Inakyat Ko ang Pinakamainam na Bundok sa Lahat
AKO’Y isinilang at lumaki sa isang munting bayan sa kabundukan ng Silanganing Europa. Ang aking mga magulang ay mga Romano Katoliko, ngunit hindi nila ako pinagsimba, at sa tahanan kami ay hindi nagdarasal na sama-sama o nag-uusap-usap man tungkol sa relihiyon. Kaya, tulad ng maraming mga kabataan, ang aking panahon at lakas ay ginugol ko sa isports, edukasyon, at paglalakbay.
Sa aming bayan, may isang totoong aktibong grupo ng mga mang-aakyat-bundok na pinangungunahan ng isang may kabaitang lalaking mayroon nang mga karanasan at malaki ang alam tungkol sa mga bundok. Salamat sa kaniya, ako’y naging lubhang dalubhasa sa pag-akyat sa bundok. Noon ako ay 18 taóng gulang, at dagling nabighani ako ng kayganda-gandang mga tanawin buhat sa matataas na kabundukan, ng katuwaan ng pagkaranas ng mga kalagayan ng panganib at ng pagkaligtas sa mga iyon, at ng pakikipagkaibigan sa mga iba na napapaharap din sa gayong mga panganib.
Nagugunita ko pa ang isang pangyayari pagkatapos ng limang taon na pagsama-sama ko sa grupo. Ako’y paakyat sa isang bundok na madali namang akyatin, at medyo nagpabaya ako ng mga sandaling halos marating ko na ang taluktok. Samantalang palapit ako sa taluktok ng isang batuhan, iyon ay nagsimulang parang maglalaglagan. Wala akong nagawa kundi lumundag na patabi at sumigaw ako upang abisuhan ang aking kasamahan sa pag-akyat. Isang nahuhulog na malaking bato ang pumutol sa lubid na nagtatali sa aming dalawa, at ako’y nahulog. Mabuti naman, nakahadlang sa aking tuluyang pagkahulog ang isang munting damuhang talampas 4 na metro lamang sa gawing ibaba. Gayunman, ang mga bagay-bagay ay hindi lumalabas na laging mabuti sa ganitong isport!
Sa edad na 24 anyos, ako’y nagtapos sa unibersidad at nagsilbing lider ng munting grupo ng mga mang-aakyat-bundok sa aking sariling bayan. Pagkaraan ng kaunting panahon, kami’y nakatipon ng kaunting pera upang bumili ng isang minibus upang kami kasama na ang aming mga kagamitan ay makapunta sa lalong malalayong bundok. Ngunit ang sasakyan ay nasa masamang kondisyon, at ako’y gumugol ng tatlong buwan, araw at gabi, sa pag-aareglo niyaon. Nang iyon ay maareglo na, lahat kami ay nagmasid-masid sa palibot sa paghahanap ng mapanganib na mga trabaho na malaki ang kita, tulad baga ng matataas na trabaho sa konstruksiyon, at sa ganitong paraan kami nang bandang huli ay nakatipon ng sapat na salapi upang makaparoon sa Iran. Doon, noong 1974, kami ay umakyat sa isang 5,800-metro-ang-taas na bulkang ang pangalan ay Damavand. Bagaman ang pag-akyat ay nagsimula ng maaga, nang patungo sa itaas ay pinagtiisan namin ang makapal na niyebe, kami’y kinakapos ng paghinga dahilan sa kataasan, at nakalalasong mga usok na nanggagaling sa bulkan.
Sa pag-uwi sakay ng minibus, ipinlano namin na akyatin ang Bundok Ararat ngunit hindi namin itinuloy dahilan sa mga kaguluhang pulitikal doon. Noong 1975 kami’y nag-skiing sa Austrian Alps, at kasabay din nito, kami’y nagtatag ng isang pambansang kompetisyon sa potograpiya na nginanlan namin na “Mga Tao at mga Bundok.” Ang timpalak na ito ay ginaganap pa rin taun-taon. Lahat kami ay may nadamang ang aming mga buhay ay ganap na at kasiya-siya.
Nagsawa
Gayunman, nang ako’y malapit nang sumapit sa edad 30 taon, nagsimula ang aking pagkabagot sa pag-akyat sa bundok at naitanong ko sa aking sarili: ‘Talaga bang ganito na lamang ang buhay?’ May nagsabi sa akin na ako’y mag-asawa, subalit mayroon akong mga kaibigan na may-asawa, at ang pakiwari ko’y hindi naman sila totoong maligaya. Kahit na ang mga mag-asawang ang relasyon ay nabuo sa gitna ng panganib at ng katuwaan na kasama ng pag-akyat sa bundok ay waring nawawalan ng kanilang kaligayahan sa tunay na mga pangyayari ng araw-araw na pamumuhay. Hindi ko batid kung bakit ang kanilang pag-aasawa ay hindi maligaya, subalit bagaman ibig kong ako’y magkaasawa na rin, hindi ko ibig na mapatulad sa kanila na di-maliligaya.
Isa pa, napansin ko ang pagbabago sa mga kabataan na namundok. Noong una, sa tuwina’y may espiritu ng disiplina, pagtutulungan, at pagkakaibigan sa mga kampo para sa pag-akyat sa kabundukang Alpino. Ngayon, ang mga kabataang lalaking walang karanasan ay walang disiplina at hindi kuntentong unti-unting makaprogreso. Ibig nilang magpasikat at gumawa ng mga pag-akyat na totoong napakahirap at mapanganib para sa kanila. Palibhasa’y nakaramdam ako ng patuloy na pagsasawa, nakipagdiskusyon ako nang mahabaan at matindihan sa aking kaibigang si Bonjo. Sa wakas ay iminungkahi niya na kausapin ko ang isang kasamahan naming mamumundok, si Henry.
Ako’y pinahiram ni Henry ng isang aklat, Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, at nang mabasa ko iyon, nagtaka ako nang makita ko kung papaano tinatalakay doon ang mga tanong na malaon nang pinag-iisipan ko sa aking puso. Ang katunayan pala si Henry ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, kaya itinanong ko kung puwede akong sumali rin. Siya’y pumayag naman, at may dalawang taon na ako’y masinsinang nag-aral ng Bibliya at ng mga literatura sa Bibliya na nakuha ko.
Pag-aaral sa Bibliya
Habang lumalawak ang aking kaalaman, lalo namang lumalaki ang aking kagalakan. Pang-ibabaw lamang ang nalalaman ko tungkol sa relihiyong Romano Katoliko, pero namangha ako nang makita kong ang pagka-Kristiyano na tinutukoy ng Bibliya ay hindi nakasalalay sa mga seremonya, tradisyon, at mga emosyon na walang katuwiran. Bagkus, kasangkot dito ang matataas na mga simulaing moral na may epekto sa bawat pitak ng buhay-Kristiyano. Nanggilalas ako nang makita ko na lubhang makatuwiran ang Bibliya at hindi salungat sa mga teoryang siyentipiko na napatunayan nang totoo.
Ang Saksi na nanguna sa pakikipagtalakayan kay Henry at sa akin ay hindi naman namilit na baguhin namin ang aming mga opinyon at ang aming paraan ng buhay. Wala siyang ginawa kundi ipaliwanag nang malinaw ang sinasabi ng Bibliya. Kaya naman, patuloy rin ako ng pag-akyat sa bundok nitong huling dalawang taon ng aking pakikipag-aral. Subalit habang lumalawak ang aking kaalaman, natalos ko na para sa akin ang pag-akyat sa bundok ay mistulang pagkasugapa. Ang aksidente may kaugnayan sa nahuhulog na batuhan ay nagpagunita rin sa akin sa mga salita ni Jesus kay Satanas nang hamunin siya ni Satanas na magpatihulog buhat sa taluktok ng templo: “Huwag mong ilalagay sa pagsubok si Jehovang iyong Diyos.” (Mateo 4:5-7) Natanto ko na ang gawaing ito’y pagpapakita ng kawalang-galang sa buhay na ibinigay sa akin ni Jehova.
Sa gayon ang pananagutan para sa aming grupo ng mga mang-aakyat-bundok ay inilipat ko sa ibang may karanasang mang-aakyat at nakita kong hindi naman mahirap na lumipat mula sa pag-akyat sa bundok tungo sa pagka-Kristiyano. Samantalang ipinamimigay ko o ipinagbibili ang lahat ng aking gamit—ski, pang-akyat na mga bakal, carabiner, martilyo, nakakawit na mga pako, at palakol sa yelo—may kataimtimang masasabi ko, sa pananalita ni apostol Pablo, na sa akin ang mga ito ngayon ay “isang tambak na basura.” (Filipos 3:8) Nadama ko ang matinding kasiyahan sa aking pakikibahagi sa dakilang gawaing pagpuri sa pangalan ng Diyos sa madla. Noong 1977 kami ni Henry ay kapuwa nagpabautismo sa tubig bilang sagisag ng aming pag-aalay kay Jehova.
Pagpapatotoo sa Iba
Nang panahong iyon, may mga 15 miyembro ang grupong umaakyat sa bundok sa aming bayan, at unti-unting kami ni Henry ay nagpatotoo sa kanilang lahat. Anong laking kagalakan nang ang aking kapatid, na isa ring miyembro, kasama ng kaniyang maybahay ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya at nabautismuhan noong 1981. Makalipas ang kaunting panahon, si Bonjo ay nakasama namin, at isa pa, ang ikalima na naging kasapi sa klub ng mga mang-aakyat-bundok. Hindi na kailangang umakyat pa kami sa matataas na bundok na iyon. Ang pinakamalaking kagalakan namin ay ang dumalaw sa mga tao sa libis na interesado sa katotohanan ng Bibliya. Ang pagbabagong ito ay tinanggap din nang may malaking kaginhawahan ng aking ina, na dati’y hinihila ng napakalaking nerbiyos dahilan sa aktibidades naming magkapatid sa pag-akyat. Nang bandang huli, siya man ay kasama na namin sa malinis na pagsamba kay Jehova.
Ngayon ang aking paghahangad na mag-asawa ay hindi na naging apurahan. Salamat sa Salita ng Diyos, napag-alaman ko ang mga simulain na tutulong para magtagumpay sa pag-aasawa, subalit ngayon ako’y maligaya nang pagiging walang asawa at paglilingkod kay Jehova nang walang abala. Sinabi ni Solomon: “Ang isang butihing asawang babae ay galing kay Jehova.” (Kawikaan 18:22; 19:14) Kaya naman, aking ipinasiya na maghintay nang may pagtitiyaga upang si Jehova ang magbigay sa akin ng regalong ito, samantala, ako’y namuhay sa paraan na ako ay magiging isang karapat-dapat na asawang lalaki sakaling dumating ang panahon. At nangyari na noong 1982 ipinagkaloob sa akin ni Jehova ang kahanga-hangang pagpapala ng pagkakaroon ng isang butihing asawa.
Kaming mag-asawa ay naririto pa rin sa kabundukan, at mahilig pa rin ako rito. Subalit ang pangunahing pinagkakaabalahan namin ngayon ay ang tulungan ang mga tao na umakyat sa isa pang bundok. Aling bundok? Ang bundok na binanggit sa hula ni Isaias: “At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at dadagsa roon ang lahat ng bansa. At maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Sion lalabas ang batas, at ang Salita ni Jehova ay mula sa Jerusalem.” (Isaias 2:2, 3) Anong laking kagalakan ang makaakyat dito, ang pinakamainam na bundok sa lahat!—Isinulat.