“Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na 1998–1999 Kombensiyon ay Nalalapit Na!
SA Pilipinas lamang, 51 kombensiyon ang naka-iskedyul sa Disyembre at Enero. Malamang, ang isa sa tatlong-araw na mga pagtitipong ito ay idaraos sa lunsod na hindi kalayuan sa inyong tahanan. Magsisimula ang programa sa Biyernes at Sabado sa pamamagitan ng musika sa 8:30 n.u. Magsisimula naman ito sa Linggo sa 9:00 n.u.
Itatampok sa programa ng umaga ng Biyernes ang mga ulat sa pagsulong ng pangangaral ng Kaharian sa iba’t ibang panig ng daigdig. At ang tema ng kombensiyon ay idiriin ng pinaka-temang pahayag na, “Ang Pantubos ni Kristo—Ang Daan ng Diyos sa Kaligtasan.”
Ang simposyum sa hapon na, “Mga Magulang—Ikintal ang Daan ng Diyos sa Inyong mga Anak,” ay magbibigay ng mga mungkahi kung paano magaganyak ang mga kabataan na ibigin at paglingkuran si Jehova. Ang programa sa hapon ay magtatapos sa pahayag na “May Buhay ba Pagkatapos ng Kamatayan?”
Ang programa sa Sabado ng umaga ay magtatampok sa paggawa ng mga alagad ng mga Saksi ni Jehova sa tatlong sunud-sunod na bahagi, “Pagtulong sa mga Tao na Lumakad sa Daan Patungo sa Buhay,” “Ang Hamon ng Pag-abot sa mga Tao,” at “Pagtuturo sa mga Alagad ng Lahat ng Ipinag-utos ni Kristo.” Sa katapusan ng pang-umagang programa, magkakaroon ng probisyon para mabautismuhan ang bagong mga alagad.
Ang pambukas na pahayag sa Sabado ng hapon, “Paglilingkod na Taglay sa Pangmalas ang Buhay na Walang Hanggan,” ay magpapasigla sa atin na may pananalanging isaalang-alang ang ating personal na dahilan kung bakit tayo naglilingkod sa Diyos. Ang mga pahayag na “Pagpapahalaga sa ‘Mga Kaloob na mga Tao,’ na Nagtuturo ng Daan ng Diyos” at “Personalidad—Hubarin ang Luma at Ibihis ang Bago” ay naghaharap nang bersikulo-por-bersikulong pagsusuri upang maliwanagan ang Efeso kabanata 4. Pagkatapos, may ilalaang mainam na maka-Kasulatang payo sa pahayag na “Ingatan ang Inyong Sarili na Walang Batik Mula sa Sanlibutan” at sa simposyum na may tatlong bahagi na “Mga Kabataan—Sundin ang Daan ng Diyos.” Magtatapos ang programa sa hapon sa pahayag na “Ang Maylalang—Ang Kaniyang Personalidad at ang Kaniyang mga Daan.”
Ang programa sa Linggo ng umaga ay nagtatampok sa simposyum na may tatlong bahagi na tatalakay sa pangwakas na mga kabanata ng aklat ng Bibliya na Ezekiel lakip na ang makahulang aplikasyon ng mga ito. Ang pinakapangwakas na bahagi sa pang-umagang programa ay ang drama na kumpleto sa kostiyum salig sa katapatan ng tatlong kabataang Hebreo. Ang pinakatampok na bahagi ng kombensiyon sa kinahapunan ay ang pahayag pangmadla na, “Ang Tanging Daan Tungo sa Buhay na Walang Hanggan.”
Walang pagsalang kayo’y yayaman sa espirituwal sa pamamagitan ng pagkanaroroon sa loob ng tatlong araw. Kayo ay malugod na tinatanggap sa bawat sesyon, na ang lahat ng ito ay idaraos, sabihin pa, nang walang bayad para sa inyo. Para sa pagdarausan na malapit sa inyong tahanan, makipag-ugnayan sa lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova o sumulat sa tagapaglathala ng magasing ito.