Handa Ka Na Bang Dumalo?
◼ Handa ka na bang dumalo sa “Makadiyos na Pagkamasunurin” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova? Isa sa mga seryeng ito ng tatlong-araw na mga kombensiyon ang nakaiskedyul na ganapin sa Nobyembre, Disyembre, at sa unang mga linggo ng Enero 2006 sa mga 50 lugar sa Pilipinas. Malamang na gaganapin ang isa nito sa lugar na malapit sa inyo.
Sa karamihan ng mga dako, magsisimula ang mga sesyon sa ganap na 8:30 n.u. sa pamamagitan ng musika. Ang tema sa Biyernes ay “Sundin Ninyo ang Aking Tinig, at Ako ang Magiging Inyong Diyos.” (Jeremias 7:23) Pagkatapos ng mga pahayag sa umaga na pinamagatang “ ‘Kamangha-mangha ang Pagkakagawa’ sa Atin” at “Ang Pagkabuhay-Muli—Kung Bakit Dapat Maging Totoo sa Iyo ang Pag-asang Iyan,” ang sesyon ay magtatapos sa pinakatemang pahayag, “Sundan ang Huwaran sa Inyong Pagkamasunurin sa Diyos.”
Itatampok naman ng sesyon sa hapon ng Biyernes ang mga pahayag na “Patuloy na ‘Isaisip ang Espiritu,’ at Mabuhay,” “Magbantay Laban sa Bawat Uri ng Kaimbutan,” at “Huwag Sundin ang ‘mga Kuwentong Di-totoo na May-Katusuhang Kinatha.’ ” Pagkatapos, ihaharap ng dalawang-bahaging simposyum ang tampok na mga bahagi mula sa mga aklat ng Bibliya na Hagai at Zacarias. Magtatapos ang mga sesyon sa araw na iyon sa pahayag na “Lahat ng Pagdurusa Malapit Nang Magwakas!”
Ang tema ng programa sa Sabado ay ‘Masunurin Mula sa Puso’ “Sa Lahat ng Bagay,” salig sa Roma 6:17 at 2 Corinto 2:9. Kabilang sa sesyon sa umaga ang tatlong-bahaging simposyum na pinamagatang “Maligaya ang mga Pamilyang Sumusunod sa Makadiyos na mga Simulain.” Ito ay may mga pagtatanghal at mga panayam, at itutuon nito ang pansin kung paano makatutulong ang mga miyembro ng pamilya—ang asawang lalaki, babae, at mga anak—sa kaligayahan ng pamilya. Ang programa sa umaga ay magtatapos sa bahaging “Ang Inyong Oo ay Mangahulugang Oo,” kung saan pagkaraan nito, ang mga kuwalipikado ay may pagkakataong mabautismuhan.
Kabilang sa mga pahayag sa Sabado ng hapon ang “Palampasin Mo ang Pagtingin sa Walang Kabuluhan” at “Manumbalik sa Pastol ng Inyong mga Kaluluwa.” Susundan ito ng dalawang-bahaging simposyum na pinamagatang “Maging Masunurin . . . sa mga Nangunguna.” Tampok ng kombensiyon ang huling pahayag sa hapon na pinamagatang “Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?”
Ang tema ng programa sa Linggo ng umaga ay “Sundin Mo ang Lahat ng mga Salitang Ito . . . Upang Mapabuti Ka,” salig sa Deuteronomio 12:28. Magbibigay ng praktikal na tulong hinggil sa pagpapasimula at pagdaraos ng mabisang mga pag-aaral sa Bibliya ang tatlong-bahaging-simposyum na pinamagatang “Tulungan ang Iba na Sundin Kung Ano ang Itinuturo ng Bibliya.”
Magtatapos ang sesyon sa umaga sa pamamagitan ng kumpleto sa kostiyum na dramang pinamagatang “Itaguyod ang mga Tunguhing Nagpaparangal sa Diyos.” Mauuna rito ang pahayag na “Mga Kabataan—Inaakay ba Kayo ng Inyong mga Tunguhin Tungo sa Tagumpay?” Ang pahayag na ito ay magbibigay sa atin ng ideya tungkol sa drama sa Bibliya na may kinalaman sa kabataang si Timoteo, na nagpakita ng huwaran para sa walang pag-iimbot na paglilingkod, isang halimbawa na dapat tularan ng mga kabataan sa ngayon. Itatampok naman ng pangwakas na sesyon ng kombensiyon sa Linggo ng hapon ang pahayag pangmadla na “Kanino Nauukol ang Ating Pagkamasunurin?”
Magplano na ngayon upang makadalo. Upang malaman ang lokasyon na pinakamalapit sa inyong tahanan, makipag-ugnayan sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa Watchtower P.O. Box 2044, 1060 Manila.