May-Kagalakang Nagtipon ang “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian”
NIYAYANIG ang daigdig ng mga krisis sa moral, ekonomiya, at pulitika. Gayunman, sa kabila ng mga kabagabagang ito, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtipon para sa mapayapang tatlong-araw na “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na Pandistritong mga Kombensiyon. Pasimula noong Mayo 2002, ginanap ang mga pagtitipong ito sa palibot ng globo.
Talagang nakagagalak na okasyon ang mga kombensiyong iyon. Repasuhin natin sandali ang nakapagpapatibay na programang iyon na salig sa Bibliya.
Idiniin ng Unang Araw ang Sigasig ni Jesus
Ang tema ng unang araw ng kombensiyon ay “Tularan ang Sigasig ng Ating Panginoon, si Jesus.” (Juan 2:17) Buong-init na inanyayahan sa pahayag na “Magsaya sa Pagtitipon Bilang mga Tagapaghayag ng Kaharian” ang mga dumalo na makibahagi sa kagalakan na malaon nang katangian ng mga kombensiyon ng bayan ng Diyos. (Deuteronomio 16:15) Ang pahayag na ito ay sinundan ng mga pakikipanayam sa masisigasig na mangangaral ng mabuting balita.
Talata-por-talatang sinaklaw ng pahayag na “Magkaroon ng Masidhing Kaluguran kay Jehova” ang Awit 37:1-11. Hinimok tayo na huwag “mag-init” sa waring tagumpay ng balakyot. Bagaman maaaring magsalita nang may kabulaanan ang mga masama tungkol sa atin, sa takdang panahon ay liliwanagin ni Jehova kung sino talaga ang kaniyang tapat na bayan. Tinalakay ng pahayag na “Ipakita Ninyong Kayo ay Mapagpasalamat” kung paano natin maipakikita ang ating pasasalamat sa Diyos. Ang lahat ng mga Kristiyano ay kailangang maghandog ng “hain ng papuri” kay Jehova. (Hebreo 13:15) Sabihin pa, ang dami ng oras na iniuukol natin sa paglilingkod kay Jehova ay nakasalalay sa ating pagpapahalaga at sa ating mga kalagayan.
Ang pinakatemang pahayag ay pinamagatang “Mga Tagapaghayag ng Kaharian na Pinag-aalab ng Sigasig.” Tinukoy nito si Jesu-Kristo bilang ating pinakamainam na halimbawa ng sigasig. Matapos itatag ang makalangit na Kaharian noong 1914, kinailangan ng tunay na mga Kristiyano ang sigasig upang ianunsiyo ang mabuting balita. Binanggit ng tagapagsalita ang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., noong 1922 at ipinaalaala sa atin ang makasaysayang panawagan na: “Ianunsiyo ang Hari at ang kaniyang Kaharian”! Sa paglipas ng panahon, ang sigasig ng tapat na mga lingkod ng Diyos ay nagpakilos sa kanila na ihayag sa lahat ng bansa ang kamangha-manghang mga katotohanan tungkol sa Kaharian.
Ipinakita ng pahayag na “Huwag Matakot Yamang Nalalaman Natin na si Jehova ay Sumasaatin,” na iniharap sa hapon ng unang araw, na pantanging puntirya ni Satanas ang bayan ng Diyos. Gayunman, sa kabila ng pag-uusig na nararanasan natin, ang ating pagbubulay-bulay sa maraming halimbawa ng pananampalataya mula sa Bibliya at sa makabagong panahon ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubok at mga tukso nang walang takot.—Isaias 41:10.
Ang sumunod na bahagi ng programa ay ang tatlong-bahaging simposyum sa temang “Pinalalakas Tayo ng Hula ni Mikas na Lumakad sa Pangalan ni Jehova.” Inihambing ng unang tagapagsalita sa ating panahon ang pagguho ng moral, relihiyosong apostasya, at materyalismo noong kaarawan ni Mikas. Sinabi niya: “Ang ating pag-asa sa kinabukasan ay magiging tiyak kung ating lilinangin ang isang masunuring puso at titiyakin na ang ating paggawi ay banal at na ang ating buhay ay punô ng mga gawa ng makadiyos na debosyon—at kung hindi natin kailanman kalilimutan na ang araw ni Jehova ay walang pagsalang darating.”—2 Pedro 3:11, 12.
Binigyang-pansin ng ikalawang tagapagsalita sa simposyum ang pagtuligsa ni Mikas sa mga pinuno ng Juda. Inabuso nila ang mga dukha at walang kalaban-labang mga tao. Ngunit inihula rin ni Mikas ang tagumpay ng tunay na pagsamba. (Mikas 4:1-5) Palibhasa’y binigyang-kapangyarihan ng banal na espiritu ni Jehova, determinado tayong ihayag ang nakagiginhawang mensaheng ito ng pag-asa. Ngunit paano kung nadarama nating nahahadlangan tayo ng mga karamdaman o nalilimitahan sa ilang paraan? Sinabi ng ikatlong tagapagsalita: “Ang mga kahilingan ni Jehova ay makatuwiran at kayang abutin.” Nagpatuloy siya sa pagtalakay sa iba’t ibang aspekto ng Mikas 6:8, kung saan mababasa natin: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”
Yamang maaaring maapektuhan ng bulok na moral ng sanlibutan ang mga Kristiyano, tayong lahat ay nakinabang mula sa pahayag na pinamagatang “Manatiling Malinis sa Moral sa Pamamagitan ng Pag-iingat sa Iyong Puso.” Halimbawa, ang pananatili nating malinis ay tutulong sa atin na magkaroon ng maligayang pag-aasawa. Bilang mga Kristiyano, hindi natin dapat isipin kahit ang ideya na gumawa ng seksuwal na imoralidad.—1 Corinto 6:18.
Ipinakita ng pahayag na “Mag-ingat Laban sa Panlilinlang” na matalinong ituring nating lason ang mga pilipit na mga bagay, bahagyang katotohanan, at ganap na kabulaanan na ikinakalat ng mga apostata. (Colosas 2:8) Sa katulad na paraan, huwag nating linlangin ang ating sarili sa pag-aakalang maaari tayong magpakasasa sa ating makasalanang mga pagnanasa nang walang malulubhang resulta.
“Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos” ang pamagat ng huling pahayag sa unang araw. Habang lalong lumulubha ang mga kalagayan sa daigdig, tunay ngang nakapagpapatibay na malaman na malapit nang pasapitin ni Jehova ang kaniyang matuwid na bagong sanlibutan! Sino ang maninirahan doon? Yaon lamang mga sumasamba kay Jehova. Upang matulungan tayo, ang ating mga anak, at ang ating mga estudyante sa Bibliya na maabot ang tunguhing ito, inilabas ng tagapagsalita ang bagong aklat sa pag-aaral na Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos. Kalugud-lugod ngang tanggapin ito!
Itinampok ng Ikalawang Araw ang Kasigasigan Ukol sa Mabuti
Ang tema ng ikalawang araw ng kombensiyon ay “Maging Masigasig sa Mabuti.” (1 Pedro 3:13) Tinalakay ng unang tagapagsalita ang teksto sa Bibliya nang araw na iyon. Idiniin niya na ang regular at makabuluhang pagsasaalang-alang ng pang-araw-araw na teksto ay nagpapasidhi sa ating sigasig.
Pagkatapos ay sumunod ang simposyum na “Mga Tagapaghayag ng Kaharian na Lumuluwalhati sa Kanilang Ministeryo.” Idiniin ng unang bahagi ang pangangailangang gamitin nang wasto ang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 2:15) Ang mabisang paggamit natin ng Bibliya ay nagbubukas ng daan upang ito ay ‘magkaroon ng lakas’ sa buhay ng mga tao. (Hebreo 4:12) Dapat nating ituon ang pansin sa Bibliya at mangatuwiran dito nang nakakakumbinsi. Hinimok tayo ng ikalawang bahagi ng simposyum na paulit-ulit na balikan ang interesadong mga tao. (1 Corinto 3:6) Kailangan ang paghahanda at tapang upang mabalikan agad ang lahat ng interesado. Inirekomenda ng ikatlong bahagi na ituring natin ang bawat taong natatagpuan natin bilang potensiyal na alagad at ipinakita nito na ang pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya sa unang pagdalaw ay maaaring umakay sa kagalakan dahil sa pagtulong sa mga indibiduwal na maging mga alagad.
Ang tema ng sumunod na pahayag ay “Kung Bakit Kailangang ‘Manalangin Nang Walang Lubay.’ ” Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na umasa sa Diyos para sa patnubay sa lahat ng aspekto ng buhay. Kailangang maglaan tayo ng panahon para sa pribadong pananalangin. Karagdagan pa, kailangan tayong magmatiyaga sa pananalangin, sapagkat maaaring hayaan ni Jehova na patuloy tayong manalangin sa loob ng ilang panahon bago maging malinaw sa atin ang kaniyang sagot.—Santiago 4:8.
Hinimok tayo ng pahayag na “Nakapagpapatibay ang Pakikipag-usap Hinggil sa Espirituwal na mga Bagay” na gamitin ang ating kakayahang magsalita upang makinabang tayo at ang iba. (Filipos 4:8) Ang mga mag-asawa at ang kanilang mga anak ay kinakailangang mag-usap hinggil sa espirituwal na mga bagay sa araw-araw. Sa layuning iyan, dapat sikapin ng mga pamilya na magsalu-salo nang kahit man lamang minsan sa isang araw, upang magkaroon ng pagkakataon para sa nakapagpapatibay na pag-uusap.
Ang programa sa umaga ay nagwakas sa pamamagitan ng nakaaantig-pusong pahayag na “Kung Paano Umaakay sa Kaligtasan ang Pag-aalay at Bautismo.” Ang mga kandidato sa bautismo ay nagtamo ng kaalaman, nanampalataya, nagsisi, tumalikod sa masamang gawa, at nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos. Pagkatapos mabautismuhan, ang sabi ng tagapagsalita, kailangan silang patuloy na sumulong sa espirituwal at manatiling masigasig at may mainam na paggawi.—Filipos 2:15, 16.
Nang hapong iyon, dalawang pangunahing punto ang idiniin sa pahayag na “Maging Mahinhin, at Panatilihing Simple ang Iyong Mata.” Ang pagiging mahinhin ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng makatotohanang pangmalas sa ating mga limitasyon at sa ating katayuan sa harap ng Diyos. Tinutulungan tayo ng kahinhinan na panatilihing “simple” ang ating mata—nakapokus sa Kaharian ng Diyos, at hindi sa materyal na mga bagay. Kung gagawin natin ito, hindi tayo kailangang mabalisa, sapagkat ilalaan ni Jehova ang ating mga pangangailangan.—Mateo 6:22-24, 33, 34.
Ipinakita ng sumunod na tagapagsalita kung bakit kailangan tayong “Lubusang Magtiwala kay Jehova sa mga Panahon ng Kabagabagan.” Paano natin mapagtatagumpayan ang mga bagay na tulad ng personal na mga kahinaan at mga problema sa pananalapi o kalusugan? Humiling tayo kay Jehova ng praktikal na karunungan at magpatulong tayo sa iba. Sa halip na matakot o masiraan ng loob, dapat nating patibayin ang ating tiwala sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita.—Roma 8:35-39.
Ang huling simposyum ng kombensiyon ay may pamagat na “Nasusubok ang Katangian ng Ating Pananampalataya sa Pamamagitan ng Iba’t Ibang Pagsubok.” Ipinaalaala sa atin ng unang bahagi na lahat ng tunay na Kristiyano ay napapaharap sa pag-uusig. Nagsisilbi itong patotoo, pinatitibay nito ang ating pananampalataya, at binibigyan tayo ng pagkakataon upang ipakita ang ating katapatan sa Diyos. Bagaman hindi natin isasapanganib ang ating buhay kung hindi naman kinakailangan, hindi tayo kailanman gagamit ng di-makakasulatang paraan upang maiwasan ang pag-uusig.—1 Pedro 3:16.
Sinagot ng ikalawang tagapagsalita sa simposyum na ito ang mga tanong na may kaugnayan sa neutralidad. Ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi mga pasipista, ngunit batid nila na ang kanilang pangunahing katapatan ay ukol sa Diyos. Sa katulad na paraan sa ngayon, buong-tibay na nanghahawakan ang mga Saksi ni Jehova sa simulain na: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Yamang maaaring bumangon kaagad ang mga pagsubok sa ating neutralidad, kailangang maglaan ang mga pamilya ng panahon upang repasuhin ang mga panuntunan ng Bibliya hinggil sa paksang ito. Gaya ng binanggit ng ikatlong pahayag sa simposyum na ito, ang tunguhin ni Satanas ay, hindi naman ang patayin tayo, kundi ang gipitin tayo upang maging di-tapat. Sa pamamagitan ng may-katapatang pagbabata sa panunuya, imoral na mga panggigipit, emosyonal na kirot sa damdamin, at mga karamdaman, nagdudulot tayo ng kapurihan kay Jehova.
Ang mainit na paanyayang “Maging Malapít kay Jehova” ang pamagat ng huling pahayag sa araw na iyon. Naaakit tayo kay Jehova dahil sa pagkaunawa natin sa pangunahing mga katangian niya. Ginagamit niya ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan upang ipagsanggalang ang kaniyang bayan, lalo na sa espirituwal na paraan. Ang kaniyang katarungan ay hindi malupit, sa halip ay pinakikilos siya nito na ipagkaloob ang buhay na walang hanggan sa lahat ng gumagawa ng katuwiran. Makikita ang karunungan ng Diyos sa paraan ng paggamit niya sa di-sakdal na mga tao upang isulat ang Bibliya. Ang pinakakaakit-akit sa lahat ay ang kaniyang pag-ibig, na nagpakilos sa kaniya na gumawa ng paglalaan para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Juan 3:16) Nagtapos ang tagapagsalita sa pamamagitan ng paglalabas ng nakaaantig-damdamin at bagong aklat na Maging Malapít kay Jehova.
Nagtuon ng Pansin ang Ikatlong Araw sa Kasigasigan Hinggil sa Maiinam na Gawa
Ang tema ng ikatlong araw ng kombensiyon ay “Isang Bayan na Masigasig sa Maiinam na Gawa.” (Tito 2:14) Nagsimula ang programa sa umaga sa pamamagitan ng isang pampamilyang pagtalakay ng teksto sa araw na iyon. Sumunod ang pahayag na “Ang Iyo Bang Pagtitiwala ay kay Jehova?” Mali ang pinagtitiwalaan ng mga bansa dahil nananalig sila sa kanilang sariling karunungan at lakas. Gayunman, sa kabaligtaran, ang mga lingkod ni Jehova ay buong-tapang at buong-kagalakang nagtitiwala sa kaniya sa kabila ng mga kalamidad.—Awit 46:1-3, 7-11.
Sinagot ng bahaging pinamagatang “Mga Kabataan—Magplano Para sa Kinabukasan Kasama ng Organisasyon ni Jehova” ang tanong na ito: Paano talaga makakamit ng isang kabataan ang pinakamainam sa buhay? Hindi ito magiging posible sa pamamagitan ng pagkakamal ng salapi, mga tinatangkilik, at paghahangad ng katanyagan. Buong-pagmamahal na hinihimok ng ating Maylalang ang mga kabataan na alalahanin siya habang sila ay bata pa. Kinapanayam ng tagapagsalita ang ilang nagsikap sa paglilingkurang Kristiyano noong sila’y nasa kabataan pa, at madarama natin ang kanilang kagalakan. At tunay ngang kapaki-pakinabang na matanggap ang bagong tract na, Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?, na dinisenyo upang tulungan ang mga kabataang Saksi na maglatag ng pundasyon para sa walang-hanggang kinabukasan kasama ng organisasyon ni Jehova!
Sumunod naman ang nakapupukaw-pansing drama sa Bibliya na “Tumayong Matatag sa mga Panahon ng Kabagabagan.” Tinalunton nito ang mahabang karera ni Jeremias mula nang kaniyang kabataan hanggang sa pagkawasak ng Jerusalem, na buong-sigasig niyang inihula. Nadama ni Jeremias na hindi siya kuwalipikado para sa kaniyang atas, ngunit isinakatuparan niya ito sa kabila ng pagsalansang, at iniligtas naman siya ni Jehova.—Jeremias 1:8, 18, 19.
Ang drama ay sinundan ng pahayag na “Tularan si Jeremias—Ipahayag ang Salita ng Diyos Nang Walang Takot.” Ang makabagong-panahong mga tagapaghayag ng Kaharian ay kadalasang puntirya ng kasinungalingan at mapaminsalang propaganda. (Awit 109:1-3) Gayunman, tulad ni Jeremias, kaya nating harapin ang pagkasira ng loob sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaluguran sa Salita ni Jehova. At makapagtitiwala tayo na yaong mga lumalaban sa atin ay hindi magtatagumpay.
Talaga ngang napapanahon ang pahayag pangmadla na pinamagatang “Ang Tanawin ng Sanlibutang Ito ay Nagbabago.” Ang ating kaarawan ay kakikitaan ng malalaking pagbabago. Inihula ng Bibliya na ang gayong mga kalagayan, lakip na ang sigaw ng “kapayapaan at katiwasayan,” ay aakay sa kakila-kilabot na araw ng paghatol ng Diyos. (1 Tesalonica 5:3) Pasasapitin nito ang kamangha-manghang mga pagbabago—ang wakas ng lahat ng digmaan, krimen, karahasan, at maging ng sakit. Kaya naman, sa halip na magtiwala sa sistemang ito ng mga bagay, ito na ang panahon upang itaguyod ang makadiyos na debosyon at panatilihin ang malinis na paggawi.
Isang sumaryo ng aralin sa Bantayan para sa linggong iyon ang sinundan ng pangwakas na pahayag sa kombensiyon na pinamagatang “Managana sa Maiinam na Gawa Bilang Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian.” Tinukoy ng tagapagsalita kung paano tayo pinasigla ng programa sa espirituwal na paraan at pinatibay tayo na magtiwala kay Jehova. Bilang pagtatapos, hinimok tayong maging malilinis, maibigin, at masisigasig na mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos.—1 Pedro 2:12.
Taglay ang espiritu na tulad ng sa mga lingkod ni Jehova noong panahon ni Nehemias, tiyak na umuwi tayo na nagsasaya dahil sa espirituwal na mga pagpapala na tinanggap natin sa “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na Pandistritong mga Kombensiyon. (Nehemias 8:12) Hindi ka ba nalipos ng kagalakan at determinasyon na magpatuloy bilang masigasig na tagapaghayag ng Kaharian dahil sa nakapupukaw-damdaming kombensiyon na ito?
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Isang Bagong Pantulong sa Pag-aaral!
Sa pagtatapos ng unang araw ng kombensiyon, yaong mga dumalo ay nalugod dahil sa paglalabas ng bagong aklat na Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos. Dinisenyo ito upang pag-aralan kasama ng mga nakatapos na ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan at walang-alinlangang magpapalakas sa pananampalataya ng mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48.
[Credit Line]
Larawan sa pabalat ng aklat: U.S. Navy photo
[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]
Tulong Upang Maging Malapít sa Diyos
Ipinatalastas ng huling tagapagsalita noong ikalawang araw ng kombensiyon ang paglalabas ng bagong aklat na Maging Malapít kay Jehova. Naglalakip ito ng apat na pangunahing bahagi, isa para sa bawat pangunahing katangian ni Jehova—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Ang bawat bahagi ng aklat ay may kabanata na nagpapakita kung paano buong-linaw na ipinamalas ni Jesu-Kristo ang mga katangian ng Diyos. Ang pangunahing layunin ng bagong aklat na ito ay tulungan tayo at ang ating mga estudyante sa Bibliya na magkaroon ng malapít at matibay na kaugnayan sa Diyos na Jehova.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]
Espirituwal na Patnubay Para sa mga Kabataan
Natatangi ang ikatlong araw ng kombensiyon dahil sa paglalabas ng isang pantanging tract na pinamagatang Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay? Palibhasa’y dinisenyo upang tulungan ang mga kabataang Saksi na gumawa ng tamang mga pasiya hinggil sa kanilang kinabukasan, ang bagong tract na ito ay nagbibigay ng maka-Kasulatang payo kung paano magkakaroon ng isang walang-hanggang karera sa paglilingkod kay Jehova.