Isang Resolusyon
Ang dami ng dumalo sa “Banal na Katarungan” na mga Kombensiyon ay tiyak na hihigit pa sa dami noong nauunang taon, nang 6,443,597 ang nagtipon sa 1,098 na mga lugar sa buong daigdig, at 93,822 ang nabautismuhan. Ang pahayag, “Ang Walang Kasinsamang ‘Patutot’” na ipinahayag sa lahat ng “Banal na Katarungan” na mga Kombensiyon, ay sinundan ng paglalabas ng aklat, sa mahigit na 20 wika, ng may magagandang larawang 320-pahinang pinabalatang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! Ang tagapagpahayag ay nagsabi sa kanyang mga tagapakinig: “Gamitin ninyo ang bagong aklat na ito nang buong inam sa inyong personal at pangkongregasyong mga pag-aaral. Gamitin din, ninyo ito, sa pagbabalita sa daigdig na ang Babilonyang Dakila ay nakatalaga na sa pagkapuksa, na ang mga bansa ngayon ay nakaharap sa Armagedon, at na ang dakilang kasukdulan ay sasapit sa maningning na pamamahala ng Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo at ng kaniyang nobya. Kayo’y magagalak na inyong marinig at masaksihan ang mga bagay na ito, ‘sapagkat ang itinakdang panahon ay malapit na’!”—Apocalipsis 1:3.
Kami, na sapol noong 1914 ay nabubuhay sa “araw ng Panginoon” at sa panahong ito ng banal na paghuhukom, ay nagagalak sa pinakadakila sa lahat na mga pribilehiyo, ang paglilingkod sa Soberanong Panginoong Jehova sa ilalim ng kaniyang Hari ng mga hari, si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 1:10) Bilang mga SAKSI NI JEHOVA, kami’y nagpapatotoo na:
(1) AMING KINAPOPOOTAN ang pag-upasala na ginagawa ng Babilonyang Dakila, at lalo na ng Sangkakristiyanuhan, sa pangalan ng tanging tunay at buháy na Diyos, si Jehova. Sa ganang amin, AMING PINATUTUNAYAN nang buong puso, sa mga salita ng Apocalipsis 4:11 na: “Karapatdapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan.”
(2) AMING KINAPOPOOTAN ang mahigpit na pagsunod ng Sangkakristiyanuhan sa maka-Babilonyang mga turo, lalung-lalo na yaong tungkol sa isang tatlong diyos sa iisa, sa pagkawalang kamatayan ng kaluluwang tao, sa walang hanggang pagpapahirap ng kaluluwa sa impiyerno, sa isang maapoy na purgatoryo, at sa pagsamba sa mga imahen—tulad halimbawa ng larawan ng Madona at ng Krus. Kasuwato ng Apocalipsis 22:18, 19, KAMI’Y MAHIGPIT NA SUMUSUNOD sa nasusulat na Salita ng Diyos at sa lahat ng nakasulat dito.
(3) AMING KINAPOPOOTAN ang laban-sa-Diyos na mga pilosopya at mga gawain, na lubhang karaniwan sa Sangkakristiyanuhan, tulad baga ng ebolusyon, pagsasalin ng dugo, pagpapalaglag, pagsisinungaling, kasakiman, at pandaraya. Sa aming pagsamba at pamumuhay, AMING PARARANGALAN ang aming Maylikha, si Jehovang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, na ang mga paraan ay tinutukoy sa Apocalipsis 15:3 bilang “matuwid at tunay.”
(4) AMING KINAPOPOOTAN ang hindi pakikinig ng Sangkakristiyanuhan sa mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon sa Apocalipsis kabanata 2 at 3 sa mga bagay na gaya baga ng sektaryanismo, idolatriya, pakikiapid, impluwensiya ni Jezebel, pagkamalahininga, at hindi pagiging mapagbantay. Sa ganang amin, KAMI’Y MAKIKINIG AT SUSUNOD sa “sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.”
(5) AMING KINAPOPOOTAN ang imoralidad at pagkamaluwag sa disiplina sa Sangkakristiyanuhan at sa gitna ng klero, at aming malugod na tinatanggap ang malinaw na kahatulan ni Jehova na nasasaad sa Apocalipsis 21:8 na yaong mga nagpapatuloy sa kanilang kahalayan—mga mapakiapid, sinungaling, at mga katulad niyan—ay lubusang pupuksain. AMING BUONG PUSONG TINATANGKILIK ang mga pamantayan ng Bibliya sa sekso, pag-aasawa, at buhay pampamilya.
(6) AMING KINAPOPOOTAN ang siglu-siglo nang espirituwal na pagpapatutot ng klero ng Babilonyang Dakila sa pakikipagsabuwatan sa makasanlibutang mga pinuno upang magkamit ng kapangyarihan, kayamanan, at mapaniil na panunupil sa mga karaniwang mamamayan. KAMI’Y NAGPASIYA na tulungan ang mga taong tapat-puso na sumunod sa panawagan ng anghel sa Apocalipsis 18:4: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko.”
(7) AMING KINAPOPOOTAN ang lansakang pagkakasala sa dugo na ang resulta’y mahigit na 100 milyong buhay ang isinakripisyo sa digmaan kahit na lamang sa siglong ito, na maisisisi sa pakikiapid ng dakilang patutot sa makapulitikang maykapangyarihan. KAMI’Y NAGAGALAK na ang itinakdang panahon ay malapit na para isagawa ng Diyos ang inihatol na pagpaparusa sa Babilonyang Dakila, gaya ng malinaw na sinasabi sa Apocalipsis 18:21-24.
Bilang mga Saksi ni Jehova, AMING ITINUTURING NA ISANG KAGALAKAN AT ISANG PRIBILEHIYO na ibalita sa daigdig na noong 1914 “ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon [si Jehova] at ng kaniyang Kristo.” (Apocalipsis 11:15) KAMI’Y NAGPASIYA na sumulong nang walang takot sa pagbabalita sa ipinahayag ni Jehova na mga kahatulan sa Babilonyang Dakila at sa pagbibigay-babala tungkol sa lubhang pagkamalapit na ng digmaan ng Diyos na Armagedon. KAMI AY DETERMINADO na iparinig, sa malakas na tinig at “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan,” ang alingawngaw ng masayang balita na “isang bagong langit at isang bagong lupa” ang malapit na ukol sa pagpapala sa masunuring sangkatauhan. (Apocalipsis 14:6; 21:1) KAMI’Y NAGAGALAK na bilang resulta ng proklamasyong ito, isang malaking pulutong na mahigit na tatlong milyon buhat sa lahat ng bansa ang ngayo’y kaisa namin sa buong globo. Kaisa ng anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, lahat kami ay nagpapahayag: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom, at sumamba nga kayo sa Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”—Apocalipsis 14:7.
[Mga Tanong]
1. Ano ang ikinagagalak ngayon ng mga Saksi ni Jehova?
2. Sa bawat isa sa pitong punto ng Resolusyon, sabihin (a) kung ano ang kinapopootan ng mga Saksi ni Jehova at (b) kung ano ang positibong paninindigan ng mga Saksi.
3. (a) Ano ba ang kagalakan at pribilehiyo ng mga Saksi ni Jehova? (b) Ano ang pasiya ng mga Saksi? (c) Ano pa ang determinado tayong gawin? (d) Sa anong kagalakan at pagpapahayag nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova?