Halikayo sa “Pananampalataya sa Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon!
MILYUN-MILYON ang darating sa daan-daang lokasyon sa buong daigdig. Sa Pilipinas lamang, 49 na kombensiyon ang nakaiskedyul. Ang una ay sa Disyembre 19-21, 1997 at ang huli, sa Enero 2-4, 1998. Malamang na ang isa sa tatlong-araw na mga pagtitipong ito—Biyernes hanggang Linggo—ay idaraos sa isang lunsod na malapit sa inyong tahanan.
Makikinabang kayo sa saganang praktikal na instruksiyon mula sa Bibliya. Sa maraming lugar ay magsisimula ang programa sa bawat umaga sa pamamagitan ng musika sa ganap na 8:30. Itatampok sa umaga ng Biyernes sa loob ng 25 minuto ang pakikipanayam sa mga taong ang buhay ay lubhang naapektuhan ng kanilang pananampalataya sa Salita ng Diyos. Ang unang sesyong ito ay magtatapos sa pinakatemang pahayag, “Lumalakad sa Pananampalataya, Hindi sa Paningin.”
Isasaalang-alang sa unang pahayag sa hapon ng Biyernes ang mahalagang bahagi ng mga kabataan sa Kristiyanong kongregasyon. Tatalakayin sa kasunod na tatlong-bahaging simposyum ang mga pamantayan ng Bibliya kung paanong kaugnay ang mga ito sa Kristiyanong paggawi sa pananalita, pagkilos, at personal na anyo. Pagkatapos ay magtutuon ng pansin ang mga pahayag na “Mag-ingat sa Kawalan ng Pananampalataya” at “Buháy ang Salita ng Diyos” sa mainam na payo na nasa Hebreo kabanata 3 at 4. Matatapos ang programa ng Biyernes sa pahayag na “Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao.”
Ang unang pahayag sa umaga ng Sabado ay “Ang Pananampalatayang Walang Gawa Ay Patay.” Ang isa pang mahalagang pahayag sa umagang ito, “Mag-ugat at Magpakatatag sa Katotohanan,” ay naglalarawan kung paano matatamo ang espirituwal na pagsulong. Tatapusin ang sesyon sa pamamagitan ng isang regular na pitak sa kombensiyon, “Umaakay sa Bautismo ang Pananampalataya sa Salita ng Diyos,” na pagkatapos nito ay isasaayos na mabautismuhan ang mga bagong alagad.
Tatalakayin sa pambungad na pahayag sa hapon ng Sabado, “Makipaglaban Nang Puspusan Ukol sa Pananampalataya,” ang payo ng aklat na Judas sa Bibliya. Sa loob ng isang oras ay isasaalang-alang sa simposyum na pinamagatang “Pumaroon Tayo sa Bahay ni Jehova” ang mga kapakinabangan mula sa mga pulong Kristiyano. Matatapos ang programa sa araw na ito sa pamamagitan ng pahayag na “Ang Katangian ng Inyong Pananampalataya—Sinusubok Ngayon.”
Tampok sa programa sa umaga ng Linggo ang tatlong-bahaging simposyum na tatalakay sa aklat na Joel sa Bibliya, lakip na ang pagkakapit nito sa ating panahon. Ang kasunod ay isang drama sa Bibliya na pinamagatang “Panatilihing Simple ang Inyong Mata.” Isang tampok sa kombensiyon ang pahayag pangmadla sa hapon na, “Ang Pananampalataya at Ang Inyong Kinabukasan.”
Tiyak na kayo’y mapayayaman sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng pagiging presente. Kayo’y malugod na tatanggapin sa bawat sesyon. Gumawa na ngayon ng mga plano upang makadalo. Para sa lokasyon na pinakamalapit sa inyong tahanan, pumunta sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Masusumpungan din ninyo ang mga direksiyon ng lokasyon ng mga kombensiyon sa Disyembre 8 na isyu ng Gumising!