Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 3/1 p. 19-23
  • Katarungan ang Pamantayan ng Lahat ng mga Daan ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Katarungan ang Pamantayan ng Lahat ng mga Daan ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Walang Katarungan
  • Kung Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pang-aapi
  • Sinasagip ng Diyos ang Tao
  • Pagtataguyod sa Pantubos
  • Malapit Na ang Katarungan Para sa Lahat ng Bansa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Lahat ng Ginagawa Niya ay Makatarungan”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Si Jehova—Ang Pinagmumulan ng Tunay na Katarungan at Katuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Tularan si Jehova—Gumawa Nang may Katarungan at Katuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 3/1 p. 19-23

Katarungan ang Pamantayan ng Lahat ng mga Daan ng Diyos

“Siya ang malaking Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya.”​—DEUTERONOMIO 32:4.

1. Anong mga katangian ni Jehova ang itinampok ni Moises sa kaniyang awit sa mga anak ni Israel bago siya namatay, at bakit siya kuwalipikado na magsalita nang gayon?

SI Jehova, kataastaasang Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari, “ay mangingibig ng katuwiran at katarungan.” (Awit 33:5; Isaias 33:22) Si Moises, na tagapamagitan ng Kautusang tipan at isang propeta na “kilala ni Jehova nang mukhaan,” ay nagkaroon ng matalik na pagkakilala sa makatarungang daan ni Jehova. (Deuteronomio 34:10; Juan 1:12) Mga ilang saglit bago namatay si Moises, kaniyang itinampok ang nangingibabaw na katangian ng katarungan ni Jehova. Sa pakinig ng lahat sa kapulungan ng Israel, kaniyang binigkas nang malakas ang mga salita ng awit na ito: “Makinig kayo, Oh mga langit, at ako’y magsasalita; at pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig. . . . Aking ihahayag ang pangalan ni Jehova. Dakilain ninyo ang ating Diyos! Siya ang malaking Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya.”​—Deuteronomio 32:1, 3, 4.

2. Papaano laging katarungan ang pamantayan ng lahat ng mga gawa ng Diyos, at bakit ito mahalaga?

2 Katarungan ang pamantayan ng lahat ng mga gawa ni Jehova, at ito’y laging ginagamit na lubusang kasuwato ng kaniyang karunungan, pag-ibig, at kapangyarihan. Sa Job 37:23, kay Job ay ipinaalaala ng lingkod ng Diyos na si Elihu: “Tungkol sa Makapangyarihan-sa-lahat, hindi natin siya malilirip; siya’y dakila sa kapangyarihan, at ang katarungan at saganang katuwiran ay hindi niya hahamakin.” At si Haring David ay sumulat: “Si Jehova ay mangingibig ng katarungan, at hindi niya pababayaan ang kaniyang mga banal.” (Awit 37:28) Anong nakaaaliw na kasiguruhan niyan! Sa lahat ng lakad ng Diyos, kahit na sa isang saglit ay hindi niya pababayaan yaong mga banal na tapat sa kaniya. Ang katarungan ng Diyos ang tumitiyak nito!

Kung Bakit Walang Katarungan

3. Ano ang wala sa gitna ng mga tao sa ngayon, at papaano nakaapekto ito sa relasyon ng tao sa Diyos?

3 Yamang si Jehova ang Diyos ng Katarungan, na Siyang umiibig sa katarungan, at “ang Maylikha ng kadulu-duluhan ng lupa,” bakit lubhang walang katarungan sa gitna ng mga tao sa ngayon? (Isaias 40:28) Si Moises ang sumasagot sa Deuteronomio 32:5: “Sila’y nagpakasamâ sa ganang sarili nila; sila’y hindi niya mga anak, sila ang may sariling kapintasan. Isang salinlahing baluktot at liko!” Dahil sa pagpapakasamâ ng tao ay lubhang napahiwalay siya sa kaniyang Maylikha na anupa’t ang mga kaisipan at mga daan ng Diyos ay tinutukoy na mas mataas kaysa sa kaisipan at mga lakad ng tao “gaya ng langit na mas mataas kaysa sa lupa.”​—Isaias 55:8, 9.

4. Anong landas ang pinili ng tao na lakaran, at saan ito umakay sa kaniya?

4 Huwag kalilimutan na ang tao’y hindi dinisenyo ng kaniyang Maylikha na kumilos nang hiwalay sa Kaniya. Tama ang pagkasabi ni Jeremias tungkol sa kalagayan ng tao, na: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang pagtanggi ng tao sa makatuwirang mga daan at pamamahala ng Diyos ang naglagay sa kaniya sa ilalim ng lubusang naiiba at totoong makapangyarihang di-nakikitang mga puwersa, si Satanas na Diyablo at ang kaniyang kasabuwat na mga demonyo. Ganito ang mariing pagkasabi ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” Ang mga puwersang ito na makademonyo ay walang interes bahagya man sa pagtataguyod ng katarungan sa sangkatauhan.​—1 Juan 5:19.

5. Magbigay ng mga halimbawa ng kawalan ng katarungan sa daigdig sa ngayon.

5 Isang halimbawa ng kawalan ng katarungan sa katapusang mga araw ng sistemang ito ng mga bagay ay itinampok noong 1984 ng attorney general ng E. U., si William French Smith. Sa pagkukomento tungkol sa isang surbey ng mga sintensiya sa bilangguan sa 12 mga estado sa Amerika sa pagitan ng 1977 at 1983, sinabi ni Smith: “Ipinagpapalagay ng publiko na ang pinakamatitinding kriminal​—mga mamamatay-tao, manggagahasa, mga tagapagbenta ng droga​—ay dapat magdusa nang husto. Ayon sa pag-aaral ng kawanihan . . . nakita kung gaanong kadali na ang mga pusakal na kriminal ay muling bumalik sa mga kalye upang gumawa ng mga bagong krimen.” Hindi kataka-takang sabihin ni Paul Kamenar ng Washington Legal Foundation: “Ang pamamalakad ng hustisya ay maluwag kadalasan.”

6. (a) Ano ang kalagayan ng moral ng Juda bago ito nabihag? (b) Ano ang mga tanong ni Habacuc, at kapit ba ang mga ito sa ngayon?

6 Ang hustisya ay maluwag sa buong bansa ng Juda bago ito nahulog sa kamay ng mga hukbong Babiloniko noong 607 B.C.E. Kaya naman, ang propeta ng Diyos na si Habacuc ay kinasihan na magsabi: “Ang kautusan ay natitigil, at ang katarungan ay hindi lumalabas kailanman. Sapagkat kinukulong ng balakyot ang matuwid, kaya’t ang katarungan ay lumalabas na liko.” (Habacuc 1:4) Dahil sa di-makatarungang kalagayang ito nagtanong ang propeta kay Jehova: “Bakit mo minamasdan ang nagsisigawa ng paglililo, at tumatahimik ka pagka sinasakmal ng balakyot ang taong lalung matuwid kaysa sa kaniya?” (Habacuc 1:13) Sa ngayon, ang mga taong apektado ng mga gawang pang-aapi sa lahat ng pitak ng buhay ng tao ay makabubuti ring magtanong: Bakit nga ba ang Diyos ng katarungan ay nagmamasid lamang sa pang-aaping nagaganap? Bakit niya pinababayaang ang ‘katarungan ay lumabas na liko’? Bakit siya “tumatahimik”? Mahahalagang tanong ito, at tanging ang mahalagang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang nagbibigay ng tunay at kasiya-siyang kasagutan.

Kung Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pang-aapi

7. (a) Bakit naiwala ng tao ang Paraisong ibinigay sa kaniya ng Diyos? (b) Anong mga isyu ang ibinangon sa Eden, at papaanong tinugon ng katarungan ng Diyos ang mga ito?

7 Ang mga gawa ng Diyos ay sakdal, gaya ng pinatunayan ni Moises. Ito’y totoo kung tungkol sa sakdal na mag-asawa na inilagay ng Diyos sa Paraiso ng Eden. (Genesis 1:26, 27; 2:7) Ang buong kaayusang iyon ay sakdal para sa ikabubuti at ikaliligaya ng sangkatauhan. Ang kinasihang kasaysayan ay nagsasabi sa atin: “Napagmasdan ng Diyos ang lahat ng kaniyang ginawa at, narito! iyon ay napakabuti.” (Genesis 1:31) Subalit ang katahimikan sa Eden ay hindi nagtagal. Sa kagagawan ng isang mapaghimagsik na espiritung nilalang, si Eva at ang kaniyang asawa, si Adan, ay nahila na makipagkomprontasyon kay Jehova tungkol sa Kaniyang paraan ng pamamahala sa kanila. Ang pagiging matuwid ng mga pag-uutos sa kanila ng Diyos ay napalagay ngayon sa pag-aalinlangan. (Genesis 3:1-6) Ang hamong ito sa pagkamatuwid ng pamamahala ng Diyos ay nagbangon ng mahalagang mga isyu sa moral. Ang kasaysayan ng tapat na taong si Job ang nagpapakita ngayon na ang integridad o katapatan ng lahat ng mga nilikha ng Diyos ay napalagay na rin sa pag-aalinlangan. Kahilingan ng katarungan na bigyan ng panahon ang paglutas sa mga isyung ito na may kahalagahan sa buong sansinukob.​—Job 1:6-11; 2:1-5; tingnan din ang Lucas 22:31.

8. (a) Sa anong napahamak na kalagayan nahulog ngayon ang tao? (b) Anong silahis ng pag-asa ang makikita sa awit ni Moises?

8 Ang napahamak na kalagayan ng sangkatauhan, na resulta ng pagtatakuwil sa matuwid na mga daan ng Diyos, ay tinukoy ni Pablo sa Roma 8:22. Doon ang apostol ay sumulat: “Ang lahat ng nilalang ay patuloy na sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit hanggang ngayon.” Ang kalakhang bahagi ng ‘pagdaing’ at ‘pagdaramdam’ na iyon ay dahilan sa kawalan ng katarungan sa gitna ng mga tao samantalang “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa-tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Subalit salamat sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sapagkat hindi niya hahayaang ang ganiyang paglapastangan sa katarungan ay magpatuloy magpakailanman! Sa bagay na ito, pansinin ang sinabi pa ni Moises sa kaniyang awit, sa Deuteronomio 32:40, 41: “‘Yamang ako’y buháy magpakailanman,’ kung ako [si Jehova] ay maghahasa ng aking makintab na tabak at ang aking kamay ay hahawak ng kahatulan, ako’y maghihiganti sa aking mga kaaway at gagantihan ko yaong mga may matinding pagkapoot sa akin.”

9. Ipaliwanag kung papaanong ang kamay ni Jehova ay ‘humawak ng kahatulan’ nang maghimagsik ang tao.

9 Ang kamay ni Jehova ay ‘humawak ng kahatulan’ noong sinaunang panahon sa Eden. Walang pagpapaliban, ang tao’y makatuwirang sinintensiyahan ng Diyos ng kamatayan dahil sa kusang pagsuway sa Kaniyang mga utos. Sinabi niya kay Adan: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:19) Makalipas ang daan-daang taon, tinukoy ni apostol Pablo ang kakila-kilabot na ibinunga sa buong sangkatauhan ng pagkakasala ni Adan. Siya’y sumulat: “Kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:12.

10. Anong dalawang binhi ang umunlad buhat nang maghimagsik si Adan, at ano ang ikinilos dito ni Jehova?

10 Kasunod ng paghihimagsik ng tao, sinabi rin ng Diyos: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.” (Genesis 3:15, 17-19) Ang pag-unlad ng dalawang binhing ito ay naganap sa loob ng 6,000 taon, at ang ‘pag-aalitan’ ng dalawang ito ay umiiral hanggang ngayon. Subalit sa gitna ng lahat ng nagbabagong mga tanawin sa lupa, ang matuwid na mga daan ni Jehova ay hindi nagbago. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias, kaniyang sinasabi: “Ako’y si Jehova; ako’y hindi nagbabago.” (Malakias 3:6) Ito’y nagbibigay-katiyakan na ang mga paraan ng Diyos ng pakikitungo sa di-sakdal at mapaghimagsik na sangkatauhan ay laging sumusunod sa pamantayan ng katarungan. Minsan man ay hindi lumihis si Jehova sa kaniyang matatayog, at matuwid na mga prinsipiyo, samantalang kaniyang iniaayon ang mga ito sa kaniyang kahanga-hangang mga katangian ng karunungan, pag-ibig, at kapangyarihan.

Sinasagip ng Diyos ang Tao

11, 12. Papaanong mahusay ang pagkalarawan ng Awit 49 tungkol sa kinahinatnan ng tao?

11 Tulad ng mga galamay ng isang napakalaking pugita, ang balakyot na impluwensiya ni Satanas ay nakarating at sumasakop sa buong sangkatauhan. Oo, talagang kailangang-kailangan na ang mga tao’y sagipin hindi lamang buhat sa sintensiya sa kanila na kamatayan kundi pati na rin sa mapang-aping mga sistema ng pamamahala ng di-sakdal na mga tao!

12 Ang kakila-kilabot na kinahinatnang ito ng tao buhat nang igawad sa kaniya ang sintensiyang kamatayan ay mahusay ang pagkalarawan sa sumusunod na awit ng mga anak ni Kore: “Dinggin ninyo ito, ninyong lahat ng mga bayan. Pakinggan ninyo, ninyong lahat na nananahan sa sistema ng mga bagay, ninyong mga anak ng sangkatauhan at gayundin ninyong mga anak ng tao, ng mayaman at pati ng mahirap. Walang isa man sa kanila na makatutubos sa anupamang paraan kahit sa isang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya; (at ang halagang pantubos sa kaniyang kaluluwa ay pagkamahal-mahal kung kaya’t naglilikat magpakailanman) upang siya’y mabuhay nang walang-hanggan at huwag makakita ng kamatayan.” (Awit 49:1, 2, 7-9) Lahat ng ito ay nangyayari dahilan sa hayag na katarungan ng Diyos!

13, 14. (a) Sino lamang ang makasasagip sa tao, at bakit yaong isa na pinili ng Diyos ay angkop na angkop? (b) Papaanong si Jesus ay naging “Oo” sa lahat ng mga pangako ng Diyos?

13 Saan, kung gayon, maaaring manggaling ang tulong? Sino ang makasasagip sa tao buhat sa kapangyarihan ng kamatayan? Ang awit ay sumasagot: “Ang Diyos mismo ang tutubos sa aking kaluluwa buhat sa kamay ng Sheol.” (Awit 49:15) Tanging ang dakilang pag-ibig lamang ng Diyos, na gumagawang kasuwato ng Kaniyang katarungan, ang makapagliligtas sa tao buhat sa “kamay ng Sheol.” Ang ating mga tanong ay sinasagot pa rin samantalang isang gabi’y nag-uusap si Jesus at ang maingat na Fariseong si Nicodemo. Sinabi sa kaniya ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Bago naparito sa lupa ang Anak ng Diyos, siya ay namumuhay na kapiling ng kaniyang Ama sa langit. Sa kaniyang buhay bago naging tao, siya’y tinutukoy na ‘matuwain sa mga anak ng mga tao.’ (Kawikaan 8:31) Angkop na angkop, kung gayon, na piliin ni Jehova ang natatanging espiritung nilalang na ito​—ang Kaniyang bugtong na Anak​—upang tumubos sa sangkatauhan!

14 Tungkol kay Jesus, sinabi ni Pablo: “Gaano mang karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga ito’y naging Oo sa pamamagitan niya.” (2 Corinto 1:20) Isa sa mga pangakong ito na isinulat ni propeta Isaias ay tinutukoy sa Mateo 12:18, 21, na kung saan mababasa natin tungkol kay Jesus: “Narito! Ang aking lingkod na aking pinili, ang aking minamahal, na sinang-ayunan ng aking kaluluwa! Aking ilalagay sa kaniya ang aking espiritu, at kung ano ang katarungan ay kaniyang lilinawin sa mga bansa. Oo, sa kaniyang pangalan aasa ang mga bansa.”​—Tingnan ang Isaias 42:1-4.

15, 16. Papaanong nangyari na si Jesus ang magiging “Walang-hanggang Ama” ng mga supling ni Adan?

15 Sa panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, kaniyang niliwanag na ang mga tao ng lahat ng bansa ay maaaring balang-araw umasa sa kaniyang pangalan at sa gayo’y kamtin ang mga pakinabang na dulot ng katarungan ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Ang anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa na pantubos kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ang sakdal na kautusan ng Diyos na ibinigay sa bansang Israel ay nagsasabi: “Kaluluwa ang katumbas ng kaluluwa.” (Deuteronomio 19:21) Sa gayon, pagkatapos na ihandog ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay sa kamatayan at siya’y buhaying-muli ng kapangyarihan ng Diyos upang bumalik sa langit, siya’y nasa kalagayan na doon ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay-tao ay maihahandog kay Jehova bilang kapalit ng mga karapatan sa buhay ni Adan. Sa ganitong paraan, si Jesus ay naging “ang huling [o pangalawang] Adan” at ngayo’y may kapangyarihan nang kumilos bilang ang “Walang-hanggang Ama” ng lahat ng sumasampalatayang mga supling ni Adan.​—1 Corinto 15:45; Isaias 9:6.

16 Ang paraan ng Diyos ng pagliligtas sa pamamagitan ng kaniyang maibiging paglalaan ng haing pantubos na inihandog ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay noo’y ‘luminaw sa mga bansa.’ At ito’y tunay na sunod sa pamantayan ng banal na katarungan. Anong laki ng ating dapat na ipagpasalamat dahil sa naglaan ang Diyos ng paraan upang ang ‘ating kaluluwa ay tubusin buhat sa kamay ng Sheol’!

Pagtataguyod sa Pantubos

17, 18. Sa anong pagsasama pumasok si C. T. Russell noong mga taon ng 1870, subalit papaano siya nabigla dahil sa ginawa ni Barbour noong 1878?

17 Tulad ng unang-siglong mga Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ang sa tuwina’y nagtataguyod ng turo ng haing-pantubos na inihandog ni Jesu-Kristo. Kawili-wiling gunitain na ang unang presidente ng Watch Tower Society, si Charles Taze Russell, ay noong minsan isang kasamang-editor at tagatustos sa pananalapi ng isang relihiyosong magasing tinatawag na The Herald of the Morning. Ang orihinal na tagapaglathala ng magasing iyan ay isang Adventista, si N. H. Barbour ng Rochester, New York, E.U.A. Si Russell noon ay mahigit nang 20-anyos, subalit si Barbour ay mas matanda.

18 Ang pagsasama ay waring ayos naman hanggang noong 1878, nang si Barbour ay biglang-biglang naglathala ng isang artikulo na nagtatatuwa sa doktrina ng pantubos. Sa paglalarawan sa nangyari, sinabi ni Russell: “Si Mr. Barbour . . . ay sumulat ng isang artikulo para sa The Herald na nagtatatuwa sa doktrina ng Katubusan​—nagtatatuwa na ang kamatayan ni Kristo ang Pantubos-na-halaga para kay Adan at sa kaniyang lahi, na nagsasabing ang kamatayan ng ating Panginoon ay hindi katumbas na kabayaran bilang parusa sa mga kasalanan ng tao kung paano nga na ang pagtusok ng isang aspile sa katawan ng isang langaw at pagdadala rito ng kahirapan at kamatayan ay maituturing ng isang makalupang magulang bilang isang makatuwirang kabayaran para sa maliit na pagkakasalang nagawa ng kaniyang anak.”

19. (a) Ano ang naging tugon ni Russell sa paniwala ni Barbour tungkol sa pantubos? (b) Natupad ba ang pag-asa ni Russell tungkol sa The Watchtower?

19 Si Russell ay maaari sanang naimpluwensiyahan ng kaniyang nakatatandang kasama, subalit hindi gayon ang nangyari. Sa loob ng maraming buwan, patuloy na nagkaroon ng mga pagtatalo na napalathala sa mga dahon ng binanggit na magasin, itinatuwa ni Barbour ang pantubos at si Russell naman ay sumulat ng pabor doon. Sa wakas, si Russell ay tuluyan nang humiwalay kay Barbour at kaniyang sinimulang ilathala ang magasing ito, na noon ay tinatawag na Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Ganito ang sinabi ni C. T. Russell bilang damdamin tungkol sa bagong magasin: “Sapol sa pasimula, ito’y isang natatanging tagapagtaguyod ng Pantubos; at, sa biyaya ng Diyos, inaasahan natin na magiging gayon nga ito hanggang sa katapusan.” Natupad ba ang pag-asa ng editor na si Russell? Tunay na natupad nga! Sa pagpapaliwanag, sa pahina 2 ng mismong labas na ito ay sinasabi na ang magasin ay “nagpapatibay-loob na sumampalataya sa ngayo’y-nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo, na ang itinigis na dugo ay nagbubukas ng daan para ang sangkatauhan ay magtamo ng buhay na walang-hanggan.”

20. Anong mga tanong ang hindi pa nasasagot?

20 Hanggang sa ating natalakay na, ating nasundan ang lakad ng katarungan ng Diyos sa paglalaan ng isang kaayusan para sa pagsagip sa sangkatauhan buhat sa sumpa ng kasalanan at kamatayan na dinaranas ng sangkatauhan. Ang pag-ibig ang nagpangyari na magkaroon ng gayung kaayusan. Gayunman, may mga tanong na hindi pa nasasagot gaya baga ng: Papaanong makakamit ang mga pakinabang sa haing pantubos na inihandog ni Jesu-Kristo? Papaano ka makikinabang sa mga iyan, at gaanong kalapit? Ang sumusunod na artikulo ang nagbibigay ng mga sagot na tiyakang magpapalawak pa ng iyong pagtitiwala na katarungan ang pamantayan sa lahat ng daan ng Diyos.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Gaano ba kahalaga sa Diyos ang katarungan?

◻ Bakit napakalaganap ang pang-aapi sa gitna ng sangkatauhan?

◻ Papaano gumawa ang Diyos ng kaayusan para sa pagliligtas sa tao sa kamatayan?

◻ Hanggang sa anong sukdulan itinaguyod ng The Watchtower ang pantubos?

[Larawan sa pahina 20]

Binibigkas ni Moises ang mga salita ng kaniyang awit sa kapatagan ng Moab

[Larawan sa pahina 23]

Ganiyan na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kung kaya ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share