Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 7/15 p. 30
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Loterya—Sino ang Nagwawagi?
    Gumising!—1986
  • Mga Loterya—Bakit Napakapopular?
    Gumising!—1991
  • Mga Loterya—Sino ang Nananalo? Sino ang Natatalo?
    Gumising!—1991
  • Pagkahibang sa Loterya—Ang Sugal ng Daigdig
    Gumising!—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 7/15 p. 30

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

◼ Angkop ba para sa isang Kristiyano ang bumili ng mga tiket sa loterya upang magsilbing libangan lamang kung ang mga kita nito ay tumutungo sa kawanggawa?

Tunay na ang Bibliya’y hindi nagbabawal ng nababagay na libangan, sapagkat si Jehova “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Ang kaniyang bayan ay makapaglilibang sa musika, sa mahinhing sayaw, katamtamang pagkain o pag-inom, at balanseng palakasan at laro. (Awit 150:4; Eclesiastes 2:24) Subalit, ang pagsusugal ay maliwanag na labag sa matalinong payo ng Diyos, at ito’y totoo tungkol sa pagsali sa mga loterya.

Ano nga ba ang loterya? Ito ay ang pagbili ng mga tiket upang baka-sakali’y manalo ng mga premyo. Nalalaman ang mga nanalo sa pamamagitan ng palabunutan o ibang paraan ng pagpili ng isang numero.a Kadalasan ay may isang malaking premyo, baka umaabot sa angaw-angaw na dolyar, piso, o pound. Ganiyan na lang ang pang-aakit ng gayong napakalaking premyo na anupa’t ang mga loterya ang naging “pinakamalaganap na uri ng pagsusugal.” (The World Book Encyclopedia) Daan-daang milyong tao ang nagsusugal sa pamamagitan ng loterya.

May mga taong nangangatuwirang ang pagsali sa loterya ay hindi mali o masama sapagkat ang halaga ng isang tiket (pagbabaka-sakali) ay maliit lamang, sapagkat yaong mga sumasali rito ay gumagawa niyaon na kusa, at dahil sa ang iba sa mga kita nito ay marahil ginagamit sa pagkakawanggawa, tulad baga ng pagtulong sa mga dukha. Ang gayon bang pangangatuwiran ay matuwid?

Samantalang sinasabi ng iba na ang pagbili ng tiket sa loterya ay isang libangang simple, na kaunti lamang ang gastos, gayunma’y hindi maikakaila ang kasakimang nasa likod nito. Ang mga tao’y bumibili ng mga tiket sa loterya sa pag-asang manalo ng isang tambak na salapi. Ito’y tunay na labag sa kinasihang payo laban sa kasakiman, na maaaring maging isang malubhang bisyo na hahadlang sa isang tao sa ‘pagmamana ng Kaharian ng Diyos.’ Samakatuwid, kung ang isang Kristiyano ay patuloy na magsusugal, iyon ay tanda ng kasakiman at siya’y maaaring maitiwalag sa kongregasyon. (1 Corinto 5:11; 6:10) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang mana ay matatamong madali sa pamamagitan ng kasakiman sa pasimula, ngunit ang wakas niyaon ay hindi pagpapalain.” (Kawikaan 20:21) Kung sakaling ang isang Kristiyano’y mahikayat na ‘magbaka-sakali’ sa isang loterya, dapat isipin niya nang dibdiban ang tungkol sa kasakiman na kinasasaligan ng loterya. Ang Efeso 5:3 ay nagsasabi na ‘ang kasakiman ay huwag man lamang mababanggit sa gitna natin,’ di lalo pa nga ang ito’y bigyang-daan ng isang Kristiyano.

Ang pinakamalaking bahagi ng mga manunugal sa loterya ay karaniwan nang matatagpuan sa mga sambayanan ng mga dukha. Samakatuwid kahit na kung ang halaga ng isang tiket ay maliit lamang, ang salaping dapat mapatungo sa mga tunay na pangangailangan ng pamilya ay doon napapauwi​—imbis na sa karagdagang pagkain, sapat na pananamit, at gastos sa kailangang pagpapagamot. Ang isang taong nag-aangking siya’y isang Kristiyano ngunit nagpapabaya sa gayong mga pangangailangan ng pamilya “ay masama pa kaysa isang taong walang pananampalataya.”​—1 Timoteo 5:8.

Kahit na kung ang halaga ng isang tiket sa loterya ay hindi naman lubhang makaaapekto sa gastusin ng isa o ng kaniyang pamilya, hindi ibig sabihin na hindi napipinsala ang iba. Bakit? Sapagkat halos ang sinuman na bumibili ng tiket sa loterya ay ibig na manalo. Saan manggagaling ang salaping pananalunan niya? Kung ang kaniyang tiket ay nagkakahalaga ng sampung piso at ang premyo ay isang milyong piso, nangangahulugan iyan na ang salaping premyo ng tiket na iyon ay galing sa isandaang libong iba pang mga tao. Iyan ba ay kasuwato ng payo ng Diyos laban sa masakim na paghahangad ng mga pag-aari ng iba? (Deuteronomio 5:21) Sa katunayan, ang premyong salapi na ibibigay sa kaniya ay kukunin sa marami pang mga tao, sa higit pa sa isandaang libong mga tiket na kailangang maibenta. Ang isang bahagi ng salaping pagbibilhan ng mga tiket ay gugugulin sa pamamanihala ng loterya, at sa kawanggawa na inihihihip ng pakakak bilang ang nagtataguyod na dahilan ng loterya. Kaya’t kahit na kung ang isang tao’y magaan na makapagbabayad ng sampung piso para sa kaniyang sariling tiket, kumusta naman ang lubhang karamihan ng mga iba pa? Isa pa, ang kaniyang pananalo ay marahil ilalathala sa mga pahayagan, na mag-uudyok sa marami na tumaya sa loterya o bumili ng lalong maraming tiket kahit na kung hindi nila kayang bilhin iyon.

Hindi rin maikakaila na kaugnay ng loterya ang pangarap na manalo ng salapi nang hindi pinagpapaguran iyon. Oo, ang loterya ay kunsintidor sa katamaran o nagtutulak sa isa sa katamaran. Subalit, ang Bibliya ay nagpapayo sa bayan ng Diyos na sila’y maging matipid, masipag, at magpagal. Imbis na magkaroon ng espiritung ‘magkamit ng isang bagay na hindi pinagpaguran,’ ito’y nagpapayo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakanin.”​—2 Tesalonica 3:10; Kawikaan 13:4; 20:4; 21:25; 1 Tesalonica 4:9-12.

Hindi komo kusang tumataya ang iba sa loterya at legal ang gayon ay sapat na dahilan iyon upang sumali rin ang mga Kristiyano. May mga gobyernong pumapayag na maging legal ang mga ibang anyo ng pagsusugal, gayundin ang prostitusyon at poligamya. Bagaman ang gayong mga bagay ay pinahihintulutan ng batas at maraming tao ang kusang nakikialam sa mga iyan, ito’y hindi nangangahulugan na ang ganiyang mga aktibidades ay matuwid sa paningin ng Diyos. Bagkus, ang mga Kristiyano ay nagsisikap na magpakita ng saloobin ni David: “Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako sapagkat ikaw ay Diyos ng aking kaligtasan.”​—Awit 25:4, 5.

Kung tunay ang paghahangad ng isang Kristiyano na matulungan ang mga dukha, ang mga may-kapansanan, o ang matatanda na, kaniyang magagawa iyan nang tuwiran o sa paraan na walang kasangkot na pagsusugal.

[Talababa]

a Bagaman malaganap na nakikilala bilang isang loterya, ang ganitong uri ng pagsusugal ay maaaring tawagin ding isang pool, sweepstakes, raffle, o ibang lokal na pangalan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share