Kung Saan Nakalatag ang mga Glacier sa Ekwador
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA
SINABI ni Johann Ludwig Krapf, isang 39-na-taóng-gulang na misyonerong Aleman, na noong Disyembre 3, 1849, may nasulyapan siyang bundok na may puting taluktok sa Aprika malapit sa ekwador. Pinagtawanan ng mga heograpo sa Europa ang kaniyang ulat. Sinabi nila na yeso lamang ang nakita niya. Inamin ni Krapf, na mahigit sa 140 kilometro ang layo mula sa bundok, na ilang minuto lamang niyang nakita ito dahil nalambungan ito ng mabilis na pagdaan ng ulap.
Hindi nabigla si Krapf sa pang-aalipusta ng mga heograpong Europeo. Isang taon bago nito, pinag-alinlanganan din ang ulat hinggil sa nakitang pinakamataas na bundok sa Aprika, na nasa gawing timog mga 300 kilometro ang layo. Gayunman, di-nagtagal, napatunayan ang pag-iral ng bundok na ito, ang Bundok Kilimanjaro na 5,895 metro ang taas. Sa kabilang panig, ang pag-aangkin ni Krapf, ay napatunayan pagkalipas lamang ng 34 na taon—dalawang taon pagkamatay niya.
Noong 1883, pinatotohanan ng manggagalugad na si Joseph Thomson ng Scotland ang pag-iral ng bundok na may mga glacier na nakita ni Krapf—ang Bundok Kenya na 5,199 na metro ang taas—na ang mga taluktok ay malapit sa timog ng ekwador. Ito ang ikalawa sa pinakamataas na bundok sa Aprika. Naniniwala ang ilan na mahigit 6,000 metro ang taas noon ng Bundok Kenya, na isa na ngayong patay na bulkan. Ipinapalagay na naagnas ang alikabok at abo mula rito dahil sa erosyon sa loob ng maraming taon, anupat lumitaw ang dalawang baku-bakong taluktok na mahigit 5,100 metro ang taas at ang ikatlo pang taluktok na 4,985 metro naman ang taas.
Sinamba ng mga Tagaroon
Matagal na panahon bago pa dumating sa Aprika ang mga Europeo, ang bundok ay sinasamba na ng mga taong nakatira sa mas mabababang dalisdis ng Bundok Kenya. Inaakala ng ilan na naninirahan sa tuktok nito ang maylikha ng uniberso at na doon niya ginawa ang tao. Pinaniniwalaan din na ang maylalang na ito ang nagpapaulan upang diligin ang matabang lupa sa ibaba. Upang payapain siya, inihahandog ang mga haing hayop—at ginagawa pa rin ito ng mga nanghahawakan sa gayong mga paniniwala.
Dahil sa niyebe at yelo malapit sa maitim na taluktok ng Bundok Kenya, tinawag ito ng mga unang nanirahan doon na batik-batik na bundok at bundok ng kaputian. Ang tatlong pinakamatataas na taluktok ng bundok—ang Batian, Nelion, at Lenana—ay isinunod sa pangalan ng dakilang mga lider ng ninuno ng isang komunidad doon. Ang maraming luntiang lawa sa bundok na malapit sa mabatong mga taluktok ay lalo pang nagpapaganda sa lugar na iyon.
Sagana sa mga Halaman at Hayop
Ang bundok ay naglalaan ng maraming panoorin para sa kasiyahan ng mga mahilig sa kalikasan. Sa paglipas ng mga taon, ang disyerto ng lava ay naging malawak na punlaan ng iba’t ibang uri ng halaman dahil sa natutunaw na mga glacier. Ang mas mabababang dalisdis ay natatakpan ng makapal na kagubatan. May mga puno rito ng sedro, yellowwood, at alkampor, na napagkukunan ng kahoy na mahalaga para sa mga gumagawa ng muwebles. Pangkaraniwan din ang matataas na kawayan, na siyang bumubuo sa “kagubatan” ng damo na tumataas nang mahigit sa anim na metro at humahadlang sa paglaki ng mga halaman sa ilalim ng mga ito.
Maraming hayop sa rehiyong ito. Kabilang sa malalaking mamal ang mga leon, leopardo, Burchell’s zebra, Cape buffalo, bushbuck, at waterbuck. Nanganganlong din sa bundok na ito ang mga elepante at black rhino. Kasali naman sa mas maliliit na hayop ang mga Sykes monkey, kulay puti at itim na colobus monkey, tree hyrax, at ilang uri ng rodent.
Napakarami at sari-sari ang uri ng mga ibon doon. Naninila ng mga rodent at ahas ang mga white-backed vulture, black kite, crowned eagle, hawk eagle na may mahabang balahibo sa tuktok, mountain buzzard, at augur buzzard na may pulang buntot. Ibang-iba naman sa kulay ng malago at luntiang kagubatan ang krimson na Hartlaub’s turaco, lilang starling, at mga hornbill na kulay-pilak ang pisngi, pati na ang mga oriole. Lagi kang makakakita sa gubat na nasa bundok ng ilang uri ng sunbird na may magagandang balahibo.
Lampas sa hangganan ng kagubatan sa taas na mahigit 3,000 metro, makikita ang malawak na latian na paahon hanggang sa abot ng iyong tanaw. Nakalatag dito sa lupa na gaya ng banig ang mga tussock grass. Ang isa pang halaman na may kawili-wiling mga katangian ay ang cabbage groundsel, na namumulaklak minsan sa 20 taon. Mayroon din ditong mga tree groundsel na may malalapad na dahon sa pinakadulo ng tangkay nito at mga lobelia na tumataas nang mahigit sa anim na metro. Ang mga ito, pati na ang giant heather, ay nakadaragdag sa tanawing alpino sa malawak na lugar na ito.
Iilang hayop lamang ang nabubuhay sa baku-bakong kalupaan sa mataas na lugar, at ang karamihan sa mga ito ay namamalagi roon sa ilang bahagi lamang ng santaon. Ang mga rock hyrax lamang ang permanenteng residente roon. Nabubuhay sila sa mas mataas na lugar kaysa sa iba pang hayop sa kabundukan, anupat nasusumpungan sa taas na 4,300 metro. Sanáy ang katawan nilang mamuhay sa gayon katataas na lugar—sa mga guwang sa pagitan ng mga bato. Mga pananim ang pangunahin nilang pagkain. Ang mga mamal na ito na palakaibigan at hindi mailap sa tao ay kilalang nanununggab ng pagkain mula sa pagód at walang kamalay-malay na mga manlalakbay!
Sa Palibot ng Maringal na mga Taluktok
Ibang-iba sa mas mabababang bahagi ng kabundukan ang patulis na mga taluktok na kaayaayang pagmasdan. Ang pinakamatataas na bahagi ng Batian (5,199 na metro) at Nelion (mas mababa nang 11 metro) ay kahugis ng dalawang malalaking sungay. Ang mga taluktok na ito ay binubuo ng malalaki at itim na bulkanikong mga bato na waring lumulutang na mas mataas pa sa ulap. Sa ibaba ng mga ito, 11 glacier ang nakahantad sa matinding sikat ng araw sa ekwador, na walang-alinlangang naging sanhi upang matunaw ang pito sa mga ito sa paglipas ng panahon. Ang pinakamalaking glacier ay kalahati na lamang ng sukat nito sandaang taon na ang nakalilipas. Ang ilan sa mga glacier na ito ay makikita mula sa kabiserang lunsod ng Kenya, ang Nairobi, na 130 kilometro ang layo.
Ang mataas at kapansin-pansing bundok na ito ay umaakit sa mga taong mahilig umakyat sa bundok mula sa palibot ng daigdig. Si Halford Mackinder ang kauna-unahang Europeo na naitalang nakarating sa taluktok ng Batian noong Setyembre 13, 1899. Lumipas pa ang 30 taon bago napaulat na naakyat ng ibang tao ang taluktok nito. Naging malupit ang bundok sa mga taong nangangahas umakyat sa taluktok nito. Pagsapit ng 1987, mahigit sa 60 na ang nasawi sa kanilang mga pagtatangka.
Dumaranas ng iba’t ibang anyo ng mountain sickness ang mga umaakyat sa bundok. Sa katunayan, ang pag-akyat sa bundok ang sinisisi sa kalahati ng mga kaso ng pulmonary edema sa daigdig na sanhi ng pag-akyat sa matataas na lugar. Ganito ang komento ng aklat na On God’s Mountain—The Story of Mount Kenya: “Sa mga hindi dumanas ng sakit na ito [mountain sickness], ang paglalakbay at pag-akyat ay nakapapagod pa ring gawin, anupat pagkukumayod ang bawat hakbang. Sa iyong tagiliran, may bangin na daan-daang piye ang lalim. Sa iyong ulo, matinding kirot. Sa iyong sikmura, pagduduwal. Sa iyong mga paa, mga paltos. Sa iyong mga mata, pagluluha.”
Bagaman maaaring natitibag na ang mga taluktok ng Bundok Kenya dahil sa lagay ng panahon at kumakaunti na ang mga glacier nito, ang karilagan at karingalan ng tila tanggulang ito sa langit ay hindi pa rin kumukupas. Ang kagandahan nito, baku-bako man, ay tahimik pa ring pumupuri sa Maylalang nito, ang Diyos na Jehova.—Awit 148:9, 13.
[Mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ekwador
Bundok Kenya
[Larawan sa pahina 16]
Isa sa maraming lawa sa kabundukan
[Larawan sa pahina 17]
Ang tatlong pinakamatataas na taluktok ng Bundok Kenya
[Larawan sa pahina 18]
Ang mas matataas na taluktok ay nakaaakit sa mga umaakyat sa bundok sa palibot ng daigdig
[Larawan sa pahina 18]
Pangkaraniwan ang mga ibon, gaya ng “sunbird” na ito na may pulang dibdib
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga “rock hyrax” ay nabubuhay sa taas na halos 4,300 metro
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga punungkahoy, kasali na ang “yellowwood” na ito, ay tumatakip sa mas mabababang dalisdis
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Pahina 16: Pictures Courtesy of Camerapix Ltd.
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Picture Courtesy of Camerapix Ltd.
[Picture Credit Lines sa pahina 18]
All inset photos except climber: Pictures Courtesy of Camerapix Ltd.; background: Duncan Willetts, Camerapix