Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit binanggit ng Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1988, na ang Protestantismo ay nagpakarungis ng kaniyang sarili nang higit kaysa ginawa ng Romanong Katolisismo?
Ito’y sinabi dahilan sa ito’y tumatama sa hula at sa mga pangyayari. Sa aklat ng Ezekiel kabanata 23, ang makasagisag na Ohola at Oholiba ay tinutukoy na mga imoral na magkapatid na babae. Ang sampung-tribong kaharian ng Israel ay si Ohola ang kumatawan, samantalang si Oholiba naman ay kumatawan sa dalawang-tribong kaharian ng Juda. Sa pagtalakay sa simbolikong mga babaing ito, Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1988, ay nagsabi sa pahina 21:
“Sa pagtataguyod ng isang lalong makasalanang landasin kaysa landasin ng kaniyang kapatid [si Ohola, o Israel], si Oholiba (Juda) ay dumanas ng pambansang kapahamakan sa kamay ng mga Babiloniko noong 607 B.C.E. Ang kaniyang mga anak ay tinagpas ng tabak o dili kaya ay dinalang bihag, at siya’y naging isang kahihiyan sa gitna ng mga bansa. Tulad ni Ohola at ni Oholiba, ang Sangkakristiyanuhan ay nagkakasala ng espirituwal na pangangalunya, isang kasalanan laban sa Diyos na kaniyang inaangkin na kaniyang sinasamba. Ang Protestantismo, at ang kaniyang maraming denominasyon, ay nagparumi ng kaniyang sarili sa pakikilaguyo sa komersiyal at pulitikal na mga kapangyarihan ng sanlibutan nang higit pa sa kaniyang nakatatandang kapatid, ang Katolisismong Romano. Sa gayon, pangyayarihin ni Jehova na ang buong Sangkakristiyanuhan ay mapuksa.”
Pasimula sa Konsilyo ng Nicaea noong 325 C.E., pinagsama ni Emperador Constantino ang paganong kulto ng estadong Romano at ang apostatang pagka-Kristiyano at siya ang naging ulo ng bagong Iglesiya Katolika. Ang Iglesiya Katolika Romana kung gayon ay makatutunton ng kaniyang pinagmulan mula noong ikaapat na siglo ng ating Common Era. Ang Protestantismo ay nagsimula sa Repormasyon noong ika-16 siglo. Kung gayon, kung paanong si Ohola, (Israel) ay mas matanda kay Oholiba (Juda), angkop naman na tawagin ng Ang Bantayan ang Romanong Katolisismo na ang nakatatandang kapatid na babae ng Protestantismo.
Subalit, bakit nga ba masasabing “ang Protestantismo . . . ay nagparumi ng kaniyang sarili sa pakikilaguyo sa komersiyal at pulitikal na mga kapangyarihan ng sanlibutan nang higit pa sa kaniyang nakatatandang kapatid, ang Katolisismo Romano”? Sapagkat ang mga pangyayari ay kabagay ng inihula, na nagsasabi: “Nang makita ito ng kaniyang kapatid na si Oholiba, nang magkagayo’y kaniyang ginamit ang hilig ng kaniyang laman sa paraang lalong kapaha-pahamak kaysa kaniya, at ang kaniyang pagpapatutot ay higit kaysa pagpapatutot ng kaniyang kapatid.”—Ezekiel 23:11.
Bilang mga bahagi ng Babilonyang Dakila, na pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, kapuwa ang Katolisismo at ang Protestantismo ay napasangkot nang husto sa komersiyal at pulitikal na mga elemento ng sanlibutang ito. (Apocalipsis 17:1-6; 18:1-19) Totoo naman, ang isang indibiduwal na denominasyong Protestante ay maaaring walang gaanong impluwensiya kaysa makapangyarihang Iglesiya Katolika Romana. Subalit ang maraming mga Iglesiyang Protestante na pinagsama-sama ay nakahihigit sa iisang Iglesiya Katolika kung sa kapangyarihan at impluwensiya. Halimbawa, ang Protestantismo ay may malaking impluwensiya sa mga ilang prominenteng bansang industriyal, at ang ilang mga klerigong Protestante ay naghahangad na mapalagay sa matataas na tungkuling pulitikal. Kaya ito ang isang paraan na ang Protestantismo, pati na ang kaniyang maraming denominasyon, ay nagparumi ng kaniyang sarili nang higit pa kaysa Katolisismo.
Gayunman, sa isa pang paraan, “ginamit [ng Protestantismo] ang hilig ng kaniyang laman sa paraang lalong kapaha-pahamak” at siya’y higit na masusumbatan kaysa Katolisismo. Sa paano nga? Bueno, ang Repormasyon ay nagbigay sa Protestantismo ng kahit man lamang pag-asa at inaasam na lalong malaking espirituwal na kaliwanagan. Sa katunayan, may ilang mga repormista ang gumawa ng taimtim at kapansin-pansin na mga pagkilos tungkol dito. Subalit nang ang lahat ay nasabi na at nagawa na, ang gayong mga doktrinang walang batayan sa Kasulatan tulad baga ng Trinidad, pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, at maapoy na impiyerno ay nagpatuloy nang walang pagbabago sa mga Protestante. Katulad ng mga Katoliko, sila’y nagkakasala rin ng pagsamba sa nilikha at pagbibigay-daan sa mga sali’t-saling sabi ng mga tao kahalili ng katotohanan sa Bibliya.—Mateo 15:1-9; 23:9, 10.
Kawili-wiling banggitin sa bagay na ito yaong sinabi sa Vindication, Book One, noong matagal nang lumipas na taóng 1931. Sa pahina 309, ang lathalaing ito ng Watch Tower, (wala na ngayon) ay nagsabi tungkol sa Ezekiel 23:11-13: “Ang ‘organisadong relihiyon’ na Protestante ay nakasaksi kung paanong dinungisan ng Romanong Katolisismo ang kaniyang sarili sa pakikilaguyo sa mga kapangyarihang komersiyal at pulitikal ng sanlibutang ito, at marami ang kaniyang nasabi laban sa mga Katoliko sa kadahilanang iyan; subalit pagkatapos ay ganoon din ang ginawa ng Protestantismo, at lalo pang malubha. . . . Kapuwa sila lumakad sa iisang daan, ngunit ang Protestantismo ay higit na naliwanagan kaysa Romanismo, at samakatuwid ay higit na masusumbatan.”
[Larawan sa pahina 30]
Pinagsama ni Constantino ang apostatang Kristiyanismo at ang paganong kulto ng estadong Romano, sa gayo’y siya ang naging pinuno ng bagong Simbahang Katoliko
[Credit Line]
The Metropolitan Museum of Art, Bequest of Mrs. F. F. Thompson, 1926 (26.229)