Kilimanjaro—Ang Pinakabubong ng Aprika
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA
MGA 150 taon na ang nakalipas, ang looban ng Aprika ay nanatiling wala sa mapa. Sa daigdig sa labas, ang malaking kontinenteng ito ay hindi pa nagagalugad at mahiwaga. Kabilang sa maraming kuwentong nakalabas sa Silangang Aprika, may isa na wari bang kakatwa lalo na sa mga Europeo. Ito ang ulat ng mga misyonerong Aleman na nagngangalang Johannes Rebmann at Johann L. Krapf, na nagsabing noong 1848 ay nakita nila malapit sa ekwador ang isang bundok na napakataas anupat ang taluktok nito ay maputi dahil sa niyebe.
Ang kuwento na may isang bundok sa tropikal na Aprika na natatakpan ng niyebe ang tuktok ay hindi lamang pinag-alinlanganan kundi pinagtawanan din naman. Gayunman, ang salaysay tungkol sa napakalaking bundok ay pumukaw ng pag-uusyoso at interes sa mga heograpo at mga manggagalugad, at pinatunayan nila sa dakong huli ang mga ulat ng mga misyonero. Mayroon ngang bulkanikong bundok na ang tuktok ay natatakpan ng niyebe sa Silangang Aprika na tinatawag na Kilimanjaro. Naunawaan ng ilang tao na iyan ay nangangahulugang “Bundok ng Kalakihan.”
“Bubong” ng Aprika
Ngayon ang napakalaking Kilimanjaro ay kilala sa lubos na kagandahan at kahanga-hangang taas nito. Ang ilang tanawin ay pagkagaganda at di-malilimot gaya ng isang kawan ng nanginginaing mga elepante na tumatawid sa tuyo at maalikabok na kapatagan ng Aprika na nasa likuran naman ang maringal na “Kili” na ang tuktok ay natatakpan ng niyebe sa malayo.
Ang Kilimanjaro ang pinakamataas na bundok sa kontinente ng Aprika at kabilang sa pinakamalalaking natutulog na bulkan sa daigdig. Ito’y nasa Tanzania, sa timog lamang ng ekwador at malapit sa hangganan ng Kenya. Dito ang lupa ay naglabas ng mahigit sa apat na bilyong metro kubiko ng materyales mula sa bulkan, anupat nag-anyo ang bundok na ito na ang mga taluktok ay nasa alapaap.
Ang napakalaking sukat ng bundok ay lalo pang pinatingkad ng pagiging nabubukod nito. Nakatayong mag-isa at malayo, lumilitaw ito mula sa tigang na bansang ilang ng Masai, na nasa halos 900 metro ang taas sa dagat, hanggang sa 5,895 metrong taas nito! Hindi kataka-taka na ang Kilimanjaro ay inilalarawan kung minsan bilang ang pinakabubong ng Aprika.
Ang Kilimanjaro ay tinawag ding “Bundok ng mga Manlalakbay sa Disyerto,” sapagkat tulad ng isang kumikislap na puting parola, ang malaking tuktok nito na natatakpan ng niyebe at mga glacier ay makikita mga daan-daang kilometro ang layo mula sa anumang direksiyon. Noong nakalipas na mga dantaon ang tuktok nito na natatakpan ng niyebe ay madalas na nagsisilbing giya sa mga manlalakbay sa disyerto na lumalabas mula sa looban ng Aprika, na puno ng mga kargamento ng garing, ginto, at mga alipin.
Ang Kahanga-hangang mga Taluktok Nito
Ang Kilimanjaro ay binubuo ng dalawang tuktok ng bulkan. Ang Kibo ang pangunahing taluktok ng bulkan; ang maganda’t may simetriyang kono nito ay permanenteng natatakpan ng yelo at niyebe. Sa gawing silangan ay ang ikalawang taluktok, na pinanganlang Mawenzi, na umaabot ng 5,354 na metro ang taas at ito mismo ang ikalawa sa pinakamataas na taluktok ng bundok sa Aprika, kasunod ng Kibo. Kung ihahambing ang banayad at padalisdis na mga gilid ng Kibo, ang Mawenzi ay kilu-kilo at maganda ang pagkakalilok sa taluktok nito na may matatarik at tulis-tulis na batong pader sa lahat ng panig. Ang mga taluktok ng Kibo at Mawenzi ay nagdurugtong sa taas na 4,600 metro sa pamamagitan ng isang napakalawak at padalisdis na kapatagan na puno ng malalaking bato. Sa kanluran ng Kibo ay matatagpuan ang Shira, na gumuhong labí ng isang sinaunang bulkan na malaon nang tinangay ng hangin at tubig, na ngayo’y nag-aanyong isang makapigil-hiningang talampas na 4,000 metro ang taas sa dagat.
Isang Ekolohikal na Obra Maestra
Ang sistema ng ekolohiya ng Kilimanjaro ay binubuo ng iba’t ibang sona na itinatakda ayon sa taas, patak ng ulan, at pananim. Ang mas mababang dalisdis ay natatakpan ng tropikal na kagubatan na hindi pa nasisira ng sibilisasyon kung saan gumagala ang mga kawan ng elepante at Cape buffalo. Ilang uri ng unggoy ang nakatira sa itaas na kulandong ng kagubatan, at kung minsan ay nasusulyapan ng panauhin ang mahiyaing mountain bushbuck at mga duiker, na mabilis na nagkukubli sa makapal na palumpong.
Sa itaas ng kagubatan ang heather zone. Ang matanda’t mabukong mga punungkahoy, na pinilipit ng malakas na hangin at ng panahon, ay nababalot ng mga hibla ng lumot na parang mahaba’t ubaning balbas ng matatandang lalaki. Dito nagbubukas ang gilid ng bundok, at nananagana ang pagkalalaking heather. Mga damuhan na nakakalatan ng mga kumpol ng bulaklak na matitingkad ang kulay ang nagpaganda sa mga tanawin sa lalawigan.
Sa itaas pa ng dako ng mga punungkahoy, makikita ang malawak na damuhan. Sa halip na mga punungkahoy ay makikita ang di-pangkaraniwang mga halaman na tinatawag na dambuhalang mga groundsel, na umaabot ng 4 na metro ang taas, at mga lobelia, na parang malalaking repolyo o artichoke. Tumutubo sa palibot ng malalaking bato at mabatong lupa ang mga bulaklak ng everlasting, na parang dayami at tuyo at nagdaragdag ng kulay sa pinilakang-abuhing tanawin.
Sa itaas pa nito, ang malawak na damuhan ay nagsisilbing daan patungo sa sona ng alpino. Ang lupain ay malamlam palibhasa’y kulay kape at abo. Kakaunting halaman ang maaaring tumubo sa kapaligirang ito na may kakaunting pananim at tuyo. Sa dakong ito ang dalawang pangunahing taluktok, ang Kibo at Mawenzi, ay pinagdurugtong ng isang malaking tagaytay ng lupain na isang mataas na disyerto, na tuyo at mabato. Ang mga temperatura rito ay matindi, anupat umaabot ng hanggang 38 digri Celsius sa araw at bumababa naman nang husto sa gabi.
Sa wakas narating namin ang rurok na sona. Malamig at malinis ang hangin dito. Sa matingkad na asul na langit, ang malalaking glacier at taluktok ng bundok na natatakpan ng niyebe ay nakatayong puti at malinis, anupat kitang-kita ang madilim na lupain ng bundok. Ang hangin ay kulang sa oksiheno na halos kalahati lamang sa nilalamang oksiheno na masusumpungan sa antas ng dagat. Sa itaas ng patag na tuktok ng Kibo ay ang bunganga ng bulkan, na halos bilog na bilog at may diyametro na 2.5 kilometro. Sa loob ng bunganga ng bulkan sa pinakagitna ng bundok ang isang pagkalaki-laking hukay ng abo na sumusukat ng mahigit na 300 metro ang lapad at bumubulusok ng daan-daang metro sa pinakalalamunan ng bulkan. Unti-unting tumataas ang mainit na usok ng asupre sa napakalamig na hangin mula sa maliliit na butas na nilalabasan ng usok, na nagpapatunay sa pagngangalit na nagaganap sa ilalim ng natutulog na bulkan.
Dahil sa pagkalaki-laki ng Kilimanjaro ay nakalilikha ito ng kaniyang sariling klima. Ang mahalumigmig na hangin, na humihihip na papasok mula sa Karagatan ng India sa ibayo ng medyo tigang na mga lupa sa ibaba, ay tumatama sa bundok at tinatangay paitaas kung saan ito ay namumuo at nagiging patak ng ulan. Ito ang nagpapataba sa lupa sa mas mababang dalisdis para sa taniman ng kape at mga inaaning pagkain na sumusustine sa mga taong nakatira sa palibot ng paanan ng bundok.
Pag-akyat sa “Kili”
Ang mga taong nakatira sa kapaligiran ng Kilimanjaro ay mapamahiing naniniwala na ang mga dalisdis nito ay tahanan ng masasamang espiritu na pipinsala sa sinumang naghahangad na marating ang mayelong tuktok nito. Ito ang humadlang sa mga tagaroon na subuking abutin ang tuktok nito. Noon lamang 1889 na dalawang manggagalugad na Aleman ang umakyat sa bundok at tumayo sa ibabaw ng pinakamataas na dako sa Aprika. Ang ikalawang taluktok, ang Mawenzi, na mas mahirap akyatin, ay hindi narating kundi noong 1912 lamang.
Sa ngayon ang karanasan ng pag-akyat sa Kilimanjaro ay bukas sa lahat na nasa mabuting kalusugan at lubhang popular sa mga dumadalaw sa Silangang Aprika. Ang mga awtoridad sa parke ng Tanzania ay may organisadong mga kaayusan para sa mga nagnanais umakyat sa bundok. Ang pananamit at kagamitan ay maaarkila. May makukuhang mga sinanay na porter at mga giya, at ang ilang paupahan ay may komportableng mga tuluyan mula sa pasimula hanggang sa katapusan ng isang ekspedisyon ng pag-akyat sa bundok. Nasa bundok ang matitibay na kubo na may iba’t ibang taas, na nagsisilbing tuluyan at silungan ng mga umaakyat.
Ang personal na makita ang Kilimanjaro ay kahanga-hanga at nag-uudyok sa iyo na mag-isip. Ang isa ay agad na sasang-ayon sa mga pananalita tungkol sa Diyos: “Kaniyang inilalagay nang matibay ang mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.” (Awit 65:6) Oo, mataas at nag-iisa sa ibabaw ng Aprika, ang Kilimanjaro ay tumatayong isang matayog na patotoo ng kapangyarihan ng Dakilang Maylalang.
[Mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
APRIKA
Kenya
KILIMANJARO
Tanzania