Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit ipinangako ni Jesus na yaong mga sumasampalataya sa kaniya ay ‘hindi na kailanman mamamatay,’ gayung ang totoo lahat ng mga tagapakinig niya ay nangamatay?—Juan 11:25, 26.
Ang mga salita ni Jesus sa nalulumbay na si Marta ay nagbibigay sa atin ng pag-asa sa buhay na walang-hanggan
Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa hindi pagkamatay, o pagiging buháy magpakailanman, malinaw na hindi ang ibig niyang sabihin ay na ang kaniyang mga tagapakinig noon ay hindi kailanman makararanas ng kamatayan bilang mga tao. Ang mahalagang punto na ibig palabasin ni Jesus ay na ang pananampalataya sa kaniya ay hahantong sa pagkakamit ng buhay na walang-hanggan.
Sa isang pagkakataon, ang kaniyang sarili ay tinawag ni Jesus na “ang tinapay ng buhay.” Pagkatapos ay isinusog niya: “Ito ang tinapay na nananaog buhat sa langit, upang ang sinuman ay makakain nito at huwag mamatay. Ako ang tinapay ng buhay na bumabang buhat sa langit; kung ang sinuman ay kakain ng tinapay na ito siya’y mabubuhay magpakailanman.”—Juan 6:48-51.
Kung ang titingnan ay iyan lamang mga salitang iyan, baka isipin ng isang tao na sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na sila’y makaiiwas sa pagkaranas ng kamatayan. Gayunman, hindi sinusuportahan ng konteksto ang konklusyon na iyan. Kasasabi-sabi lamang ni Jesus: “Ito ang kalooban niya na nagsugo sa akin, na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman kundi aking buhaying-muli iyon sa huling araw. . . . Ang bawat nakakakita sa Anak at sa kaniya’y sumasampalataya ay magkakaroon ng walang-hanggang buhay, at akin siyang ibabangon sa huling araw. . . . Walang taong makalalapit sa akin maliban na ang Amang nagsugo sa akin, ang sa kaniya’y magdala sa akin; at siya’y aking bubuhaying-muli sa huling araw.” (Juan 6:39-44) At nang malaunan ay sinabi pa niya: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang-hanggan, at akin siyang ibabangon sa huling araw.” (Juan 6:54) Samakatuwid, ang pangako ni Jesus na ‘pagiging buháy magpakailanman’ ay hindi makatuwirang masasabing ang ibig sabihin ay na hindi na kailanman makararanas ng kamatayan ang kaniyang mga tagapakinig.
Ito ay nahahawig sa napatanyag na pangako ni Jesus kay Marta: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mamamatay.” (Juan 11:25, 26) Malinaw na hindi ibig sabihin ni Jesus na ang tapat na mga apostol, halimbawa, ay hindi na kailanman mamamatay na gaya ng mga ibang tao. Hindi lalampas ang isang taon, sila’y papahiran ng banal na espiritu at bibigyan ng pag-asang maghari sa langit. Upang tanggapin ang gantimpalang iyon, kailangang sila’y mamatay bilang mga tao. (Roma 8:14-23; 1 Corinto 15:36-50) At pansinin na sinabi ni Jesus: “Ang sumasampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay.”
Ang pangako ni Jesus ay matutupad sa tapat na mga lingkod ng Diyos na nangabuhay at nangamatay bago sumapit ang panahon na ang buhay na walang-hanggan ay sisimulang ibigay. Ang gayung mga tapat ay nakahanay para tumanggap ng panghinaharap na pagkabuhay-muli. Sa pamamagitan ng pananatiling tapat pagkatapos na sila’y buhaying-muli, hindi nila kailanman mararanasan “ang ikalawang kamatayan,” ang walang-hanggang kamatayan.—Apocalipsis 20:15; 21:8; Juan 8:51.
Subalit ipinakikita ng hula ng Bibliya na tayo sa ngayon ay may natatanging pagkakataon. Yamang nabubuhay tayo sa katapusan ng sistema ng mga bagay, maaari tayong makaligtas sa dumarating na “malaking kapighatian” at makatawid nang buháy tungo sa bagong sanlibutan. Ang gayung mga tao na may pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso at nanatiling tapat sa Diyos ay hindi na daranas kailanpaman ng kamatayan na dinaranas ng tao. Pagkatapos na sila’y makatawid nang buháy sa “malaking kapighatian,” sila’y aakayin tungo sa “mga bukal ng tubig ng buhay.”—Apocalipsis 7:9-17.
[Larawan sa pahina 31]
Ang mga salita ni Jesus sa nagdadalamhating si Marta ay nagbibigay sa atin ng pag-asa ukol sa buhay na walang-hanggan