Kung Ginagawa Natin ang Kalooban ng Diyos, Tayo’y Hindi Niya Pababayaan Kailanman
Inilahad ni Grete Schmidt
AKO’Y isinilang sa Budapest, Hungary, noong 1915. Ang unang digmaang pandaigdig ay nagaganap noon, at ang aking ama ay nasa larangan ng giyera kasama ng pinagsanib na hukbo ng Austria at Hungary. Nang siya’y mamatay makalipas noon ang isang taon, kami ni Inay ay bumalik sa Yugoslavia, na kung saan nakatira ang kaniyang mga kamag-anak.
Yamang si Inay ay hindi na muling nag-asawa, kailangang siya’y humanap ng trabaho, kaya’t kaniyang ipinagkatiwala ako sa kaniyang kapatid na babae upang siyang magpalaki sa akin. Ang aking tiyahin ay may isang bukid na mga limang kilometro ang layo sa siyudad ng Maribor sa hilagang Yugoslavia. Doon ay gumugol ako ng maraming maliligayang taon, laging inaasam-asam ko ang pagsapit ng araw ng Linggo na si Inay ay dadalaw galing sa Maribor. Kasabay nito, tinubuan ako ng malaking paghahangad na magkaroon ng isang ama.
Ang Kaugnayan sa Isang Ama
Ang aking mga kamag-anak ay mga Katoliko at yamang ang langit at ang impiyerno’y gumaganap ng mahalagang bahagi sa relihiyong Katoliko, sa aking isip ay may bumangong pagtatalo. Sa wari ko’y hindi naman ako napakabuti para mapapunta sa langit, pero ang pakiwari ko’y hindi naman ako napakasama upang mahatulan na karapatdapat sa impiyerno. Ang suliraning ito’y ipinakipag-usap ko sa lahat, mula sa aking lola hanggang sa pari sa nayon.
Si Inay ang siyang ginambala ko nang husto. Kaya pagkaraan ng mga ilang buwan, ako’y inabutan niya ng isang pulyeto sa Sloveniano, Nasaan ang mga Patay?, na kaniyang nabili sa bayan. Hindi pa ito nababasa ni Inay mismo, pero inakala niya na baka masagot nito ang aking mga katanungan.
Kailanman sa aking buong buhay ay hindi pa ako nakababasa ng anumang lathalain na kasindalas ng pulyetong iyon! Hindi lamang sinagot niyaon ang aking mga tanong tungkol sa buhay at sa kamatayan kundi ipinakita rin sa akin kung paanong pauunlarin ang isang matalik na kaugnayan sa isang Ama sa langit. Ako’y pumidido ng limang pulyeto sa layunin na ipamahagi ang mga iyon sa patio ng simbahan.
Sa aming nayon ang kababaihan ay nagsisimba kung Linggo, subalit ang mga lalaki’y namamalagi sa labas at nakikipagtalakayan ng kanilang paboritong mga paksa, ang hayupan at pagsasaka. Kaya naman, samantalang ang pari ay nangangaral sa mga babae sa simbahan, ako naman ay nangangaral sa mga lalaki sa labas. Ako ay 15 anyos lamang noon, at marahil sila’y natutuwa sa aking kasiglahan bilang isang bata, sapagkat kanilang binayaran ang mga pulyeto, at ginamit ko naman ang mga abuloy sa pagkuha ng panibagong maipamamahaging mga pulyeto.
Hindi nagtagal at nabalitaan ng pari ang aking ginagawa at kaniyang kinausap ang aking tiyahin. Nang sumunod na Linggo, ganito ang kaniyang ibinabala buhat sa pulpito: “Tunay, walang sinuman sa ating nayon ang napakamusmos upang maniwala sa mga kuwento ng isang tinedyer.” Kaya naman, lahat doon sa nayon ay nagbangon laban sa akin. Maging ang aking tiyahin ay nahihiya at sinabihan ang aking ina na ako’y hindi na niya maaaring kupkupin pa.
Ang totoo’y nadama kong ako’y pinabayaan na, subalit sa pananalangin kay Jehova, natuklasan ko ang kaaliwan at nanumbalik ang aking lakas. Ako ngayon ay nakipisan na sa aking ina sa Maribor, at kami’y naging maligayang-maligaya sa aming pagsasama. Bagaman siya’y hindi katulad ko sa mga bagay na espirituwal, kaniyang pinayagan ako na dumalo sa mga pulong ng munting kongregasyon. Noong Agosto 15, 1931, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Sa laki ng aking pagdaramdam, si Inay ay biglang nagkasakit at namatay makalipas lamang ang mga ilang linggo. Ang kaniyang mga huling pananalita sa akin ay laging nakaukit sa aking alaala: “Gretel, mahal ko, huwag kang aalis sa iyong pananampalataya. Nasisiguro ko na ito ang katotohanan.” Pagkamatay niya, muli na namang nadama ko ang saklap ng damdaming ako’y pinabayaan, subalit ang aking relasyon sa ating makalangit na Ama ang umalalay sa akin.
Isang mag-asawang walang anak ang umampon sa akin, at ako’y nagsilbing aprendis sa sastreriya na ang asawang babae ang namamanihala. Sa materyal na mga bagay sagana ako, subalit ang naisin ng aking puso ay maglingkod sa Diyos nang buong panahon. Sa aming maliit na kongregasyon sa Maribor, lahat ay kumbinsido na ang natitirang panahon para sa sistemang ito ng mga bagay ay maikli na. (1 Corinto 7:29) Lihim na hiniling ko kay Jehova sa aking mga panalangin na ipagpaliban ang kaniyang pagkilos hanggang sa matapos ko ang aking pag-aaprendes. Ako’y nagtapos noong Hunyo 15, 1933, at noon mismong kinabukasan, ako’y lumisan upang magpasimula ng pagpapayunir! Dahilan sa aking kabataan—ako’y 17 anyos lamang noon—kahit ang ilan sa mga kapatid ay nagsikap na pigilin ako, subalit ako’y desidido.
Mga Unang Araw ng Pagpapayunir
Ako’y unang nadestino sa Zagreb, isang lunsod na mayroong humigit-kumulang 200,000 mamamayan hindi kalayuan sa Maribor. Ang kongregasyon ay mayroon lamang anim na mamamahayag. Malaki ang natutuhan ko sa paggawang kasama ni Brother Tuc̀ek, ang unang-unang payunir sa Yugoslavia. Nang magtagal, ako’y nagpayunir nang mag-isa sa loob ng halos isang taon. Gayunman, unti-unting dumami ang payunir na dumarating galing sa Alemanya, palibhasa’y ibinawal doon kamakailan ng gobyernong Nazi ang gawaing pangangaral.
Tinulungan ko ang marami sa mag-asawang payunir sa pamamagitan ng pagsisilbing kanilang tagapagsalin. Ang paggawang kasama ng may gulang na mga Kristiyanong ito ay isang napakahalagang karanasan para sa akin. Sumulong ang aking kaalaman at kaunawaan, at patuloy na lumaki ang aking pagpapahalaga sa pribilehiyo ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.
Sa paglakad ng panahon, kami’y naging isang kapansin-pansing grupo na 20 payunir na naglilingkod sa Balkan States. Ang aming iisang pagsisikap na maihayag ang Salita ng Diyos ang nagbuklod sa amin, bawat isa ay handang tumulong sa isa’t isa kung nasa panahon ng pangangailangan. Lahat kami ay pinagagalaw ng pagkukusa na tanging sa bayan ng Diyos lamang masusumpungan. Itong natatanging “buklod ng pagkakaisa,” ang pag-ibig, ay patuloy na umiiral pa rin sa mga miyembro ng grupo na buhay pa hanggang sa ngayon.—Colosas 3:14.
Ang buhay ng isang payunir ay sagana sa mga karanasan at nagdudulot ng sarisari nito na kasindami ng sarisaring mga alapaap sa kalangitan. Kami’y pinayaman ng mahalagang karanasan ng pagkakaroon ng kaalaman sa mga lupain at bayan-bayan na dati’y wala kaming alam, kasali na ang kanilang mga kaugalian at ang kanilang sistema ng pamumuhay. Isa pa, aming naranasan kung paanong inaalagaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod, gaya ng tinitiyak sa atin ni Pablo sa Efeso 3:20: ‘Ayon sa kaniyang kapangyarihang gumagawa sa atin, siya ay gumagawa nang lubhang sagana nang higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip.’
Ang maibiging pangangalaga ni Jehova ay ipinakita nang kami’y dalawin ni Brother Honegger na taga-Switzerland at kaniyang napansin na kami’y naglalakad nang hanggang sa 40 kilometro upang marating ang karatig na mga nayon sa palibot ng Zagreb. Kaniyang nakita na nag-aalis kami ng aming mga sapatos at pasan-pasan namin ito sa aming balikat sa sandaling lisanin namin ang siyudad upang huwag mapudpod ang suwelas. Kaya’t kami’y kaniyang ibinili ng 12 bisikleta, kahit na, gaya ng sinabi niya nang malaunan, ginastahan iyon ng lahat ng kaniyang salapi! Tunay na pinupukaw ni Jehova ang puso ng mga taong matuwid. Ang mga bisikleta, na mistulang isang regalong galing sa langit, ang naging aming tapat na mga kasa-kasama sa loob ng 25 taon ng pagpapayunir.
Minsan, si Willi at Elisabeth Wilke at ako ay dumating sa isang medyo malaking nayon ng Croatiano, na kung saan bawat isa sa amin ay gumawang nag-iisa—buhat sa may bandang labas patungo sa kalagitnaan ng nayon. Aming iniaalok ang pulyetong Righteous Ruler, na nakalarawan sa pinaka-titulong pahina si Jesu-Kristo. Nang naunang taon, noong 1934, ang hari ng Yugoslavia, si Alexander, ay pinaslang, at ang kaniyang anak na si Peter ang hahalili sa kaniya sa trono. Subalit, ang gusto ng mga taganayon ay autonomya imbis na isang hari na taga-Serbia (timugang Yugoslavia).
Pagkaraan ng dalawang oras na pangangaral, malalakas na hiyawan ang maririnig buhat sa plasa sa nayon. Doon, nang dumating kami ni Brother Wilke ay dinatnan namin si Sister Wilke na napaliligiran ng isang grupo ng mga 20 lalaki at babae, ang iba’y armado ng mga karit, ang iba naman ay abala naman ng pagsunog sa aming mga pulyeto. Si Sister Wilke ay hindi makapagsalita ng wika roon nang matatas upang mawala ang paghihinala sa kaniya ng mga taganayon.
“Mga ginang at mga ginoo,” ang bulalas ko, “ano po ba ang inyong ginagawa?”
“Ayaw namin kay Haring Peter!” ang sagot nila na halos mistulang isang tinig.
“Kami man po,” ang tugon ko naman.
Sa kanilang pagtataka, itinuro ng mga tao ang nakalarawan sa pulyeto at ang tanong nila, “Kung gayon ay bakit kayo nagpopropaganda para sa kaniya?” Ang akala pala nila ay si Haring Peter si Jesu-Kristo!
Ang di-pagkakaunawaan ay nalutas naman, at isang lubusang pagpapatotoo tungkol sa Haring Jesu-kristo ang ibinigay. Ang iba na nagsunog ng kanilang mga pulyeto ay nais naman ngayong kumuha ng mga bagong pulyeto. Masayang nilisan namin ang nayon, at nadama namin ang pagliligtas sa amin ni Jehova.
Nang malaunan ay nangaral kami hanggang sa Bosnia, ang gitnang bahagi ng Yugoslavia. Doon, halos kalahati ng populasyon ay Muslim, at muli na namang napaharap kami sa mga bagong kaugalian at gayundin sa maraming pamahiin. Sa mga nayon, ang mga tao’y hindi kailanman nakakakita ng isang babaing namimisikleta, kaya’t ang pagdating namin doon ay napabalita nang husto, anupa’t pumukaw ng lubhang pananabik. Ang mga lider ng relihiyon ay nagkalat ng balita na isang babaing nakabisikleta ang nagdala ng masamang suwerte sa isang nayon. Pagkatapos niyan ay iniwan namin ang aming mga bisikleta sa labas ng nayon at kami’y pumasok na naglalakad.
Yamang ang aming literatura ngayon ay ipinagbawal na, kadalasa’y hinuhuli kami ng pulisya. Karaniwan ay ipinag-uutos sa amin na lisanin ang probinsiya. Dalawang pulis ang magsisilbing kasama namin hanggang sa hangganan, may layong mula sa 50 hanggang 100 kilometro. Sila’y nagtataka na makitang kami’y mahuhusay mamisikleta, na kami’y hindi nahuhuli sa kanila bagaman dala pa rin namin ang lahat ng aming damit at literatura at isang munting kugong de-gas. Ang aming mga eskorte ay natutuwa sa tuwina na makasumpong ng isang kainan sa daan na aming pinaglalakbayan, at malimit na kami’y inaanyayahan nila para uminom o kumain kaya. Kami’y natutuwa sa gayong mga okasyon, sapagkat dahil sa aming munting alawans ay hindi namin kaya ang gayong mga ekstra. Mangyari pa, sinasamantala namin ang pagkakataon upang ibalita sa kanila ang aming pag-asa, at kadalasa’y tinatanggap naman nila ang ilan sa “bawal” na mga babasahin. Malimit kaysa hindi, kami’y naghihiwalay nang walang samaan ng loob.
At dumating ang taóng 1936. Kami’y nangangaral noon sa Serbia nang mabalitaan namin na isang internasyonal na kombensiyon ang gaganapin sa Lucerne, Switzerland, sa Setyembre. Isang espesyal na bus ang magbibiyahe buhat sa Maribor, ngunit iyon ay 700 kilometro buhat sa kinaroroonan namin—isang mahabang biyahe sa bisikleta! Gayumpaman, aming sinimulang mag-impok ng pera at, sa my dulo ng taon, kami’y nagbiyahe.
Kami’y humihingi ng permiso sa mga magsasaka upang payagan kaming matulog ng isang gabi sa kanilang kamalig ng dayami sa halip na magbayad pa kami ng isang kuwarto sa isang bahay-tuluyan. Sa umaga, kami’y magtatanong kung puwede kaming bumili ng kaunting gatas sa kanila, subalit karaniwan nang kami’y binibigyan nito nang libre at kung minsan ay pinag-aalmusal pa kami nang husto. Kami’y binibigyan ng mabuting trato, at ito’y mananatiling isang masayang alaala ng aming pagpapayunir.
Bago kami lumisan buhat sa Maribor patungong Lucerne, naragdagan pa ang mga payunir na dumarating buhat sa Alemanya. Kabilang sa kanila si Alfred Schmidt, na naglingkod nang may walong taon sa Bethel sa Magdeburg, Alemanya. Makalipas ang isang taon ako’y naging maybahay niya.
Halos lahat ng mga payunir sa Yugoslavia ay nakadalo sa kombensiyon sa Lucerne. Iyon ang kauna-unahang nadaluhan ko, at labis na naantig ang aking damdamin sa pag-ibig at pag-aasikasong ipinakita ng mga kapatid na Swiso, bukod sa humanga ako sa kagandahan ng siyudad ng Lucerne. Wala akong kamalay-malay na makalipas ang 20 taon, ako’y magpapayunir doon!
Paggawa sa Ilalim ng mga Paghihigpit
Pagkabalik namin sa Yugoslavia buhat sa magandang Switzerland, hindi nagtagal at nakaranas kami ng tunay na pag-uusig. Kami’y inaresto at ikinulong sa malaking piitan sa Belgrade. Ang kapatid na nangangasiwa sa gawain sa Yugoslavia ay humingi ng permiso na madalaw kami, subalit ito’y ipinagkait. Gayunman, siya’y nakipag-usap sa isang bantay-preso sa malakas na tinig na anupa’t aming narinig siya, at ang tunog ng kaniyang tinig ay nagsilbing pampatibay-loob sa amin.
Makalipas ang mga ilang araw, kami’y nakaposas na dinala sa hangganan ng Hungary; kinumpiska ang aming literatura at ang aming pera. Sa gayon, kami’y dumating sa Budapest na halos wala kahit isang kusing, ngunit may dalang maraming kuto na nagsilbing isang alaala buhat sa piitan. Hindi nagtagal at nakasama namin ang ibang mga payunir at kasa-kasama na nila kami sa pangangaral doon.
Tuwing Lunes kaming mga payunir sa Budapest ay nagtatagpu-tagpo sa Turkish bath, at habang inaasikaso namin ang amin-aming mga katawan, ang mga kapatid na mga babae at ang mga kapatid na lalaki ay magkabukod na nagkakatuwaan sa “pagpapalitan ng pampatibay-loob . . . bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba.” (Roma 1:12) Ang palagiang pagtitipon ay nagsilbi ring isang paraan ng pagkakaalaman pagka mayroong isang nagkasakit o ibinilanggo.
Halos hindi pa kami nabibihasa sa mga bagong kapaligiran nang, pagkaraan ng anim na buwan, ang aming Hungarian na residence visa ay natapos. Samantala, kami ni Alfred ay kasal na. Ngayon kami’y tumanggap ng mga tagubilin na kumuha ng isang visa para sa Bulgaria. Ang mag-asawang payunir doon ay pinalabas sa bansang iyon, at ang sampunlibong pulyeto na kanilang pinidido ay handa na sa isang maliit na palimbagan sa Sofia. Ang literatura ng mag-asawa ay sinunog sa publiko, kaya’t batid namin kung anong trato ang aming tatanggapin.
Sa wakas ay nakakuha kami ng isang tatlong-buwang visa sa Bulgaria. Kami noon ay dumaraan sa Yugoslavia sa gabi, at isang responsableng kapatid ang sumalubong sa amin sa isang pinagkasunduang istasyon dala namin ang pera na ibabayad sa mga pulyeto. Sa wakas, kami’y dumating nang ligtas sa Sofia at nakatagpo ng isang angkop na kuwarto.
Ang Sofia ay isang modernong siyudad na mayroong humigit-kumulang 300,000 mamamayan, subalit walang mga Saksi roon. Nang araw na kami’y dumating doon, kami ay nagpunta sa palimbagan. Ang may-ari ay nakabalita ng tungkol sa pagbabawal sa ating literatura at sa pagdedeporta sa mag-asawang pumidido ng mga pulyeto, kaya’t nang kaniyang mapag-alaman na kami’y naroon upang bilhin ang mga iyon, halos yakapin niya kami. Aming inimpake ang mga pulyeto at isinilid sa basyong mga bag at nilampasan namin ang maraming pulis, na, ikinatutuwa kong sabihin, hindi nakaririnig sa mabilis na kaba ng aming dibdib!
Ang aming susunod na problema ay kung saan ilalagay ang mga pulyeto at kung paano ipamamahagi ang gayung karaming pulyeto sa loob lamang ng tatlong buwan. Ako’y tunay na nangangamba sa bunton na iyon ng mga pulyeto! Noon lamang ako nakakita ng napakarami. Subalit muli na namang si Jehova ang naging aming Katulong. Kaylaking tagumpay iyon para sa amin, sapagkat nakapamamahagi kami ng hanggang 140 isang araw, at sa loob ng mga ilang linggo, sina Brother at Sister Wilke ay dumating upang tulungan kami.
Subalit, isang araw, ang mga bagay-bagay ay halos napauwi sa masama. Ako’y nangangaral sa isang lugar ng negosyo na kung saan sa bawat pintuan ay may nakakabit na karatulang tanso na may pangalan ng isang Dr. Ganoo’t-Ganiyan. Makalipas ang mga dalawang oras, nakaharap ko ang isang may edad nang ginoo na nagsuring mainam sa akin na animo’y walang tiwala. Kaniyang tinanong ako kung alam ko kung nasaan ako noon.
“Hindi ko po natitiyak kung anong klase ng gusali ito, pero napapansin ko na lahat ng mabubuting abogado ay waring nagsama-sama ng kanilang mga opisina rito,” ang sagot ko.
“Ikaw ay nasa Ministri ng Panloob,” ang tugon niya.
Bagaman ang aking puso’y halos huminto noon, mahinahong tumugon ako: “Oh, kaya pala lahat ng mga maginoong ito ay naging totoong palakaibigan sa akin!” Dahil sa ganitong sinabi ko ay lumamig ang kaniyang kalooban, at kaniyang isinauli sa akin ang aking pasaporte pagkatapos na lubusang siyasatin iyon. Ako’y nakahinga nang maluwag at lumisan, napasasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang proteksiyon.
Sa wakas, lahat ng pulyeto ay naipamahagi, at sumapit ang araw na kami’y kailangang lumisan sa “lupain ng mga rosas,” ang Bulgaria. Mahirap na lisanin ang gayung palakaibigang mga tao, subalit ang alaala sa kanila ay nanatiling may malalim na ugat sa aming mga puso.
Yamang kami’y may mga pasaporteng Aleman, kami’y nakabalik sa Yugoslavia, subalit kami’y pinayagang dumuon nang sandali lamang. Pagkatapos, upang maiwasan namin ang pag-aresto, kami’y natulog sa iba’t ibang lugar gabi-gabi. Kami’y namuhay nang ganito sa loob ng mga anim na buwan. Pagkatapos, noong huling kakalahatian ng 1938, kami’y tumanggap ng isang liham buhat sa tanggapan ng Samahan sa Bern, Switzerland, na nagpapatalastas sa amin na sikapin naming makaparoon sa Switzerland. Noon ay okupado na ng hukbong Nazi ang Austria, at lumulubha ang makapulitikang panggigipit. Sa katunayan, ang ilan sa mga payunir na Aleman ay ibinigay na sa mga Nazi ng pamahalaang Yugoslavia.
Kaya’t kami ng aking asawa’y nagbiyahe nang magkahiwalay patungo sa Switzerland, si Alfred ay sa pamamagitan ng pagdaraan sa Italya at ako naman ay sa Austria. Kami’y maligayang nagkasama uli at naatasang gumawa sa bukid ng Samahan, ang Chanélaz, at pagkatapos nang malaunan ay sa Bethel sa Bern. Ito ay lubos na isang bagong karanasan para sa akin. Ngayon ay kailangang matuto akong mag-asikaso ng bahay sa pamamaraang Swiso, at naunawaan kong mabuti ang organisasyon ni Jehova higit kaysa noong nakaraan.
Ang Umaalalay na Kapangyarihan ni Jehova
Pagkatapos maglingkod sa Bethel noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II at pagkatapos, noong 1952 kami ni Alfred ay muling pumasok sa gawaing pagpapayunir, ang aktibidad na humubog sa aming buhay. Kami’y hindi nagkaroon ng sariling mga anak, subalit sa paglipas ng mga taon, kami’y tumanggap ng maraming kapahayagan ng pag-ibig buhat sa aming espirituwal na mga anak. Halimbawa, noong Pebrero 1975 tinanggap namin ang ganitong kalatas:
“Natatandaan ko ang araw na isang matalino, may-ubang lalaki ang dumalaw sa matigas na tagapayo ng Iglesiya Ebanghelika at nag-alok sa kaniya ng isang pag-aaral sa Bibliya. Tahimik at may pag-iingat, ang alok ay tinanggap namin ng aking pamilya at pagkatapos sinuri namin ang bawat punto gaya ng ginawa ng mga taga-Berea, hanggang sa aminin namin na kayo ang nagdala sa amin ng katotohanan. . . . Anong bait na Ama ang Diyos na Jehova! Sumakaniya nawa ang papuri at parangal at pasasalamat para sa lahat ng kaniyang kabaitan at kaawaan. Subalit ibig naming pasalamatan din kayo, mahal na Alfred at Gretel, sa kaibuturan ng aming mga puso, dahil sa walang sawang tiyaga na ipinakita ninyo sa amin. Harinawang saganang pagpalain kayo ni Jehova ukol diyan. Taimtim na kami’y umaasa na kami’y bibigyan din niya ng lakas na magtiyaga.”
Noong Nobyembre 1975 ang aking asawang si Alfred ay biglang-biglang namatay dahil sa atake sa puso. Sa loob ng 38 taon kami’y magkasamang naglingkod kay Jehova, anupa’t naranasan namin ang mga hirap at ginhawa ng pagpapayunir. Kaya naman naging napakalapit namin sa isa’t isa. Subalit, nang siya’y mamatay muling nadama ko na ako’y wala nang kabuluhan at abandonado na. Ngunit si Jehova ang ginawa kong kanlungan, at muli akong naaliw.
Ang aking kaugnayan sa ating Ama sa langit ang umalalay sa akin sa loob ng mahigit na 53 taon sa buong-panahong paglilingkuran sa kaniya. At ang aking damdamin ay patuloy na gaya ng damdamin ni Jesu-Kristo: “Hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay sumasa-akin.”—Juan 16:32.
[Larawan sa pahina 23]
Si Alfred at si Frieda Tuc̀ek nagpapayunir sa Yugoslavia dala ang lahat nilang gamit, noong 1937
[Larawan sa pahina 25]
Si Alfred at Grete Schmidt na nagpapayunir sa Mostar, ang bahaging Islamiko ng Yugoslavia, noong 1938