Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
“Ang Katotohana’y Magpapalaya sa Inyo”—At Magdadala ng Kaligayahan
SA BRITANYA, ang katotohanan ng Bibliya ang nagpalaya sa mahigit na 113,000 katao, at parami nang parami ang yumayakap sa katotohanan araw-araw. Tunay na ang mga salita ni Jesus ay natutupad: “Inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Ang kalayaan ay nagbubunga ng kaligayahan, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan mula sa Britanya.
◻ Samantalang si Penny ay nagbabahay-bahay, ayon sa paglalahad ng tanggapang sangay, isang may edad na babae ang nagsabi sa kaniya nang biglaan, “Ako’y maraming ginagawa.” Sinabi ni Penny na siya’y dadalaw muli. Mga ilang araw ang nakaraan, sa panahon na hindi siya karaniwang dumadalaw, siya’y pumupunta sa mga tahanang kaniyang napuntahan na ngunit walang tao at sa di-sinasadya’y nakalapit siya sa tahanan ding iyon. Ang may edad nang babae ang nagbukas ng pinto at inanyayahan niyang pumasok si Penny. “Alam kong ikaw ay babalik,” aniya, “at hinihintay-hintay kita.” Kanilang pinag-usapan ang pag-asa sa Kaharian, at sinabi ng babae na siya’y umaasang iyon ay magkakatotoo. Siya’y 79-anyos, at ang kaniyang asawa’y namatay tatlong taon na ang nakalipas. Siya’y hindi nabigyang-aliw ng kaniyang relihiyon at wala na siyang makitang dahilan upang mabuhay pa. Ibig niyang mamatay na. Nang maglaon pagkatapos na makapagsimula si Penny ng isang pakikipag-aral sa kaniya ng Bibliya, sinabi niya kay Penny na noon ay nagbabalak siyang magpatiwakal bagaman alam niya na iyon ay mali. Siya’y nanalangin sa Diyos na bigyan sana siya ng kaaliwan at tulungan siyang muling manariwa ang kaniyang pag-asa. Unti-unti, sa kaniyang pag-aaral, ang kawalang-pag-asa ay hinalinhan ng pag-asa, taglay ang matinding paniniwala at pasasalamat kay Jehova. Kaniyang pinutol ang kaniyang habambuhay na koneksiyon sa kaniyang relihiyon, siya’y nabautismuhan sa edad na 80-anyos, at ngayon ay isang masigasig na pamalagiang mamamahayag. Oo, ang katotohanan ng Salita ng Diyos ang nagpalaya sa kaniya at nagdulot sa kaniya ng malaking kaligayahan.
◻ Ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos ay nagdadala ng kalayaan buhat sa pagkaalipin sa huwad na relihiyon. Ito’y nakapagpapabago rin ng pagkatao ng isa, at ang pagbabagong ito ay kadalasan siyang nakaaakit sa iba at tumutulong sa kanila na makita ang katotohanan, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan.
Isang kabataang babae ang tumuktok sa pinto ng tahanan ng isang Saksi at humiling na siya’y aralan ng Bibliya. Ano’t nagkagayon? Ang mga magulang ng babae ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at ang naging epekto niyaon sa kaniyang mga magulang—lalo na sa kaniyang ama—ay totoong biglaan at kahanga-hanga na anupa’t tunay na namangha ang anak na babae. Ang kaniyang ama, na nakauubos ng 80 sigarilyo isang araw, ay lubusan nang nag-alis ng paninigarilyo nang ipaliwanag sa kaniya na hindi sinasang-ayunan iyon ni Jehova. Halos agad-agad pagkatapos ay kaniyang ibinalik sa kaniyang amo ang isang buong kantidad na mga kalakal na kaniyang ninakaw sa kanila sa loob ng isang yugto ng panahon. Ang anak na babae ay may paniwala na anumang makaaapekto sa kaniyang mga magulang sa ganoong paraan ay tiyak na kailangang siyasatin. Ngayon ang mga magulang ay bautismado na, at ang anak na babaing iyon ay dumadalo na sa lahat ng pulong.
Ang katotohanan na ibinalita ni Jesus ay nagdala ng kaligayahan sa mga taong binanggit na at sa marami pang iba. Ito’y makagagawa ng ganoon din para sa sinuman na tumatanggap sa katotohanan ng Bibliya at ikinakapit iyon sa kanilang buhay.—Awit 19:7, 8.