Ang Nakagagalak na mga Kombensiyon ay Nagtataguyod ng Banal na Pagtuturo
SA NGAYON, ang daigdig ay nakararanas ng pagbaha ng impormasyon. Sa telebisyon at sa radyo, sa mga aklat o sa pamamagitan ng mga computer, may halos walang-katapusang pagdaloy ng kaalaman sa halos anumang paksang maguguniguni. Gayunpaman, ang mga tao ay nagkakasakit at namamatay. Ang krimen, gutom, at karalitaan ay umiiral sa buong lupa, at lalong maraming tao ang apektado ng mga karamdaman na may kinalaman sa emosyon. Lahat ng makukuhang kaalaman ay bigo sa pagtutuwid ng mga bagay. Bakit? Sapagkat winalang-kabuluhan ng sangkatauhan ang karunungan ng Diyos.
Kung gayon, angkop na angkop nga na ang temang pinili para sa kamakailang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay “Banal na Pagtuturo”! Ipinaalaala ng programa sa mga naroroon na tanging ang pagtuturong nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang may tunay, nagliligtas-buhay na halaga.
Ang unang kombensiyon ay nagsimula noong Huwebes, Hunyo 3, sa Uniondale, New York, E.U.A. Mula roon, ang programa ay ginanap sa iba’t ibang siyudad sa sunud-sunod na mga bansa, na nagtapos sa mga kontinente ng Aprika at Timog Amerika.
Sa Hapon ng Unang Araw
Bawat araw ay may tema na nagdiriin ng isang aspekto ng banal na pagtuturo. Halimbawa, ang programa para sa unang araw ay batay sa temang “Pagkaalam sa Pagtuturo na Nagmumula sa Diyos.” (Juan 7:17) Mainam ang pagkatalakay ng kaisipang ito habang lumalakad ang maghapon.
Pagkatapos ng isang awit at panalangin, sinimulan ng chairman ng kombensiyon ang programa sa pahayag na pinamagatang “Pinagbubuklod Tayo ng Banal na Pagtuturo.” Ipinakita niya na ang bayan ni Jehova ay pinagkakaisa sa pamamagitan ng pagkatuto ng Kaniyang mga daan at paglakad sa Kaniyang mga landas. (Mikas 4:1-5) Ang banal na pagtuturo ang nagpapatibay sa kanilang pagkakaisa. Ang mga kombensiyonista ay hinimok na magalak sa kanilang nagkakaisang pagsasamahan.—Awit 133:1-3.
Makalipas ang ilang sandali sa bandang hapon, ang regular na mga pulong ng kongregasyon ay tinalakay sa isang simposyum na pinamagatang “Mga Pulong na Nagtuturo sa Atin ng Tungkol sa mga Paraan ni Jehova.” Ipinaalaala ng unang tagapagsalita sa mga kombensiyonista na pagka tayo’y nagtitipong samasama, ating pinararangalan si Jehova at sa gayo’y tumatanggap ng Kaniyang pagpapala. Idiniin ng sumunod na nagpahayag ang pangangailangan na makibahagi sa mga pulong. Sa paggawa ng gayon, pinupuri natin si Jehova nang hayagan, ipinakikita ang ating pananampalataya, at pinalalakas ang pananampalataya ng iba. Ipinakita ng ikatlong nagpahayag sa simposyum ang pangangailangan na ikapit ang ating natutuhan sa mga pulong. Tayo’y kailangang maging “mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.”—Santiago 1:22.
Sumunod ang isang mainam na pagtalakay sa pag-awit ng mga papuri kay Jehova. Ang taos-pusong pag-awit ay isang mahalagang bahagi ng ating pagsamba. Ang pahayag na ito ay sinundan ng pahayag na nagtatampok sa tema, “Nagtatagumpay ang Banal na Pagtuturo.” Anong pagkainam-inam na tema! “Si Jehova ang Bukal ng pinakamagaling na turo na maaaring tanggapin ng sinuman,” ang sabi ng nagpahayag. At, pagkatapos ng isang maikling pagtalakay sa himala ng utak ng tao, sinabi niya: “Kailangang gamitin natin ang ating mga sangkap sa pag-iisip unang-una upang tumanggap ng banal na pagtuturo. Iyan lamang ang magbubunga ng tunay na karunungan.” Totoong-totoo nga!
Ang Pangalawang Umaga
“Patuloy na Gayakan ang Turo ng Ating Tagapagligtas, ang Diyos” ang tema ng pangalawang araw ng kombensiyon. (Tito 2:10) Ang simulaing ito ay napatampok sa pahayag na “Banal na Pagtuturo Laban sa Turo ng mga Demonyo.” Oo, ang mga demonyo ay mayroong kanilang mga turo. (1 Timoteo 4:1) Gaya ng ipinaliwanag ng tagapagpahayag, ang banal na pagtuturo ay nagtatagumpay laban sa “karunungan” ni Satanas sa pamamagitan ng pagbubunyag ng huwad na mga turo at ng tusong mga paraan ng Diyablo. Dahilan dito, mga 4,500,000 matuwid-pusong mga Kristiyano ang hindi na mga alipin sa kadiliman ni Satanas.—Juan 8:32.
Gayunpaman, kailangang patuloy na salansangin natin si Satanas. Ito’y idiniin sa pahayag na “Tinatanggihan ba Ninyo ang Espiritu ng Sanlibutan?” Ang espiritu ng sanlibutang ito ay nakamamatay. Itinataguyod niyaon ang mababang moralidad, ang isang mapaghimagsik na pangmalas sa awtoridad, at isang sakim na paghahangad ng materyal na mga bagay. Kailangang laging suriin ng isang Kristiyano ang kaniyang sarili. Siya ba’y mayroon pang matataas na pamantayan kung tungkol sa kaniyang pinanonood, pinakikinggan, o binabasa? May pagpapatibay-loob na sinabi ng tagapagpahayag: “Pinapupurihan namin kayo, mga kapatid na lalaki, babae, at mga kabataan, sa taimtim na pagsisikap na ginagawa na ninyo tungkol sa bagay na ito.”—1 Juan 2:15-17.
May isang dahilan kung kaya mahirap na tanggihan ang espiritu ng sanlibutan. Ano iyon? Lahat tayo ay hindi sakdal. Totoo, si Jesus ay namatay alang-alang sa ating mga kasalanan, ngunit kailangan pa rin nating paglabanan ang hilig na magkasala. Ito’y isinaalang-alang sa pahayag na “Pakikipaglaban sa Mahigpit na Hawak ng Kasalanan sa Makasalanang Laman.” Bukod sa iba pang mga bagay, sinabi ng tagapagpahayag na tayo’y magtatagumpay sa ating pakikipagpunyagi sa kasalanan kung magbibihis tayo ng bagong personalidad at iiwasan ang anumang umaakit sa ating makasalanang mga hilig.
“Gawing Paraan ng Inyong Pamumuhay ang Nakapagpapalusog na Turo” ang pamagat ng sumunod na pahayag. Ang ilan ay may labis na pagkabahala tungkol sa kanilang pisikal na kalusugan. Subalit, ang totoo ay higit na mahalaga ang espirituwal na kalusugan. Idiniin ng tagapagpahayag na kailangang dibdibin natin ang ating mga pananagutan tungkol sa bagay na ito, at siya’y nagbigay ng natatanging pampatibay-loob sa mga babaing Kristiyano. Sinabi niya: “Ating lubhang pinahahalagahan kapuwa ang nakatatandang mga kapatid na babae at ang nakababatang mga kapatid na babae na timbang na timbang sa kanilang sigasig sa ministeryo at sa kanilang pag-aasikaso sa personal na mga pananagutan.” Oo, at lahat tayo ay nagpapasalamat kay Jehova ukol sa malusog na pagtuturo na naghihiwalay sa atin sa sanlibutan.
Nagtapos ang programa sa umaga sa pahayag na “Isinisiwalat ng Banal na Pagtuturo ang Layunin ng Buhay.” Sinabi ng tagapagpahayag: “Sa malao’t madali, halos lahat ay nagtatanong, ‘Ano ba ang layunin ng buhay?’ ” Sa pamamagitan ng mabibisang argumento, pinatunayan niya na tanging ang Bibliya ang nagbibigay ng tunay na kasagutan sa tanong na iyan. Pagkatapos, ipinakita ng tagapagpahayag na ang kahanga-hangang mga pangako ng Diyos ay mabisang nagbibigay sa atin ng isang layunin sa buhay. Malamang, marami sa mga nakikinig ang nag-iisip, ‘Itung-ito ang kailangang marinig ng mga tao sa aking teritoryo.’ Gayundin ang iniisip ng Lupong Tagapamahala. Isang bagong brosyur, na pinamagatang Ano ba ang Layunin ng Buhay? ang inilabas sa madla sa pagtatapos ng kaniyang pahayag. Anong laki ng kagalakan ng bawat isa! Ang pansamantalang pamamahinga ay nagbigay ng pagkakataon upang suriin ang bagong publikasyon.
Ang Pangalawang Hapon
Ang unang pahayag sa hapon ay may nakaaaliw na temang “Ihagis kay Jehova ang Lahat ng Inyong mga Kabalisahan.” Maraming bagay ang sanhi ng pagkabalisa; subalit, sinasabi ng Salita ng Diyos na ating ihagis sa kaniya ang lahat ng ating kabalisahan. (1 Pedro 5:6, 7) Totoo, may ilang suliranin na magpapatuloy, at tungkol dito ang tagapagpahayag ay nagpayo: ‘Maging matiyaga. Hintayin si Jehova. Magpakatatag sa paniniwala na ang pagsunod sa sinasabi ng Bibliya ang sa tuwina’y pinakamagaling. Kung ang ating puso ay pananatilihin nating nakatutok kay Jehova, tatamasahin natin “ang kapayapaan ng Diyos” na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.’—Filipos 4:6, 7.
Ang sumunod na apat na pahayag ay nagpakita na ang banal na pagtuturo ay kumakapit sa buhay pampamilya. Ang una, “Ginagawang Walang-Hanggang Pagsasama ang Pag-aasawa,” ay nagpagunita sa mga kombensiyonista na sa paningin ni Jehova ang pag-aasawa ay hindi dapat malasin na isang kaayusan na maaaring iwaksi, gaya ng pagkakilala rito ng marami sa sanlibutan. Gayunman, upang magtagumpay ang pag-aasawa, kailangang sundin natin ang patnubay ni Jehova. Siya ang gumawa sa atin. Sa gayon, nasa kaniyang kinasihang Salita ang pinakamagaling na payo sa pag-aasawa.
Ang pahayag na “Magsumikap Para sa Kaligtasan ng Inyong Sambahayan” ay tumalakay sa mga hamon ng pag-aasikaso ng isang pamilya sa mapanganib na mga panahong ito. (2 Timoteo 3:1) Tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng paglilinis sa kanilang sarili at sa kanilang kapaligiran, ng mabubuting asal, kung papaano magtatrabaho, at kung papaano magiging bukaspalad at mapagmalasakit sa iba. Lalong mahalaga, dapat nilang turuan ang kanilang mga anak na maging tapat na mga lingkod ni Jehova.—Kawikaan 22:6.
Sa sumunod na talakayan, “Mga Magulang, Kailangan ng Inyong mga Anak ang Natatanging Pansin,” ipinagunita ng tagapagpahayag sa mga kombensiyonista na kailangang bigyan ng komendasyon ang mga anak, samantalang hindi naman tumatangging bigyang-pansin ang kanilang mga kahinaan. Kailangang higit na alerto ang mga magulang sa mga pagkahilig sa pagdaraya, materyalismo, o kaimbutan.
Lalo nang maingat na pinakinggan ng mga kabataang kombensiyonista ang pahayag na “Mga Kabataan—Kaninong mga Turo ang Sinusunod Ninyo?” Ang mga bagay ay mahirap para sa mga kabataang Kristiyano sa ngayon. Ang padala sa sanlibutan ay madali, subalit ito’y humahantong sa kamatayan. Bagaman ang pangungunyapit sa banal na pagtuturo ay nangangailangan ng lakas ng loob para sa isang kabataan, iyon ay nagdadala ng maraming pagpapala ngayon at ng buhay na walang-hanggan sa darating.—1 Timoteo 4:8.
Ang ikalawang araw ay natapos sa nagpapasiglang drama na Mga Kabataang Di-nakalilimot sa Kanilang Maylikha Ngayon. Sa pambungad, ang mga kabataan sa organisasyon ng Diyos ay tinawag ng direktor na “isang teokratikong hukbong tapat na naglilingkuran sa Diyos na Jehova at sa kaniyang hinirang na makalangit na Hari, si Kristo Jesus.” Kaniyang isinusog: “Ang ating mga kabataan ay tunay ngang mabuti ang ginagawa!” Buong-diing ipinakita ng drama na kung mahusay ang pagkasanay ng magulang sa anak, iyan ay magiging kapaki-pakinabang sa anak paglaki niya at naglingkod na kay Jehova sa ganang sarili niya.
Umaga ng Pangatlong Araw
Ang tema para sa ikatlong araw ay “Turuan ang mga Tao ng Lahat ng Bansa.” (Mateo 28:19, 20) Tiyak na umaasa ang mga kombensiyonista ng napapanahong payo tungkol sa gawaing pangangaral, at hindi naman sila nabigo. Isang simposyum na pinamagatang “May Kagalakang Tinutupad ang Ating Atas na Pangangaral at Pagtuturo” ang nagpalakas sa kanilang pagkadesididong magpatuloy ng pakikibahagi sa pagpapatotoo. Ang pambungad na pahayag ay tumalakay sa mga unang pagdalaw; ang ikalawa, mga pagbabalik-muli; at ang pangatlo, mga pag-aaral sa Bibliya. Ang mga misyonero sa buong daigdig ay inanyayahan upang magsiuwi at dumalo sa isang kombensiyon kasama ng kani-kanilang pamilya at mga kaibigan. Sa mga ilang lugar, ang mga misyonero ay kasali sa bahaging ito ng programa. Nakatutuwang tumanggap ng ilang balita na nagbibigay ng unawa sa tagumpay nila sa kanilang mga atas. Ang sumunod na pahayag, “Pag-abot sa Bawat Isa Taglay ang Mabuting Balita” ay tumalakay sa epekto ng impormal na pagpapatotoo.
Ang umaga ay nagtapos sa pahayag sa bautismo, na laging isang tampok sa malalaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova. Sa sunud-sunod na mga kombensiyon, malalaking grupo ng mga bagong nag-alay ang nangakatayo sa harap ng nagtitipong karamihan at may pagtitiwalang sumagot ng oo sa dalawang tanong sa kanila. Pagkatapos ay binautismuhan sila sa harap ng madla. Anong mariing ebidensiya ng dakilang epekto ng banal na pagtuturo!
Hapon ng Pangatlong Araw
Ang programa sa hapon ay nagsimula sa isang malalim na pagtalakay sa Kasulatan. Alam na alam ng mga Saksi ni Jehova ang mga salita ng Mateo kabanata 24 at Lucas kabanata 21. Iniisip ba ng ilan na walang anumang bagong masasabi tungkol sa mga kabanatang ito sa Bibliya? Maling-mali sila! Ang mga pahayag na “Ano ang Magiging Tanda ng Iyong Pagkanaririto?” at “Sabihin Mo sa Amin, Kailan Mangyayari ang mga Bagay na Ito?” ay umakay sa mga kombensiyonista tungo sa isang kawili-wiling talakayan ng mga seksiyon ng dalawang kabanatang iyon at nagbigay ng nakaalinsabay-sa-panahon na mga paliwanag ng ilang talata. May masisiglang talakayan pagkatapos ng sesyon samantalang pinaghahambing ng mga kombensiyonista ang kani-kanilang nota upang tingnan kung naunawaan nila ang mga punto. Tiyak, maraming katanungan ang masasagot pagka inilathala na ang impormasyong ito sa Ang Bantayan.
Ang tema ng pag-aaral sa Bibliya ay ipinagpatuloy sa pahayag na “Nakapagtuturong mga Sagot sa Inyong mga Katanungan sa Bibliya.” Pagkatapos ang programa ay tumawag pansin sa isang naiibang paksa. Ang taóng 1993 ang ika-50 anibersaryo ng Watchtower Bible School of Gilead. Ang pahayag na “Limampung Taon ng Pang-Misyonerong Pagsasanay at Gawain sa Gilead” ay nagpakita sa mga kombensiyonista kung ano ang nagawa sa loob ng panahong iyan. Kung may mga misyonerong naroroon samantalang nagpapahayag ng “Ang Naisagawa ng Pag-eebanghelyo sa Pambuong-Daigdig na Larangan,” sila’y inanyayahan na ilahad ang ilan sa kanilang mga karanasan sa mga tagapakinig. Nakatutuwa naman ang makinig sa paglalahad ng mga misyonero!
Ang sumunod na pahayag, “Kung Bakit Patuloy na Nagbabantay ang mga Saksi ni Jehova,” ay isa pang aralin sa kasaysayan. Ipinakita nito na ang mga Kristiyano ay nagbabantay na mula pa noong unang siglo C.E. magpahanggang ngayon. Iyan ay umakay tungo sa isa pang sorpresa. Maaga sa sumunod na pahayag, na pinamagatang “Mga Tagapaghayag ng Kaharian na Aktibo sa Buong Lupa,” ang tagapagsalita ay nagtaas ng isang malaking aklat (kung iyon ay maaari nang makuha sa lokal na wika) at ang sabi: “Isang kagalakan na ibalita rito ngayon ang paglalabas sa madla ng bagong aklat na ito, na pinamagatang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos.” Taglay ng aklat ang isang detalyadong pag-uulat ng modernong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Inilalahad niyaon ang isang nakapupukaw na kasaysayan ng pagtitiis, determinasyon, at tagumpay, na mariing nagpapatotoo na ang espiritu ni Jehova ay kumikilos sa kaniyang mga lingkod.
Ang Pang-apat na Umaga
Noon ay huling araw na ng kombensiyon. Ang tema sa araw na iyon, “Nakikinabang ang Ating mga Sarili sa Pamamagitan ng Banal na Pagtuturo,” ay nangako ng isang mainam na tugatog ng programa. (Isaias 48:17) Sa umaga ang pansin ng mga kombensiyonista ay nakatutok sa isang simposyum ng tatlong mabibisang pahayag. Pinamagatang “Ang Kinasihang Babalang Mensahe ni Jeremias—Noon at Ngayon,” ang simposyum na may talata-por-talatang pagtalakay sa Jeremias kabanata 23, 24, at Jer 25. At anong diing mensahe ang taglay ng mga kabanatang ito! Ang di-tapat na Israel noong kaarawan ni Jeremias ay tiyak na nangilabot sa kaniyang tahasan, banal na kinasihang mga babala. Ang buong sanlibutan ay higit pang nangilabot nang ang mga babalang iyon ay natupad. May pagkakaiba ba ang mga bagay-bagay ngayon? Wala. Ang mga Saksi ni Jehova ay lakasloob na nangangaral ng mga mensahe ng kahatulan ng Diyos. Sa wakas, ang buong sistemang ito ng mga bagay ay kailangang humarap sa paghuhukom ni Jehova. Iyan ay mangangahulugan ng lubusang pagkapuksa ng sanlibutan ni Satanas.
Ang Linggo ng umaga ay natapos sa pangalawang drama, Huwag Kayong Magpalinlang o Kumutya Man sa Diyos. Sa buong-linaw na paraan, ipinakita niyaon kung papaano tayo maiingatan ng banal na pagtuturo upang huwag maimpluwensiyahan ng masasamang video at musika at upang huwag madala ng hilig na maghasik ng gulo sa gitna ng mga kapuwa Kristiyano. Sa pagtatapos ng drama, sinipi ng chairman ang pumupukaw-kaisipang mga salitang ito ng isa sa mga tauhan: “Mahahawa pa rin tayo ng sanlibutan. Kung hindi tayo lalaban, buong-katusuhang sisirain ng sanlibutan ang ating pangangatuwiran. At ang pananatili nating tapat o hindi ay batay sa ating inihahasik.” Totoong-totoo nga!
Ang Katapusang Hapon
Ang kombensiyon ay mabilis na patungo na sa pagtatapos samantalang papunta sa entablado ang tagapagpahayag para sa pangmadlang diskurso, na pinamagatang “Kapaki-pakinabang na Pagtuturo sa Ating Mapanganib na Panahon.” Sa malinaw at may lohikong paraan, kaniyang ipinakilala ang pangunahing mga suliranin na nakaaapekto sa atin ngayon at bumanggit ng ilang paraan kung papaano matutulungan tayo ng banal na pagtuturo upang magtamasa ng isang lalong mainam na buhay. Sinabi niya na kung tayo’y sumusunod sa maka-Kasulatang pagtuturo ngayon, masusunod natin iyon magpakailanman sa bagong sanlibutan ni Jehova.
Pagkatapos ng sumaryo sa lingguhang aralin sa Bantayan, panahon na iyon para sa katapusang pahayag. Mabilis na kinubrehan ng tagapagpahayag ang mga tampok na punto ng apat-na-araw na programa at ipinaalaala sa mga kombensiyonista ang mga bagong publikasyon. Ipinatalastas din niya na ang ikalawang videocassette sa seryeng The Bible—A Book of Fact and Prophecy ay malapit nang ilabas sa madla. Sa katunayan, ang videocassette na iyan na pinamagatang The Bible—Mankind’s Oldest Modern Book ay makukuha na ngayon sa Ingles. Nakapupukaw na mga pag-uulat ang binasa buhat sa mga lugar na may matitinding krisis, tulad halimbawa ng Bosnia at Herzegovina. Bilang pagtatapos, binasa ng tagapagpahayag ang mga salita ng Eclesiastes 12:13: “Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”
Anong inam na paalaala! Mamuhay tayo ukol sa araw na lahat ng tao ay pupuri sa ating Dakilang Tagapagturo, si Jehova, at makikinig sa kaniyang banal na pagtuturo.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Ang “Banal na Pagtuturo” na mga kombensiyon sa Moscow at Kiev ay nagbunga ng malaking kagalakan
[Mga larawan sa pahina 26, 27]
1. Sa pagpapabautismo, sinagisagan ng marami ang kanilang pag-aalay sa Diyos
2. Isang 100-taóng-gulang na kombensiyonista na galak na galak tumanggap ng isang bagong publikasyon
3, 4. Lubhang pinahalagahan ang pumupukaw-kaisipang mga drama
5. Ang kinapanayam na mga misyonero sa kombensiyon ay nagtampok ng mga kapakinabangan ng banal na pagtuturo