Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Libis ng Elah—Kung Saan Pinaslang ni David ang Isang Higante!
ILAN lamang sa mga pagsasalaysay ng Bibliya ang higit na kapana-panabik kaysa roon sa paglalarawan kung papaanong “si David, na taglay ang isang panghilagpos at isang bato, ay nagpatunay na mas malakas kaysa Filisteong” higante, si Goliat. (1 Samuel 17:50) Ito ay sa Libis ng Elah.
Ngunit nasaan ba ang libis na iyon, at ano ang katulad niyaon? Ang pagkaalam nito ay tutulong sa iyo upang gunigunihin sa iyong isip ang tanyag na tagumpay na ito na tinamo ng binatilyong pinahiran bilang hari ng Israel sa hinaharap. Nang bandang huli ay gumawa ang Diyos kay David ng isang tipan sa kaharian na makapagdadala ng walang-hanggang mga kapakinabangan, at ito’y dapat magbigay sa atin ng karagdagang dahilan upang alamin ang nangyari sa Libis ng Elah.
Ang mga Filisteo ay doon naninirahan sa baybayin ng Canaan. Kontrolado ng mga Israelita ang kabundukan ng Judea (nasa timog ng Jerusalem). Kaya’t maliwanag iyan—ang mga kaaway ay nasa libis sa gawing kanluran, ang mga lingkod naman ng Diyos ay nasa mas mataas na lupain sa gawing silangan. Nasa pagitan nila ang isang rehiyon na dahilan ng pagtutunggali, ang mga burol sa dakong ibaba na tinatawag na Shephelah. Papaano masasalakay ng mga Filisteo ang Israel? Ang isang ruta ng makatuwirang daanan ay naroon sa itaas ng isang silangan-kanlurang wadi, o daanan, na isa na sa pangunahin dito ay ang Libis ng Elah. Ito’y nasa kahabaan ng kapatagan malapit sa kanilang mga lunsod ng Gath at Ekron, umaabot at lagusan sa Shephelah, sa kabundukang mga 24 na kilometro sa gawing timog-kanluran ng Jerusalem at Bethlehem. Sa larawan (kung tatanawin sa gawing timog-silangan) ay makikita ang itaas na dulo ng libis na ito. Sa abot-tanaw ay makikita mo ang kabundukan ng Judea.a
Tunghayan ang larawang ito, saka gunigunihin ang mga Filisteo na umakyat tungo sa patag na libis na ito patungo sa kabundukan. Upang sugpuin sila, ang mga Israelita ay nanggaling sa gawing timog-kanluran sa Judea. Dito’y pansamantalang nagkaroon ng pagpigil. Bakit? “Ang mga Filisteo ay nakatayo sa bundok sa panig nito, at ang mga Israelita naman ay nakatayo sa bundok sa panig na iyon, at nakapagitan sa kanila ang libis.”—1 Samuel 17:3.
Bagaman hindi natin alam kung saan sa eksaktong lugar sa kahabaan ng libis nangyari iyon, gunigunihin sa inyong kaisipan ang mga Filisteo na nasa burol sa bandang kanan sa ibaba. Ang hukbo ni Saul ay maaaring nasa kabilang ibayo sa burol lagpas pa sa kabukiran na kulay kayumanggi. Alinman sa dalawang hukbo ay ayaw bumaba, tumawid sa libis, at salakayin ang kalabang hukbo sa mataas, matatag ang depensang posisyon nito. Ang pansamantalang paghintong iyon ay tumagal nang mahigit na isang buwan. Ano kaya ang magtutulak upang iyon ay muling sumigalbo?
Tuwing umaga at gabi si Goliat, isang kampeong Filisteo na mahigit na dalawang metro ang tangkad at naroo’t nakatayo sa libis at tinutuya ang kampo ni Saul upang pagpasiyahan ang bagay na iyon sa pamamagitan lamang ng iisang labanan. Subalit walang Israelita na nangahas na sumagot sa kaniya. Sa wakas, isang binatilyong pastol na nagngangalang David ang nanggaling sa Bethlehem may dalang pagkain para sa kaniyang mga kapatid sa kampo. Ang naging epekto sa kaniya ng nakaiinsultong hamong ito? “Sino ba itong di-tuling Filisteong ito na tumutuya sa mga kawal ng Diyos na buháy?” (1 Samuel 17:4-30) Maliwanag na si David ay may pangmalas na mababanaag sa temang teksto na taglay ng mga Saksi ni Jehova para sa 1990: “Magpakatibay-loob at sabihin: ‘Si Jehova ang katulong ko.’ ”—Hebreo 13:6; Awit 56:11; 118:6.
Nang marinig ni Haring Saul na ang binatilyong ito, bagaman walang armas at walang pagsasanay bilang isang mandirigma, ay haharap sa nakasisindak na si Goliat, kaniyang inialok ang kaniyang baluti. Tumanggi si David, sapagkat handa siyang makipagbaka sa higante sa pamamagitan lamang ng kaniyang tungkod ng pastol, isang panghilagpos na katad, at limang bato na kaniyang pinulot sa libis. Ano ba ang hitsura ng mga bato? Malamang na hindi iyon basta mga bato lamang na kasinlaki ng ubas o olibo. Nakatagpo ng mga batong panghilagpos na ang laki’y 5 hanggang 8 sentimetro ang diametro, sinlaki ito ng isang maliit na dalanghita. Ang isang manghihilagpos ay may kakayahang itira ang gayong bato sa bilis na mula sa 160 hanggang 240 kilometro por ora.
Walang alinlangan na nabasa mo kung ano ang nangyari sa libis, na malinaw na natanaw ng magkabilang hukbong iyon. Ibinulalas ni David: “Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak at may sibat at may kalasag, ngunit ako’y naparirito laban sa iyo sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga kawal ng Israel, na iyong tinutuya.” Nang magkagayo’y si Jehova ang nagbigay ng tagumpay. Ganiyan na lang kalakas ang pagkahilagpos ng binatilyo ng bato kung kaya’t bumaon iyon sa noo ni Goliat, at namatay siya. Nang magkagayo’y tumakbo ang pastol palapit sa kaniya at sa pamamagitan ng sariling tabak ng higante ay pinugot ang kaniyang ulo.—1 Samuel 17:31-51.
Palibhasa’y pinalakas-loob ng pananampalataya at pagtitiwala ni David sa Diyos, hinarap ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway na nanghina na ang loob, hinabol sila hanggang makalampas sa Shephelah at pabalik sa Filistia.—1 Samuel 17:52, 53.
Isip-isipin ang pagsasaya na tiyak na narinig sa Juda! Ang bayan ng Diyos sa kabundukan ay makatatanaw sa gawing kanluran hanggang sa Libis ng Elah at ng Shephelah, tulad sa modernong tanawin sa ibaba buhat sa isang lugar na malapit sa Hebron. Ang mapuputing bulaklak ng punong-almendras ay pagkaganda-gandang masdan, ngunit ang kagandahan ng tagumpay laban sa mga kaaway ng Diyos ay lalong maganda. May katuwirang magsabi ang mga babaing Israelita: “Pinatay ni Saul ang kaniyang libu-libo at ni David ang kaniyang laksa-laksa,” kasali na ang higanteng iyon na kaniyang pinaslang sa Libis ng Elah.—1 Samuel 18:7.
[Talababa]
a Ang larawan ding ito na mas malaki ay nasa 1990 Calendar of Jehovah’s Witnesses, na nagpapakita rin ng lokasyon sa mapang makikitaan nito.
[Larawan sa pahina 17]
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.