagkaroon ng higit na kalayaan. Lumitaw ang naiibang kultura.

Nagsimulang masiyahan ang mga tao sa sikat na dulang Kabuki (tradisyonal na mga drama), Bunraku (teatro na nagtatanghal ng mga papet), at rakugo (paglalahad ng mga kuwentong nakakatawa). Sa maiinit na gabi ng tag-araw, nagpupuntahan naman ang iba sa pampang ng malamig na Ilog Sumida, na kinaroroonan ng Edo. Nanonood din sila ng mga kuwitis na popular hanggang sa ngayon.

Pero ang Edo ay hindi pa rin kilala sa buong daigdig. Sa loob ng mahigit 200 taon, ipinagbawal ng pamahalaan ang pakikipag-ugnayan sa mga banyaga maliban sa mga Olandes, Tsino, at mga Koreano, pero limitado lamang. Hanggang sa isang araw, dahil sa hindi inaasahang pangyayari, nagbago ang kalagayan ng lunsod at ng buong bansa.

Naging Tokyo ang Edo

Biglang lumitaw, malapit sa baybayin ng Edo, ang mga kakaibang sasakyang pandagat na nagbubuga ng maitim na usok. Inakala ng natigilang mga mangingisda na lumulutang na mga bulkan iyon! Kumalat ang bali-balitang ito sa Edo kaya nagsialis ang mga tao.

Ang mga sasakyang iyon, plota ng apat na barko sa pangunguna ni Commodore Matthew C. Perry ng Hukbong-Dagat ng Estados Unidos, ay dumaong sa Edo Bay noong Hulyo 8, 1853 (kaliwa). Hiniling ni Perry sa pamahalaan ng shogun na makipagkalakalan ang Hapon sa kaniyang bansa. Nang dumating si Perry, nakita ng mga Hapones kung gaano na sila napag-iiwanan ng daigdig pagdating sa militar at teknolohiya.

Nagbunsod ito ng sunud-sunod na mga pangyayari na humantong sa pagbagsak ng pamamahala ng Tokugawa at pagbalik ng pamamahala ng emperador. Noong 1868, ang Edo ay tinawag na Tokyo, na ang ibig sabihi’y “Kabisera sa Silangan,” kung titingnan ito mula sa Kyoto. Iniwan ng emperador ang kaniyang palasyo sa Kyoto at lumipat sa kastilyo sa Edo, na nang maglaon ay ginawang bagong Imperial Palace.

Dahil sa impluwensiya ng kulturang Kanluranin, sinimulan ng pamahalaan ang proyekto nito na gawing makabago ang Hapon. Napakaraming dapat gawin para makaalinsabay sa takbo ng panahon. Tinukoy ng ilan ang yugtong ito na isang himala. Noong 1869, pinasinayaan ang serbisyo ng telegrapo sa pagitan ng Tokyo at Yokohama. Di-nagtagal, sinundan ito ng paglalatag ng unang riles ng tren na nagdugtong sa dalawang lunsod. Nagsulputan ang mga gusaling yari sa laryo sa tabi ng kahoy na mga bahay. Itinayo ang mga bangko, otel, department store, at mga restawran. Itinatag ang unang mga unibersidad. Ginawang sementado ang mga daan. Paroo’t parito sa Ilog Sumida ang mga bangkang pinaandar ng singaw.

Nagbago rin ang hitsura ng mga tao. Ang karamihan ay nagsusuot ng tradisyonal na kimono, pero parami nang paraming Hapones ang nagsusuot ng mga damit na Kanluranin. Nagpatubo ng bigote ang mga lalaki at gumamit ng mga sumbrero at baston. Nagsuot naman ng eleganteng mga damit at natutong magsayaw ng waltz ang ilang babae.

Naging paboritong inumin na rin ang beer katulad ng sake, at ang beysbol ay halos kasing popular na ng sumo wrestling, ang paboritong isport ng bansa. Ang mga taga-Tokyo ay madaling naimpluwensiyahan ng ibang kultura at mga ideya sa pulitika na popular noong panahong iyon. Patuloy na umunlad ang lunsod​—hanggang sa isang araw, dumating ang isang sakuna.

Bumangon ang Tokyo

Noong Setyembre 1, 1923, habang marami ang naghahanda ng kanilang pananghalian, nayanig ng isang malakas na lindol ang Kanto, sinundan ito ng daan-daang mahinang pagyanig, kabilang na ang isang malakas na pagyanig pagkalipas ng 24 na oras. Bagaman malaki ang pinsalang ginawa ng lindol, higit na mapaminsala ang ibinunga nitong mga sunog na tumupok sa kalakhang Tokyo. Sa kabuuan, mahigit 100,000 katao ang namatay at 60,000 sa mga ito ang nasa Tokyo.

Pinasimulan ng mga taga-Tokyo ang isang napakalaking trabaho​—ang muling pagtatayo ng kanilang lunsod. Matapos makabawi sa paanuman, dumanas ng isa pang malaking dagok ang lunsod​—ang pananalakay ng mga eroplano noong Digmaang Pandaigdig II. Partikular nang mapangwasak ang tinatayang 700,000 bombang bumagsak noong gabi ng Marso 9/10, 1945, mula hatinggabi hanggang halos alas-tres ng madaling-araw. Karamihan sa mga gusali ay yari sa kahoy, at pinagliyab ng mga bomba​—napalm at mga bagong imbentong panunog na may magnesyo at jellied gasoline​—ang siksikang kabayanan anupat namatay ang mahigit 77,000 katao. Sa kasaysayan, ito ang pinakamapangwasak na pagbombang naganap na hindi gumamit ng nukleyar na sandata.

Sa kabila ng mga sakuna at ng digmaan, bumangon ang Tokyo at muling naitayo ang lunsod nito sa pambihirang paraan. Pagsapit ng 1964, wala pang 20 taon ang lumipas, nakabawi ang lunsod at idinaos dito ang Summer Olympic Games. Kapansin-pansin ang tila walang-katapusang pagtatayo ng mga gusali nitong nakaraang apat na dekada anupat lumawak nang lumawak ang mataong lunsod na ito at lumitaw ang nagtataasang mga gusali.

Nakatulong ang Saloobin ng mga Taga-Tokyo

Bagaman 400 taon na ang Edo, ang lunsod na kilala ngayong Tokyo, hindi pa rin ito masasabing matandang lunsod kung ihahambing sa ibang pangunahing lunsod sa daigdig. Bagaman makikita pa rin sa ilang bahagi ng lunsod ang bakas ng nakalipas, sa pangkalahatan, kaunti na lamang ang natitira sa mga gusali at istrukturang nagpapaalaala sa nakaraan. Pero kung titingnang mabuti ang lunsod, makikita pa rin ang isang disenyong nagmula pa sa panahon ng sinaunang Edo.

Nasa sentro ng Tokyo ang isang malawak na hardin. Ang Imperial Palace at ang bakuran nito ay nakatayo ngayon sa mismong kinaroroonan ng orihinal na kastilyo ng Edo. Nagsasanga-sanga mula rito, gaya ng mga hibla ng sapot ng gagamba, ang mga pangunahing lansangan palabas ng lunsod, na ayon sa disenyo ng Edo. Maging ang mga sanga-sangang kalye ay nagpapaalaala sa hitsura ng sinaunang Edo. Sa katunayan, karamihan ng mga kalye ay wala man lamang pangalan! Sa Tokyo, ang mga lote ay hindi pare-pareho ng hugis at sukat na para bang walang direksiyon, di-tulad ng mga lote sa ibang malalaking lunsod sa daigdig na nakaayos.

Pero ang pinakakapansing-pansing pamana ng nakaraan ay ang saloobin ng mga taga-Tokyo​—handa nilang tanggapin kung ano ang bago, lalo na ang mga ideya ng ibang kultura, at determinado silang bumangon at magpatuloy sa kabila ng mga lindol, pagbagsak ng ekonomiya, at mga hamong dulot ng paglaki ng populasyon. Halika at tingnan mo ang masiglang saloobin ng mga taga-Tokyo​—ang di-kilalang nayon ng mga mangingisda noon na tanyag na ngayon sa daigdig.

[Talababa]

a Ang shogun ay namamanang posisyon bilang kumandante ng hukbo ng Hapon at may ganap na kapangyarihan sa ilalim ng pangunguna ng emperador.

[Mapa sa pahina 11]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

HAPON

TOKYO (Edo)

Yokohama

Kyoto

Osaka

[Larawan sa pahina 12, 13]

Ang Tokyo ngayon

[Credit Line]

Ken Usami/photodisc/age fotostock

[Picture Credit Line sa pahina 11]

© The Bridgeman Art Library

[Picture Credit Line sa pahina 13]

The Mainichi Newspapers

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share