Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 3/15 p. 31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kaparehong Materyal
  • Patuloy na ‘Makinig sa Kaniya’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Kaharian ng Diyos—Nakukuha Mo ba ang Diwa Nito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • “Ang Maluwang at Madaling Daan”
    Gumising!—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 3/15 p. 31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

◼ Dapat ba nating isipin buhat sa Mateo 7:13, 14 at Lucas 13:24 na kahit na sa pagkabuhay-muli, karamihan ng tao ay tatanggi sa tunay na pagsamba?

Hindi, ang mga talatang ito ay hindi umaalalay sa ganiyang konklusyon. Bagkus, ang mga ito ay pantanging tumutukoy sa pagtatamo ng buhay sa makalangit na Kaharian.

Ang mga salita ni Jesus sa Mateo 7:13, 14 ay bahagi ng Sermon sa Bundok. Sinabi niya: “Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang nagsisipasok doon; samantalang makipot at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakasusumpong niyaon.”

Karamihan ng sinabi ni Jesus sa okasyong ito ay may kaugnayan lalung-lalo na sa makalangit na Kaharian. Halimbawa, siya’y nagsimula sa mga pananalitang: “Maligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit.” Kaniyang sinabi na ang malinis ang puso ay “makakakita sa Diyos” at na “ang kaharian ng langit” ay para sa mga “pinag-uusig alang-alang sa katuwiran.” (Mateo 5:3, 8, 10) Sa may bandang huli ng pahayag ding iyon, binanggit ni Jesus ang maluwang na daang patungo sa kapahamakan at ang makipot na daang patungo sa buhay. Bilang isang bahagi, isinusog niya: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaong gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”​—Mateo 7:13, 14, 21.

Ang kahulugan ng Lucas 13:24 ay nahahawig dito, gaya ng ipinakikita ng konteksto. Si Jesus ay nagbigay ng dalawang ilustrasyon tungkol sa “kaharian ng Diyos.” Nang malaunan, siya ay tinanong: “Panginoon, ang mga maliligtas ba ay kakaunti?” Ang tugon ni Jesus: “Kayo’y puspusang magsumikap na pumasok sa pintuang makipot, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magtatangkang pumasok ngunit hindi makapapasok.” Ang “marami” ay tumutukoy sa mga taong nakikiusap na sila’y papasukin pagkatapos na maipinid at masusian ang pinto. Ang mga ito ay “mga manggagawa ng kalikuan” na hindi nakapasa upang makasama “ni Abraham at ni Isaac at ni Jacob at ng lahat ng mga propeta sa kaharian ng Diyos.” Ang “marami” ay nag-akalang sila’y siyang mga mauuna “sa kaharian ng Diyos,” subalit ang totoo sila’y magiging huli, maliwanag na ang ibig sabihin sila ay hindi kailanman makapapasok doon.​—Lucas 13:18-30.

Ipinakikita ng konteksto na si Jesus ay tumutukoy sa pagpasok sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Ang mga pinunong Judio noon ay malaong nagtamasa ng pribilehiyadong katayuan, na may kaugnayan sa Salita ng Diyos. Kanilang inakala na sila’y mayaman sa espirituwal at matuwid sa paningin ng Diyos, kung ihahambing sa mga karaniwang tao, na inaakala nilang mabababang-uri. (Juan 9:24-34) Gayunman, sinabi ni Jesus na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot na tumatanggap sa kaniyang mensahe at nagsisisi ay makapagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos.​—Ihambing ang Mateo 21:23-32; Lucas 16:14-31.

Ang karaniwang mga tao na naging mga alagad ni Jesus ay nakahanay na tanggapin bilang espirituwal na mga anak nang mabuksan ang daan para sa mga uring makalangit noong Pentecostes 33 C.E. (Hebreo 10:19, 20) Bagaman ang lubhang karamihan ay nakinig kay Jesus, yaong mga tumanggap sa kaniya at sa bandang huli’y nagtamo ng makalangit na pag-asa ay kakaunti. Subalit ang munting kawan ng mga taong inianak-sa-espiritu na tumanggap sa gantimpalang iyan ay maihahalintulad kay Jacob na nakahilig sa isang mesa sa langit kasama ni Jehova (ang Lalong-dakilang Abraham) at ng kaniyang Anak (inilarawan ni Isaac). Dahil sa katiyakang iyan ay karapat-dapat naman na puspusang magsumikap ang isa, ngunit karamihan ng nakinig kay Jesus ay hindi gumawa ng gayon.

Kaya naman, makikita natin buhat sa konteksto sa kapuwa banggit na iyan na ang mga sinabi ni Jesus (tungkol sa kakaunti ang nasa makipot na daang patungo sa buhay at naliligtas) ay may kaugnayan lalung-lalo na sa pagkakaroon ng pagsang-ayon ng Diyos sa panahong iyon na Kaniyang inialok ang pag-asang buhay sa langit. Kakaunti sa mga nakapakinig sa mensahe ng katotohanan at nakaalam ng kahilingan ang tumugon at nagpatunay na tapat.​—Mateo 22:14; 24:13; Juan 6:60-66.

Kapuna-puna na kahit na sa ngayon, na maaari nang basahin ang buong Bibliya at saganang natutupad ang kinasihang mga hula tungkol sa mga huling araw, kakaunti kung ihahambing ang tumutugon sa mensaheng Kristiyano at nagtitiis ng paglilingkod kay Jehova. Ito’y kasuwato ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa iba’t ibang lupa. Sinabi niya na may ilan na makikinig sa “salita ng kaharian,” ngunit aagawin ni Satanas ang inihasik sa kanila. Ang iba naman ay tatanggap ng salita nang may kagalakan subalit balang araw ay itatakwil iyon dahilan sa kapighatian o pag-uusig. Ang iba naman ay hindi magbubunga dahilan sa “kabalisahan sa sistemang ito ng mga bagay at sa mapandayang kapangyarihan ng kayamanan.”​—Mateo 13:18-23.

Matitiyak natin na iyon ay magiging lubhang naiiba pagka angaw-angaw ang binuhay-muli sa Araw ng Paghuhukom. Sa panahong iyon si Satanas ay nakakulong at hindi niya maaagaw ang mga binhi ng katotohanan na inihasik sa kanilang puso. Sila’y hindi na daranas ng pag-uusig o ng kabalisahan ng kasalukuyang balakyot na sistema. Sila’y tuturuan sa isang matuwid na kapaligiran, na napalilibutan ng kahima-himalang gawa ng Diyos, kasali na ang pagkabuhay-muli ng mga patay at ang pagpapagaling sa mga bansa. Ipagpalagay natin, ang iba ay hindi rin tutugon kahit na gayon. (Ihambing ang Juan 11:45-53.) Subalit may mabuting dahilan na isiping ang karamihan ay makauunawa ng salita, tutugon dito, at maliligtas.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share