Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 2/1 p. 27-30
  • Ang Salita ng Diyos—Katunayan ng Pagiging Totoo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Salita ng Diyos—Katunayan ng Pagiging Totoo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtingin sa mga Kayamanan ni Chester Beatty
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Manuskrito ng Bibliya, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Napagtagumpayan ng Bibliya ang Tangkang Baguhin ang Mensahe Nito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Liham ni Pablo sa mga Taga-Colosas
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 2/1 p. 27-30

Ang Salita ng Diyos​—Katunayan ng Pagiging Totoo

Tama o mali?​—Ang Bibliya’y nakarating hanggang sa ngayon nang walang pagbabago.

Tama o mali?​—Ang libu-libong mga pagkakaiba-iba sa mga manuskrito ng Bibliya ay nagpapahina sa pag-aangkin nito na ito’y siyang Salita ng Diyos.

BAGO mo sagutin ang mga tanong na iyan, pag-isipan muna ang ilang mga impormasyon na iniharap sa “Ang Salita ng Diyos” Eksibisyon na ginawa sa Chester Beatty Library sa Dublin, Ireland.

Ang gula-gulanit at sira-sira nang mga pahinang papiro ay mistulang patapon na dahil sa katandaan. Gayunman, ang Chester Beatty papyri ang pinakamahalagang mga manuskrito sa aklatan. Ito’y nahukay sa isang libingang Coptic (Ehipsiyo) noong mga bandang 1930. “[Ito ay] isang tuklas,” ani Sir Frederic Kenyon, “na ang karibal lamang ay ang Codex Sinaiticus.”

Ang sulat-kamay na mga pahinang papirong ito, na nasa pormang codex, ay kinopya noong ikalawa, ikatlo, at ikaapat na mga siglo ng ating Karaniwang Panahon. “Ang ilan,” ani Wilfrid Lockwood, ang nangangasiwa ng aklatan, “ay maaaring kinopya sa nalolooban ng isang dantaon ng pagkasulat ng orihinal.” (Amin ang italiko.) Taglay ng isang codex ang apat na Ebanghelyo at ang aklat ng Mga Gawa. Isa naman ang may taglay ng karamihan ng mga liham na isinulat ni apostol Pablo, kasali na ang kaniyang liham sa mga Hebreo.

Ang pagkopya sa mga manuskritong katulad nito ay mahirap at nakapapagod, at dito’y posible na pumasok ang pagkakamali. Madaling mabasa nang mali ang isang titik o makaligtaan ang isang linya, gaano mang kaingat ang gawing pagbasa ng tagakopya. Kung minsan ang tagakopya ay higit na interesado sa pagkuha ng diwa at kahulugan ng orihinal kaysa eksaktong mga salita. Sa paulit-ulit na pagkopya, patuloy na dumarami ang pagkakamali. Ang mga manuskritong may magkakatulad na mga pagkakaiba-iba ay inilalagay ng mga iskolar ng teksto sa magkakaparehong mga grupo. Itong mga Chester Beatty papyri, na siyang pinakamatatandang kumpletong mga manuskritong Bibliyang Griego na umiiral pa hanggang ngayon, ay nagbigay sa mga iskolar ng di-inaasahang bagong ideya tungkol sa mga bagay-bagay, yamang ang mga ito ay hindi umaangkop sa isa man sa itinatag nang mga pami-pamilya.

Bago ng panahon ni Jesus, at lalo na matapos na mapuksa ang Jerusalem (607 B.C.E.) at ng pangangalat ng mga Judio pagkatapos, gumawa ng maraming sulat-kamay na mga kopya ng banal na Kasulatang Hebreo. Noong mga bandang 100 C.E., ginamit ng mga autoridad na Judio ang gayong mga kopya upang bumuo ng isang tekstong Hebreo na tinatanggap ng tradisyonal na mga Judio.

Sila’y bumuo rin ng eksaktong mga alituntunin upang masiguro nila ang eksaktong pagkopya sa mga teksto. Sila’y nagbigay ng espesipikong mga tagubilin tungkol sa kung anong mga materyales ang dapat gamitin at pati na tungkol sa laki at espasyo sa pagitan ng mga titik, mga salita, linya, at tudling. “Walang salita o titik, maging iyon man ay isang yod [ang pinakamaliit na titik sa abakadang Hebreo], ang isusulat buhat sa memorya,” ang sabi nila. Ang mga tagakopya ay nakatapos ng mga balumbon na katulad ng Tora (turo), na bumubuo ng unang limang aklat ng Bibliya, at ng aklat ni Esther. Ang gayung mga manuskrito ng tekstong Hebreo, ang sabi ng katalogo sa eksibisyon, ay “makikitaan ng kahanga-hangang antas ng pagkakapare-pareho.”

Gaanong kalaki ang mga kamaliang sumingit sa kapuwa mga manuskritong Hebreo at Griegong Kristiyano? “Dapat na idiin iyon,” ani Mr. Lockwood, “na ang mga pagkakaiba-iba sa pagitan ng mga manuskrito ng Bibliya ay baha-bahagya kung ihahambing sa mga makikita sa mga manuskrito ng literaturang pagano . . . Sa anumang kaso ay walang anumang punto ng doktrinang Kristiyano ang apektado ng pagkakamali ng mga tagakopya.”​—Amin ang italiko.

Ang mga aklat ng Bibliya mula pa noong bago at pagkatapos ng panahon ni Jesus ay isinalin sa mga ibang wika. Isa sa pinakamatanda sa mga salin ay ang Pentateuch ng mga Samaritano. Ang mga Samaritano ay mga taong nanirahan sa teritoryo ng sampung-tribong kaharian ng Israel pagkatapos na ang mga Israelita ay dalhing bihag ng hari ng Asirya (740 B.C.E.). Sila’y sumunod sa mga ilang bahagi ng pagsambang Judio at ang tinanggap nila’y yaon lamang unang limang aklat ng Bibliya, ang Pentateuch. Ang tekstong Samaritano ng mga aklat na ito, na isinulat sa isang anyo ng sinaunang titik Hebreo, ay may 6,000 mga pagkakaiba-iba sa tekstong Hebreo. “Ang karamihan,” sabi ng katalogo sa eksibisyon, “ay bahagya ang kabuluhan sa teksto bagaman kanais-nais na malaman sapagkat posibleng mapagbatayan ng kaalaman tungkol sa sinaunang bigkas o balarila.”

Noong ikatlong siglo B.C.E., ang mga Judiong iskolar sa Alexandria, Ehipto, ay nakapagsalin sa Griego ng bersiyong Septuagint ng Kasulatang Hebreo, na ginamit ng mga Judiong gumagamit ng wikang Griego sa buong daigdig. Sumapit ang panahong huminto ang mga Judio sa paggamit nito, subalit ito ang naging Bibliya ng sinaunang kongregasyong Kristiyano. Pagka ang mga manunulat ng Bibliyang Kristiyano’y sumisipi sa banal na Kasulatang Hebreo, ang ginagamit nila ay ang Septuagint. Ang Chester Beatty papyri ng Kasulatang Hebreo ay may 13 pahina ng aklat ni Daniel sa Septuagint.

Ang mga nahuling bersiyon ng Bibliya ay nabuo sa mga wikang gaya ng Latin, Coptic, Syriac, at Armenian. Isang halimbawa sa eksibisyon ay isang vellum codex ng isang bersiyong Coptic ng isang bahagi ng Bibliya mula noong ikaanim o ikapitong siglo C.E. Paanong ang mga bersiyong katulad nito ay tumutulong sa mga iskolar ng Bibliya at sa mga kritiko ng teksto? Ang ganiyang mga bersiyon ay karaniwan nang lubhang literal ang pagkakasalin sa mga manuskritong Griego na ginamit ng mga tagapagsalin. “Kung ang tekstong Griego na ginamit ng tagapagsalin ay mainam,” ang paliwanag ni Mr. Lockwood, “maliwanag na ang bersiyon ay magbibigay ng mahalagang tulong sa pagsasalin sa orihinal na mga salitang Griego.”

Ang isang napakahalaga, pambihirang eksibit sa aklatan ay isang komentaryo ng isang manunulat na Siryano noong ikaapat na siglo, si Ephraem, sa Diatessaron ni Tatian. Noong bandang 170 C.E., si Tatian ay nagtipon ng isang may pagkakasuwatong salaysay ng buhay at ministeryo ni Jesus, at gumamit ng mga paghalaw buhat sa apat na Ebanghelyo (ang kahulugan ng Diatessaron ay “lagusan [sa] apat”). Palibhasa’y wala na ngayon ang mga kopya, ang mga ibang kritiko noong huling siglo ay nakikipagtalo kung baga umiral kailanman ang gayung pagkakasuwato ng Ebanghelyo. Iginiit ng mga kritikong ito na ang apat na Ebanghelyo mismo ay hindi isinulat kundi noong kalagitnaan ng ikalawang siglo.

Gayunman, noong huling sandaang taon, dahil sa pagkatuklas ng mga salin ng Diatessaron sa Armenian at Arabiko ang mga matataas na kritiko ay umatras. Nang magkagayon, noong 1956, nakuha ni Sir Chester Beatty ang natatanging komentaryong ito ng ikalima/ikaanim na siglo na mayroong mahahabang halaw buhat sa orihinal na isinulat ni Tatian. “Tunay na tinapos nito ang haka-haka na ang apat na Ebanghelyo ay wala sa sirkulasyon noong panahong iyon.” ang sabi ni Mr. Lockwood.

“Ang Salita ng Diyos” Eksibisyon ay isang tagapagpaalaala ng kasaganaan ng materyales na nagagamit ng mga iskolar sa Bibliya at ng mga kritiko ng teksto. Hayaang ang isa sa mga iskolar na ito, si Sir Frederic Kenyon ang magpaliwanag ng kahalagahan ng lahat ng mga manuskritong ito ng Bibliya na natuklasan at kasabay rin nito ay sagutin ang mga tanong na ibinangon sa pasimula:

“Baka mahirap para sa iba na iwaksi ang pagkakilala sa Bibliya bilang nakatawid sa loob ng mahabang panahon nang walang pagbabago . . . Sa wakas ay ibayong kasiguruhan ang idinudulot ng pagkasumpong ng bagay na ang pangkalahatang resulta ng lahat ng natuklasang ito at lahat ng pag-aaral na ito ay ang pag-ibayuhin ang katibayan ng pagiging totoo ng Kasulatan, at ang ating paniwala na taglay natin sa ating mga kamay, na may sapat na kadalisayan, ang mismong Salita ng Diyos.” (The Story of the Bible, pahina 113)​—Awit 119:105; 1 Pedro 1:25.

[Larawan sa pahina 27]

Ikatlong-siglong papiro​—2 Corinto 4:13–5:4

[Credit Line]

Reproduced by permission of the Chester Beatty Library

[Larawan sa pahina 28]

Ika-18-siglong katad at vellum na mga balumbong aklat ng Esther

[Credit Line]

Reproduced by permission of the Chester Beatty Library

[Larawan sa pahina 29]

Ikaanim- o ikapitong-siglong vellum codex​—Juan 1:1-9, bersiyong Coptic

[Credit Line]

Reproduced by permission of the Chester Beatty Library

[Larawan sa pahina 30]

Ikalima- o ikaanim-na-siglong vellum codex​—komentaryo ni Ephraem na may mga halaw buhat sa Diatessaron ni Tatian, sa Syriac.

[Credit Line]

Reproduced by permission of the Chester Beatty Library

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share