Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 2/1 p. 15-20
  • Hinatulan ng Diyos “ang Taong Tampalasan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hinatulan ng Diyos “ang Taong Tampalasan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mabuting Bunga ng Kristiyano
  • Nagbububo ng Dugo na Babilonyang Dakila
  • Isang Kasaysayang Kalapastanganan sa Diyos
  • Pagbububo ng Dugo sa Ika-20 Siglo
  • Magbibigay-Sulit
  • Ibinubunyag “ang Taong Tampalasan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Ipinakikilala “ang Taong Tampalasan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Nakalulugod Kaya sa Diyos ang Lahat ng Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Itinakwil ng Sangkakristiyanuhan ang Diyos at ang Bibliya
    Ano ang Layunin ng Buhay?—Paano Mo Masusumpungan?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 2/1 p. 15-20

Hinatulan ng Diyos “ang Taong Tampalasan”

“Bawat punungkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.”​—MATEO 7:19.

1, 2. Ano ang taong tampalasan, at papaano ito umunlad?

NANG kinasihan ng Diyos si apostol Pablo upang ihula ang pagdating ng isang “taong tampalasan,” sinabi niya na iyon ay nagsisimulang lumitaw maging noong kaniyang kaarawan. Gaya ng ipinaliwanag ng naunang artikulo, ang tinutukoy ni Pablo ay isang uri ng mga indibiduwal na mangunguna sa paghiwalay upang maging mga apostata sa tunay na pagka-Kristiyano. Ang pagtalikod na iyon sa katotohanan ay nagsimula nang may dakong huli ng unang siglo, lalo na pagkatapos na mamatay ang mga huling apostol. Ang uring tampasalan ay nagpasok ng mga doktrina at mga gawain na salungat sa Salita ng Diyos.​—2 Tesalonica 2:3, 7; Gawa 20:29, 30; 2 Timoteo 3:16, 17; 4:3, 4.

2 Nang sumapit ang panahon, ang uring tampalasang ito ay umunlad upang maging ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Ang kapangyarihan nito ay lalong pinatibay ng emperador Romanong si Constantino noong ikaapat na siglo nang ang apostatang mga simbahan at ang paganong Estado ay pagkaisahin. Samantalang patuloy na nagkakabaha-bahagi at nagiging maraming mga sekta ang Sangkakristiyanuhan, ang klero ay patuloy na nagtataas ng kanilang sarili sa ibabaw ng lego at kadalasan maging sa ibabaw man ng mga pinunong pulitiko.​—2 Tesalonica 2:4.

3. Ano ba ang magiging hantungan ng taong tampalasan?

3 Ano ba ang magiging hantungan ng taong tampalasan? Inihula ni Pablo: “Mahahayag ang tampalasan, na papatayin ng Panginoong Jesus . . . at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagkanaririto.” (2 Tesalonica 2:8) Ito’y nangangahulugan na ang pagkapuksa ng klero ay magaganap pagka winakasan na ng Diyos ang buong sistema ni Satanas. Ang ginagamit dito ng Diyos ay ang kaniyang makalangit na Hari, si Kristo Jesus, upang manguna sa mga hukbo ng tagapuksang mga anghel. (2 Tesalonica 1:6-9; Apocalipsis 19:11-21) Ang hantungang ito ang naghihintay sa klero sapagkat kanilang nilapastangan ang Diyos at si Kristo at iniligaw ang angaw-angaw na mga tao upang mapahiwalay sa tunay na pagsamba.

4. Anong simulain ang pagbabatayan sa paghatol sa taong tampalasan?

4 Si Jesus ay nagbigay ng simulain na pagbabatayan sa paghatol sa taong tampalasan, na nagsasabi: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit-tupa, datapuwat sa loob ay mga lobong maninila. Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. Ang mga tao baga’y makapangunguha ng ubas sa mga tinikan o ng mga igos sa mga dawagan? Gayundin naman ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapuwat ang masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masama; hindi maaari na ang mabubuting punungkahoy ay magbunga ng masama, at ang masasamang punungkahoy ay magbunga ng mabuti. Bawat punungkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. . . . Hindi bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”​—Mateo 7:15-21; tingnan din ang Tito 1:16; 1 Juan 2:17.

Ang Mabuting Bunga ng Kristiyano

5. Ano ang pundasyon para sa mainam na pagbubungang Kristiyano, at ano ang isang saligang utos?

5 Ang pundasyon para sa mainam na pagbubungang Kristiyano ay nasa 1 Juan 5:3, na nagsasabi: “Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos.” At ang isang saligang utos ay ito: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Samakatuwid, ang tunay na mga lingkod ng Diyos ay kailangang umibig sa kanilang kapuwa buhat sa anumang lahi o bansa.​—Mateo 5:43-48; Roma 12:17-21.

6. Sino lalung-lalo na ang kailangang ibigin ng mga Kristiyano?

6 Ang lalung-lalo nang kailangang ibigin ng mga lingkod ng Diyos ay yaong kanilang mga espirituwal na kapatid. “Kung sinasabi ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ ngunit napopoot sa kaniyang kapatid, siya’y sinungaling. Sapagkat siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita. At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kaniyang kapatid.” (1 Juan 4:20, 21) Ang pag-ibig na iyan, ayon sa sinabi ni Jesus, ang pagkakakilanlan sa mga tunay na Kristiyano: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:35; tingnan din ang Roma 14:19; Galacia 6:10; 1 Juan 3:10-12.

7. Papaanong ang mga tunay na Kristiyano ay nabubuklod sa buong daigdig?

7 Ang pag-iibigang pangmagkakapatid ang “kola” na nagbubuklod sa mga lingkod ng Diyos sa pagkakaisa: “Magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito’y isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) At ang mga tunay na Kristiyano ay kailangang may pakikipagkaisa sa kanilang mga kapatid sa buong daigdig, sapagkat ang Salita ng Diyos ay nag-uutos: “Kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa . . . Huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi . . . Kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Upang mapanatili ang ganitong pag-ibig at pagkakaisa sa buong globo, ang mga lingkod ng Diyos ay kailangang maging neutral o walang kinikilingan sa makapulitikang pamamalakad ng sanlibutang ito. Sinabi ni Jesus: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:16.

8. Papaano ipinakita ni Jesus kung ano ang kailangang gawin ng mga Kristiyano?

8 Ipinakita ni Jesus ang lawak ng kaniyang kaisipan nang si Pedro’y gumamit ng isang tabak upang tagpasin ang tainga ng isa sa mga lalaking naroroon upang umaresto kay Jesus. Inayunan ba ni Jesus ang paggamit ng gayong lakas kahit na upang ipagsanggalang ang Anak ng Diyos laban sa mga mananalansang? Hindi, kundi sinabi niya kay Pedro: “Isauli mo sa lalagyan ang iyong tabak.” (Mateo 26:52) Samakatuwid, ang mga tunay na Kristiyano ay hindi sumasali sa mga digmaan ng mga bansa o sa anumang iba pang paraan ng pagbububo ng dugo ng tao kahit na kung ang pagtanggi ay nagbubunga ng kanilang kamatayan dahilan sa kanilang pagkaneutral, gaya ng pinatunayan ng marami sa lumipas na daan-daang taon at maging sa ating panahon man. Batid nila na tanging ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang papawi magpakailanman sa digmaan at pagbububo ng dugo.​—Awit 46:9; Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:11-13.

9. (a) Ano ang sinasabi ng kasaysayan tungkol sa mga unang Kristiyano? (b) Papaano ito naiiba sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan?

9 Pinatutunayan ng kasaysayan na ang unang-siglong mga Kristiyano ay hindi nagbubo ng dugo ng tao. Isang dating propesor ng teolohiya na taga-Inglatera, si Peter De Rosa, ang sumulat: “Ang pagbububo ng dugo ay isang malubhang kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga Kristiyano ay salungat sa paglalaban ng mga gladiator. . . . Bagaman ang digmaan at ang paggamit ng lakas ay kailangan noon upang mapanatiling ligtas ang Roma, inakala ng mga Kristiyano na sila’y hindi makasasali roon. . . . Katulad ni Jesus, ang turing ng mga Kristiyano sa kanilang sarili ay mga mensahero ng kapayapaan; sa anumang pagkakataon ay hindi sila maaaring maging mga ahente ng kamatayan.” Sa kabilang panig, ang baha-bahaging mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay lumabag sa kautusan tungkol sa pag-ibig at nagbubo ng katakut-takot na dugo. Sila’y hindi naging mga mensahero ng kapayapaan kundi paulit-ulit na naging mga ahente ng kamatayan.

Nagbububo ng Dugo na Babilonyang Dakila

10. Ano ba ang Babilonyang Dakila, at bakit ganiyan ang tawag sa kaniya?

10 Si Satanas “ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (Juan 12:31; 2 Corinto 4:4) Bahagi ng sanlibutan ni Satanas ang pambuong-lupang sistema ng huwad na relihiyon na kaniyang itinayo sa loob ng daan-daang taon, kasali na ang Sangkakristiyanuhan at ang kaniyang klero. Sa Bibliya ang pambuong-daigdig na sistemang ito ng huwad na relihiyon ay tinatawag na “Babilonyang Dakila, ang ina ng [espirituwal na] mga patutot at ng mga nakasusuklam na bagay sa lupa.” (Apocalipsis 17:5) Ang mga ugat ng kasalukuyang mga huwad na relihiyon ay matutunton sa sinaunang lunsod ng Babilonya, na nakababad na sa huwad na relihiyon at sa lumalapastangan-sa-Diyos na mga doktrina at mga gawain. Iyan ang dahilan kung bakit ang katumbas ngayon ng sinaunang Babilonya ay tinatawag na Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.

11. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Babilonyang Dakila, at bakit?

11 Tungkol sa relihiyosong Babilonya, ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Sa kaniya’y nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Papaano nga ang mga relihiyon ng sanlibutang ito ay may pananagutan sa dugo ng lahat ng mga pinatay? Sa bagay na lahat ng mga relihiyong ito​—ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan at ang mga relihiyong di-Kristiyano​—​ay pare-parehong sumuporta, nang walang-bahala, o nanguna pa nga sa mga digmaan ng mga bansa; kanila rin namang pinag-usig at pinagpapatay ang mga taong maka-Diyos na hindi sumang-ayon sa ginagawa nila.

Isang Kasaysayang Kalapastanganan sa Diyos

12. Bakit ang klero ng Sangkakristiyanuhan ang lalong kasuklam-suklam kaysa ibang mga lider relihiyoso?

12 Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay lalong kasuklam-suklam sa kanilang pagbububo ng dugo kaysa ibang mga lider relihiyoso. Bakit? Sapagkat bukod sa ikinakapit nila sa kanila ang pangalan ng Diyos, ganiyan din ang ginawa nila sa pangalan ni Kristo. Sa ganoo’y inuobliga nila ang kanilang sarili na sumunod sa mga turo ni Jesus. (Juan 15:10-14) Subalit hindi naman nila sinunod ang mga turong iyon, sa gayo’y nagdala ng malaking kalapastanganan kapuwa sa Diyos at kay Kristo. Ang pananagutan sa pagbububo ng klero ng dugo ay kapuwa tuwiran, sa mga Krusada, iba pang mga digmaang relihiyoso, mga inkisisyon, at pag-uusig, at di-tuwiran, sa pagwawalang-bahala sa mga digmaan na kung saan ang mga kasapi sa mga simbahan ay nakikipagpatayan sa kanilang mga kapuwa tao sa mga ibang bansa.

13. Mula noong ika-11 hanggang ika-13 siglo, sa ano mapananagot ang klero?

13 Halimbawa, mula noong ika-11 hanggang ika-13 siglo, ang mga Krusada ay ipinakilala ng klero ng Sangkakristiyanuhan. Ang ibinunga nito ay kakila-kilabot na pagbububo ng dugo at pandarambong sa ngalan ng Diyos at ni Kristo. Daan-daang libo ang mga nangasawi. Sa mga Krusada ay kasali ang walang-awang pagpatay sa libu-libong mga bata na nahikayat sumali sa Krusada ng mga Bata noong taóng 1212.

14, 15. Papaanong isang autor Katoliko ang nagkomento tungkol sa ipinasok ng Iglesiya Katolika noong ika-13 siglo?

14 Noong ika-13 siglo, ang Iglesiya Katolika Romana ay opisyal na nagbigay-pahintulot sa isa pang kakila-kilabot na kalapastanganan sa Diyos​—ang Inkisisyon. Ito’y nagsimula sa Europa at lumaganap sa Amerika, tumagal nang mahigit na anim na siglo. Palibhasa’y ang papado ang nagtatag at nagtataguyod, ito ay isang nakamamatay-taong pagtatangkang parusahan at lipulin ang lahat ng di-kasang-ayon ng simbahan. Bagaman dati nang pinag-usig ng simbahan ang mga di-Katoliko, ang Inkisisyon ay higit na lalong malawak ang nasasakop.

15 Si Peter De Rosa, na nagsasabing siya’y isang “makabayang Katoliko,” ay nagpapahayag sa kaniyang kamakailang aklat na Vicars of Christ​—The Dark Side of the Papacy: “Ang simbahan ang may pananagutan sa pag-uusig sa mga Judio, sa Inkisisyon, sa pagpatay sa mga erehes nang libu-libo, sa muling pagpapasok sa Europa ng pagpaparusa bilang bahagi ng sistema ng hustisya. . . . Ang mga papa ang humirang at nagpatalsik kahit na sa mga emperador, nag-utos na puwersahang ipasunod ang Kristiyanismo sa kanilang mga sakop sa ilalim ng banta ng pagpaparusa at kamatayan. . . . Kakila-kilabot ang naging halaga nito sa mensahe ng Ebanghelyo.” Ang tanging “krimen” ng ilan na pinatay ay ang bagay na sila’y may Bibliya.

16, 17. Ano ang mga komento tungkol sa Inkisisyon?

16 Tungkol kay Papa Innocent III noong maagang ika-13 siglo, ganito ang sinasabi ni De Rosa: “Tinataya na noong huli at pinakamalupit na pag-uusig sa ilalim ng [Romanong] Emperador Diocletian [ikatlong siglo] mga dalawang libong Kristiyano ang nangasawi, sa buong daigdig. Sa unang napakasamang pangyayari sa Krusada ni Papa Innocent [laban sa “mga erehes” sa Pransiya] makasampung beses ng ganiyang bilang ng mga tao ang pinagpapatay. . . . Nakagigitlang matuklasan na, sa isang dagok, isang papa ang pumatay ng lalong higit na mga Kristiyano kaysa kay Diocletian. . . . [si Innocent ay] hindi naligalig bahagya man tungkol sa paggamit ng pangalan ni Kristo sa paggawa ng lahat ng bagay na tinututulan ni Kristo.”

17 Binanggit ni De Rosa na “sa ngalan ng papa, [ang mga inkisitor] ang may pananagutan sa pinakamakahayop at patu-patuloy na pagdaluhong sa karangalan ng tao sa kasaysayan ng lahi.” Tungkol sa Dominikanong inkisitor na si Torquemada sa Espanya, ganito ang sabi niya: “Hinirang noong 1483, siya’y nagpuno nang buong kalupitan sa loob ng labinlimang taon. Ang kaniyang mga biktima ay umabot sa bilang na mahigit na 114,000 na dito’y 10,220 ang sinunog.”

18. Papaano inilarawan ng isang manunulat ang Inkisisyon, at anong dahilan ang ibinibigay niya para sa pagpapatuloy nito sa mahigit na anim na siglo?

18 Ganito ang pagtatapos ng manunulat na ito: “Ang kasaysayan ng Inkisisyon ay magiging kahiya-hiya para sa anumang organisasyon; para sa simbahang Katoliko, ito ay makapagwawasak. . . . Ang ipinakikita ng kasaysayan ay na, sa mahigit na anim na siglo patu-patuloy, ang papado ang siyang kasumpa-sumpang kaaway ng saligang katarungan. Sa walumpung papa na sunud-sunod mula noong ikalabintatlong siglo patuloy, walang isa man sa kanila ang tumutol sa teolohiya at mekanismo ng Inkisisyon. Bagkus pa nga, sunud-sunod sila na nag-abuloy ng kaniyang sariling kalupitan sa ginawang mga pagpaparusa ng kakila-kilabot na kasangkapang ito. Ang misteryo ay: papaano nga nakapagpatuloy ang mga papa sa pinaaandar na erehiyang ito sa loob ng maraming sali’t-saling-lahi? Papaano nga nila maitatatuwa sa bawat punto ang Ebanghelyo ni Jesus?” Ito ang kaniyang sagot: “Minabuti ng mga papa na salungatin ang Ebanghelyo kaysa ang ‘di-nagkakamaling’ hinalinhan nila, sapagkat iyan ay magbabagsak sa papado mismo.”

19. Ano pang gawang katampalasanan ang ipinagwalang-bahala ng karamihan sa klero?

19 Isang katampalasanan din ang bahaging ginampanan ng klero sa marahas na institusyon ng pang-aalipin. Ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan ay nandukot ng maraming libu-libong Aprikano, kinuha sila sa kanilang sariling lupain upang dalhin sa malalayong lupaing banyaga, at sa loob ng daan-daang taon sila’y pinaranas ng pisikal at mental na kalupitan bilang mga alipin. Kakaunti-kaunti lamang sa mga nasa uring klero ang puspusang sumalungat. Ang ilan sa kanila ay nagsabi pa man din na iyon ay kalooban ng Diyos.​—Tingnan ang Mateo 7:12.

Pagbububo ng Dugo sa Ika-20 Siglo

20. Papaanong ang pagbububo ng dugo ng taong tampalasan ay umabot sa sukdulan sa siglong ito?

20 Ang pagbububo ng dugo ng taong tampalasan ay umabot sa sukdulan sa ating siglong ito. Ang klero ay naging tagapagtaguyod ng mga digmaan na pumuti sa milyun-milyong mga buhay, ang pinakamatitinding digmaan sa buong kasaysayan. Kanilang itinaguyod ang magkapuwa panig sa dalawang digmaang pandaigdig, na kung saan mga tao na kabilang sa iisang relihiyon, “mga magkakapatid,” ang nagpatayan. Halimbawa, sa Digmaang Pandaigdig II, mga Katolikong Pranses at Amerikano ang pumatay ng mga Katolikong Aleman at Italyano; mga Protestanteng Britano at Amerikano ang pumatay ng mga Protestanteng Aleman. Kung minsan, kanilang pinapatay ang mga iba na hindi lamang karelihiyon nila kundi kababayan din nila. Ang dalawang digmaang pandaigdig ay sumiklab sa pinaka-sentro ng Sangkakristiyanuhan at hindi sana nangyari kung ang klero ay sumunod sa utos na mag-ibigan, at turuan ang kanilang mga tagasunod na ganoon din ang gawin.

21. Tungkol sa pagkasangkot ng klero sa digmaan, ano ang sinasabi ng mga pahayagang makasanlibutan?

21 Ang The New York Times ay nagpatotoo: “Noong nakaraan ang lokal na mga herarkiyang Katoliko ay halos laging sumusuporta sa mga digmaan ng kani-kanilang bansa, binabasbasan ang mga kawal at naghahandog ng mga panalangin para sa ikapagtatagumpay, samantalang isa namang grupo ng mga obispo sa kabilang panig ang nananalangin sa madla para sa kasalungat na resulta. . . . Ang pagkakasalungatan ng espiritung Kristiyano at ng pangangasiwa ng digmaan . . . ay waring patuloy na nagliliwanag sa marami, habang nagiging lalong mabagsik ang mga armas.” At ang U.S.News & World Report ay nagsabi: “Ang karangalan ng Kristiyanismo sa daigdig ay lubhang napinsala ng malimit na paggamit ng karahasan ng tinatawag na mga bansang Kristiyano.”

22. Ukol sa ano pa may pananagutan ang klero sa panahon natin?

22 Gayundin, bagaman walang opisyal na Inkisisyon sa ngayon, ginagamit ng klero ang bisig ng Estado upang pag-usigin ang mga “propeta” at “mga banal” na naiiba sa kanila. Kanilang ginipit ang mga lider pulitikal upang ‘bumalangkas ng pananalbahe sa ilalim ng lambong ng batas.’ Sa ganitong paraan, kanilang pinapangyari o inaprobahan ang pagbabawal, pagbibilanggo, panggugulpi, pagpapahirap, at kahit ang kamatayan ng may takot sa Diyos na mga tao sa ating siglong ito.​—Apocalipsis 17:6; Awit 94:20, The New English Bible.

Magbibigay-Sulit

23. Bakit magbibigay-sulit sa Diyos ang taong tampalasan?

23 Tunay nga, sa huwad na relihiyon nasusumpungan ang dugo ng mga propeta, at ng mga banal, at ng lahat ng mga pinatay sa lupa. (Apocalipsis 18:24) Yamang ang pinakamalalang pagbububo ng dugo ay nangyari sa Sangkakristiyanuhan, ang klero ang may pinakamalaking kasalanan. Anong pagkaangkop-angkop nga na ikapit sa kanila ng Bibliya ang tawag na “taong tampalasan”! Subalit ang Salita ng Diyos ay nagsasabi rin: “Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya.” (Galacia 6:7) Samakatuwid, ang tampalasang klero ay magbibigay-sulit sa Diyos.

24. Anong yayanig-sa-sanlibutang mga pangyayari ang pagkalapit-lapit nang maganap?

24 Sinabi ni Jesus: “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:23) At kaniyang sinabi: “Bawat punungkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.” (Mateo 7:19) Mabilis na dumarating ang panahon para sa maapoy na pagpuksa sa taong tampalasan, kasama na ang lahat ng huwad na relihiyon, pagka ang mga pinunong pulitiko na naging kalaguyo nila sa kanilang pagpapatutot ay babaling laban sa kanila: “Ang mga ito ay mapopoot sa patutot at kanilang wawasakin at huhubaran siya, at kanilang kakanin ang kaniyang laman at lubusang susunugin siya ng apoy.” (Apocalipsis 17:16) Yamang ang ganiyang yayanig-sa-sanlibutang mga pangyayari ay pagkalapit-lapit nang maganap, ang mga ito ay kailangang ibalita sa iba, ng mga lingkod ng Diyos. Ang susunod na artikulo ang susuri kung papaano nila ginagawa ito.

Mga Tanong sa Repaso

◻ Ano ang taong tampalasan, at papaano iyon umunlad?

◻ Anong mabuting bunga ang kailangang isibol ng mga tunay na Kristiyano?

◻ Sino ang Babilonyang Dakila, at gaanong kalubha ang kaniyang kasalanan sa pagbububo ng dugo?

◻ Anong kasaysayang kalapastanganan sa Diyos ang nagawa ng taong tampalasan?

◻ Papaanong ang taong tampalasan ay magbibigay-sulit sa Diyos?

[Larawan sa pahina 18]

Ang mga Krusada ay nagbunga ng kakila-kilabot na pagbububo ng dugo sa ngalan ng Diyos at ni Kristo

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng The British Library

[Larawan sa pahina 19]

“Ang lokal na mga herarkiyang Katoliko ay halos laging sumusuporta sa mga digmaan ng kanilang mga bansa”

[Credit Line]

U.S. Army

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share