Ano ang Pagkakilala Mo sa Sampung Utos?
IBA’T IBA ang pagkakilala ng mga tao sa Sampung Utos na nasa Bibliya. Sinasabi ng mga Seventh-Day Adventist na ang Sampung Utos ay kailangang sundin ng lahat ng tao. Ang mga ito, sang-ayon sa paniwala ng mga Lutherano, ang “pinakamagaling na kalipunan ng mga alituntunin na naibigay kailanman upang mapagbatayan ng isang tao ng kaayusang susundin sa kaniyang buhay.” “Kung tama ang pagkaunawa,” ang paliwanag ng isang kinatawang tagapagsalita ng mga Katoliko, “ang Sampung Utos ay batayan pa rin ng pamumuhay-Kristiyano.”
Samakatuwid, samantalang naniniwala ang mga ilang grupong relihiyoso na dapat tayong sumunod sa Sampung Utos nang letra-por-letra, ang turing naman ng iba ay isa lamang giya ito para sa mahusay na paggawi. Oo, sang-ayon sa Encyclopædia of Religion and Ethics, “marahil ay walang dokumento ng tao na nakagawa ng lalong malaking impluwensiya sa relihiyoso at moral na pamumuhay kaysa Dekalogo [Sampung Utos].” Bakit nga ba ganito? Isaalang-alang muna ang sinasabi ng mga ito. Ang mga ito ay maikli, malawak, at mapuwersa. Subalit papaano mo mamalasin ang Sampung Utos? Ano ba ang kahulugan nito sa iyo?
[Kahon sa pahina 3]
ANG SAMPUNG UTOS
1. Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko.
2. Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng ano mang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka mang maglingkod sa kanila . . .
3. Huwag mong babanggitin ang pangalan ni Jehovang iyong Diyos sa walang kabuluhan . . .
4. Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang iyong ariing banal, anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain. . . . Huwag kang gagawa ng anumang gawain, ikaw ni ang iyong anak na lalaki at babae, ni ang iyong aliping lalaki ni babae ni ang iyong baka ni ang iyong tagaibang lupain na nasa loob ng iyong mga pintuang daan . . .
5. Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina . . .
6. Huwag kang papatay.
7. Huwag kang mangangalunya.
8. Huwag kang magnanakaw.
9. Huwag kang magpapatotoo nang walang katotohanan laban sa iyong kapuwa.
10. Huwag mong nanaising mapasaiyo ang bahay ng iyong kapuwa. Huwag mong nanaising mapasaiyo ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalaki ni ang kaniyang aliping babae ni ang kaniyang baka ni ang kaniyang asno ni anumang pag-aari ng iyong kapuwa.—Exodo 20:3-17.