Malugod Kayong Tinatanggap sa “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon
SA PILIPINAS pa lamang, 63 kombensiyon ang nakaiskedyul. Ang una ay idaraos sa Nobyembre 22-24, 2002 at ang huli ay sa Enero 10-12, 2003. Malamang na ang isa sa tatlong-araw na pagtitipong ito—na karaniwang ginaganap mula Biyernes hanggang Linggo—ay idaraos sa isang lunsod na malapit sa inyo.
Magsisimula ang sesyon sa pamamagitan ng musika sa ganap na alas 8:30 n.u. Sa unang araw, ang diskurso ng pagtanggap ay susundan ng isang bahagi na nagtatampok ng mga panayam sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Pagkatapos ng mga pahayag na “Magkaroon ng Masidhing Kaluguran kay Jehova” at “Ipakita Ninyong Kayo ay Mapagpasalamat,” ang pang-umagang sesyon ay magtatapos sa pinakatemang pahayag, “Mga Tagapaghayag ng Kaharian na Pinag-aalab ng Sigasig.”
Kalakip sa panghapong sesyon sa Biyernes ang tatlong-bahaging simposyum, “Pinalalakas Tayo ng Hula ni Mikas na Lumakad sa Pangalan ni Jehova,” gayundin ang mga pahayag na “Manatiling Malinis sa Moral sa Pamamagitan ng Pag-iingat sa Iyong Puso” at “Mag-ingat sa Panlilinlang.” Sa wakas, mahusay na tulong ang maibibigay may kaugnayan sa ministeryong Kristiyano sa panghuling diskurso sa araw na iyon, “Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos.”
Kalakip sa pang-umagang sesyon sa Sabado ang tatlong-bahaging simposyum na “Mga Tagapaghayag ng Kaharian na Lumuluwalhati sa Kanilang Ministeryo.” Susundan ito ng nakapagpapatibay-loob na mga pahayag na “Bakit Kailangang ‘Manalangin Nang Walang Lubay’ ” at “Nakapagpapatibay ang Pakikipag-usap Hinggil sa Espirituwal na mga Bagay.” Magtatapos ang pang-umagang sesyon sa isang pahayag para sa pag-aalay at bautismo, pagkatapos nito ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga kuwalipikadong mga indibiduwal na mabautismuhan.
Itatampok ng programa sa hapon ng Sabado ang panghuling tatlong-bahaging simposyum ng kombensiyon, “Nasusubok ang Katangian ng Ating Pananampalataya sa Pamamagitan ng Iba’t Ibang Pagsubok.” Ang mga pahayag ay maglalaan ng tulong sa mga Kristiyano upang maharap ang hamon sa pananatiling neutral. Magtatapos ang programa sa Sabado sa isang tampok na bahagi ng kombensiyon, ang nakapagpapasiglang pahayag na “Maging Malapít kay Jehova.”
Pantanging pagtutuunan ng pansin ng pang-umagang programa sa Linggo ang mga kabataan, na magbubukas sa mga pahayag na “Ang Iyo Bang Pagtitiwala ay kay Jehova?” at “Mga Kabataan—Magplano Para sa Kinabukasan Kasama ng Organisasyon ni Jehova.” Kalakip sa huling bahagi ang 20-minutong panayam. Susundan ito ng drama na kumpleto sa kostiyum tungkol kay Jeremias, na nang siya’y atasan bilang isang propeta ay tumutol, “Ako ay isang bata lamang.” (Jeremias 1:6) Pagkatapos nito ay isang pahayag ang magtatampok ng mensahe na inihatid ng drama. Itatampok ng panghapong sesyon ang pahayag pangmadla na, “Ang Tanawin ng Sanlibutang Ito ay Nagbabago.”
Tiyak na ang inyong buhay ay mapagyayaman sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng pagkanaroroon ninyo sa loob ng tatlong araw. Para sa lugar ng kombensiyon na malapit sa inyong tahanan, makipag-ugnayan sa Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.