Pagpapatotoo sa Dako ng Negosyo—Istilong Hapones
ANG utos ni Jesu-Kristo na isagad ang pagpapatotoo hanggang sa “kadulu-duluhang bahagi ng lupa” ay sumasaklaw hanggang sa mga dako ng negosyo. (Gawa 1:8) Sa Hapon, ang pagpapatotoo sa Kaharian sa mga taong nagtatrabaho sa pangmadlang mga ahensiya at mga tanggapan ng malalaking kompanya ay naghaharap ng hamon. Ang mga mamamahayag ng Kaharian sa isang kongregasyon ay nakakuha ng pahintulot na mamahagi ng magasin sa isang gusali ng mga opisina sa siyudad sa panahon ng tanghalian. Ang mga mamamahayag ay hindi lamang nanalangin kay Jehova na bigyan sila ng lakas ng loob kundi nagbuhos ng malaking atensiyon sa kanilang pananamit at paggawi at naghanda pa man din ng mga lapel card na nagpapakita ng kanilang mga pangalan at ipinakikilala sila bilang mga Saksi ni Jehova.
Isang Saksi ang lumalapit sa isang manggagawa, na nagsasabi: “Mawalang-galang po, ako po’y binigyan ng pahintulot na makipag-usap sa mga tao rito. Sang-ayon ba kayo na makinig sa akin habang kayo’y kumakain?” Ang mga Saksi ay kailangang magpakita ng mahusay na pagpapasiya at gumamit ng mga salitang “tinimplahan ng asin.” (Colosas 4:6) Sa kanilang unang pagdalaw, sila’y nakapagpasakamay ng 39 na magasin, ngunit nangailangan ng apat na paglabas upang magawa yaong buong walong-palapag na gusaling iyon na pinagtatrabahuhan ng 1,500 katao. Sila’y nakapagpasakamay ng lahat-lahat mahigit na isandaang magasin at nakapagsimula sila ng mga ruta sa magasin at nakagawa ng pagdalaw-muli.
Isa sa mga mamamahayag ang gumawa ng pagdalaw-muli sa isang manedyer. Nang kaniyang marinig ang isang talatang binasa sa New World Translation, sinabi niya: “Ang Bibliyang ito ay madaling maintindihan. Yaong isang nabasa ko pa noon ay nasa wikang Hapones na lipas na at napakahirap basahin.” Nang sumunod na linggo siya’y dinalhan ng isang kopya ng New World Translation.
Higit pa kaya ang magagawa ninyo sa teritoryo ng inyong kongregasyon upang maipangaral doon ang mabuting balita “sa lahat ng uri ng mga tao,” kasali na yaong nasa mga dako ng negosyo?—Ihambing ang 1 Timoteo 2:4.