Banal na Katarungan ng Diyos—Isang Dahilan ng Kagalakan!
“MAKIAWIT sa amin . . . ‘si Jehova’y naghahari; magalak ang lupa.’” Ang mga salitang iyan ay bahagi ng isang awit na narinig sa labì ng mga 9,000 mga delegadong Arabiko, Griego, Italyano, Portuges, at Kastila sa “Banal na Katarungan ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon sa Montreal, Canada. Ang mga kombensiyonista ay nagkulumpulan sa laruan sa Olympic Stadium para sa huling sandali ng apat-na-araw na kombensiyong ito upang makiisa ng pag-awit sa 36,900 mga delegado na naroon na sa estadyum.
Ang mga ibang grupo na may iba’t ibang wika ay naroon para makinig sa ganoon ding programa ng kombensiyon sa karatig na mga arena at mga auditoryum. Ngayon sila’y nakisama sa mga kombensiyonista na Pranses at Ingles sa isang nakababagbag-damdaming pagpapakita ng pagkakapatiran at katapatan—isang bagay na makikita tangi lamang sa gitna ng mga lingkod ng Diyos ng tunay na katarungan, si Jehova. Dahilan sa malaganap na kawalang-katarungan sa modernong daigdig, ang tema ng kombensiyon—“Banal na Katarungan ng Diyos”—ay tunay na napapanahon nga. Inilakip sa buong programa ang temang ito, na umantig sa ating pagpapahalaga sa mahalagang katangiang ito ng Diyos na Jehova.
“Maligaya Yaong mga Gumaganap ng Katarungan”
Ito ang tema ng unang araw ng kombensiyon. (Awit 106:3) Sa pahayag sa pagtanggap na ginanap ng chairman ay niliwanag na ang banal na katarungan ng Diyos ay hindi lamang yaong malamig na legal na pagganap ng isang tungkulin ng hukuman. Bagkus, iyon ay ang pagtataguyod sa katuwiran sa isang paraan na walang kinikilingan at makatuwiran ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Si Jehova ang nagtatakda ng pinakamatataas na mga pamantayan at sakdal sa katarungan sapagkat siya’y mahigpit na sumusunod sa mga ito. Kaya naman, masasabi na “lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.”—Deuteronomio 32:4.
Ito ay itinampok pa rin sa pinaka-temang pahayag, na pinamagatang “Katarungan ang Pamantayan ng Lahat ng Daan ng Diyos.” Si Jehova ay hindi kailanman lumihis sa kaniyang matuwid na mga pamantayan kundi ang ganoon ding makatuwirang mga daan ang ginamit niya sa pakikitungo sa lahat ng di-sakdal na mga tao. (Malakias 3:6) Bagaman mayroong mga nagpaparatang sa Diyos ng walang katotohanan na siya raw ay walang katarungan sapagkat kanilang nakikita ang palasak na kawalan ng katarungan sa lipunan ng sangkatauhan, hindi siya ang may kagagawan ng kalikuan ng masamang sangkatauhan.
Yamang si Jehova ay isang mangingibig ng katarungan, inaasahan niyang gaganapin natin ang katangiang ito sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at makatarungan. Kailangang gawin natin ito sa pakikitungo natin sa ating kapuwa at sa ating pamilya, sa loob ng kongregasyon, at sa lahat ng pitak ng ating pagsamba. Ito’y nagdadala sa atin ng saganang mga pagpapala, gaya ng makikita sa mga itinanghal na bahagi ng programa sa natitirang tatlong araw ng “Banal na Katarungan ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon.
“Tanggapin ang Disiplina na Nagbibigay ng Pantas na Pang-unawa”
Nang ikalawang araw ng kombensiyon ay tinalakay ang binanggit na tema, na salig sa Kawikaan 1:3. Tayo’y hinimok na “Tanggapin ang Disiplina at Maging Pantas Ka,” yamang iyan ang titulo ng isang naunang bahagi sa programa. Ang disiplina buhat kay Jehova ay isang paraan ng pamumuhay na saklaw ang pagdalisay sa ating pakultad ng isip at sangkap moral. Ito rin naman ang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. (Hebreo 12:4-11) Ang ganiyang disiplina ay umaantig sa atin upang maging palaisip sa pinakamataas na mga pamantayan ng katarungan—ang katarungan na nagmumula sa Diyos.
Ang positibong mga kapahayagang ito ay sinundan ng pahayag na “Magpakalinis sa Isip at sa Katawan.” Tunay na ito’y nakapupukaw-kaisipan! Ikinintal nito sa ating pag-iisip ang pangangailangan na ihandog ang ating sarili sa Diyos bilang dalisay, malinis, at banal na bayan. Bakit? Sapagkat si Jehova ay sukdulan ng linis at ng kabanalan—isang kalagayan na nagpapakitang siya’y naiiba sa lahat ng karumaldumal na mga diyos ng mga bansa. Sa pagbubulay-bulay sa pahayag na ito, isang kabataang kapatid na lalaki ang nagsabi: “Sinuri ang lahat tungkol sa ating pang-isipan, pangmoral, pisikal, at espirituwal na kalinisan. Ang ating damit, pag-aayos, tahanan, kotse, at personalidad ay pawang binigyan ng pansin.” Isang elder ang nagsabi: “Ang pagkakapit ng gayung payo ay tutulong upang makita na ang ating mga kapatid ay lalong higit na naiiba kaysa mga taong nakapalibot sa kanila at nagbibigay ng isang sukat ng kalusugan na di nakikilala ng daigdig sa pangkalahatan.”
Sa modernong-panahong drama na “May Tanda Para sa Kaligtasan” ay nahiwatigan ang pagkaapurahan ng panahon, sapagkat sa di na magtatagal ay ipakikilala ang banal na katarungan ng Diyos. Ang nakapupukaw-damdaming dramang ito ay malinaw na nagpakitang kailangang sa pinakamadaling panahon imulat ng lahat ang kanilang mata sa kahalagahan ng ating panahong ito. Oo, bago wasakin ang huwad na relihiyon, tayo’y kailangang tumakbo sa lugar ng kanlungan at tiyakang malagyan ng tanda para sa kaligtasan.
Sa hapon, isang symposium ng mga tagapagpahayag ang nagpatotoo sa pangangailangan ng “Pagdidisiplina sa Ikatutuwid sa Loob ng Sambahayan.” Ang mga asawang lalaki at mga ama ay pinayuhan na magkaroon ng espirituwal na programa sa tahanan, na nangunguna sa panalangin, pag-aaral, at banal na paglilingkod. Ang panlalaking mga katangian ng ama at kung paano niya ginagampanan ang kaniyang pagkaulo ay may mabisang epekto sa pagkakilala ng anak sa autoridad, kapuwa yaong sa Diyos at sa tao. Kung gayon, ang mga amang Kristiyano ay kailangang maging makatuwiran at hindi pabagu-bago sa kanilang pagdisiplina. Kailangang sila’y magpamalas ng empatiya at kasiglahan, sa gayo’y pinananatiling bukás ang linya ng pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak.
Hinimok ang mga magulang na ang kanilang pagtuturo ay ibagay sa mga anak. Mahalaga na bigyan ang mga anak ng pantas na pang-unawa sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng kung paano magtuturo at kung ano ang ituturo upang makarating ito sa kanilang puso. Ang layunin ay upang makaimpluwensiya ang katotohanan sa buong pamilya sa isang napakainam na paraan.
Ang huling tagapagpahayag sa symposium na ito ay masiglang nanawagan sa mga anak upang gawin ang inaasahan sa kanila ni Jehova sa loob ng kaayusan ng pamilya. Ang mga kabataan ay hinimok na iwasan ang espiritu ng paghihimagsik sa ngayon ng maluwag sa disiplinang lipunan at magalak sa disiplina na nagbibigay ng pantas na pang-unawa.
Sa pahayag na salig sa Kawikaan 2:1-9, ang mga kombensiyonista ay hinimok na “Patuloy na Maghanap Gaya sa Natatagong Kayamanan.” Ipinaghalimbawa na ang espirituwal na mga hiyas ay masusumpungan sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral at pagsasaliksik. Sa pagpapahayag sa paksang “Kay Jehova Tumingin Para sa Pagtatamo ng Pantas na Pang-unawa,” ang sumunod na tagapagsalita ay nagpaliwanag na ang pantas na pang-unawa’y ang katangian na makita ang kahulugan ng isang situwasyon, makita ang higit pa sa nakikita lamang at maunawaan ang kahulugan ng isang bagay. (Mateo 13:13-15; Roma 3:11; Efeso 5:17) Ang kapana-panabik na araw na ito ay umabot sa tugatog nang ang Olympic Stadium ay ikatnig sa pamamagitan ng telepono sa maraming mga iba pang lunsod sa Canada at sa Estados Unidos. Ang dalawang-bahaging symposium ay itinampok sa pamamagitan ng paglalabas ng dalawang-tomong publikasyon Insight on the Scriptures, na mayroong mahigit na 2,500 pahina ng impormatibong mga artikulo at mga ilustrasyon na magpapatindi ng ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.
“Tunay at Matuwid ang Kaniyang mga Paghatol”
Noong ikatlong araw, na ganiyan ang temang nakasalig sa Apocalipsis 19:2, napakarami ang dapat na magpagalak sa atin. Ang pahayag na “Ang Kalinisan sa Moral Ay Kagandahan ng Kabataan” ang nagsilbing isang matinding pananawagan sa mga kabataan. Sila’y pinayuhan na pahalagahan ang kagandahan na may kaugnayan sa pananatiling sumusunod sa mga pamantayan ng Diyos sa pisikal, moral, at espirituwal na kalinisan. Ang mga awiting nagbubulgar ng sekso, mga imoral na palabas sa telebisyon, mahahalay na mga pelikula at literatura, at panggigipit ng kanilang mga kaedad ang patuloy na umaatake sa mga kabataang Kristiyano. Ayon sa isang kinunan ng impormasyon, wala kundi isang namumukod-tanging kabataan ang wala pang karanasan sa pakikipagtalik bago makasal pagsapit sa edad na 19 na taóng gulang. Subalit ang mga tagapakinig ay puspusang nagpalakpakan nang bigyang-kumendasyon ng tagapagsalita ang libu-libong mga kabataang Saksi na nagpakitang sila’y namumukod-tangi dahil sa pananatiling nagtataguyod ng isang mataas na pamantayan ng katuwiran. Ang maagang pag-aasawa ay may kalakip na mga problema, at nakita na ang mga salita ni Pablo tungkol sa pag-aasawa dahilan sa nadadaig ng “maningas na pita” ay nakatutok hindi sa mga kabataan kundi doon sa mga “lampas na sa kasariwaan ng kabataan.”—1 Corinto 7:9, 36.
“Huwag Kayong Makipamatok sa mga Di-Sumasampalataya” ang sumunod na paksa. Sa pagsunod sa utos ng Diyos na mag-asawa “sa nasa Panginoon lamang” tayo ay nakaiiwas sa mapapait na karanasan. (1 Corinto 7:39) Isa pa, walang lalong nakapagpapatibay sa pagsasama ng mag-asawa kaysa ang kanilang parehong debosyon kay Jehova at pagkapit nang mahigpit sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Pagkatapos ay tinulungan tayo na makita kung paanong tayo’y dapat “Kumilos na May Paggalang at maka-Diyos na Takot.”
Pagkatapos ay sumunod ang isang nakapananabik na tampok na bahagi—ang pahayag na “Bautismo na Umaakay Tungo sa Kalugud-lugod na Hatol,” na sinundan ng paglulubog sa tubig sa mga taong bagong kapapag-alay ng sarili. Idiniin na higit pa ang inaasahan sa kanila kaysa pag-aalis lamang sa karumihan ng laman. Ang pagsisisi, pagbabalik-loob, at isang habambuhay na banal na paglilingkuran ang kailangang ilakip sa kanilang pag-aalay at bautismo kung ibig nilang tamasahin ang isang kalugud-lugod na hatol buhat kay Jehova.
Ang programa noong hapon ay tunay na di-malilimot. Muli na naman sa pamamagitan ng konektadong mga telepono, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagpahayag sa mga tagapakinig na nakalaganap sa buong Hilagang Amerika sa pamamagitan ng nakapupukaw-damdaming talakayan sa symposium na “Ang Takdang Panahon Ay Malapit Na.” Sa loob ng kung ilang mga dekada, ang pinahirang mga Saksi ni Jehova ay naghayag ng banal na mga mensahe ng paghatol laban sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Gayunman, sa kombensiyong ito, lalong naging matindi ang mga mensaheng ito. Ang Babilonyang Dakila ay nagkasala ng paglabag sa matuwid na mga kautusan ni Jehova. Siya’y karapat-dapat sa pagkapuksa, sapagkat “ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit, at naalaala ng Diyos ang kaniyang mga katampalasanan.” Sa gayon, gaya ng inihayag ng anghel ni Jehova, “darating sa kaniya sa isang araw ang mga salot, ang kamatayan at pagdadalamhati at gutom, at siya’y lubos na susunugin ng apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”—Apocalipsis 18:5, 8.
Sa pagpapahayag sa paksang “Ang Kasumpa-sumpang ‘Patutot’—Ang Kaniyang Pagbagsak at Pagkapuksa,” ang huling tagapagsalita sa symposium na ito ay tumawag-pansin sa dakilang tugatog ng Apocalipsis. Nararating ang tugatog na ito sa kasal ng Kordero, na ikinakasal sa kaniyang kasintahan, ang banal na lunsod, sa pagpapala sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng buhay na walang-hanggan. Ang pangalan ni Jehova ay pinabanal! Ang symposium ay nagtapos sa pamamagitan ng nakapupukaw na pangungusap na ang itinakdang panahon ay lalong malapit na kaysa ating inaakala marahil! Oo, ang dakilang sukdulan ng Apocalipsis ay naririto na!
Samantalang nagpapalakpakan pa ang mga tagapakinig, inilabas ang bagong 320-pahinang aklat na Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito! Anong laking kadahilanan na mangagalak! Ang publikasyong ito ay tiyak na magiging isang epektibong paraan ng pagbabalita na hinatulan na ang Babilonyang Dakila, na ang mga bansa ay nakaharap ngayon sa Armagedon, at na halos isasagawa na lamang ni Jehova ang kaniyang inihatol. Hayaan ang lahat ng mga taong nagpapahalaga ay tumugon sa paanyayang “halika” sa tubig ng buhay, na paanyayang nanggagaling sa “espiritu at sa kasintahang babae.” (Apocalipsis 21:2, 9; 22:17) Ang kapana-panabik na nilimbag na aklat na ito ay sinundan ng isa pang dahilan ng kagalakan. Taglay ang masayang kumbiksiyon, ang mga dumalo sa kombensiyon ay may pagkakaisang nagtibay ng isang napakalinaw at prangkang resolusyon na nagpapahayag ng ating pagkasuklam sa Babilonyang Dakila.
“Katarungan—Katarungan ang Iyong Susundin”
Salig sa Deuteronomio 16:20, ito ang tema ng katapusang araw. Idiniin ng mga tagapagsalita sa umaga ang bagay na upang makinabang sa banal na katarungan ng Diyos, tayo ay kailangang maging naiiba sa sanlibutan. Isaalang-alang ang pahayag na “Pananatili sa Espirituwal na Kalusugan sa Isang Maysakit na Daigdig.” Ipinakita niyaon kung paano maiiwasan natin ang pagkahawa sa isang sanlibutan na maysakit sa espirituwal sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga kahinaan ng laman, makasanlibutang impluwensiya, at “mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11, 12; Roma 7:21-25; 1 Juan 2:15-17) Ang pahayag na “Ang Inyo bang Pananampalataya’y Humahatol sa Sanlibutan?” ay nagpakita na kung tayo’y may pananampalataya ng katulad kay Noe, tayo’y mapapansin na naiiba sa sanlibutan. Noong kaarawan ni Noe, mayroong kapansin-pansing pagkakaiba ang mga nakatawid sa Baha at yaong mga taong nangamatay. Ganiyan din sa ngayon.
Ang mahalagang puntong ito ay itinampok sa drama ng Bibliya na “Ang mga Kahatulan ni Jehova Laban sa mga Taong Lumalabag sa Kautusan.” Buong linaw na pinaghambing ang mga taong manlalabag-kautusan noong kaarawan ni Noe at Lot sa mga taong nabubuhay sa panahon natin. Si Noe at si Lot ay ibang-iba sa kanila, at ang kanilang pananampalataya ang nagsilbing hatol sa mga taong nabubuhay noon. Kapansin-pansin ba ang ating personal na kaibahan sa mga tao sa ngayon na haling na haling sa materyal na mga bagay at mga mangingibig ng kasamaan?
Ang pahayag pangmadla na, “Katarungan Para sa Lahat sa Pamamagitan ng Inilagay ng Diyos na Hukom,” ay isang kawili-wiling pagsusuri sa pahayag ni apostol Pablo sa mga taga-Atenas sa Areopago, o Burol ng Mars. Yamang tayo’y napapalibutan ng malaganap na katampalasanan at huwad na relihyon, ang mga salita ng apostol ay mayroong malawak na kahulugan. Lalo na tayong may dahilan na magalak sapagkat tayo’y nabubuhay sa isang mapanganib na panahon ng paghuhukom at tayo’y makagagawa ng pagkilos upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos. Oo, gaya ng sinabi ni Pablo, nilayon ni Jehova na “hatulan ang tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki [si Jesu-Kristo] na kaniyang hinirang, at siya’y nagbigay ng katiyakan sa lahat ng tao sa bagay na kaniyang binuhay-muli siya sa mga patay.”—Gawa 17:31.
Habang papatapos na ang programa, tayo’y hinimok na “Patuloy na Sundin ang Katarungan Habang Palapit ang Sukdulan.” Ang kahanga-hangang apat-na-araw na kombensiyong ito ay nagbigay sa atin ng determinasyon na gawin iyan. Sa programa ring iyan ay nakita natin ang lawak ng ating pambuong daigdig na pagkakapatiran. Halimbawa, anong laking kagalakan ang makarinig ng balita sa dumadalaw na mga misyonero na buong katapatang naglingkod at naglilingkod pa sa kanilang atas na teritoryo sa loob ng mga taon!
Nilisan namin ang kombensiyon na taglay ang panibagong determinasyon na manatiling hiwalay sa sanlibutang ito at patuloy na maging malinis sa espirituwal, sa moral, sa pag-iisip, at sa pangangatawan. Samantalang kami’y nagkakaisang umaawit ng panghuling awit, may kagalakang inawit namin ang mga papuri kay Jehova, nagpapasalamat na ang banal na katarungan ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng malaking kagalakan.
Sa mahigit na 125 kombensiyon sa Estados Unidos at Canada lamang, 1,440,932 katao ang dumalo at 19,878 ang nabautismuhan
[Mga larawan sa pahina 26]
1, 2. Ang mga publikasyong Insight on the Scriptures at Revelation—Its Grand Climax At Hand! ay inilalabas sa madla sa Yankee Stadium, New York City, ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala na sina J. E. Barr at W. L. Barry
3, 4. Mga eksena buhat sa drama ng Bibliya na “Ang mga Kahatulan ni Jehova Laban sa mga Taong Lumalabag sa Kautusan”
5. Libu-libo ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova
6. Eksena buhat sa modernong-panahong drama na “May Tanda Para sa Kaligtasan”
7. Dumadalaw na mga misyonero, tulad baga ni John Cutforth ng Papua New Guinea, ang naglahad sa mga kombensiyonista ng kanilang mga karanasan