Ang Cesarea at ang mga Sinaunang Kristiyano
ANG sinaunang siyudad ng Cesarea na nasa baybaying dagat, na itinatag ni Herodes na Dakila noong malapit nang isilang si Jesu-Kristo, ay kinatuklasan kamakailan ng mga arkeologo ng mga ilang bagay. Ang “Pangarap ni Haring Herodes,” na isang eksposisyon ng mga natuklasang bagay na ito, ay naglilibot at nagtatanghal ngayon sa Hilagang Amerika.a
Si Herodes ay naglangis sa Romanong emperador Cesar Augusto upang makamit ang pabor nito. Sa gayon, ang lunsod ay kaniyang tinawag na Cesarea (ibig sabihin, “Pag-aari ni Cesar”) at ang puwerto nito ay tinawag niya na Sebastos (Griego para sa “Augusto”). Ang mga manggagawa ni Herodes ay nagtayo ng isang kamangha-manghang daungan para sa marahil isang daang barko, at sila’y gumawa ng isang magandang templo na may malaking rebulto para sa pagsamba ng emperador.
Pamamahalang Romano
Ang Cesarea ay naging opisyal na tirahan ng mga prokurador na Romano—ang mga lalaking namahala sa Judea. Ang Cesarea ang siyang sentro ng aktibidad pulitikal at militar ng Roma. Sa lugar na iyan ang punong hukbo na si Cornelio at ang “kaniyang mga kamag-anak at matalik na mga kaibigan” ay naging ang unang di-tuling mga di-Judio na tumanggap ng Kristiyanismo. (Gawa, kabanata 10) Ang ebanghelisador na si Felipe ay naparoon sa Cesarea; gayundin si apostol Pedro. Ang ilan sa mga barko na ginamit ni apostol Pablo sa kaniyang paglalakbay-misyonero ay dumaong sa daungan ng Cesarea. At noong humigit-kumulang taóng 56 C.E., si Pablo at si Lucas ay tumuloy sa tahanan ni Felipe, na marahil doon na nanirahan at ang kaniyang apat na mga anak na babae ay naglingkod din sa Diyos.—Gawa 8:40; 12:18, 19; 18:21, 22; 21:8, 9.
Sa Cesarea dinala si Pablo upang humarap sa Romanong gobernador na si Felix. Doon din naman binigkas ni Pablo ang kaniyang napatanyag na mga salita kay Festus: “Maghahabol ako kay Cesar!”—Gawa, kabanata 23–26.
Ang Eksposisyon
Sa pagpasok sa eksposisyong ito, mapapaharap ka sa isang estatuwa ni Tyche, ang diyosa ng Cesarea. Ang ibig sabihin ng kaniyang pangalan ay “Kapalaran” o “Mabuting Suwerte.” Gayunman, ang mga Kristiyano roon ay hindi nagtiwala sa isang diyosa ng kapalaran kundi sa tunay na Diyos, kay Jehova. Sila’y may pananampalataya rin naman kay Jesu-Kristo, ang isa na tinangka ni Haring Herodes na patayin.
Sa susunod na dalawang kuwarto, makikita mo kung paanong ibinunyag ng mga arkeologo ang mga bagay na natagpuan sa Cesarea at kung paanong itinayo ang daungan. Pagkatapos, sa ikaapat na kuwarto, makikita mo ang isang reproduksiyon ng isa sa mga pangunahing natuklasan sa Cesarea. Ito ang tanging kilalang inskripsiyon ng gobernador Romano na sa kaniya dinala si Jesu-Kristo. Mababasa sa inskripsiyon: “Poncio Pilato, prepekto ng Judea.”
Nasa kuwarto ring ito ang dalawang maliliit na baryang tanso na lubhang interesante. Sa una (na nasa gawing kanan) ay mababasa ang ulat: “Taóng dos ng kalayaan ng Sion.” Sa ikalawa ay ang mga salitang: “Taóng kuwatro hanggang sa kalayaan ng Sion.” Ang petsang ibinibigay ng mga iskolar sa mga baryang ito ay 67 C.E. at 69 C.E. Ang “kalayaan” na tinutukoy ay ang yugto ng panahon nang sakop ng mga Judio ang Jerusalem, pagkatapos paurungin ni Cestius Gallus ang kaniyang umaatakeng mga hukbong Romano noong taóng 66 C.E.
Ang pag-urong na iyon ang dahilan kung bakit nagawa ng marami na tumakas buhat sa Jerusalem. Ang mga taong sumampalataya kay Jesus ay nagsitakas, sapagkat tiyakang sinabi niya: “Kapag nakita ninyong nakukubkob ng nagkampong mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na malapit na ang kaniyang pagkagiba. Kung gayo’y ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok, at ang mga nasa loob ng bayan ay lumabas, at ang mga nasa parang ay huwag pumasok sa bayan.” (Lucas 21:20, 21) Marahil, ang gumawa ng mga baryang ito ng “tagumpay” ay walang gaanong ideya ng pagkapuksang naghihintay sa kanila!
Noong taóng 70 C.E., ang hukbong Romano ay bumalik, sinakop ang Jerusalem, at winasak ang templo. Sang-ayon kay Josephus, sila’y namaslang nang mahigit na isang milyong katao na nagkulumpungan sa siyudad para sa pagdiriwang ng Paskuwa. Ang tagumpay na ito ay ipinagdiwang ng Romanong heneral na si Titus—at pati ang kapanganakan ng kaniyang kapatid na si Domitian—sa pamamagitan ng mga laro sa ampiteatro ng Cesarea. Doon, 2,500 mga bilanggo ang inihagis sa mga mababangis na hayop, pinagsusunog, o dili kaya’y nangamatay sila sa mga laro ng mga gladiator.
Ang susunod na kuwarto ng eksposisyon ay may estatuwa ng maraming-susong diyosa ng pag-aanak na si Artemis ng Efeso. Ito rin ang diyosa na may mga mananambang nahulog sa kaguluhan sa Efeso nang nangangaral doon si Pablo at marami ang nagtakuwil sa nakasusuklam na pagsamba sa idolo at pagkatapos ay nagsisunod kay Jesu-Kristo.—Gawa 19:23-41.
Ang pagtatanghal ng mga pira-pirasong binasag na palayok ay nagpapakita sa lawak ng unang-siglong paglalakbay na nahahayag sa Kasulatan. Sa iisa-isang sinaunang bodega, mga piraso ng binasag na palayok ang natuklasan sa lubhang layu-layung mga lugar na tulad baga ng Yugoslavia, Italya, Espanya, at marahil pa nga ng Hilagang Aprika. Sa ganiyang pagkalalayung mga paglalakbay, madaling maunawaan na ang mga bisita buhat sa malalayung lugar na sakop ng Emperyong Romano ay kaipala nasa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. Doon, marami ang nakapakinig ng mabuting balita sa kanilang sariling wika, naging mga mananampalataya, at nangabautismuhan. Marahil, ang mabuting balita ay dala nila hanggang sa pag-uwi sa kanilang sariling mga lupain sakay ng mga barkong galing sa Cesarea.—Gawa, kabanata 2.
Sa susunod na kuwarto, isang malaking puting rektanggulong plake ang sumusuporta sa mga piraso ng isang tipak na marmol noong ikatlo- o ikaapat-na-siglo. Dito orihinal na nakatala ang 24 na dibisyon o hali-halili, ng mga kapilya ng saserdote ayon sa pagkakasunud-sunod ng kanilang paglilingkod sa templo sa Jerusalem. Ang templong iyan ay nakatiwangwang sa loob ng daan-daang mga taon, subalit ang mga Judio ay nagtitiwala na ito’y malapit nang muling maitayo. Mga daan-daang taon ang nakaraan sila’y nananalangin pa rin na isauli ng Diyos ang mga dibisyon ng saserdote noong kanilang kaarawan. Subalit ang templo ay hindi na muling napatayo. Inihula ni Jesus ang pagkapuksa nito. At bago ito nawasak, si apostol Pablo, isang Judio at dating Fariseo, ay nagsabi na hinalinhan na ng Diyos ang templong iyon ng isang lalung mainam na bagay—isang lalung dakilang templo, isang espirituwal na templo, na ipinaghalimbawa, inilarawan, o kinatawan ng gawang-kamay na gusali sa Jerusalem.—Mateo 23:37–24:2; Hebreo, kabanata 8, 9.
Daan-daang taon ang lumipas at dumating at pumanaw ang mga konkistadores. Ang mga kaguhuan ng Cesarea ay sa wakas lumubog sa ilalim ng buhangin ng karagatan. Doon ang mga ito ay naghintay sa modernong mga arkeologo, na ang mga natuklasan ay tumutulong sa atin na maunawaan nang higit pa ang buhay noong sinaunang panahon at ang ilan sa mga bagay na ating nababasa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
[Talababa]
a Ito’y nakapagtanghal na sa National Museum of Natural History sa Washington, sa Natural History Museum ng Los Angeles County, at sa Museum of Natural History sa Denver, Colorado. Ang iba pang nakaiskedyul na mga lugar ay ang Science Museum of Minnesota sa Saint Paul at ang Boston Museum of Science, pati na rin ang Canadian Museum of Civilization sa Ottawa.
[Larawan sa pahina 24]
Tyche, ang diyosa sa Cesarea ng “mabuting suwerte”
[Picture Credit Lines sa pahina 23]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
Sa kagandahang-loob ng Natural History Museum ng Los Angeles County
[Picture Credit Lines sa pahina 24]
Aaron Levin
Israel Department of Antiquities and Museums; mga larawan buhat sa Israel Museum, Jerusalem
Sa kagandahang-loob ng Natural History Museum ng Los Angeles County