Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Bagong Alok
1 Ang mga taimtim na estudiyante ng Bibliya sa nagdaang mga siglo ay nagnais na maunawaan ang aklat ng Apocalipsis. Mula noong 1917, ang Samahan ay naglathala ng ilang mga aklat upang tulungan ang mga taong may takot sa Diyos na maunawaan ang aklat na ito ng Bibliya. Ang Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito! ay naglalaan ng napakalinaw at kompletong paliwanag ng kinasihang aklat ng Apocalipsis ng Bibliya.
2 Taglay ang malaking kagalakan at pagpapahalaga ay ating tinanggap ang bagong aklat na Kasukdulan ng Apocalipsis sa “Banal na Katarungang” Pandistritong Kombensiyon. Binabasa ba ninyo ang inyong kopya? Sa buwan ng Hunyo, may pagkakataon tayong iharap ang bagong aklat na ito sa lahat ng ating matatagpuan.
ANG MGA TAGLAY NA BAHAGI NITO AY PINAHALAGAHAN
3 Ang Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito! ay pantanging pinahahalagahan dahilan sa nagbibigay ito ng bersikulo-por-bersikulong pagtalakay sa buong aklat ng Apocalipsis. Ito’y napatunayang napakahalaga para sa personal na pag-aaral at sa pagtuturo sa iba.
4 Walang alinlangang nakuha ng aklat na ito ang inyong atensiyon sa nakatatawag-pansing mga ilustrasyon nito. Ang mga ito ay isang malaking tulong sa paglalarawan ng mga sagisag ng binanggit ni Juan. Gamitin ang mga ilustrasyong ito nang mabisa kapag inihaharap ang aklat sa paglilingkod sa larangan.
ANO ANG INYONG SASABIHIN?
5 Pagkatapos ipakilala ang inyong sarili, maaari ninyong sabihin: “Marami ang nagnanais na maunawaan ang aklat ng Apocalipsis. Mahalaga ang kahihinatnan ng ‘oras ng paghatol’ na binabanggit sa Apocalipsis 14:7. [Basahin.] Lubha kayong magugulat na malaman kung sino ang tatanggap ng kahatulan ng Diyos. [Basahin ang Apocalipsis 18:2a, 4.] Narinig na ba ninyo ang pananalitang ‘Babilonyang Dakila’? [Hayaang sumagot at pagkatapos ay ipakita ang aklat na Kasukdulan ng Apocalipsis.] Ang impormasyong inihaharap sa mga kabanata 33-38 ay nagpapakilala sa Babilonyang Dakila at nagsasabi sa nalalapit na pagkapuksa nito. Ang nagpapangyari sa aklat na ito na maging kapanapanabik at nakatutulong ay ang pagbibigay nito ng maliwanag na komento sa bawa’t bersikulo ng aklat ng Apocalipsis ng Bibliya. Ang impormasyong ito ay isang malaking tulong sa inyo at sa inyong mga minamahal na kumuha ng hakbangin upang tamuhin ang pagsang-ayon ng Diyos, anupa’t maiwasan ang kasasapitan ng Babilonyang Dakila. Hinihimok ko kayong magkaroon ng isang kopya ng aklat na ito sa ₱42.00 lamang.
6 Upang gawing maikli ang presentasyon, maaaring naisin ng ilan na basahin ang Apocalipsis 18:4 at pagkatapos ay bumaling sa larawan sa pahina 241, na nagsasabing ang aklat ay nagpapaliwanag kung ano ang inilalarawan ng Babilonyang Dakila, kung ano ang inilalarawan ng mabangis na hayop, at kung bakit mahalaga para sa atin na pakinggan ang babala ng Diyos hinggil sa kanila.
7 Ating iniibig si Jehova at ating iniibig ang ating kapuwa. Ito ang nagpapakilos sa atin na ipahayag ang mensahe ng kahatulan ng Diyos. Bagaman ang Babilonyang Dakila ay kailangan pang higit na malantad, ang tapat-pusong mga tao ay dapat na mabigyan ng pagkakataon na ‘lumabas mula sa kaniya’ at manindigang matatag sa katotohanan. Sa bagay na ito ay maitataas natin ang ating tinig nang may pagkakaisa, na nagsasabing “Halika!” sa mga nangauuhaw sa “tubig ng buhay.”—Apoc. 22:17.