Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 2/1 p. 20-25
  • Ibinubunyag “ang Taong Tampalasan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ibinubunyag “ang Taong Tampalasan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Obligado na Ibigin Nila ang Iba
  • Ibinubunyag ang Taong Tampalasan
  • Bakit Napakatindi?
  • Hinatulan ng Diyos “ang Taong Tampalasan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Ipinakikilala “ang Taong Tampalasan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Katampalasanan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Napoot si Kristo sa Kasamaan—Ikaw rin Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 2/1 p. 20-25

Ibinubunyag “ang Taong Tampalasan”

“Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at . . . tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”​—APOCALIPSIS 18:4.

1, 2. (a) Papaano makikilala ang taong tampalasan? (b) Ano ang pangmalas ng Diyos sa mga nag-aangking naglilingkod sa kaniya ngunit nagkakasala ng pagbububo ng dugo? (Mateo 7:21-23)

INIHULA ng Salita ng Diyos ang pagdating ng isang “taong tampalasan.” Ito’y humula rin na ang tampalasang ito ay ‘papatayin at lilipulin’ ng makalangit na Tagapuksa na inilagay ng Diyos, si Kristo Jesus. (2 Tesalonica 2:3-8) Gaya ng ipinakita ng nauunang mga artikulo, ang taong tampalasang iyan ay ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Noong malaon nang panahong lumipas kanilang itinakuwil ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos at ang sinunod nila ay ang mga turong pagano, tulad baga ng Trinidad, apoy ng impiyerno, at pagkawalang kamatayan ng kaluluwa. Bukod dito, sila’y nagbunga ng mga gawang labag sa mga kautusan ng Diyos. Tulad niyaong mga taong ibinabala ni Pablo na layuan ni Tito, “kanilang ipinamamalita sa madla na kilala nila ang Diyos, ngunit ikinakaila naman siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, sapagkat sila’y kasuklam-suklam at masuwayin at itinakuwil sa anumang uri ng mabuting gawa.”​—Tito 1:16.

2 Sinabi ni Jesus: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit-tupa, datapuwat sa loob ay mga lobong maninila. Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” Ang mga bulaang propeta ay magsisibol ng “walang-kabuluhang mga bunga.” (Mateo 7:15-17) Ang patotoo ng masamang bunga ng klero ay ang kanilang maraming pagkakasala na pagbububo ng dugo. Sa loob ng mga daan-daang taon kanilang sinuportahan ang mga krusada, inkisisyon, at mga digmaan na nagbubo ng dugo ng milyun-milyon. Kanilang ipinanalangin at pinagpala ang magkabilang panig sa mga digmaan na kung saan mga miyembro ng kanilang sariling relihiyon ang nagpatayan sa isa’t isa. Sa kabaligtaran naman, nasabi ni apostol Pablo: “Ako’y malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao.” (Gawa 20:26) Hindi gayon ang klero. Sa kanila ay sinasabi ng Diyos: “Kahit na kayo manalangin nang napakarami, hindi ko kayo pakikinggan; ang mga kamay ninyo ay punung-puno ng dugong dumanak.”​—Isaias 1:15.

3. Anong mga pangyayari na magaganap sa buong globo ang mabilis na dumarating?

3 Ang panahon upang isagawa ng Diyos ang kaniyang inihatol laban sa taong tampalasan ay mabilis na dumarating. Hindi na magtatagal, gaya ng inihula ni Jesus, “magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” (Mateo 24:21) Ang wala pang nakakatulad na panahong iyon ng kabagabagan ay magsisimula sa pagpuksa sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na kasali rito ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga bahaging pulitikal ang ‘magwawasak at maghuhubad sa kaniya, at kanilang kakanin ang kaniyang laman at lubusang susunugin siya ng apoy.’ (Apocalipsis 17:16) Ang malaking kapighatian ay magtatapos sa pagpuksa sa nalalabing bahagi ng sanlibutan ni Satanas sa Armagedon, “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21.

Obligado na Ibigin Nila ang Iba

4. Ano ang laging isasaisip ng mga sumasamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan”?

4 Yamang ang mga pangyayaring itong yumayanig-sa-sanlibutan ay pagkalapit-lapit nang dumating sa tinatahanang lupa, ano ba ang mga obligasyong nakaatang sa mga taong “sumasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan”? (Juan 4:23) Unang-una, laging isasaisip nila ang sinabi ni Jesus: “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo’y magsisipanatili sa aking pag-ibig, gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng Ama at ako’y nanatili sa kaniyang pag-ibig. . . . Ito ang aking utos, na kayo’y mag-ibigan gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan. Kayo’y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.”​—Juan 15:10-14; 1 Juan 5:3.

5, 6. (a) Ano ang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad na gawin na pagkakakilanlan sa kanila? (b) Sa anong diwa ito isang bagong utos?

5 Kung gayon, ang mga tunay na Kristiyano ay obligado na ibigin ang mga ibang tao, lalo na ang kanilang mga kapatid na Kristiyano sa lahat ng bansa. (Gawa 10:34; Galacia 6:10; 1 Juan 4:20, 21) Tunay, ang mga magkakapuwa Kristiyano ay kailangang magkaroon ng “maningas na pag-iibigan.” (1 Pedro 4:8) Ang ganiyang uri ng pag-ibig na pambuong globo ang mapagkakakilanlan sa kanila bilang tunay na mga mananamba, sapagkat sinabi ni Jesus: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung papaanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:34, 35.

6 Ano ba ang bago tungkol sa utos na iyan? Hindi baga ang mga Judiong nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko ay binigyan ng utos na, “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili”? (Levitico 19:18) Oo, ngunit si Jesus ay nagpahiwatig ng isang bagay na karagdagan nang kaniyang sabihin, “Kung papaanong inibig ko kayo.” Kasali sa kaniyang pag-ibig ang kaniyang paghahandog ng kaniyang buhay alang-alang sa iba, at ang mga alagad niya ay kailangang handang gumawa rin ng ganoon. (Juan 15:13) Iyan ay isang lalong mataas na antas ng pag-ibig, yamang ang ganiyang pagsasakripisyo ay hindi hinihiling ng Kautusang Mosaiko.

7. Aling relihiyon ang sumunod sa kautusan ng pag-ibig sa siglong ito?

7 Sa siglong ito, aling relihiyon ang sumunod sa kautusang ito ng pag-ibig? Tunay na hindi ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, sapagkat sila’y nagpatayan sa isa’t isa at milyun-milyon ang nangasawi sa dalawang digmaang pandaigdig at sa iba pang mga digmaan. Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang sumunod sa kautusan ng pag-ibig sa buong lupa. Sila’y nanatiling neutral o walang kinakampihan sa mga digmaan ng mga bansa, sapagkat sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay kailangang “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Sa gayon, kanilang masasabi, gaya ng sinabi ni Pablo, na lahat sila ay “malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao.” Bilang halimbawa, pansinin ang pambungad na bahagi ng isang resolusyon na pinagtibay ng mga lingkod ni Jehova sa kombensiyon sa Washington, D.C., noong Nobyembre 27, 1921:

“Bilang mga Kristiyanong masigasig na nagsisikap sumunod sa mga turo ni Kristo Jesus na ating Panginoon at ng kaniyang mga Apostol, kami’y naniniwala: na ang digmaan ay isang labí ng pagkabarbaro, sumisira ng mabubuting asal at isang kasiraan sa mga bayang Kristiyano; na ang mga prinsipyong itinuro ng Panginoong Jesu-Kristo ay humahadlang sa nakatalagang mga Kristiyano sa pagsali sa digmaan, pagbububo ng dugo o karahasan anumang uri iyon.”

8. Ano ang sinasabi ng ulat ng kasaysayan tungkol sa mga Saksi ni Jehova noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II?

8 Papaano ikinapit ang pangmalas na iyan sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II? Sa pinakamalubhang digmaang iyan sa buong kasaysayan ng tao, mga 50 milyong katao ang nangasawi. Subalit walang isa man diyan ang pinatay ng isa sa mga Saksi ni Jehova! Halimbawa, halos lahat ng mga kabilang sa klerong Aleman ang tuwiran o di-tuwiran na sumuporta sa Nazismo. Sa kabaligtaran naman, ang mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng pamamahalang Nazi ay nanatiling lubusang walang kinikilingan at tumanggi silang sumaludo kay Hitler o maging bahagi ng kaniyang hukbong militar. Sa gayon, hindi nila pinatay ang alinman sa kanilang espirituwal na mga kapatid sa mga ibang bansa, o sino pa mang iba. At ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng mga iba pang bansa ay nanatiling neutral din.

9. Ano ang nangyari sa mga Saksi ni Jehova sa Alemanya at Austria sa ilalim ng pamamahalang Nazi?

9 Marami sa mga Saksi ni Jehova ang nagsuko ng kanilang kaluluwa alang-alang sa kanilang mga kaibigan bilang pagsunod sa kautusan ng pag-ibig. Sa isang revista ng aklat na Kirchenkampf in Deutschland (Pakikipagbaka ng mga Simbahan sa Alemanya), na si Friedrich Zipfel ang autor, ganito ang sinasabi tungkol sa mga Saksi: “Siyamnapu’t pitong porsiyento ng mga miyembro ng maliit na grupong ito ng relihiyon ang mga biktima ng National Socialistic [Nazi] na pag-uusig. Isang katlo sa kanila ang nangasawi, sa pamamagitan ng pagbitay, iba pang mararahas na paraan, gutom, sakit o trabahong-alipin. Ang kabagsikan ng ganitong paniniil ay wala pang nakakatulad at ito’y bunga ng walang pakikipagkompromisong pananampalataya na hindi maaaring maiagapay sa National Socialistic na ideolohiya.” Sa Austria, 25 porsiyento ng mga Saksi ni Jehova ang binitay, ginulpi hanggang sa mamatay, o namatay dahil sa sakit o panlulupaypay sa mga kampo ng mga Nazi.

10. Anong pagtitiwala mayroon yaong mga nangamatay na sumusunod sa kautusan ng pag-ibig?

10 Yaong mga naging martir dahil sa pagsunod sa kautusan ng pag-ibig ay may pagtitiwala na “hindi liko ang Diyos upang limutin ang [kanilang] gawa at ang pag-ibig na [kanilang] ipinakita sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Alam nila na “ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Sila’y may tiyak na pag-asa na bubuhaying mag-uli taglay ang tinatanaw na pag-asang buhay na walang-hanggan.​—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.

11. Sa papaano namumukod-tangi ang mga lingkod ni Jehova, at anong hula ang natutupad sa kanila?

11 Ang mga lingkod ni Jehova ay namumukod-tangi sa pagsunod sa tuntunin na sinalita ni Pedro at ng iba pang mga apostol sa isang mataas na hukuman: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.” (Gawa 5:29) Dahil sa ginagawa ito ng mga Saksi ni Jehova, “ang banal na espiritu, na ibinibigay ng Diyos sa mga tumatalima sa kaniya bilang pinuno” ang tumutulong sa kanila. (Gawa 5:32) Iyan ang lakas na tumutulong sa kanila upang tuparin ang hula sa Isaias 2:2-4. Sinasabi ng hulang ito na sa panahon natin ang tunay na pagsamba ay muling matatatag at mga taong buhat sa lahat ng bansa at mga relihiyon ang dadagsa rito. Ang isang resulta ay: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Yamang ang mga lingkod ni Jehova ay naghahanda para sa buhay sa isang mapayapang bagong sanlibutan, sila’y hindi na nag-aaral ng pakikipagdigma. Ang kanilang pinag-aaralan ay ang kautusan ng pag-ibig.​—Juan 13:34, 35.

12. Para sa mga sumusunod sa kautusan ng pag-ibig, ano ang kailangang gawin nila para sa iba?

12 Yamang sa pag-ibig Kristiyano ay kasali ang ‘pag-ibig sa iyong kapuwa gaya ng sa iyong sarili,’ ang mga lingkod ng Diyos ay hindi maaaring magkait ng kanilang nalalaman. (Mateo 22:39) Marami pang mga tao na ibig maglingkod sa Diyos at mamuhay sa kaniyang bagong sanlibutan. Habang may panahon pa, ang mga ito ay kailangan ding makaalam ng tungkol sa kautusan ng pag-ibig at sa marami pang ibang mga katotohanan na may kaugnayan sa Pansansinukob na Soberano, si Jehovang Diyos. Sila’y kailangang turuan na si Jehova lamang ang karapat-dapat sa ating pagsamba at kung papaano isasagawa ang pagsambang iyan. (Mateo 4:10; Apocalipsis 4:11) Yaong mga nakaalam na ng mga bagay na ito ay obligado na sabihin ito sa iba upang sila man ay magkamit ng pagsang-ayon ni Jehova.​—Ezekiel 33:7-9, 14-16.

Ibinubunyag ang Taong Tampalasan

13. Bilang bahagi ng ating pambuong daigdig na patotoo, ano ang kailangang ibalita natin, at bakit?

13 Sinabi ni Jesus na ang “mabuting balita ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Bilang bahagi ng pambuong daigdig na patotoong ito, ang mga lingkod ng Diyos ay obligado na ibalita ang kaniyang kahatulan laban sa huwad na relihiyon, lalo na laban sa klero ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga ito ay lalong kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos sapagkat sila’y nag-aangkin na Kristiyano. Sila’y kailangang mapabunyag upang ang mga nagnanais maglingkod sa Diyos ay makalaya buhat sa kanilang impluwensiya at makagawa ng nararapat na mga hakbang para sa kaligtasan. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:32.

14. Anong malinaw na mensahe ang kailangang ibalita tungkol sa huwad na relihiyon?

14 Kung gayon, kailangang ibalita ng mga Saksi ni Jehova ang ganitong kinasihang mensahe tungkol sa huwad na relihiyon: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Sapagkat ang kaniyang katakut-takot na mga kasalanan ay abot hanggang langit, at naaalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawang katampalasanan. . . . Darating sa kaniya sa isang araw ang mga salot, ang kamatayan, ang pagdadalamhati at gutom, at siya’y lubos na susunugin ng apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”​—Apocalipsis 18:4-8.

15. Papaanong ang taóng 1914 ay gumanap ng bahagi sa talaorasan ni Jehova, at ano ang resulta pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I?

15 Ipinakikita ng mga hula sa Bibliya na “ang mga huling araw” para sa sistemang ito ng mga bagay ay nagsimula sa mahalagang taon ng 1914. (2 Timoteo 3:1-5, 13; Mateo 24:3-13) Buhat ng taóng iyan ang kinabubuhayan natin ay “ang panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Mismong pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, kasuwato ng talaorasan ni Jehova, ang kaniyang mga lingkod ay nagsimulang puspusang palawakin ang kanilang pagbabalita sa Kaharian ng Diyos ayon sa inihula sa Mateo 24:14. Kanila ring sinimulang ibunyag nang lalong matindi ang huwad na relihiyon, lalo na ang tampalasang uring klero ng apostatang Sangkakristiyanuhan.

16. Papaanong ang pagbubunyag sa taong tampalasan ay patindi nang patindi sa mahigit na 70 taon?

16 Sa mahigit na 70 taon na ngayon, patindi nang patindi, sa mga tao’y itinawag-pansin ng mga lingkod ng Diyos ang panlilinlang na ginagawa ng taong tampalasan. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I iilang libo lamang na mga Saksi ang gumagawa nito. Subalit ngayon sila ay naging “isang makapangyarihang bansa” na mahigit na tatlo at kalahating milyong aktibong mga ministro na organisado sa mahigit na 60,000 kongregasyon sa buong lupa. (Isaias 60:22) Palawak nang palawak ang ginagawa ng mga lingkod ng Diyos sa masigasig na pagbabalita sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa para sa sangkatauhan at, kasabay nito, ibinubunyag ang klero ayon sa kung ano nga sila​—isang manlilinlang na taong tampalasan.

Bakit Napakatindi?

17. Bakit napakatindi ang pagbubunyag ng mga lingkod ni Jehova sa taong tampalasan?

17 Bakit napakatindi ang pagbubunyag ng mga lingkod ni Jehova sa taong tampalasan sa lahat ng mga taóng ito? Sapagkat ang milyun-milyong nasa malaking pulutong na mga tupa ni Jehova na nasa daan na ng kaligtasan ay kailangang maipagsanggalang buhat sa sanlibutan ni Satanas at sa huwad na relihiyon nito. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9-14) Isa pa, malibang maibunyag ang klero, ang tapat-pusong mga tao na hindi pa bahagi ng kawan ng Diyos ay hindi makaaalam kung papaano iiwas sa maling landas. Kaya’t sila’y kailangang mapatalastasan, kung papaanong pinatalastasan ni Jesus ang mga tao nang kaniyang sabihin tungkol sa mapagpaimbabaw na mga lider relihiyoso noong kaniyang kaarawan: “Sila’y mga bulag na tagaakay. Kaya, kung bulag ang umakay sa bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.”​—Mateo 15:14; tingnan din ang 2 Corinto 4:4; 11:13-15.

18. Ano ang kailangang malaman ng mga naghahanap ng katotohanan?

18 Ang klero ay bahagi ng sanlibutan ni Satanas. (Juan 8:44) Subalit ito’y isang sanlibutan na kaylapit-lapit nang durugin ng Diyos upang maalis na. (2 Pedro 3:11-13; 1 Juan 2:15-17) Kaya’t ang Salita ng Diyos ay nagbababala: “Kaya’t sinumang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Ipinagwawalang-bahala ng klero ang babalang iyan at sila’y patuloy na nanghihimasok sa pamamalakad pampulitika. Kanilang sinasabi sa kanilang mga tagasunod na isang lalong mabuting daigdig ang darating sa pamamagitan ng pagsisikap ng mga pulitiko. Subalit iyan ay isang pag-asang walang katotohanan, yamang ang sanlibutang ito sa ilalim ni Satanas ay papanaw na. Kaya’t ang mga taong sa sanlibutang ito naglalagak ng kanilang pag-asa ay nalilinlang. Kailangang sabihin sa kanila ang katotohanan tungkol sa kung saan patungo ang sanlibutan at ano ang hahalili rito.​—Kawikaan 14:12; 19:21; Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:4, 5.

19. Papaanong ang pagkamakasanlibutan ng ibang klerigo ay ibinunyag sa media kamakailan?

19 Ang pagkamakasanlibutan ng ibang klerigo ay napabunyag pa man din sa media noong nakalipas na mga panahon, halimbawa ang mahalay at maluhong istilo ng pamumuhay ng mga ibang klerigo na naging panoorin sa TV. Isang modernong manunulat ng awitin ang kumatha ng isang awit na may pamagat na: “Si Jesus ba’y Magsusuot ng Isang [$10,000] Rolex [na relo] sa Kaniyang Pagtatanghal sa Telebisyon?” Ganito pa ang sinasabi ng awitin: “Si Jesus kaya ay magiging isang pulitiko kung sakaling Siya’y babalik dito sa lupa, magkakaroon ng Kaniyang pangalawang tahanan sa [maluhong] Palm Springs at sisikaping ikubli ang Kaniyang kayamanan?” Bukod dito, parami nang paraming mga klerigo ang sumasang-ayon sa homoseksuwalidad o gumagawa pa nga nito. Kahit na ngayon ang Iglesiya Katolika sa Estados Unidos ay nagbabayad ng milyun-milyong dolyar bilang bayad-pinsala sa ginawa ng mga paring may kasalanan na seksuwal na pang-aabuso sa mga bata.​—Roma 1:24-27; 1 Corinto 6:9, 10.

20. Bakit kailangang patuluyang ibunyag ng mga lingkod ng Diyos ang taong tampalasan?

20 Ang ganiyang masamang gawain ay hindi maipagwawalang-bahala ng mga lingkod ng Diyos kundi kailangang ibunyag ukol sa kapakinabangan ng iba. Ang malaking pulutong ng mga ibang tupa ay kailangang maipagsanggalang laban sa mga magsisikap na akayin sila upang lumabag sa mga kautusan ng Diyos. At yaong mga “nagbubuntung-hininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa” ay kailangang hanapin at tipunin upang sumailalim ng nagsasanggalang na patnubay ng Dakilang Pastol, si Jehovang Diyos, at ng “mabuting pastol,” si Kristo Jesus.​—Ezekiel 9:4; Juan 10:11; Kawikaan 18:10.

21. Ano ang patuloy na ihahayag ng mga Saksi ni Jehova?

21 Kung gayon, ang bayan ng Diyos ay hindi mag-aatubili ng paghahayag ng kaniyang paghihiganti laban sa buong sanlibutan ni Satanas, kasali na ang bahagi nito na taong tampalasan, ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Kanilang ibabalita nang buong tindi ang mensahe ng anghel sa Apocalipsis 14:7: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom.” At kanilang isasali sa pagbabalitang ito ang apurahang babala ng Apocalipsis 18:4 tungkol sa huwad na relihiyon: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at . . . tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”

Mga Tanong sa Repaso:

◻ Ano ang magiging hantungan ng taong tampalasan, at bakit?

◻ Ano ang obligasyon sa iba ng mga lingkod ni Jehova?

◻ Papaano iniwasan ng bayan ni Jehova na magkasala ng pagbububo ng dugo ng lahat ng tao?

◻ Ano ang kailangan nating gawin tungkol sa Babilonyang Dakila?

◻ Bakit tayo magpapatuloy ng pagbibigay ng ating matinding mensahe tungkol sa taong tampalasan?

[Larawan sa pahina 23]

Sa isang mataas na hukuman ay sinabi ng mga apostol: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao”

[Larawan sa pahina 24]

Ang taimtim na mga tao ay kailangang makaalam kung saan patungo ang sanlibutan at ang mga relihiyon nito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share