Pakikinabang Nang Lubusan Mula sa “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon
1 Nakapagpapasiglang Programa: Isa ngang nakapagpapasiglang programa ang tinamasa natin sa ating katatapos na pandistritong kombensiyon! Tayo ay tinipon para sa iisang layunin, upang lalong masangkapan na ihayag ang Kaharian ng Diyos nang buong sigasig. Natatandaan mo ba kung paano binigyang-kahulugan ng tagapagsalita ang salitang “ihayag”? Naaalaala mo ba kung anong pagsasaliksik ang ipinagawa sa atin sa pahayag na “Huwag Matakot Yamang Nalalaman Natin na si Jehova ay Sumasaatin”? Kaninong totoong-buhay na mga kuwento ang nasuri mo na?
2 Ang simposyum na “Nasusubok ang Katangian ng Ating Pananampalataya sa Pamamagitan ng Iba’t Ibang Pagsubok” ay nagbigay ng tatlong pangunahing dahilan kung bakit pinahihintulutan ni Jehova ang pag-uusig. Maipaliliwanag mo ba kung anu-ano ito? Ano ang maka-Kasulatang saligan ng ating Kristiyanong neutralidad? Pinasigla tayong gawin ang ano upang maihanda ang ating sarili sa mga hamong bumabangon dahil sa ating neutral na paninindigan? Paano nagdudulot ng kapurihan kay Jehova ang ating tapat na pagbabata sa mga pagsubok?
3 Aling mga eksena sa drama na “Tumayong Matatag sa mga Panahon ng Kabagabagan” ang lalo nang nakapagpalakas sa iyo? Paano natin matutularan si Jeremias?
4 Ang pahayag pangmadla na, “Ang Tanawin ng Sanlibutang Ito ay Nagbabago,” ay naglarawan sa anong mahahalagang pagbabago na magaganap at hahantong sa kakila-kilabot na araw ng Diyos? Habang nakikinig sa pangwakas na pahayag na, “Managana sa Maiinam na Gawa Bilang Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian,” paano mo iniugnay ang impormasyon sa iyong personal na ministeryo?
5 Pangunahing mga Puntong Ikakapit: Gaya ng ipinaliwanag sa pahayag na “Ipakita Ninyong Kayo ay Mapagpasalamat,” paano natin maipahahayag ang ating taos-pusong pasasalamat kay Jehova? Sa pinakatemang pahayag na, “Mga Tagapaghayag ng Kaharian na Pinag-aalab ng Sigasig,” pinasigla tayong tularan ang sigasig nino? Inanyayahan tayong gawin ang anong pagsusuri sa sarili?
6 Itinampok sa simposyum na “Pinalalakas Tayo ng Hula ni Mikas na Lumakad sa Pangalan ni Jehova” ang anong tatlong kahilingan na dapat nating maabot upang tumanggap ng lingap ni Jehova? Maaabot ba ang mga ito? (Mik. 6:8) Ayon sa pahayag na “Manatiling Malinis sa Moral sa Pamamagitan ng Pag-iingat sa Iyong Puso,” sa anu-anong paraan dapat tayong manatiling malinis sa moral? Sa pahayag na “Mag-ingat Laban sa Panlilinlang,” sa anu-anong larangan tayo binabalaan na huwag palinlang at manlinlang sa iba?
7 Aling praktikal na mga punto mula sa simposyum na “Mga Tagapaghayag ng Kaharian na Lumuluwalhati sa Kanilang Ministeryo” ang sinimulan mo nang ikapit sa iyong ministeryo? Sa pahayag na “Nakapagpapatibay ang Pakikipag-usap Hinggil sa Espirituwal na mga Bagay” ay sinuri ang Filipos 4:8. Paano tayo tinutulungan ng kasulatang ito na ituon ang ating mga pakikipag-usap sa espirituwal na mga bagay, at kailan natin ito dapat gawin?
8 Tinalakay ng pahayag na “Lubusang Magtiwala kay Jehova sa mga Panahon ng Kabagabagan” kung paano natin mahaharap ang kapaha-pahamak na mga pangyayari, mga suliranin sa kabuhayan, mahinang kalusugan, mga problema sa pamilya, at namamalaging mga kahinaan. Paano natin maipakikita ang ating pagtitiwala kay Jehova kapag napapaharap sa mga kalagayang ito?
9 Bagong Espirituwal na mga Kayamanan: Malugod nating tinanggap ang bagong aklat na Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos. Paano ka naapektuhan ng patalastas na nagpapaliwanag sa layunin nito? Bakit ito makatutulong sa ating paggawa ng alagad bilang ikalawang aklat na pag-aaralan?
10 Pagkatapos ay tinanggap naman natin ang magandang aklat na Maging Malapít kay Jehova. Ano ang ilan sa naiibang mga katangian nito? Aling mga ilustrasyon ang gustung-gusto mo? Ang pagbabasa mo ba nito ay nagpalapít sa iyo kay Jehova? Sino pa ang maaaring makinabang mula rito?
11 Ang “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon ay naglaan sa atin ng espirituwal na pampatibay-loob na kailangan natin upang maharap ang mahihirap na panahong ito. Upang lubusang makinabang sa pambihirang espirituwal na paglalaang ito, gawin nawa natin ang ating buong makakaya na matandaan ang ipinahayag, pahalagahan ang ating tinanggap, at ikapit ang ating natutuhan. (2 Ped. 3:14) Ang paggawa nito ay magpapalakas sa atin na manatiling tapat at maging masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian bilang pagtulad sa ating Panginoong Jesu-Kristo, lahat sa ikaluluwalhati ni Jehova.—Fil. 1:9-11.