Ang Walang Katulad na Matterhorn
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SWITZERLAND
“MAY IISA lamang na Matterhorn sa buong daigdig; IISA lamang bundok na gayon na lamang ang pagkakatimbang ng sukat nito. Anong kahanga-hangang tanawin!” Gayon ang nasambit ni Guido Rey, isang Italyanong umaakyat ng bundok.
Totoo, ang Matterhorn ay may natatanging taluktok, isa sa pinakakilalang bundok sa daigdig. Ang larawan sa mga pahinang ito ay marahil hindi ang unang larawan ng kahanga-hangang bundok na ito na nakita mo.
Ang tulad piramide na Matterhorn ay matatagpuan sa hangganan ng Italya at Switzerland, sampung kilometro sa timog-kanluran ng nayon ng Zermatt, Switzerland, ang bayan kung saan ipinangalan ang taluktok ng bundok. Ito’y umaabot ng 4,478 metro ang taas at may dalawang taluktok na halos 100 metro na magkahiwalay.
Bagaman ito’y bahagi ng Gitnang Alps, ang Matterhorn ay nag-iisang nakatayo, walang mga katabi. Ito ang dahilan ng kahanga-hangang tanawin ng bundok mula sa lahat ng direksiyon at nagpapangyari na maging napakagandang pagmasdan.
Angkop na angkop ang paglalarawan ng ilan sa Matterhorn na may hugis na gaya ng isang obelisk. Nakahantad ang apat na gilid nito sa apat na pangunahing sulok, ang bawat gilid ay may pagkakaibang pinaghiwalay ng taluktok.
Ang Matterhorn, sa kabila ng taas nito, ay hindi laging natatakpan ng niyebe. Sa dakong huli ng tagsibol ibinababa ng matarik na mabatong mga gilid sa bandang itaas ang waring kapa ng niyebe at yelo dahil sa init ng araw. Sa mas ibaba pa, ang mga glacier sa silangan at hilagang-kanluran ay para bang nakayapos sa bundok na gaya ng puting bigkis sa palibot ng baywang nito sa buong taon.
Maraming humahanga ang namamangha kung paano ang walang kaparis na bundok na ito ay sumibol. Walang talaksan ng durog na mga bato sa palibot ng paanan nito ang masusumpungan bilang labí ng materyal mula sa pinag-ukitan nito. Ang anumang durog na bato ay tiyak na tinangay na sa loob ng di-mabilang na libu-libong taon ng pag-iral nito. Anong lakas nga ng kapangyarihan ng kalikasan ang tiyak na nagpangyari sa napakagandang tanawing ito!
Ang Unang Paninirahan
Ang libis ng Alps na humahantong sa paanan ng Matterhorn ay pinanahanan na noong panahon ng Romanong Imperyo. Iniuulat ng kasaysayan na noong taóng 100 B.C.E., binagtas ng Romanong heneral na si Marius ang Theodul Pass, sa silanganan ng Matterhorn, sa taas na 3,322 metro. Ang kahabaang ito ng mga bundok ay ginamit din noong panahon ng Edad Medya para sa paghahatid ng mga kalakal mula sa timog patungong hilaga.
Noong mga panahong iyon tinitingala nang may paggalang ng mga naninirahan doon ang Matterhorn, may mapamahiing pagkatakot pa nga. Hindi nila kailanman tinangkang akyatin ang bundok, na ipinalalagay nilang tinitirhan ng Diyablo mismo! Sino pa nga ba ang magpapahugos ng yelo at niyebe at mga bato na kasinlalaki ng mga bahay?
Sumisidhing Interes sa Likas na Siyensiya
Ang iniiwasan ng mababang-loob na mga tao ay naging napakapopular naman sa mga nasa alta sosyedad sa Inglatera. Ang interes sa siyensiya ay sumidhi, nagpangyari sa mga manggagalugad na umakyat ng bundok para magsuri sa mga larangan ng kaalaman gaya ng heolohiya, topograpya, at botanika.
Sa katunayan, noong 1857 itinatag ang Alpine Club sa London, at maraming mayayamang taga-Inglatera ang naglakbay sa Pransiya, Italya, o Switzerland upang makilahok sa pagsisikap na maabot ang Alps. Inakyat ng mga abenturero ang bawat taluktok, kasali na ang Mont Blanc. Bagaman ang bundok na ito ang pinakamataas sa Europa na may taas na 4,807 metro, hindi ito gaanong mahirap para sa mga umaakyat ng bundok gaya ng Matterhorn.
Hindi lahat ng pagsisikap na ito ay pawang sa ngalan ng likas na siyensiya. Pumasok ang ambisyon. Ang katanyagan ng pagiging una, ang pinakamalakas ang loob, ang pinakamatatag, ay isang mahalagang salik. Noong panahong iyon sa Inglatera, ang salitang “isport” ay nangangahulugan ng wala kundi pamumundok lamang.
Ang tag-init ng 1865 ang pinakaabalang panahon sa pag-akyat ng bundok, lalo na kung may kinalaman sa Matterhorn. Ang kahanga-hangang piramideng ito ang isa sa pinakahuling mga taluktok na nanatiling hindi narating. Ito’y ipinalagay na hindi maabot, at maging ang mga giya sa lugar doon ay hindi man lamang sumubok. Ang kanilang saloobin ay, ‘Aakyatin nila ang anumang taluktok—subalit hindi ang Horn.’
Gayunman, ang pananakop sa Matterhorn ay hindi maiwasan. Noong pasimula ng dekada ng 1860, ang maraming taluktok ng bundok Alps ay naakyat. Ang mga umaakyat ay natuto mula sa karanasan at nakagawa ng bagong mga pamamaraan. Sa edad na 20, si Edward Whymper mula sa Inglatera ay ipinadala sa Switzerland ng isang patnugot sa London upang gumuhit ng mga larawan ng mga tanawin sa Alps para sa paglalarawan sa isang aklat hinggil sa paksang iyon. Si Whymper ay humanga nang husto sa mga bundok, at ang pag-akyat sa bundok ang naging hilig niya. Marami siyang taluktok ng bundok na naakyat kapuwa sa Pransiya at Switzerland at ilang ulit na nagtangkang akyatin ang Matterhorn. Subalit hindi niya naakyat ang Horn.
Naakyat ang Matterhorn!
Sa wakas, noong Hulyo 1865 tatlong magkakaibang grupo ng umakyat ng bundok ang nagkita-kita sa Zermatt—ang tatlong grupo ay pawang handang akyatin ang Matterhorn. Nagigipit ng panahon dahil sa baka sila maunahan ng Italyanong grupo, ang tatlong grupo ay nagkaisang magsama-sama sa isang cordée, o isang grupo ng magkakataling mga aakyat ng bundok. Ang grupo ay binubuo ng pitong mga lalaki—sina Edward Whymper at Lord Francis Douglas, Charles Hudson at ang kaniyang batang kaibigan na si Hadow—pawang mga taga-Inglatera—at dalawa pang Swiso at isang Pranses na giya na matagumpay nilang naupahan.
Umalis sa Zermatt ng umaga ng Hulyo 13, narating nila ang bundok nang hindi nagmamadali mula sa silangan at nasumpungan nila na ang mas mababang mga bahagi ay medyo madaling akyatin. Itinayo nila ang kanilang tolda sa taas na halos 3,300 metro at naglibang nang husto sa maaraw na maghapong iyon.
Kinaumagahan, Hulyo 14, bago ang pagbubukang-liwayway, nagsimula silang umakyat. Paminsan-minsan lamang kinailangan ang lubid. Ang ilang bahagi ay mas mahirap akyatin kaysa iba, subalit kalimitang nalulusutan nila ang mas mahihirap na balakid. Pagkatapos ng dalawang yugto ng mga pagpapahinga, narating nila ang pinakamahalagang bahagi. Ang huling 70 metro ay binubuo ng puro niyebe, at noong bandang 1:45 n.h., narating nila ang taluktok. Naakyat ang Matterhorn!
Wala sa dalawang taluktok ang nagpapakita ng anumang bakas ng mga taong bumisita, kaya waring sila ang una. Anong sarap ng pakiramdam! Sa loob ng halos isang oras, ang matagumpay na grupo ay nasiyahan sa makapigil-hiningang tanawin mula sa lahat ng direksiyon, pagkatapos ay handa na silang bumaba. Ang mga Italyanong umaakyat ng bundok na nagtangkang umakyat ng araw ring iyon ay malayung-malayo pa at bumalik nang kanilang matanto na natalo na sila.
Ang Napakalaking Kabayaran
Gayunman, ang pananagumpay ng mga umakyat ay may napakalaking kabayaran para sa kanila. Dahil sa naabot ang mahirap na daan pababa, sila’y nagtali nang sama-sama, ang pinakabihasang giya ang nanguna. Sa kabila ng kanilang pag-iingat, ang pinakabatang kalahok ay nadupilas at nahulog sa taong nasa ibaba, nahila niya ang mga nasa itaas. Nabahala dahil sa pagsigaw, ang tatlong huling mga lalaki ay nangunyapit sa batuhan. Subalit napigtal ang lubid, at sa isang kisap-mata, ang unang apat na lalaki ay naglaho sa kalaliman ng bangin.
Napatigagal, si Edward Whymper at ang dalawang Swisong giya ay nanatili sa napakakritikal na kalagayan. Pansamantala silang nagkampo sa magdamag at nagbalik sila sa Zermatt kinabukasan. Kaya ang kaluwalhatian ng araw na iyon ay mabilis na nauwi sa kasakunaan na nakaapekto sa mga nakaligtas sa buong buhay nila.
Ang tatlo sa apat na bangkay ay nakuha sa dakong huli mula sa glacier 1,200 metro sa ibaba mula sa pinangyarihan ng aksidente. Ang ikaapat, si Lord Douglas, ay hindi na kailanman natagpuan.
Hindi sila ang huling mga biktima ng dalisdis ng Matterhorn. Sa kabila ng katotohanan na maraming lubid na matibay na inilagay sa bato sa iba’t ibang daanan paakyat o sa ibayo ng mabatong mga gilid at makikipot na bitak at sa kabila ng maraming karanasan at lubhang pinagbuting kagamitan ng mga umaakyat ng bundok, may halos 600 kamatayan sa bundok lamang na ito.
Ang mga Panganib
Ang isang bagay na malaking sanhi ng panganib ay ang panahon. Ito’y maaaring magbago nang bigla. Ang araw ay maaaring magsimula nang napakaganda, subalit bago pa mamalayan ng tao ito, ang makapal na ulap o maitim na ulap ay maaaring bumalot sa piramide at isang nakatatakot na bagyo ang biglang mamumuo. Ito’y maaaring may kasamang nakatatakot na pagkidlat at pagkulog, lakip na ang biglang unos, at magtatapos sa matinding pag-ulan ng niyebe. At ang lahat ng ito ay nagaganap sa isang magandang araw ng tag-init!
Kung ang mga umaakyat ng bundok ay abutan ng gayong biglang pagbabago ng panahon, kailangan nilang magpalipas ng gabi sa lugar na walang masisilungan, marahil sa isang maliit na patag na lugar na halos makatatayo lamang sila. Ang temperatura ay maaaring mababa pa sa nagyeyelo. Nasa ibaba ang di-maarok na kalaliman. Pagkatapos ay saka hahangarin ng isa na sana’y hinangaan na lamang niya ang Matterhorn mula sa malayo!
Ang isa pang panganib ay ang nalalaglag na mga bato. Kung minsan ang di-maingat na mga umaakyat ng bundok ang sanhi mismo ng paglaglag ng bato. Gayunman, kadalasan ang mga sanhi ay gawa ng kalikasan. Ang mga pagbabago sa temperatura, yelo at niyebe, bumubuhos na ulan, at matinding init ng araw, gayundin ang malakas na hangin na rumaragasa sa palibot ng Horn, ay pawang tumatama sa mga bato, na nagpapangyari sa malalaking piraso na mabasag. Kung minsan ang mga ito ay nananatili sa isang lugar sa loob ng mga taon, gaya ng isang malaking talaksan ng susun-suson na bato, subalit ang gumuguhong niyebe ang sa wakas magpapangyari sa mga ito na kumilos at malaglag.
Maraming umaakyat ng bundok ang humahanga dahil sa ang pagbabagong ito ay nagpapatuloy sa loob ng libu-libong taon na subalit napananatili ng bundok ang mahagway na hugis obelisk, walang makikitang anumang tanda ng pagbabago sa hugis nito. Kaya, kung ihahambing sa tinatayang 2.5 bilyon kubiko ng bato, ang nalalaglag na mga bato ay hindi malaking bagay upang baguhin ang hugis nito. Gayunman, ang mga ito ay sanhi ng kapinsalaan at pagkamatay.
Samantala, ang pag-akyat sa Matterhorn ay naging isang nausong bagay para sa marami. Ang ilang giya ay nakarating na sa taluktok nito nang daan-daang ulit. Gayundin, maraming lalaki at mga babae na umuulit na gumawa ng kahanga-hangang bagay na ito, ang nag-iiba ng daan sa bawat pagkakataon.
Subalit may mga nagtatangka rin naman ngunit kanilang napagtatanto na alin sa kanilang kalagayan ang hindi nagpapahintulot o ang kanilang sariling kakayahan, kalagayan ng pangangatawan, o pagsasanay ang hindi sapat. Kaya hindi sila nagpapatuloy na umakyat, subalit hinahayaan nilang ang pagiging makatuwiran ang manaig sa kabantugan ng “matagumpay na nakaakyat” sa Matterhorn.
Gayunman, nakita mo man ang kahanga-hangang bundok na ito sa mga larawan o mga pelikula o natunghayan ito nang malapitan taglay ang dakilang paghanga sa napakagandang kulay nito kung bukang-liwayway o paglubog ng araw, maaaring ikaw ay napaaalalahanan ng Dakilang Manlililok. Taglay ang matinding pagpipitagan sa kaniyang gawa, malamang na ulitin ng iyong puso ang mga salita sa Awit 104:24: “Anong pagkasari-sari ng iyong mga gawa, O Jehova! Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan. Ang lupa ay puno ng iyong mga gawa.”