Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
1 “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nakasulat dito; sapagkat ang takdang panahon ay malapit na.” (Apoc. 1:3) Itinatampok ng mga salitang ito ang kahalagahan ng aklat ng Apocalipsis, lalo na yamang nabubuhay na tayo sa itinakdang panahon kung kailan natutupad ang marami sa mga hula nito. Angkop lamang na pag-aralan natin ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat simula sa linggo ng Enero 8, 2007.
2 Mula nang talakayin natin ang Apocalipsis Kasukdulan Nito sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, nagbago na ang tanawin ng sanlibutan sa maraming paraan. (1 Cor. 7:31) Bukod dito, marami sa mga nagsimulang makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ang hindi pa nagkaroon ng pagkakataong makasama sa talata-por-talatang pagtalakay ng aklat ng Apocalipsis. Ang pag-aaral ng aklat na Apocalipsis Kasukdulan Nito ay tutulong sa ating lahat na manatiling gising sa mga bagay na mangyayari.—Apoc. 16:15.
3 Gawin mong tunguhin na makadalo linggu-linggo. Hindi lamang tayo tutulungan ng materyal na ito na manatiling mapagbantay kundi tutulong din ang mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon upang maiwasan natin ang mga situwasyon at kalagayang makasasamâ sa ating espirituwalidad at sa pakikibahagi sa ministeryo.—Apoc. 1:11, 19.
4 Maghandang Mabuti: Bago ang pag-aaral sa aklat, basahin muna ang susuriing mga talata sa aklat ng Apocalipsis. Pansinin ang mga pangangatuwiran sa Kasulatan na nagpapaliwanag sa mga talata. Sikaping magkaroon ng kaunawaan na tatagos sa puso. (Neh. 8:8, 12) Maglaan ng panahon para magbulay-bulay at itanong sa iyong sarili: ‘Ano ang sinasabi nito sa akin tungkol kay Jehova at sa katuparan ng kaniyang layunin? Paano ako kikilos kasuwato ng kaniyang layunin at makatutulong sa iba?’
5 Siyamnapu’t dalawang taon na ang lumipas mula nang magsimula ang “araw ng Panginoon” noong 1914. (Apoc. 1:10) Malapit na ang mga pangyayaring yayanig sa lupa na inihula sa aklat ng Apocalipsis. Ang pag-aaral sa aklat na Apocalipsis Kasukdulan Nito ay magpapaginhawa sa ating puso at isip at magpapatibay ng ating pananampalataya na malapit na ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” at ang bagong sanlibutan.—Apoc. 16:14; 21:4, 5.